Pabatid Tanaw

Sunday, April 17, 2011

Ang Kapatiran



   Ang iyong pang-unawa sa buhay, ang iyong pagkilatis sa sarili, ang iyong kabatiran sa iyong kahalagahan ay pangkalahatang kinulayan ng kapaligiran. Anuman ang iyong ginagawa, kinahaharap, at pinag-uukulan ng atensiyon ngayon; ay patuloy na binabago, inaayos, hinuhubog ng mga nakapaligid sa iyo, ng mga katauhan at pag-uugali ng mga taong nakakadaupang-palad mo sa araw-araw.

    Dito nakasalalay ang iyong ikatatagumpay at ikabibigo. Hangga't walang kang kabatiran ukol dito, patuloy ang iyong pangungulila, pagkabagot, at pagkainis. "Inis-talo" o "galit sa mundo" ang tawag nito. Hindi ito naaayon sa angking kapalaran na tatahakin mo.


   Pagdating sa pinakamahalagang bahagi ng buhay---ang ating mga pakikipag-kapwa o relasyon---ang isang pamantayan at malapit sa ating puso. Sapagkat dito natin natutuklasan kung sino tayo, at nababatid kung anong uri at kahalagahan mayroon sa ating sarili pagdating sa iba.

   Kung sino tayo ay buong linaw na ipinababatid  sa uri ng ating mga relasyon.  Kailangan matagpuan muna natin ang ating mga sarili bago natin baguhin ang ating kapaligiran, at ito’y tuwirang magaganap lamang sa pakikipag-relasyon sa iba. At tanging sa pagkakaisa lamang ito masusumpungan. Sapagkat matagumpay ang marami kaysa iilan lamang.


   Sa pakikihalubilo sa ating kapwa, nagagawa nitong makita, maarok, at madama ang mga emosyon o simbuyo ng damdamin ng iba at linangin ang pangunahin at naiibang emosyon sa lahat, ang pagmamalasakit.

Ano ang Pagkakaisa? 

   Ang pagkakaisa ay ang kakayahang magsama-sama at matibay na magbigkis sa isang layunin. Mula dito ay sisibol ang isang samahan na may diwang kapatiran; na magkasamang nagdadamayan, magkasamang nagtutulungan, at magkasamang nagtatagumpay. Sa hirap man o ginhawa, sa kaligayahan man o kapighatian, hindi ito mga balakid kung patungo ito sa kabutihan at kaunlaran ng lahat.

   Nasa pagkakaisa nalilinang at naipapakilala ang angkin nating pagkatao. Nasa pakikipag-unawaan, ugnayan, pagbibigayan, pagtanggap at kahalagahan nito sa lahat ng sandali kaysa sa labas ng ating sarili mayroon man o wala ito. Lahat tayo ay nabubuhay sa mga relasyon; sa patuloy na pakikiisa sa iba. Katulad ito ng puwersa ng batubalani. Bawat bagay, sa ubod ng kalikasan nito, ay nagpupumilit na batakin ang iba pang mga bagay patungo sa kanya. Maging alam natin o hindi ito, tayo ay may relasyon sa lahat ng mga bagay sa sansinukob.

   Magkakahiwalay man ang mga gawain, katungkulan, at larangang ginagalawan; subalit kapag magkasama sa isang layunin, kahit katakataka man ay makakayang gawin. Ito ang kapatiran.

Ano ang hangarin ng Kapatiran?

  Ang hangarin ay bumuo ng isang samahan at magkaisa sa isang layunin. saan ka mang panig ng daigdig naroroon ay magagawa mo ito. Hangga't dinadaluyan ka ng diwang kayumanggi, ay kusang sumisibol ito sa  iyong pagkatao. Yaon lamang pipi, bingi, bulag, at nagtutulog-tulugan ang mga manhid ang hindi nakadarama ng mga simbuyong ito.

