Pabatid Tanaw

Sunday, January 30, 2011

Masayahing Buhay


   Minsan, isang batang babae ang naglalakad sa may hardin nang mamataan niya ang isang kawag ng kawag na paruparo na nakatusok sa isang tinik ng rosas. Gaano mang pagpupumilit nito na makalipad ay hindi makaalis sa tinik ang kanyang pakpak. Nilapitan niya ito, maingat at buong pagsuyong pinakawalan. Ang paruparo’y mabilis na pumagaspas paalis, subalit umikot at dagliang nagbalik. Dumapo ito sa malaking sanga at biglang naging isang magandang engkantada.
   "Para sa kabutihan ng iyong puso,” ang wika niya sa batang babae, “Pagkakalooban kita ng isang minumutya mong kahilingan.”
   Ang batang babae bagamat nabigla sa pangyayari nang ilang sandali ay tumugon, “Ang nais ko po ay maging masaya ako sa tuwina.”
   Ang engkatada ay lumapit at hinalikan sa noo ang batang babae at saka may ibinulong dito. Maya-maya pa’y bigla na itong naglaho.
   Habang ang bata ay lumalaki sa kanilang pamayanan, walang sinuman ang nakahigit sa kanya sa pagiging masayahin. Kailanman, sa tuwing may nagtatanong sa kanya tungkol sa lihim niyang kaligayahan, pawang ngiti lamang ang isinusukli nito at paliwanag na, “Nakinig lamang ako sa payo ng isang mabuting engkantada.”
   Dumating ang panahon na ito’y matanda na, at nangamba ang kanyang mga kanayon na ang pambihirang lihim ay yumao ding kasama niya. Halos sa araw-araw ay marami ang pumapasyal sa kanyang bahay upang makiusap na malaman ang lihim ng kanyang pagka-masayahin.
   “Ihabilin mo sa amin ang lihim, bigyan mo kami ng pagkakataon na sumaya ring tulad mo,"ang pakiusap ng mga ito. “Maaari bang ipagkatiwala mo sa amin ang lihim?” ang pagmamakaawa nila.
   “Ipaalam mo sa amin ang binigkas ng engkantada,” ang paulit-ulit nilang pagsusumamo.
   Muling napangiti ang ngayon ay isa nang maganda at matandang babae, at sa wakas ito’y masiglang nagwika, “Ang payo sa akin ng mabuting engkatada ay ito:  
    “Bawat isa, gaano man ang kaniyang katiyakan at antas sa buhay ay kailangan ako.”
   “Binuksan nito ang aking mga mata, at mula noon ginawa ko ng patakaran sa buhay ang maglingkod sa aking kapwa. Ito ang nagpapaligaya sa akin saanman ako naroroon,” ang dugtong pa nito.

Lahat tayo ay kailangan ang isa’t-isa.
Malasin ang mga tao na mabubuti at magaganda, maging sila ma’y nagsusumigasig na magampanan ito.
Ikaw ang pinakasentro sa lahat mong mga pakikipagkapwa, kaya nga ikaw ang may pananagutan sa iyong pansariling kabatiran, pag-unlad, kaligayahan, at kaganapan. Huwag asahan at hintaying manggaling ang mga bagay na ito mula sa iba. Kailangang mabuhay ka na parang nag-iisa, at ang iyong mga kapwa ay mga tanging handog na ipinagkakaloob at nakakatulong sa iyo upang pagyamanin ang iyong buhay.

No comments:

Post a Comment