Pabatid Tanaw

Friday, January 14, 2011

Kawikaan 301: Mga Patnubay sa Buhay


   Naritong muli ang panibagong 100 na mga Kawikaan, na magdudulot ng malinaw na paglilimi at ibayong inspirasyon. Mga maikling pangungusap na makahulugan na nagbibigay aral at patnubay sa araw-araw tungo sa tagumpay. Nagsisilbing tanglaw sa ating mga pag-aalinlangan at pangangapa sa karimlan. Naglalaman din ng ilang bilang mula sa pitak ng Piliang Patawa, dahil ang pagtawa ay mabisang lunas sa pagkabagot at karamdaman.
   Upang matagpuan mo ang iyong tinutuklas sa mabatong landas ng buhay, ang mabisang panuntunan sa lahat ay ang nagsasaad na: “Huwag mag-iiwan ng batong hindi ibinaligtad.”

                                                                                                            Jesse N. Guevara
                                                                                                           AKO, tunay na Pilipino
                                                                                                           Lungsod ng Balanga, Bataan
                                                    

301- Ang bukas ay walang katiyakan --- walang nakakaalam nito.
        Ang araw na ito lamang ang inihandog sa ating harapan.
        Pagyamanin natin ito, tayo'y magdiwang at magpakaligaya.

302-  Kapag naisipan mong magbalik sa dating bayan, matatagpuan
         mong hindi ang dating tahanan ang nawala, bagkus ang iyong
         kamusmusan.



303- Bigyang mo lamang ako ng matutuntungan, at pagagalawin ko ang lupa.

304- Ang ahas ay ahas, tawagin mo man ito na ginoong ahas, 
         ahas pa rin ito.

305- Lahat ng trahedya ay natatapos sa kamatayan, subalit lahat ng komedya ay nagsimula 
        sa pag-aasawa. 

306- Ano ang aking gagawin, kung anim na buwan na lamang ang natitira sa aking buhay?
         "Dadagdagan ko pa ang paglilingkod sa aking kapwa." 

307- Ang kasaysayan ay bugkos na mga kasinungalingan na sinang-ayunan. 

308- Sa pagtunghay sa pahayagan, inuuna ko ang pahina ng palakasan, narito ang mga taong
        nagtagumpay. Sa pabalat na pahina, pawang mga kabiguan, kamalasan, at ang patuloy na
        kabangisan ng mga tao. 

309- Maaliwalas at maligaya ang buhay, kapag nakalaan ito sa paglilingkod sa kapwa. 

310- Mayroon lamang dalawang panahon na nais kong makapiling ka – Ngayon at Magpakailanman. 


311- Madaling makatanggap ng pagpapatawad, kaysa sa pahintulot.

312- Ang daigdig ay lubusang naging kaibig-ibig, sapagkat nandito ka. 

313- Hindi natin naa-alaala ang mga araw, bagkus ang maliligayang sandali.  

314- Ang edukasyon ay nangangailangan ng salapi, subalit higit pa ang kamangmangan.

315- Walang nakatakda: Lahat ng mga balakid sa iyong nakaraan, ay nagsisilbing mga landas patungo
         sa mga bagong simulain. 


316- Nagdiyeta ako sa loob ng dalawang linggo, at ang nawala sa akin ay dalawang linggo.

317-  Mabisa mong gampanan ang iyong mga gawain, at ang iyong kinabukasan ay may katiyakan.

318-  Higit akong alagad ng sining kapag malaya kong nagagamit ang aking imahinasyon. 
         Mahalaga ito kaysa sa kaalaman. Ang kaalaman ay limitado. Ang imahinasyon ang 
         nagpapaikot sa daigdig.

319- Kapag wala kang salapi, ang problema ay pagkain. Kapag mayroon kang salapi, ito’y kamunduhan. 
        Subalit kapag mayroon ka nang salapi at kamunduhan, ang problema mo naman ay kalusugan.

320-  Ito ay resesiyon kapag nawalan ng trabaho ang iyong kapitbahay; at depresyon naman 
         kapag nangyari sa iyo.