   Tulad ng isang tinting; kapag isinama sa maraming tinting at binigkis, makapagwawalis ito---nagkakaroon ng kabuluhan at kaibahan.

Sa isang kapatiran, nagkakaroon ito ng kakayahang gamitin ang mga katangian ng bawat isa, tungo sa pangkalahatang bayanihan at kaunlaran. Malaki at marami ang nagagawa kapag nagkakaisa. Anumang problema o alalahanin, nagiging mabilis ang mga pagkilos, pag-aaral, pagpa-plano, at mahusay na pagpili ng kapasiyahan kapag nagsama-sama ang maraming utak sa paglutas nito.
   Hangga’t magkakasanib ang diwa, mananatili ang pagpupunyagi na magtagumpay. Ang lahat ng kasapi sa kapatiran ay kumikilos sa ikatatagumpay ng adhikain ng samahan. Naniniwala ang bawat isa sa ugnayan, talakayan, at makabuluhang pagkilos. Ang mga ito ay mangyayari lamang sa pakikipagtulungan ng lahat.
   Gaano man ang pagkakaiba at antas sa kalagayan, edukasyon, kaalaman o karanasan, hindi ito sagwil o makahahadlang sa kapatiran. Sapagkat ang lahat ay nagpapahalaga at nagmamalasakit sa bawat isa. Habang nakalaang maglingkod ng tapat at tumutulong sa kakayahan ng bawat isa, makakalikha ng pangkalahatang diwa ng kapatiran sa samahan.
  Ang lalim ng  pananalig ng bawat isa na makipagtulungan at matupad ang layunin ng samahan ay kritikal na sangkap sa ikakatagumpay ng kapatiran. Ang mga relasyong mabubuo mula sa pananalig na ito ang siyang susi sa pagtataguyod, ikata-tatag, at ikata-tagumpay ng kapatiran.

Bakit Kailangan ang Kapatiran?

   Walang nabuhay na mag-isa. Walang tao na nakapangyayari sa pamamagitan lamang ng kanyang sarili. Lahat tayo ay magkaka-ugnay at katulad ng mga dahon ng maraming sanga sa nag-iisang puno, lumilikha ito ng higit pa sa sarili. At ang punong ito kahalo ng maraming pang puno ang bumubuo ng isang kagubatan na siya namang nagbibigay luntian ng isang kabundukan. Matayog, matibay, at lubos na nagpapakilala. May sapat na kakayahan at kahalagahan. Gaano man kaliit; kapag nagkasama, lumalaki at gumagawa ng malaking pagkakaiba.

   Ang gawaing makabuluhang gawin, ay makabuluhang sama-samang gawin.

   
   Ang maunawaang ganap ang namamagitan sa pakikipagniig ay mahalaga, sapagkat ang kalidad o kahusayan ng ating pagkakalitaw ay nakabatay sa kalidad o kahusayan ng ating mga relasyon. Anuman ang ating pinaniniwalalan, kung sino tayo, at kung ano ang kalalabasan natin o mangyayaring katauhan mula dito ay isinisiwalat sa pamamagitan ng ating pakikitungo sa iba. 

   Masusukat sa ating mga asal at gawi kung anong pagkatao mayroon tayo, at 90 porsiyentong ulit ang mga asal at gawing ito ay nakapaloob sa malalim at wagas na pakikipagkapwa.



   Bahagi tayo ng lipunan, at bilang pakikisalamuha sa iba, nananabik tayo na may makasama, may makausap, may makaniig, at hinahanap-hanap na may makapiling sa lahat ng sandali. Ang magkaroon ng koneksiyon sa iba ay isang kaligayahan. Kaya lamang, kadalasan ay nauuwi ito sa masamang pag-uugali na sumasalungat sa ating kakayahan na magkaroon ng magandang relasyon. Madalas nagtatapos ang lahat sa pag-iisa, nakahiwalay, at “galit sa mundo.“ 

   Papaano tayo matututo na manatili sa isang relasyon na laging gising at higit na naliliwanagan?

   Sulyapan ang ating mga sarili kung sino tayo sa pamamagitan ng ibayong pagmamasid kung papaano ang ating mga relasyon sa isa’t isa. Masusing alamin ang namamagitang relasyon kung ito'y naaayon sa hinahangad mong kaganapan ng iyong kapalaran. Sapagkat nakasalalay dito ang katiwasayan at patuloy mong kaligayahan. Hindi mo magagawa itong mag-isa. Kailangan mo ng partisipasyon ng iba upang ito'y mangyari. At habang dumarami ang iyong karelasyon, higit na nadaragdagan at napapabilis ang pagsulong ng iyong pagkatao.

   Malaki ang nagagawa ng marami kaysa nag-iisa. At lahat ng ito’y may kaganapan lamang, kung magsisimula sa isa. Ikaw mismo ang simula ng lahat.
   Ikaw, siya, ako, tayong lahat kapag magkakasama, ang magsisimula nito. At kung walang magsisimulang kumilos.
   Sino ang kikilos para sa atin?
   Papaano, kapag dumating ang sandaling kailanganin natin ang tulong ng iba?
   Sino sa iyong palagay ang makakatulong sa iyo? 
   Mananatili ba tayong biktima habang buhay?
   Watak-watak, at laging pinagsasamantalahan?

Mga tanong ng naghihintay ng kasagutan.

   Ito ay nasa Pagkakaisa --- ang Kapatiran



   Lahat tayo ay magkakapatid; Isang diwa. Isang lahi. Isang bansa . Marapat lamang na ang taguri nito’y Kapatiran.
   Tayo ay isa, sadyang isa lamang, ikaw at ako. IsangPilipino. Magkasama sa hirap at ginhawa. Sa lahat ng sandali ay magkasama na nabubuhay, at magpakailanman ay patuloy na nililikha ang bawat isa sa koneksiyong ito.

  Ang buhay ay walang hinto, ito’y patuloy na proseso patungo sa pagtuklas ng iyong sarili. Kailanma’y hindi pa huli upang ito’y mapasimulan. Hangga't wala ito sa iyo ang pangunahing layunin mo na makilala at maunawaan ang tunay mong katauhan ay hindi tuluyang magaganap.Kapag wala kang wagas na kabatiran sa iyong pagkatao, kailanman hindi mo magagawang lubos na makipag-ugnayan sa ibang tao.

  Ang pakikiisa at pagkakaroon ng kapatiran ay para sa iyo. Lahat ng ito'y tungkol sa iyo. Dahil lahat ng iyong pakikipagkapwa o ginagawang relasyon sa iba ay umiikot at nagtatapos tungkol sa: IYO.

Ikaw ang Katangi-tanging Anak na Wagas
   Ikaw ang pinakamahalaga at simula ng bawat uganayan, unawaan, pagkakaibigan, pagtutulungan at damayan. Sapagkat kung wala ka sa mga relasyong ito, kailanma'y hindi ito magaganap. Dahil bahagi ka ng prosesong ito ng kapatiran, ikaw ang may karapatan at may kontrol nito.  Marapat lamang na kumilos ka at simulan ito upang mangyari.

   Makiisa, gumawa ng nararapat na hakbang at magkaisa sa isang layunin. Ito ang iyong nakatakdang kapalaran.

              Ang maglingkod ng tapat, ay pagsasamang maluwat. 


 


    Pakatandaan lamang: Ang tagumpay ay walang halaga kung wala tayong mapaghahandugan nito. Hindi ganap ang anumang pagdiriwang at pagbubunyi kung wala kang kapiling. Ang pinakamahalagang emosyon o damdaming nanaig sa atin ay ang makipag-ugnay sa iba. At higit itong katanggap-tanggap kung ang turingan ay bilang magkakapatid.

Ang inyong kabayang Tilaok,

                                                      Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment