Pabatid Tanaw

Tuesday, February 27, 2024

Maging Matapat sa Sarili sa Lahat ng mga Bagay.

 

Ang unang hakbang ay maging matapat, at isunod dito ang maging uliran.

 Kailanman ay hindi ka maliligaw o mapapahamak kung ang nilalakaran mo ay tamang landas. Ang katapatan o tamang pagpapahalaga sa iyong sarili kung ano ang tama, at isagawa ang mga bagay na kinakailangang ituwid upang mabago. Tahasang panindigan sa sarili na isagawa ang nais na makamtan at matapat na gampanan kung sino ang ninanasa mong maging ikaw. Palaging isaisip ang bagay na ito sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. Sapagkat dito nakasalalay ang hinahangad mong tagumpay, dahil lahat ng mga ito ay matutupad lamang sa dulo ng iyong mga kamay. Ikaw mismo at wala nang iba pa ang tanging makakagawa nito para sa iyong sarili.  Apuhapin at sisirin sa iyong kaluluwa ang katotohanan upang ganap mong makilala kung sino kang talaga. Kapag nagawa ito, may kakayahan ka nang malaman kung saang direksiyon nais mong pumunta at kung papaano ka makakarating doon.


Jesse Navarro Guevara      
-Lungsod ng Balanga, Bataan

Simulan at Tahasang Harapin ang Iyong mga Suliranin

 

Bawat suliranin ay isang naka-balatkayong oportunidad.
Hindi ang mga problema ang siyang nagpapakilala kung sino kang talaga, kundi kung papaano ang naging reaksiyon mo, at kung nalagpasan o nalunasan mo ang mga ito. Ang mga alalahanin at mga kabiguan ay hindi mawawala hanggat hindi mo ito ginagawan ng kaukulang aksiyon para malunasan. Gawin kaagad ang lahat ng iyong makakaya, hanggat magagawa mo, at pahalagahan anuman ang iyong nagampanan maliit o malaki man ito. Katulad ng isang bata na nagsisimulang tumindig at ilakad ang kanyang mga paa, maiikling hakbang, bagamat nabubuwal ay nagpapatuloy, unti-unti sa tamang direksiyon hanggang sa matutong maglakad. Gayundin sa pagharap sa mga suliranin, kahit na mumunting pagkilos kapag pinagsama sa bandang huli ay malaki na ang nagagawang pagbabago.
2 Pormula: Tanungin lamang ang sarili;
1. Mayroon ka bang problema?   Oo. May magagawa ka bang solusyon tungkol dito?   Oo. Kung gayon, bakit ka nababagabag? May magagawa ka naman palang solusyon.
2. Mayroon ka bang problema?   Wala. Kung wala, bakit ka nababagabag? Hindi pa nangyayari ang inaasahan mo, natatakot ka na. Ikaw mismo ang naglalagay ng problema... kaya ka nababalisa.

Jesse Navarro Guevara   - Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Simulang Makipagkaibigan sa mga Karapatdapat na Tao.

 

Walang bagay sa daigdig na ito ang higit na pinahahalagahan kundi ang pakikipag-kaibigan. 

 Sila ang mga tao na nagpapasaya sa iyo kapag kapiling mo. Dahil kapag nakaharap ka nila ay minamahal ka, pinahahalagahan ka, at ipinagbubunyi ka. Sila ang mga tao na laging nasa iyong tabi kapag ikaw ay may dinaramdam, may pangangailangan, at nag-iisa. Sila ang kauna-unahang nalulungkot, nagdaramdam, nasasaktan, nagtatampo at nagagalit kapag napapabayaan mo ang iyong kalusugan at naliligaw ka ng landas. Ginagawa nilang makulay at masaya ang iyong pagkatao nang walang hinihintay na anumang kapalit.. kundi ang magpatuloy kang minamahal at nagmamahal.
   Kung pipili ka rin lamang ng makakasama sa iyong buhay, tiyakin lamang na ang hinahanap mong karakter sa isang tao ay siyang kahalintulad ng pinapangarap mong maging ikaw. Higit namang masaklap na magpatuloy sa isang pangit na relasyon na mistula kang bilanggo at kinokontrol ng iba.
   Magsimula nang pumili ng mga karapat-dapat na tao na makakasama mo sa iyong sirkulasyon at piliting umiwas sa mga negatibong tao na ang tanging hangad ay miserableng pamumuhay.

