Pabatid Tanaw

Friday, December 10, 2010

Dalahin sa Buhay



Doon sa Lungsod ng Balanga, sa lalawigan ng Bataan, ay may isang mayamang angkan. Nagmamay-ari ito ng malalawak na mga lupain, mga bukirin, at maraming palaisdaan. Naninirahan sila sa Kupang, isang maunlad na barangay doon. Mayroon itong dalawang anak, ang kambal, subalit may kaguluhan. Hindi malaman kung sino ang panganay. Noong isilang sila ay wala ang ama. Ito'y nasa ibang lalawigan at inaasikaso ang kanilang negosyo. Nakamatayan ng ina ang pagluluwal sa kambal, at ang hilot naman ay lumipat ng tirahan sa malayong lalawigan.
   Lumaki't nakapagtapos ng pag-aaral, at ngayon ay handa nang tumulong sa ama sa kanilang kabuhayan. Subalit nababalisa ang ama, kailangan niyang pagpasiyahan kung sino ang masusunod sa dalawa. Matanda na siya at kailangang may isang tagapangasiwa na pipiliin sa kambal. Mahalaga na ang kapasiyahang ito ay maging tumpak at patas sa dalawa. Dahil ang kambal ay magkatulad sa talino, kakanyahan, pakikipag-kaibigan, kalusugan, at maging sa kanilang pangangatawan. Dahil masusing mapagmasid ang ama, natuklasan niya na may isang likas na kabatiran ang isa na hindi kusang ginagawa ng isa.
   Ipinatawag niya ang kambal, pinulong, at nagpahayag, “Aking mga anak, ang araw ay dumating na, kailangang isa sa inyo ang pumalit sa akin. Sa kanya ko ililipat ang pangangasiwa sa ating kabuhayan. Mabigat na tungkulin ito na may kaakibat na malaki ding responsibilidad. Isa lamang sa inyo ang maaaring humawak nito, at isa nama’y kinakailangang sumunod.”  
   Bukal sa pusong sumang-ayon ang dalawa sa ipinag-uutos ng ama.
   “Upang malaman natin kung sino sa inyo ang mapipili ko, ipapadala ko kayo sa bundok ng Mariveles. Mayroon akong isang pantas na tagapayo doon na susubok sa inyong kakayahan,” ang paliwanag ng ama.
    Sa tuktok ng bundok, dinatnan ng kambal ang dalawang sakong may lamang palay. At ang paliwanag ng pantas, “Kailangang pasanin ninyo ito pababa ng bundok hanggang sa inyong bahay sa Kupang at iharap sa inyong ama. Siya ang magpapasiya kung sino ang magwawagi sa inyo.”
   At idinugtong pa nito, “Siyanga pala, kailangang hindi lalampas sa tatlong araw ang inyong gagawing paglalakbay. Gabi’t araw man ninyo ito gawin, kayo ang bahala. Ang lumampas sa tatlong araw ay talo,” pag-uulit ng pantas.
   Kunot-noong nagkatinginan ang kambal sa kakaibang paligsahan. Nagkamay ito bilang tanda ng pakikiisa at mabuting tunggalian. Palibhasa’y malusog at malakas, magkasabay na sinapwat ang mga sako at nagsimula nang bumaba ng bundok. Magkahalintulad sa bilis, sa paglakad, patag man o salungahin ang kanilang tinatahak. Maya-maya, sa may makipot na dakdak, nasalubong nilang pasalunga ang isang matandang babae, na may sunong na kalya at bitbit na bayong. Puno ang dalawang dalahin ng sari-saring pinamili sa ibaba ng bundok. Hirap at pahinto-hinto ito sa paglakad. Isa sa kambal ang nagmungkahing tulungan nila ang matanda. Tumutol ang isa, “Ito ngang pasan-pasan natin nahihirapan na tayo, magdaragdag ka pa? Iwanan mo siya at magpatuloy tayo!” ang pautos na sigaw nito.
   Nagmamadali ang isa, samantalang nagpaiwan naman ang isa. Ibinaba nito ang pasang sako at tinulungan ang matanda sa di-kalayuang dampa nito. Sa paglalakbay, ang naiwanang isa ay nakasalubong pa ng iba na nangangailangan din ng tulong. May isang bulag, na kanyang inakay upang uminom sa batis. Mayroon namang pilay, na inalalayan niya na makasakay sa karomata. May nakawalang kalabaw, tumulong naman siya sa paghuli nito. Anupa’t sa buong tatlong araw, naging abala siya sa pagtulong. 
   Bukang-liwayway na nang makarating ito sa kanilang bahay. Sa may pinto ng bakuran, dinatnan niya ang kapatid na nakangisi. May panunuya itong nagpahapyaw sa kanya, “Talo ka na, nauna ako sa iyo, kahapon pa ako narito. Lumampas ka sa taning, ikaapat na araw na ngayon!”
   Subalit nang makaharap na nila ang ama, ang tinanghal na panalo ay ang matulunging kapatid. Ipinaliwanag ng ama, “Ang mga taong nasalubong ninyong dalawa sa paglalakbay, ay aking sadyang inatasan na kunin ang inyong pansin, upang sila’y tulungan. Ngunit, isa lamang sa inyo ang nagkusang tumulong. Sa ipinamalas niyang pagka-matulungin, walang akong alinlangan, siya ang may karapatang pumalit sa akin.”

Makabuluhang Aral:   Sa ating buhay, kapag tumutulong kang pumasan sa mahirap na dalahin ng iba, gumagaan ang dalahin mo. Ang kasiyahang kaakibat nito'y magaan na pakiramdam. Nakapagpapataas ito ng pagtitiwala sa iyong sarili at kahalagahan sa kapwa.
Pananaw: Hindi mapasusubalian, ang pagtulong sa kapwa ay isang katungkulan na nakaatang sa ating mga balikat. Ito ang buod ng ating kamalayan at kaganapan; ang tumulong, magbigay, at makiisa. Lahat tayo ay isinilang upang magkatulungan sa ikauunlad ng ating mga sarili, para sa ating pamilya, sa payamanan, at sambayanan. Nakasalalay dito ang ating kaunlaran, kapayapaan, at kaligayahan.
Panambitan: Ito ang sinasagisag at ginaganap ng walang pag-iimbot at pagkukulang ng      
                                                            tunay na Pilipino.





No comments:

Post a Comment