Pabatid Tanaw

Monday, December 13, 2010

Salawikain: Bilang 101-125

  Malimit, sa aking pakikipag-usap at panulat, kapag may inaapuhap akong paglalarawan, mabilis kong inuunang banggitin ang salawikain na angkop sa aking ipapaliwanag. Sa paraang ito, madaling maunawaan ang aking tinutukoy.
   Malaking ambag sa ating panitikan ang mga salawikain. Ang kaalaman nito ay isang mabisang sandata sa larangan ng komunikasyon. Nais mong makatiyak at madaling maintindihan sa iyong mga pangungusap? Gawin mong palaman o palabok ang mga salawikain bilang pagpapakilala na ikaw ay isang tunay na Pilipino.

Bilang101-125
   "Kung sa usapan at panulat nais mong maunawaan, ang salawikain ay kailangan."

101- Kapag nakabukas ang kaban, natutukso kahit na banal.

102- Minamahal habang mayroon, kung wala ay itinatapon.

103- Ang buhay ay maikli, huwag aksayahin palagi.

104- Magbigay galang, upang ikaw ay igalang.

105- Walang matiyagang lalaki sa tumatakbong babae.

106- Kapag may alinlangan, humakbang ng dahan-dahan.

107- Sa taong walang hiya, may makapal na mukha.

108- Ang takot sa ahas, huwag maglakad sa gubat.

109- May tainga ang lupa, may pakpak ang balita. 

110- Taong nagigipit, kahit sa patalim ay kumakapit.

111- Kung nais mong mangarap, gumising kang ganap. 

112- Sa umid na dila, wala kang mapapala.

113- Ang bawat tao'y nagkasala, sa mga kabutihang hindi niya ginawa.

114- Umiyak ka ma't tumangis, ang tumapong gatas ay di na maibabalik.

115- Kapag katamaran ang hilig mo, ibayong kahirapan ang sasaiyo.

116- Ang umilag sa kaaway, ay katapangang tunay.

117- Ang laging pangahas, ay palatandaang ito'y duwag.

118- Mawaglit man ang yaman, huwag lamang ang karangalan.

119- Ang taong mapanaghili, mananatiling sawi.

120- Patag man ang lupa, sa ilalim nito ay may lungga.

121- Kubo man naturingan, tao naman ang nananahan.

122- Mabuti pang tikom ang bibig, kaysa nakabukas sa di kanais-nais.

123- Kapag magkasama, atin ang tagumpay, at kabiguan kung magkahiwalay.

124- Buhay alamang, pag lukso ay patay.

125- Kapag masalita, wala ito talagang magagawa.


No comments:

Post a Comment