Pabatid Tanaw

Sunday, December 12, 2010

Panaginip o Pangarap?

 

Nakamulatan na natin ang araw-araw na pagma-madali, pamumuna, pagkukunwari, pakikialam, panonod ng sine, telebisyon, tumambay, tsismisan, magpalipas ng oras, at makadama ng pagkabagot sa walang katuturang pag-aaksaya ng panahon. Naiisip tuloy na ang buhay ay sadyang nakakabalisa, walang patutunguhan, at mistulang paikot-ikot lamang. Buhay-alamang, paglukso'y patay.
   Noong tayo’y bata pa, mapangarapin tayo, masigasig sa ating hangarin, at malaki ang pagnanais na may marating sa buhay. Maging mga bagay na mahirap maabot, pilit nating kinakaya. Bakit ngayong gumulang na tayo ay nauwi ito sa kawalan? Isa ba itong panaginip lamang at mananatiling pangarap kailanman?
  Bakit, dahil ba tayo’y mga bata at paslit lamang na lubhang malikhain, palaisip, palatanong at madaling maniwala? O, dahil tayo’y mga inosente, walang inaalintana, at mapangarapin? Ano ang talagang nangyari noong bata at ngayo’y matanda na sa pagitan nito? Nalimutan na ba natin, kung sino talaga tayo?
  Hindi kaya sa ating nakagisnan sa ating kapaligiran? Tinutularan natin ang mga inabutang kaugalian? Sinusundan ang mga kinamulatang pag-uugali, kagawian, at nakahimasmasan? 
Mga katwirang:  
‘Ganito sila, tiyak ganito din ako.’ 
‘Minana ko na ang ganitong sistema sa aking ninuno, 
   sino ako upang baguhin ito?’ 
‘Bahala na, makakaraos din kami.’ 
‘Puwede na ‘yan, kaysa wala.’ 
'Utang na loob, at pakikisama.'
‘Maiksi ang kumot, magtiis mamaluktot!’
   Mga salitang patapon ito, at matatawag na patiwakal. Hindi malayong pagdurusa at libong hilahil ang makakamtan kapag ang pag-uugali‘y tulad nito. Maaari ding isa itong kalasag upang pagtakpan ang hapding dinadala. Isang pag-iwas upang harapin ang mga katotohanan. At panakip-butas sa pagiging palaasa, pasanin at walang direksiyong pamumuhay. Ayon sa kanila, mabuti pang huwag umasa kung mabibigo din lamang. Mabuti pang huminto, kaysa magpatuloy nang walang katuturan. Marahil sa kanilang pakikibaka sa buhay ay natanggap na nilang sadyang ito ang nakatakdang mangyari, at wala na silang magagawa pa.
   O, dili kaya, sa dahilang hindi maabot ang pangarap, madali ang tumigil at tanggapin ang kapalaran. Hindi ba nakaiinip ang lagi ka na lamang naghihintay, lalo na’t wala ka namang hinihintay? Na panay-inip lamang ang lahat. Gising subalit natutulog? Nakakainip, kainip-inip, na panaginip.
  Ang panay-inip o panaginip ba ay matagal at sadyang nakaiinip, at pawang paghihintay lamang sa kawalan? Kainip-inip at nakakainis? Panahong nakakainip na lumaon ay naging panaginip?
   O, ang pangarap na laging nasa alapaap, na patuloy na lumilipad? Kailangang habulin, sukulin, at hulihin? Nakasasakit ito ng panga, habang nakatulala at umaasa sa sarap na makukuha.  Kaya ba panga at sarap na pinaghalo at naging pangarap?
   Panaginip o Pangarap?
   Iisa lamang ang ating buhay. Lahat ay panandalian lamang. Laging may kawakasan. Kapag may simula may katapusan. Bakit kailangan itong maaksaya sa pangangarap? Ang pangarap ay nasa alapaap, lumilipad, na habang inaabot mo’y lalong tumataas. Hindi ba lalong makakabuti sa halip na pangarap ay isakatuparan ito. Upang ang inaasam-asam na tagumpay ay makamit?
   Ang pagkakaiba ng paslit sa matanda ay ang kakayahang isakatuparan ang mga pangarap upang maging  katotohanan. Nasa pagkilos at gawain, hindi sa mapangarapin. Nasa gawa at hindi sa salita. Ang paslit na nasa iyong puso ay naniniwala, subalit ang matanda mong katauhan ang siyang gumagawa. Isang buhay lamang na hawak natin ngayon ang makapagpapasiya ng lahat. Huwag nating pabayaang mauwi ito sa pagkawala. Wala na ang kahapon, lumipas na ito. Hindi na mababalikan pa. Ang bukas nama’y hindi natin talos at walang katiyakan. Bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon, ang ngayon
   Ito lamang ang katotohanang hawak natin sa mga sandaling ito. Sa araw na ito, magsimula tayo. Gumawa, at ang lahat ay magiging madali.
   Hindi ito panaginip at pangarap.

No comments:

Post a Comment