Pabatid Tanaw

Saturday, May 21, 2011

Alamin ang Iyong mga Relasyon


Pakaisipin itong mabuti: Mga Relasyon at Koneksiyon
   
 Panahon ng mga kapistahan ngayong buwan ng Mayo, at isa sa mga magdiriwang ay ang aming Barangay Kupang dito sa Lungsod ng Balanga, sa Bataan. Tuwing huling Linggo ng Mayo, ay buong kasiglahan na idinaraos namin ang araw ng pasasalamat na ito sa aming mahal na Patrong HesuKristo. Sa araw ding ito, kami ay nagkakasama-sama at nagbabalitaan ng aking mga kamag-anak na nanggagaling pa sa malalayong lalawigan, pati na ang mga kaibigang bihira naming masilayan ang isa’t-isa. At katuwang din ang mga kasamahan at kakilala na nagnanais na makiisa at makipagdiwang sa mahalagang araw na ito para sa lahat.

   Dito namin nabibigyan ng pagkakataon na sariwain at isaayos ang mga namamagitan sa aming pakikipag-relasyon sa bawa't isa. Matapos ang isang masaganang pagsasalo sa hapag-kainan, isang siyesta naman ang mag-umpukan kami at magkakuwentuhan. Ito rin ang nagsisilbing pambigkis upang lalong tumibay ang aming pagsasamahan at pagtutulungan. Magandang tradisyon ang kinamulatan nating ito mula pa sa ating mga ninuno tungkol sa relasyon sa malalapit sa atin at maging sa ating mga samahan sa pamayanan.

   Batay sa aking nasaksihan, naranasan, at napatunayan upang magkaroon ka ng tumpak at nakatitiyak na pananagumpay sa anumang larangan na iyong pinasok, ang relasyon sa iyong kapwa ang pinakamahalaga sa lahat. Sapagkat isang katotohanan na ang mga taong may malakas na pagkiling at pananaw sa pakikipag-relasyon sa kapwa; ay masisigla, masayahin, malusog ang mga pangangatawan, at puno ng pag-asa sa buhay. Hindi katakatakang maging maunlad at maligaya rin sila sa pamumuhay.

Tungkol Ito sa Iyo

   Laruin natin ito nang ilang sandali upang mahagilap natin kung may katotohanan ito sa iyong buhay at may sistemang solido na sumusuporta sa iyo na nakahanda sa mga kaganapan sa ngayon.

Mga Katanungang naghahanap ng mga mahahalagang kasagutan (Mga paglalarawan, mga pangyayari, at mga paghahanda):


 SINO SILA?

Sino ang kauna-unahang tumutulong sa iyo at sa iyong sariling pamilya sa panahon nang iyong mga pangangailangan ng pagkalinga mula sa iba?
   Kapag ikaw ay nasa kagipitan at wala nang masulingan?________________________________________________
   Nalagay sa panganib mula sa isang sakuna, sa di kanais-nais na kalagayan o pangyayari?_____________________________________
   Tumanggap ng paanyaya mula sa hukuman mula sa isang reklamo o demanda laban sa iyo? __________________________________________

Sino ang iyong nilalapitan kung nais mong isangguni ang natanggap mong masamang balita?
  Sa mabuting balita? ________________________________________
  Sa tinanggap na gantimpala o papuri?_______________________________________________
  Sa tinamo mong kalapastanganan na nais mong idulog sa hukuman; tulad ng mga panglalamang, mga pagsasamantala, at mga pandaraya na ginawa sa iyo? __________________________________________

Sino ang iyong mga pupuntahan kung nais mong makipagsaya, makipagkuwentuhan, at makipagtawanan?___________________________________________________________________
   Sa mga inpormasyong kailangang ipabatid? _____________________________________________
   Sa mga natatanging pagtitipon at selebrasyon sa pamayanan? ________________________________
   Sa mga pangyayari at mga pagkakataon na kailangang isaayos kaagad? _________________________

Kanino ka makikipag-talakayan sa mga napapanahong kaganapan sa iyong kapaligiran? _________
   Sa mga ugnayang panglipunan?_______________________________________________________
   Sa mga kawanggawa na nais mong makiisa?_____________________________________________
   Sa mga pagbabagong nais mong isakatuparan sa iyong pamayanan?_______________________

Sino ang iyong malapit na kapuso, yaong pati kasaysayan ng iyong lola ay maikukuwento mo? _____
   Sa mga katanungan tungkol sa pag-ibig? ________________________________________________
   Sa mga nasabing kaibigan daw na mga balimbing at makati ang mga dila? _____________________
   Sa mga usaping nauukol sa diwa, kaluluwa, at Makapangyarihang Diyos? _____________________

Sino ang talagang kapanalig mo kapag inaanod ka sa pagdadalamhati at panggigipuspos? _________
   Kahit anong kalagayan, panahon, at pangangailangan ay dumarating ito? _____________________
   Kahit hindi mo inaanyayahan o pinagsabihan ay may kusang pagtulong sa iyo? _________________
   Numero uno mong kalaban at tagapuna kapag ikaw ay nasa maling daan at kinawiwilihan na ito?_____

Sino ang iyong nilalapitan at hinihingan mo ng payo ng walang pagtatatwa at pagsusumbat?_______
      Sa iyong pamilya, sino ang iyong pinakamalapit na kaanak? _________________________________
      Sa mga kaibigan, sino ang pinakamalapit sa iyo? __________________________________________
      Sa mga tagapayo o kasanggunian mo, kanino ka nakakatiyak sa iyong kaligtasan? ________________
     
Sino ang iyong tagapagturo o mentor sa iyong buhay? ________________________________________
     Dati mo bang guro sa eskuwela, pinuno sa isang samahan o pamayanan? ______________________
     Paborito mo bang Pastor, Pari, o Ministro? _______________________________________________
     Paborito mo bang tiyuhin, nakatatandang pinsan, matandang kapitbahay? ______________________
  
Marami pang katanungan tungkol dito, kaya lamang kinakapos na tayo sa pahina at naaabala ko na ang iyong mahalagang sandali.

Pagwawakas po ito: sa biglang tanong,
   
   Pakibigkas nga ng walang pag-aatubili at kagatol-gatol,
“Sino ang tatlong tao na walang hintong sumusuporta sa iyo
sa panahon ng iyong mga pangangailangan?

   Nasa loob ng balangkas ng ating sariling pamilya kung saan ang kaligtasan at kapayapaan ay nagsisimula. Narito ang ating mga natatanging pamana sa kaugalian, damayan, pagkakaisa, at pagmamalasakit na isinasalin naman natin sa ating mga sumusunod na henerasyon.  Marami ang nagtatagumpay sa kanilang negosyo at mga larangang pinasok, subalit mangilan-ngilan lamang ang naglalaan ng mahalagang panahon at nakapagtatatag ng isang ulirang pamilya.

  Sa pagdiriwang natin ng mga kapistahan sa ating buong kapuluan, ang mga pamilya na nakakagawa ng pagdadaupang-palad na tulad nito ay higit na kapuri-puri at nararapat na pamarisan. Ang pamilya ay ang pinakabansa ng puso, ito ang isang pambihirang ugnayan sa ating pagkatao na umuugit sa ating pagkakilanlan kung sino tayo. Ito ang sagisag na ating patnubay upang magkaroon ng ibayong pananalig at pagtitiwala sa mga sarili.

Pakatandaan lamang; ang mga taong malalapit sa iyo, ay siyang pinanggagalingan ng lahat ng iyong kaganapan, gumigising, bumubuhay, nagliligtas, nagpapasigla at nagpapasaya sa iyong buhay. Huwag ding kalimutan, sila rin ang pumupuna, pumipintas, nambabatok, at nanggagalaiti kapag ikaw ay nagiging hangal.

Nais ko lamang na ikaw ay pukawin at gisingin sa napakahalagang bagay  na ito sa relasyon. Ang matayog kong hangarin sa aking sarili ay siya ko ring pinakahahangad na mangyari din sa iyo --- na magpatuloy na magising, magsaliksik, matuto, umunlad, at maging maligaya sa buong buhay.

Umaasa akong ang mensaheng ito ay nakapagdulot na kaalaman sa iyong pananaw sa nararapat na paghahanda upang higit mong makilala ang iyong sarili sa makabuluhang pakikipagrelasyon sa iba.


Maraming salamat sa munting pakikipag-relasyon na ito sa iyo.


Ang iyong kabayang Tilaok,

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan










No comments:

Post a Comment