Jesse Navarro Guevara                                                                                                                          Lungsod ng Balanga, Bataan



Monday, February 05, 2024

PILIPINO Ka nga ba?


Kailangan nating panindigan kung sino talaga tayo, gaano man ang pagkatakot o pangamba ang bumabalisa sa ating pagkatao na makilala itong lubusan.  
ADHIKAIN: Ang magkaroon ng makabuluhang kaganapan na ibayong makakatulong para sa isang mapayapa at maunlad na lipunang makaPilipino.
 
Narito ang ilang napapanahong mungkahi ng AKO, tunay na Pilipino:

10 Hakbang upang Magampanan ang maging Tunay na Pilipino
 
1 -Patunayan na ang iyong mga kapasiyahan at mga pagkilos ay siyang pinakamahalaga. Mayroon kang kapangyarihan na piliin ang tama kaysa mali, sapagkat mayroon kang kadakilaan, at hindi natutuklasang potensiyal sa iyong kaibuturan na makagawa ng kabutihan at malaking kaibahan sa iyong pamayanan. Napakahalaga na magkaroon ka ng matatag na paninindigan, kung sino ka at hindi minamaliit o mawawasak ng sinuman na nagnanasang kontrolin at supilin ang sarili mong pagkatao. Ito lamang ang hindi makakayang nakawin mula sa iyo, na nagagawa mong sukatin at pangalagaan ang iyong sarili kahit kaninuman, saanman, at kailanman.
 
2 -Makinig, Magbasa, at Magsuri ng balita. Huwag umasa o, manalig sa mga bulungan at opinyon ng iba. Pag-aralan ang hinahangad na nais mangyari ng tagapagbalita at ang idudulot nitong pinsala o kabutihan para sa bayan. Isipin ang mahabang ibubunga ng mga pagbabago, at patakaran ng bansa kung masusunod ang kagustuhan ng mga nagtataguyod ng mga balitang ito. Limiin kung ito'y tandasang para sa bayan o para sa ikakayaman lamang ng iilan. At kung papaano makakaapekto ito sa iyong buhay at maging sa iyong pamilya at sa susunod pang mga henerasyon.
 
3 -Tanggapin kung papaano magagawa na ang ating pamayanan ay maging mabuting tirahan. Ano ang ating maiiwan at maipapamana sa ating mga anak? Alalahaning anuman ang ating ginagalawan sa ngayon na kapaligiran, ay siyang pamana sa atin ng ating mga ninuno. At kung papaano natin ito pinapahalagahan ay siya namang maiiwan sa mga sumusunod na henerasyon natin. Magagawa nitong mabago din ang iyong buhay kung bibigyan ng kaukulang atensiyon at kahalagahan.
 
4 -Makipag-ugnayan sa pamilya, sa mga kaibigan at mga piling tao sa komunidad tungkol sa mahalaga at makabuluhang mga pagbabago. Tiyakin na ang mga talakayan ay nakatuon sa mga praktikal at makabuluhang bagay na nakahihigit pa kaysa karaniwang araw-araw na pag-uusap. Ang mga napapanahong paksa ay mahalagang pinag-uusapan, nakasalang dito ang magaganap sa hinaharap. Narito ang iyong mga susunod na hakbang upang matiyak ang iyong matiwasay na kinabukasan. Iwasang nakakatulog sa mga pangunahing patakaran at mga pangyayari na nagaganap. Nangyayari lamang ang mga kalapastanganan kapag iilan lamang ang gising, tumututol, at lumalaban para dito. 
 
5 -Mag-ukol ng panahon na makapag-boluntaryo sa mga kagalingang pambayan. Ilaan ito sa mga adhikaing nagtataas ng antas ng kamalayan tungkol sa mahahalagang isyu tulad ng Pangangalaga sa Kapaligiran, Kawalang ng Tirahan, Pagmamalupit at Abuso sa mga Bata, Kawalan ng Trabaho, Prostitusyon, Kahirapan, Kagutuman, at Karapatang Pantao. Piliin ang napipisil mong higit na makabuluhan para sa iyo at higit na mahalaga para sa iba. Gustuhin mo man o hindi, ikaw ay apektado ng mga ito. Kung iilan lamang ang kumikilos, o nakikipatulungan para ito malunasan, lahat tayo ay patuloy na nakikiayon na maging mga biktima at magawang  abusuhin sa tuwina.
 
6 -Tumulong na mapairal ang tunay na Demokrasya sa ating bansa. Sa pangkalahatang kaganapan, nakakamit natin ang uri ng pamahalaan at antas ng lipunan na akma at nararapat lamang para sa atin, batay sa ating mga hangarin, mga pagkilos at pakikiayon sa mga namumuno sa atin. Dumarami ang mga masasama at nagpapatuloy lamang ang mga kabuktutan at pagsasamantala sa ating lipunan, kapag iilan na lamang ang natitirang mabubuti sa ating mga mamamayan. Kung wala kang pakialam at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng nakakarami, sa kalaunan, ikaw naman ang pakikialaman ng mga karahasang iyong iniiwasan, bilang karagdagang biktima. At sa puntong ito, wala nang makakatulong para sa iyo.
 
7 -Maging mapanlikha. Ibayong mag-isip para sa ikakaunlad ng bayan. Walang hangganan ang isang ideya at sa magagawa nitong potensiyal na kabutihan para sa lahat. Gamitin ang iyong mga katangian at kakayahan na makagawa ng kaibahan sa kapwa at maging sa pamayanan. Walang kakapusan ng pagkakataon na makagawa ng kaibahan lalo na doon sa mga kinagigiliwan mo; ang kakapusan lamang ay ang pagpasiyahan ito na mangyari. Hanapin ang mga bagay na nakapagbibigay ng ningning at tahakin ang landas na patungo dito.
 
8 -Mag-ambag ng anumang makabuluhang bagay mula sa iyo. Huwag ipagdamot ang makakayanan, maging salapi, mga bagay, at higit pa ng iyong panahon sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong, lalo na sa mga panahon ng kalamidad, karamdaman, at mga kagipitan. Walang relihiyon na higit na mataas pa kaysa Paglilingkod sa Sambayanan. Ang maglingkod para sa kabutihang panlahat ay pinakadakilang kredo o panuntunan sa buhay. Hindi tayo lumitaw na basta na lamang mabuhay, narito tayo para makagawa ng kaibahan, na may dakilang adhikain, at may Ispirito ng pag-asa at tagumpay. Bahagi tayo ng pamayanan, at anumang kaganapan na nangyayari para dito, mabuti o masama man, lahat tayo ay apektado.
 
9 -Huwag iwasan ang pagbabago, ito ang susi ng tagumpay. Ang pinakamahusay na pagbabago ay kadalasan na nagsisimula sa isang natatangi at simpleng kaisipan. Mag-analisa at mag-isip ng mga bagay na makakatulong para sa lahat. Tuklasin kung papaano maisasagawa ang pangarap na maging katotohanan. Kung nais mong magpalit ng trabaho para umangat sa buhay, napakahalaga na malaman mo kung papaano na masumpungan at maging masikhay sa mga pagkakataon na angkop at nagpapakilala ng iyong mga interes, mga kakayahan, at nagpapasaya sa iyo. Bagama’t hindi natin magagawa ang mga dakilang bagay, magagawa naman natin ang maliliit na bagay na may dakilang pagmamahal.
 
10 -Panatilihin na buhay ang pag-asa. Hindi ikaw lumitaw dahil sa panahon, ikaw ay narito sa mundo sapagkat may tungkulin kang gagampanan. Anumang ginagawa mo ay siyang salamin ng iyong pagkatao at ang iyong mga nakikita at natatanggap naman ang siyang repleksiyon nito. Anuman ang iyong nagawa sa iyong sarili, sa iyong paglisan ay kasama mo, subalit yaong mga nagawa mo para sa iba ay mananatili bilang naiwan mong pamana. Kapag namamanglaw at lugami ka, ang iyong kapaligiran ay nakikiayon din sa iyo. Ang pag-asa lamang ang tanging tanglaw para ang lahat ay maging malinaw. 
Ang pakikipag-kumunikasyon sa iba ay nakapagbubukas ng maraming pintuan sa iyong buhay para sa isang maaliwalas at maunlad na kinabukasan. Ang kailangan ngayon ay maumpisahan na ito, at ang lahat ay madali na lamang.

Ano pa ang hinihintay mo? Maging tunay na Pilipino na ngayon!

JESguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan