Pabatid Tanaw

Pusong Daga

 May isang kansusuwit ang laging kinakabahan at natatakot sa pusa. Nakita niya ang kabangisan nito kapag humahabol ng mga munting daga na tulad niya. Halos sa araw-araw, bago ito lumabas ng kanyang lungga ay maraming ulit muna itong pasilip-silip, palipat-lipat ng makukublihan, at patuloy ang panginginig sa matinding takot na makita siya ng pusa.

   Isang enkantong salamangkero ang nahabag sa kanyang kalagayan at sa mahiwagang pagkumpas ng kamay nito’y ginawa siyang isang pusa din. Natuwa ang munting daga at naging malaya siyang lumibot sa loob ng kabahayan. Subalit nang magpunta siya sa labas ng bahay ay hinabol siya ng aso. Sa matinding takot, nagkasugat-sugat siya sa pagtakas upang hindi maabutan ng aso. Humihingal itong nakapasok sa kanyang lungga at napabulalas ng panaghoy sa panibagong panganib na naranasan.

   Naawang muli ang salamangkero at ginawa naman siyang aso. Tuwang-tuwa ang daga, ngayong aso na siya ay malilibot niya ang malaking bakuran, ang bulong nito sa sarili. Habang namamasyal dito ay natanaw niya ang kakahuyan sa labas ng bakuran. Nahalina siya sa luntiang kapaligiran nito. Madali itong lumabas ng bakod at nilibot ang bawat maibigan na tanawin. Subalit may narinig siyang kakaibang ungol sa di-kalayuang halamanan.  Isang malaking tigre na may matutulis na pangil ang humahagibis na patungo sa kanya. Nakadama siya ng ibayong panganib, at sa isang iglap ay kumaripas ng takbo pabalik sa loob ng bakuran. Habang tumatakas, kahol ito ng kahol sa paghingi ng saklolo sa salamangkero.
   Nang malapit na siya sa pintuan ng bakuran ay biglang naging tigre naman siya. Ang sambit nito sa sarili, “Ngayon, pati na kagubatan ay aking malilibot.” At masaya itong nagpagala-gala sa malawak na kagubatan.
   Walang anu-ano’y isang humahagibis na busog ang dumaplis sa kanyang leeg. Sinundan pa ito ng isa pang busog at humawi sa balahibo niya sa likod. Nakita niya ang isang taong may hawak na pana at nagkakasa ng panibagong busog. Takbong walang puknat ang ginawa niyang pagtakas hanggang makarating sa bahay na pinanggalingan. Pagpasok sa bakuran ay malakas na umungol ito, sising-sisi sa mga pangyayari.
   “Ayoko na, ayaw ko na. Palagi na lamang akong nabibingit sa panganib," ang pagibik nitong hinagpis sa kanyang sinapit.
   Sa tagpong ito, sumuko na ang salamangkero sa pagtulong sa dating daga. Pailing-iling na ikinumpas muli ang kamay at sinabing,
   “Wala na akong magagawa pa, para makatulong sa iyo dahil anuman ang aking gawin nananatili pa rin ang puso mong daga.”
   At sa isang iglap, nagbalik muli ang anyo nito sa pagiging munting daga.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

Friday, March 29, 2024

Paalaala ni Gat Jose Rizal sa Makabagong Panahon

 

Sa gulang at hinog na 27 taong gulang, isinulat ni Gat Jose Rizal ang kabubuan ng mga importanteng leksiyon na kanyang natutuhan. Hiniling na isulat ito ni Marcelo H. del Pilar noong Pebrero 1889, na may titulong “Para sa mga Kababaihan ng Malolos,” patungkol ito sa matatapang na kababaihan na walang takot na humiling sa pamahalaang Kastila na sumakop noon sa Pilipinas, tungkol sa kanilang mga karapatan na makapag-aral sa gabi. Isinulat ito ni Rizal sa London, at tumutukoy sa magkakapantay ng karapatan at edukasyon, sa pangangatwiran at relihiyon; na nagtatapos sa pahayag ng mga prinsipyo,  “Pagsasaad ng mga Paninindigan”. Isa ito sa mga kadahilanan na ikinasawi ng buhay ni Rizal noong barilin siya sa Bagumbayan (Luneta Park), sa utos ng pamahalaang Kastila.
   Isang pagpapa-alaala at pagpapahalaga sa ika-117 anibersaryo ng pagkabayani ni Gat Jose Rizal tungkol sa mga nagawa niya noon para sa sambayanang Pilipino.
 
Pagsasaad ng mga Paninindigan
Ang pinakauna: Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa kaduwagan at kapabayaan ng iba.
Ang ikalawa: Ang inaalipusta ng isa ay nasa kakulangan ng pagmamahal sa sarili at nasa labis na pagkasilaw sa umaalipusta.
Ang ikatlo: Ang kamangmangan ay kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon din ang tao; taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.
Ang ikaapat: Ang magtago ng sarili, ay tumulong sa iba na magtago ng sa kanila, sapagkat kung papabayaan mo ang iyong kapwa, ay papabayaan ka din nila; ang isang tinting ay madaling baliin, ngunit ang mahirap na mabali ay ang isang bigkis na walis.
Ang ikalima: Kung ang babaeng Pilipina ay hindi magbabago, siya ay walang karapatang magpalaki ng anak, kundi gawing inahin o pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa tahanan, sapagkat kung hindi ito magagawa, ipagkakanulo nang walang kamalayan, ang asawa, mga anak, ang bayan, at ang lahat.
Ang ikaanim: Ang mga tao ay ipinanganak na magkakatulad, nakahubad at walang tali. Hindi nilalang ng Diyos upang maalipin, hindi bingyan ng isip para pabulag, at hindi hiniyasan ng katwiran at nang maulol ng iba. Hindi kapalaluan and hindi pagsamba sa kapwa tao, ang pagpapaliwanag ng isip at paggamit ng matuwid sa anumang bagay. Ang palalo ay ang nagpapasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig na papaniigin ay ang kanyang mga naisin na tila nasa matuwid at karapatdapat.
Ang ikapito: Linangin ninyo nang masinsinan kung anong uri ng relihiyon na itinuturo sa atin. Tignan ninyong mabuti kung iyan talaga ang utos ng Diyos o ang pangaral ni Kristo na panglunas sa kahirapan ng mga mahihirap, at pang-aliw sa dusa ng mga nagdurusa. Alalahanin ninyo ang lahat ng mga itinuturo sa inyo, kung saan pinapatunguhan ng lahat ng mga sermon, ang nasa ilalim at kabuluhan ng lahat ng mga misa, nobena, rosaryo, kalmen, larawan, milagro, kandila, koreya, at ibat-iba pang iginigiit, inihihiyaw, at isinusurot sa araw-araw sa inyong mga kalooban, mga tainga, at mga mata. At hanapin ninyo ang puno at dulo, at saka iparis ninyo ang relihiyong iyan sa malinis na relihiyon ni Kristo, at tignan ninyong maigi na ang inyong pagiging Kristiyano ay kahalintulad ng inaalagaan na gatasang hayop, o kaparis ng pinatatabang baboy; at ang maunawaan na hindi ito pinatataba at inuugoy sa duyan dahil sa pagmamahal sa kaniya, kundi ang maipagbili sa malaking halaga upang lalong magkakuwarta ang mga pari, mga ministro, at mga pastor.
---------------
   Ngayon, higit na nating alam na bagama’t may “kalayaan kuno tayong ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, ito ay hungkag ng kasarinlan. Sa dahilan na, pinalitan lamang ng mga huwad na Pilipino ang mga mananakop na Kastila, upang magpatuloy ang sabwatan, pagsasamantala, at mga pagnanakaw sa kaban ng bayan sa ating lipunan. Ito ay nakapangyayari lamang sa pakikipagtulungan ng mga naghaharing-uri, ng mga simbahan, at mga limatik na nagpapatakbo sa ating departamento ng Edukasyon.
   Hindi nakapagtataka, kung bakit walang hinto ang paglaki ng agwat ng mga mahihirap at mayayaman; patuiloy na naghihirap ang mga kapus-palad at patuloy naman sa pagyaman ang mga naghaharing-uri. Patunay lamang na makatotohanan ang mga "Tayu-tayo"; at "Kami-kami" lamang ---sa lahat ng sulok ng ating mga kapuluan.

Jesse Navarro Guevara                                                                                Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Likhain ang Iyong mga Pangarap

 Ang mga bagay ay hindi nababago, kundi tayo. Kung hindi ka kikilos, ikaw ay kikilusin ng iba.

 "Mayroon isang pagkakataon kahit kaninuman na matagpuan nang walang takot, ang patnubay ng tadhana. At kailanma'y hindi ka mabibigo. Dangan nga lamang, iilan lamang ang nakakasumpong nito."  -Jose H. Guevara

Karamihan ng tao ay tahasang magtatagumpay sa maliliit na mga bagay kung hindi lamang sila inaabala ng mga matatayog na ambisyon. Kadalasan ay nakatingin sila sa magiging bunga, nang hindi nakikilatis ang buto o binhing itatanim.

Ang mga tao na nagtatagumpay ay mahuhusay at iilan lamang. Kakaunti sila na may ambisyon at kapangyarihang taglay na paunlarin ang kanilang mga sarili.Wala kang malalaman o katiyakan kundi mo ito sisimulang subukan.

   Hindi mo magagawang pigilan na ibaba ang isang tao nang hindi ka mananatili din sa ibaba habang pinipigilan siya. Piliting magawa ang tamang bagay sapagkat ito ang tama. Ang bagay na sinimulan nang tama ay nagtatapos sa tama --at tagumpay. At ang bagay na sinimulan na mali ay nauuwi sa mali --at kabiguan.

   Kung patuloy kang nabibigo sa buhay, katunayan ito na hindi masidhi ang iyong ambisyon. Maaaring maraming mga bagay ang pumupukaw sa iyong atensiyon na mga walang katuturan at walang kinalaman sa direksiyon na iyong tinutungo. 

   Kung nais mong marating ang pinakamataas na lugar, magsimula ka sa pinakamababa. Tulad ng hagdanan, marami kang aakyating baitang bago ka makarating sa itaas. Sapagkat kung hindi ito gagawin, patuloy kang ibabalik sa dating leksiyon, hanggang sa ito ay iyong malagpasan.

   Karamihan sa atin ay nagpapakita --na sadyang abala sa paggawa ng mga walang kabuluhan, panonood ng mga panandaliang aliw, mga libangan na magastos at walang ibubungang mabuti. Tahasang eksperto sila na manatiling nakatanghod, at nananaghili sa kasipagan at kaunlaran ng iba. Gayunman, ang katamaran ay may kabuluhan din at nakakatulong. Sapagkat isang halimbawa ito na huwag nang pamarisan kung ang hangarin mo ay paunlarin ang iyong sarili.

   Tanungin mo ang isang tao kung may plano siyang gagawin sa araw na ito, para sa isang linggo, para sa isang buwan at mga buwan pang darating. Kapag hindi niya masagot ito nang tuwiran at malikot ang mga mata, pagpapatunay lamang ito na walang direksiyon ang kanyang buhay kundi ang umasa at maghintay sa wala.

   Hangga’t mapanlikha ang iyong isipan, lalaging ligtas ka sa anumang uri ng masamang pagsasanay. Dalawa ang uri ng talento, gawa ng tao at bigay ng Diyos. Dito sa gawa ng tao, kailangan mo ang matinding magtrabaho. Subalit sa bigay ng Diyos, kailangang kalabitin mo lamang paminsan-minsan, dahil ang pagpapala ay walang hanggan. ito naman ay kung may taimtim na pananalig ka.