321- Ang buhay ko pagdating sa pag-ibig ay masaklap. Ang huling pangyayari na nasa loob ako
        ng isang babae ay nang pumasok ako sa rebulto ng ‘Statue of Liberty.’

322- Gawing karaniwan ang lahat hanggat maaari, subalit hindi ang maging pangkaraniwan.

323- Ang kapangyarihan ng imahinasyon, ay ginagawa tayong walang hanggan.

324- Ang panahon ay laging tama doon sa paggawa, kung ano ang tama.

325- Huwag payagan ang sinuman na kutyain ka, at humantong ito na kamuhian mo siya.



326- Kailangang dalisay ang kaparaanang ating ginagamit,
         at kahalintulad ito ng ating nilulunggati. 

327- Ang araw na walang sumilay na ngiti sa iyong mga labi, ay araw
         na nasayang. 

328- Una, bigkasin mo sa iyong sarili kung ano ang magagawa mo sa
         iyong pagkatao; at matapos ito, kaagad isagawa ang nararapat.  


329- Noong una’y hindi ko talos ang tunay na kaligayahan bago ako nag-asawa; nang matuklasan ko, sa
         tagpong ito ay huli na ang lahat.

330- Masaya yaong mga nangangarap ng mga lunggati at nahahandang magpakasakit, upang maging
        makatotohanan ang mga ito.


331- May mga tao na nagsasalita habang natutulog. At kapag may nagsasalita naman, marami
        ang nakakatulog.

332- Kung nais mo ng pagbabago, simulan mo sa iyong sarili.

333- Ang mga balakid ay yaong mga nakatatakot na mga bagay na iyong nakikita, kapag inalis mo 
        ang pagtunghay sa iyong patutunguhan. 

334- Walang bagay na mahirap, kapag binahagi mo ito sa maliliit na gawain. 

335- Walang madaliang mga landas, sa mga dakilang katuparan ng buhay. 



336- Wala siyang kaalaman, at iniisip pa niya na nalalaman niya ang lahat. Maliwanag na 
         pagpapatunay ito na magiging pulitiko siya.

337- Kailanman ang kalikasan ay hindi tayo dinadaya, tayo ang siyang dumadaya sa ating mga sarili.

338- Kung nakapagtayo ka ng mga kastilyo sa hangin, ang iyong mga gawa ay hindi kailangan mawala.
         Doon sila nararapat. Ngayon maglagay ka ng pundasyon sa ilalim ng mga ito.

339- Ang tagumpay ay ang abilidad na makatindig mula sa isang kabiguan, at humarap sa panibagong
         pagsubok nang hindi nababawasan ang iyong kasiglahan.

340- Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan.
          Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng 
          pagkakapatiran.


341- Tayo lamang sa mga hayop, ang pumapayag na bumalik sa ating tahanan ang ating mga anak.

342- Kapag may ginagawa akong tama, walang isa man ang makaalaala. At kapag akoy namamali naman, 
         Walang sinuman ang dito'y makakalimot.

343- Ang katapangan ay katumbas ng paghahambing sa pagkatakot at pagtitiwala.

344- Ang mahalagang bagay, ay huwag tumigil sa pagtatanong.

345- Habang lumalawak ang kaalaman; at madaling makuha ito ng mga tao, lalong malaganap 
        ang paghina ng paniniwala sa relihiyon.


346- Walang masama sa mga relihiyon, ang mga umuugit dito ang nagpapasama. 

347- Lumilikha tayo ng pamumuhay sa ating nakakamit,
         subalit nakakalikha tayo ng buhay sa ating ibinibigay. 

348- Ang tagumpay ay isang paglalakbay, hindi isang patutunguhan.

349- Hindi natin maibabalik ang kahapon. Ang magagawa lamang natin ay ang pagindapatin ang araw na ito, 
        at masiglang harapin na may pag-asa ang bukas.

350- Wala nang hihigit pa sa walang pag-asang pagkaalipin, kaysa doon sa may maling paniniwala 
         na sila ay malaya.


351- Ang tao na maligayang namuhay ay hindi yaong may maraming taon
        sa kanyang buhay, bagkus yaong may mayamang karanasan.

352- Ang pananaw ay hindi yaong nakikita ang mga bagay kung ano ang
         mga katangian ng mga ito, bagkus kung ano ang magaganap sa
         sa mga ito. 

353-  Ang salapi ay hindi makabibili ng kaligayahan, subalit magagawa
         nitong bayaran ang sahod ng maraming tao upang magsaliksik at
         alamin ang suliranin. 


354- Lumikha ng landas kung saan wala nito. Ang naghihintay na mga pagkakataon ay masusungpungan. 

355- Kapag ang salita’y nabigkas na, hindi na ito mababawi magpakailanman.


356- Ang araw na ito; Isang pagkakataon na may 24 na oras, at karamihan dito ay masasayang.

357-  Nakahanda akong humarap sa Dakilang Lumikha, subalit kung Siya ay nakahanda sa dakilang 
         pagtatagpong ito ay iba ng usapan.

358- Ang mga paghamon ay maitutulad sa mga tuntungang bato, at hindi upang madupilas dito. 
        Naaayon lamang ito kung anong uring pagmasid ang inukol mo.

359- Lahat ay katawa-tawa, hangga't ito ay nangyayari sa iba.

360-  Ang pinakamaingat na paraan para madoble ang iyong salapi; ay tupiin ito minsan pa, at ibulsa.


361- Hindi ko inaalintana ang aking mga pagkukulang; hanggat sa kaibuturan ng aking puso 
         ay may taglay akong hangarin na magbago, lahat ng ito ay malulunasan.

362-  Wala sinumang magsasaalang-alang sa iyo kung ikaw ay batbat ng kapighatian, 
         nararapat lamang na magsaya ka sa araw na ito.

363- Napansin ko habang abala ako sa paggawa, wala akong panahong isipin ang tungkol sa akin. 
        Ang buong kamalayan ko’y nakatuon lamang sa kabutihang maibibigay nito.

364- Sa lahat ng masaklap na mga pangungusap ng dila at pluma, ang pinakamalungkot ay ang mga ito, 
             “Dapat sana ay . . .”

365- Sa kabataan tayo ay natututo; sa katandaan tayo ay nakakaunawa. 


366- Hindi tayo matututo nang walang kahapdian at kapaitan.

367- Nakapanlulumo ang bahay; kung saan ang inahinng manok ang maingay na tumitilaok,
        at ang tandang naman ang siyang tahimik na pumuputak. 

368- Mabuti pang nasa malayo; na ikaw ay kailangang makalimot at mapangiti, kaysa ikaw ay nasa 
         malapit na kailangang makaalaala at maging malungkot.

369- Kapag ating napagkuro ang mga pambihirang bagay, ating naitatag ang pundasyon para sa ating mga
        matayog na pangarap.

370- Minamahal ko ang aking nakaraan. Minamahal ko ang aking kasalukuyan. 
        Hindi ko ikinahihiya kung anuman ang naging akin, at hindi ako nalulungkot ---
        sapagkat wala na ito sa akin.


371- Ang positibong saloobin ay isang makapangyarihang lakas.

372- Magtayo ng mga tulay, hindi nang mga dingding. 

373- Hindi lahat ng peklat ay nahahantad, hindi lahat ng mga sugat ay gumagaling. 
        May mga panahong hindi mo ito laging mapagmamasdan, ang kahapdiang 
        nararamdaman ng iba.

374- Maraming kamay, maraming kaisipan, iisang hangarin. At ito ang magtatagumpay!

375- Siya ay isang taong matigas na sadyang makatarungan, at may isang malungkot na matalino lamang.




376- Laging ibigay sa mga suki ang higit sa
         kanilang inaasahan.

377- Ang pagiging mahinahon ay mapait, 
      subalit ang bunga ay matamis. 

378- Madali ang magkaroon ng prinsipyo kapag mayaman ka. 
        Ang mahalagang bagay ay magkaroon ka ng prinsipyo,
        habang ikaw ay maralita.




379- Nakalulungkot kapag may isa kang kakilala, ay naging isang dating kakilala. 

380- Kamangha-mangha ang iyong mapagtatagumpayan, kung wala kang alinlangan
        kung sino ang makakakuha ng papuri. 



381- Mula sa maliit na binhing-buto ay tumitindig ang isang matayog na punongkahoy.
 
382- Kung ang hanap mo’y ibigin ka, simulan mong ibigin ang iyong sarili. 
        Sapagkat kapag may pag-ibig ka sa iyong sarili, maipadarama mo ito sa iba.

383- Ang tunay na kaibigan ay isang kaluluwa sa dalawang katawan.

384- Pangkaraniwan na ang magsagawa ng mga kaparaanan at subukan ito. Kapag ito'y pawang 
         kabiguan, tanggapin ng mahinusay at sumubok pa ng iba. At higit sa lahat, subukan anumang bagay.

385- Ang kawagasan ng pamumuno ay nasa pananaw.

386- Walang gagalang sa iyo, kapag wala kang paggalang sa iyong sarili.

387- Ang mga balakid lamang sa kaganapan ng ating kinabukasan, ay ang ating mga 
        pag-aalinlangan sa araw na ito.

388- Huwag mong papasukin sa iyong kaisipan ang mga negatibong saloobin.

389- Ang pagkakaisa ay kaunlaran. Ang pagtutulungan ay tagumpay.

390- Ang hangarin ang siyang nagpapasimula sa iyo. Ang gawi ang siyang nagpapanatili 
        sa iyong mga pagkilos. Magsimulang magbago.

391- Bawat isa ay sinusubukan na makatupad ng malaking bagay, 
        hindi maarok na ang buhay ay ginagawa at nasusumpungan mula sa maliliit na bagay.

392- Ang malabis na katotohanan ay kagaspangan.

393- Ang trahedya ng buhay ay hindi dahil sa ito ay maagang natapos, 
        bagkus tayo’y matagal na naghintay na pasimulan ito. 

394- Ang saloobin; hindi ang mga pagkakataon ang gumagawa ng tagumpay
        na makapangyari, maging sa mga hindi kanais-nais na kalagayan.

395-  Anuman ang ating magagawa ay may nakaukol na kahalagahan.
         Kahit anuman ang balakid, likhain ang iyong tadhana at gumawa 
         ng halimbawa sa iba na kapuri-puri.

396- Lutasin na magtagumpay. Ang pinakadakilang pagtuklas na magagawa ninuman 
        ay isaisip na walang bagay na katakataka.

397- Kalimutan ang mga nakaraang kamalian. Kalimutan ang mga kabiguan. 
        Kalimutan ang lahat, maliban kung ano ang gagawin mo sa ngayon at gawin kaagad ito.

398- Lahat ng makataong pagkilos ay mayroong isa o higit pa na pitong kadahilanan: pagkakataon, 
        kalikasan, mga kapilitan, kaugalian, kalimian, masimbuyong damdamin, at pagnanasa.

399- Ang kalungkutan ay palayong lumilipad sa mga pakpak ng panahon.

400- Ang pagbabago ay siyang pinakamatamis 
          sa lahat ng bagay.

 May patuloy na karugtong:
Kawikaan 401 
Kawikaan 501
Kawikaan 601
Kawikaan 701
Kawikaan 801
Kawikaan 901
Kawikaan 1001 
   Marami pa ang nakahandang ipaskel dito. Habang nagtatagal, lalo lamang ninyo itong kawiwilihan. Pagpapatunay lamang ito na sadyang napakaganda, mabulaklak, at matalinghaga ang ating sariling wikang Pilipino. Nakapanghihinayang na hindi ito mapalaganap at maunawaan ng ating sumusunod na henerasyon. Bawat isa sa atin ay may likas na tungkulin bilang tunay na Pilipino, ang mahalin ang sariling atin.

 

No comments:

Post a Comment