   Maging sinuman ikaw o kung saanman ka nanggaling at anuman ang nakaraan mo, magagawa mo ang anumang iyong naisin na maging ikaw, kung tahasang ninanasa mo ang pagbabago sa iyong pagkatao. Marami ang hindi nakakaalam kung bakit madalas silang malito, mabugnot, at mabagot sa dahilang pinipilit nilang maging iba ang kanilang personalidad, gayong may sarili silang katauhan na nagnanais makalaya at magpakilala kung sino itong talaga.

TANGING IKAW lamang ang makakagawang mag-isip para sa iyong kapakanan. 
   Sa pagtatapos ng iyong buhay, kapag nakatindig na ikaw at nagsusulit sa harapan ng Diyos, umaasa ka na wala nang anumang bahid ng talento na natitira pa sa iyo, bagkus ay maligayang maipapahayag mo, “Nagamit ko pong lahat ang mga bagay na ibinigay ninyo sa akin.” 
 
Jesse Navarro Guevara                                                                                Lungsod ng Balanga, Bataan

Alam Mo ba Ito?

 


Mayroon kang likas na kapangyarihan na makuha ang “Lahat ng Iyong Naisin.”
Ang tadhana ay naglaan ng mga matamang gabay; na may makapangyarihang mga mensahe upang likhain nang makahulugan ang iyong mga relasyon, at maging mga tagumpay sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.

Pinatutunayan nito:
Na ang iyong karanasan sa mundong ito ay repleksiyon mula sa antas ng iyong kaibuturan.

Kailanman na hindi mo nakukuha ang iyong kailangan, nagpapatunay ito na nakatingin ka sa maling direksiyon at naligaw na ng landas.

Ang kapangyarihan na makuha ang anumang iyong naisin, ay sumisibol lamang mula sa pananalig, pagtitiwala, positibong saloobin, at masidhing hangarin.

May kapangyarihan kang magbago. Walang sinumang makakagawa nito para sa iyo. Magagawa mong tulungan, paunlarin, at paghusayin ang kalidad ng buhay na iyong ninanasa, anumang sandali na naisin mo. Ang susi upang ang lahat ng mga ito ay maganap ay Kawatasan ng Matamang Gabay. Ang kalusugan, kaligayahan, tagumpay, at kayamanan ay mapapasaiyo kung may kabatiran ka at sinusunod ang mga mensaheng narito.
   Apat na mga pangungusap lamang ang namumuno dito:
1.      Inspirasyon upang kumilos
2.      Kaalaman kung papaano ito gagawin
3.      Gabay ng Kawatasan
4.      Pananalig na Magtagumpay

Kailangan ang sapat na panahon para magtagumpay---gayundin ang panahon para mabigo.
Subalit kaunti lamang ang nakaukol na panahon para magtagumpay, kaysa sa panahong iuukol kapag nabigo. Sapagkat higit na madali ang magsimula ng bago at naiibang paraan, kaysa ulitin, repasuhin, at itama ang mga nagawa na nakasira at nagdulot ng kabiguan.

Mula sa aklat na, “Kawatasan ng Matamang Gabay” ni Jesse Guevara, 2001

Jesse Navarro Guevara                                                                              Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, February 27, 2024

Maging Matapat sa Sarili sa Lahat ng mga Bagay.

 

Ang unang hakbang ay maging matapat, at isunod dito ang maging uliran.

 Kailanman ay hindi ka maliligaw o mapapahamak kung ang nilalakaran mo ay tamang landas. Ang katapatan o tamang pagpapahalaga sa iyong sarili kung ano ang tama, at isagawa ang mga bagay na kinakailangang ituwid upang mabago. Tahasang panindigan sa sarili na isagawa ang nais na makamtan at matapat na gampanan kung sino ang ninanasa mong maging ikaw. Palaging isaisip ang bagay na ito sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. Sapagkat dito nakasalalay ang hinahangad mong tagumpay, dahil lahat ng mga ito ay matutupad lamang sa dulo ng iyong mga kamay. Ikaw mismo at wala nang iba pa ang tanging makakagawa nito para sa iyong sarili.  Apuhapin at sisirin sa iyong kaluluwa ang katotohanan upang ganap mong makilala kung sino kang talaga. Kapag nagawa ito, may kakayahan ka nang malaman kung saang direksiyon nais mong pumunta at kung papaano ka makakarating doon.


Jesse Navarro Guevara      
-Lungsod ng Balanga, Bataan

Simulan at Tahasang Harapin ang Iyong mga Suliranin

 

Bawat suliranin ay isang naka-balatkayong oportunidad.
Hindi ang mga problema ang siyang nagpapakilala kung sino kang talaga, kundi kung papaano ang naging reaksiyon mo, at kung nalagpasan o nalunasan mo ang mga ito. Ang mga alalahanin at mga kabiguan ay hindi mawawala hanggat hindi mo ito ginagawan ng kaukulang aksiyon para malunasan. Gawin kaagad ang lahat ng iyong makakaya, hanggat magagawa mo, at pahalagahan anuman ang iyong nagampanan maliit o malaki man ito. Katulad ng isang bata na nagsisimulang tumindig at ilakad ang kanyang mga paa, maiikling hakbang, bagamat nabubuwal ay nagpapatuloy, unti-unti sa tamang direksiyon hanggang sa matutong maglakad. Gayundin sa pagharap sa mga suliranin, kahit na mumunting pagkilos kapag pinagsama sa bandang huli ay malaki na ang nagagawang pagbabago.
2 Pormula: Tanungin lamang ang sarili;
1. Mayroon ka bang problema?   Oo. May magagawa ka bang solusyon tungkol dito?   Oo. Kung gayon, bakit ka nababagabag? May magagawa ka naman palang solusyon.
2. Mayroon ka bang problema?   Wala. Kung wala, bakit ka nababagabag? Hindi pa nangyayari ang inaasahan mo, natatakot ka na. Ikaw mismo ang naglalagay ng problema... kaya ka nababalisa.

Jesse Navarro Guevara   - Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Simulang Makipagkaibigan sa mga Karapatdapat na Tao.

 

Walang bagay sa daigdig na ito ang higit na pinahahalagahan kundi ang pakikipag-kaibigan. 

 Sila ang mga tao na nagpapasaya sa iyo kapag kapiling mo. Dahil kapag nakaharap ka nila ay minamahal ka, pinahahalagahan ka, at ipinagbubunyi ka. Sila ang mga tao na laging nasa iyong tabi kapag ikaw ay may dinaramdam, may pangangailangan, at nag-iisa. Sila ang kauna-unahang nalulungkot, nagdaramdam, nasasaktan, nagtatampo at nagagalit kapag napapabayaan mo ang iyong kalusugan at naliligaw ka ng landas. Ginagawa nilang makulay at masaya ang iyong pagkatao nang walang hinihintay na anumang kapalit.. kundi ang magpatuloy kang minamahal at nagmamahal.
   Kung pipili ka rin lamang ng makakasama sa iyong buhay, tiyakin lamang na ang hinahanap mong karakter sa isang tao ay siyang kahalintulad ng pinapangarap mong maging ikaw. Higit namang masaklap na magpatuloy sa isang pangit na relasyon na mistula kang bilanggo at kinokontrol ng iba.
   Magsimula nang pumili ng mga karapat-dapat na tao na makakasama mo sa iyong sirkulasyon at piliting umiwas sa mga negatibong tao na ang tanging hangad ay miserableng pamumuhay.

Jesse Navarro Guevara                                                                                                                          Lungsod ng Balanga, Bataan



Monday, February 05, 2024

PILIPINO Ka nga ba?


Kailangan nating panindigan kung sino talaga tayo, gaano man ang pagkatakot o pangamba ang bumabalisa sa ating pagkatao na makilala itong lubusan.  
ADHIKAIN: Ang magkaroon ng makabuluhang kaganapan na ibayong makakatulong para sa isang mapayapa at maunlad na lipunang makaPilipino.
 
Narito ang ilang napapanahong mungkahi ng AKO, tunay na Pilipino:

10 Hakbang upang Magampanan ang maging Tunay na Pilipino
 
1 -Patunayan na ang iyong mga kapasiyahan at mga pagkilos ay siyang pinakamahalaga. Mayroon kang kapangyarihan na piliin ang tama kaysa mali, sapagkat mayroon kang kadakilaan, at hindi natutuklasang potensiyal sa iyong kaibuturan na makagawa ng kabutihan at malaking kaibahan sa iyong pamayanan. Napakahalaga na magkaroon ka ng matatag na paninindigan, kung sino ka at hindi minamaliit o mawawasak ng sinuman na nagnanasang kontrolin at supilin ang sarili mong pagkatao. Ito lamang ang hindi makakayang nakawin mula sa iyo, na nagagawa mong sukatin at pangalagaan ang iyong sarili kahit kaninuman, saanman, at kailanman.
 
2 -Makinig, Magbasa, at Magsuri ng balita. Huwag umasa o, manalig sa mga bulungan at opinyon ng iba. Pag-aralan ang hinahangad na nais mangyari ng tagapagbalita at ang idudulot nitong pinsala o kabutihan para sa bayan. Isipin ang mahabang ibubunga ng mga pagbabago, at patakaran ng bansa kung masusunod ang kagustuhan ng mga nagtataguyod ng mga balitang ito. Limiin kung ito'y tandasang para sa bayan o para sa ikakayaman lamang ng iilan. At kung papaano makakaapekto ito sa iyong buhay at maging sa iyong pamilya at sa susunod pang mga henerasyon.
 
3 -Tanggapin kung papaano magagawa na ang ating pamayanan ay maging mabuting tirahan. Ano ang ating maiiwan at maipapamana sa ating mga anak? Alalahaning anuman ang ating ginagalawan sa ngayon na kapaligiran, ay siyang pamana sa atin ng ating mga ninuno. At kung papaano natin ito pinapahalagahan ay siya namang maiiwan sa mga sumusunod na henerasyon natin. Magagawa nitong mabago din ang iyong buhay kung bibigyan ng kaukulang atensiyon at kahalagahan.
 
4 -Makipag-ugnayan sa pamilya, sa mga kaibigan at mga piling tao sa komunidad tungkol sa mahalaga at makabuluhang mga pagbabago. Tiyakin na ang mga talakayan ay nakatuon sa mga praktikal at makabuluhang bagay na nakahihigit pa kaysa karaniwang araw-araw na pag-uusap. Ang mga napapanahong paksa ay mahalagang pinag-uusapan, nakasalang dito ang magaganap sa hinaharap. Narito ang iyong mga susunod na hakbang upang matiyak ang iyong matiwasay na kinabukasan. Iwasang nakakatulog sa mga pangunahing patakaran at mga pangyayari na nagaganap. Nangyayari lamang ang mga kalapastanganan kapag iilan lamang ang gising, tumututol, at lumalaban para dito. 
 
5 -Mag-ukol ng panahon na makapag-boluntaryo sa mga kagalingang pambayan. Ilaan ito sa mga adhikaing nagtataas ng antas ng kamalayan tungkol sa mahahalagang isyu tulad ng Pangangalaga sa Kapaligiran, Kawalang ng Tirahan, Pagmamalupit at Abuso sa mga Bata, Kawalan ng Trabaho, Prostitusyon, Kahirapan, Kagutuman, at Karapatang Pantao. Piliin ang napipisil mong higit na makabuluhan para sa iyo at higit na mahalaga para sa iba. Gustuhin mo man o hindi, ikaw ay apektado ng mga ito. Kung iilan lamang ang kumikilos, o nakikipatulungan para ito malunasan, lahat tayo ay patuloy na nakikiayon na maging mga biktima at magawang  abusuhin sa tuwina.
 
6 -Tumulong na mapairal ang tunay na Demokrasya sa ating bansa. Sa pangkalahatang kaganapan, nakakamit natin ang uri ng pamahalaan at antas ng lipunan na akma at nararapat lamang para sa atin, batay sa ating mga hangarin, mga pagkilos at pakikiayon sa mga namumuno sa atin. Dumarami ang mga masasama at nagpapatuloy lamang ang mga kabuktutan at pagsasamantala sa ating lipunan, kapag iilan na lamang ang natitirang mabubuti sa ating mga mamamayan. Kung wala kang pakialam at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng nakakarami, sa kalaunan, ikaw naman ang pakikialaman ng mga karahasang iyong iniiwasan, bilang karagdagang biktima. At sa puntong ito, wala nang makakatulong para sa iyo.
 
7 -Maging mapanlikha. Ibayong mag-isip para sa ikakaunlad ng bayan. Walang hangganan ang isang ideya at sa magagawa nitong potensiyal na kabutihan para sa lahat. Gamitin ang iyong mga katangian at kakayahan na makagawa ng kaibahan sa kapwa at maging sa pamayanan. Walang kakapusan ng pagkakataon na makagawa ng kaibahan lalo na doon sa mga kinagigiliwan mo; ang kakapusan lamang ay ang pagpasiyahan ito na mangyari. Hanapin ang mga bagay na nakapagbibigay ng ningning at tahakin ang landas na patungo dito.
 
8 -Mag-ambag ng anumang makabuluhang bagay mula sa iyo. Huwag ipagdamot ang makakayanan, maging salapi, mga bagay, at higit pa ng iyong panahon sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong, lalo na sa mga panahon ng kalamidad, karamdaman, at mga kagipitan. Walang relihiyon na higit na mataas pa kaysa Paglilingkod sa Sambayanan. Ang maglingkod para sa kabutihang panlahat ay pinakadakilang kredo o panuntunan sa buhay. Hindi tayo lumitaw na basta na lamang mabuhay, narito tayo para makagawa ng kaibahan, na may dakilang adhikain, at may Ispirito ng pag-asa at tagumpay. Bahagi tayo ng pamayanan, at anumang kaganapan na nangyayari para dito, mabuti o masama man, lahat tayo ay apektado.
 
9 -Huwag iwasan ang pagbabago, ito ang susi ng tagumpay. Ang pinakamahusay na pagbabago ay kadalasan na nagsisimula sa isang natatangi at simpleng kaisipan. Mag-analisa at mag-isip ng mga bagay na makakatulong para sa lahat. Tuklasin kung papaano maisasagawa ang pangarap na maging katotohanan. Kung nais mong magpalit ng trabaho para umangat sa buhay, napakahalaga na malaman mo kung papaano na masumpungan at maging masikhay sa mga pagkakataon na angkop at nagpapakilala ng iyong mga interes, mga kakayahan, at nagpapasaya sa iyo. Bagama’t hindi natin magagawa ang mga dakilang bagay, magagawa naman natin ang maliliit na bagay na may dakilang pagmamahal.
 
10 -Panatilihin na buhay ang pag-asa. Hindi ikaw lumitaw dahil sa panahon, ikaw ay narito sa mundo sapagkat may tungkulin kang gagampanan. Anumang ginagawa mo ay siyang salamin ng iyong pagkatao at ang iyong mga nakikita at natatanggap naman ang siyang repleksiyon nito. Anuman ang iyong nagawa sa iyong sarili, sa iyong paglisan ay kasama mo, subalit yaong mga nagawa mo para sa iba ay mananatili bilang naiwan mong pamana. Kapag namamanglaw at lugami ka, ang iyong kapaligiran ay nakikiayon din sa iyo. Ang pag-asa lamang ang tanging tanglaw para ang lahat ay maging malinaw. 
Ang pakikipag-kumunikasyon sa iba ay nakapagbubukas ng maraming pintuan sa iyong buhay para sa isang maaliwalas at maunlad na kinabukasan. Ang kailangan ngayon ay maumpisahan na ito, at ang lahat ay madali na lamang.

Ano pa ang hinihintay mo? Maging tunay na Pilipino na ngayon!

JESguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan