Pabatid Tanaw

Friday, December 29, 2023

Tatlong Talampakan Lamang

 

Isang makabuluhan na kuwentong Ruso mula sa aking ama.  Hinalaw at isinaayos para sa pagbubukas ng taon 2024.  Maraming ulit ko nang naikuwento ito. Dahil mahalaga at napapanahon, uulitin kong muli.

   Sa Rusya, isang pambihirang bansa na sumasakop sa malaking bahagi ng Europa at Asya, subalit may maliit na populasyon lamang ito. Dahil sa walang hintong mga digmaan, ang pinunong Tsar ay nagpahayag sa mga mamamayan nito na simulan nang sukatin and anumang lupain na nais nilang maangkin. Bilang palatandaan ito na Ruso ang nakatira at siyang nagmamay-ari.
       Ang patakaran: Magsisimula ang pagsukat mula sa ika-walo ng umaga hanggang ika-anim ng gabi. Anumang malagyan ng iyong panaling palantandaan ay magiging sa iyo. Kailangan naroon ka sa Pasinaya sa takdang oras bilang pagtatapos, upang pagtibayin ang mga itinali mong  palatandaan.
      Nang ihudyat na ang pasimula, mabilis na tumakbo ang Ruso na si Pakyaw at anumang makita, halamanan, kakahuyan, burol, kailugan, talampas, at mga kaparangan ay pilit niyang pinupuntahan at nilalagyan ng kanyang tali bilang palatandaan.
      Hanggat may natatanaw, kailangan niyang maangkin. Takbo nang takbo, humihingal, sumusubasob, gumigiwang na tatayo, painut-inot na lalakad, muling tatakbo, mapapasubsob, gagapang, pabuwal-buwal na tatayo, muling padapang babagsak, pawindang-windang na gagapang, nagkukumahog .., sa pagnanasang mapuntahan ang lahat na kanyang natatanaw. Tali dito sa talahib, tali doon sa mga puno, tali sa mga baging at bawat makita na maaaring talian, ay walang puknat sa pagdudumali. Hanggang maubos ang kanyang panali.
     Huminto si Pakyaw at humihingal na nagpalinga-linga sa paligid, nanghihinayang sa nakitang kaparangan, ngunit wala na siyang panali. Naibulong sa sarili, "Napakatanga ko naman, hindi ko dinamihan ang aking panali."
     Pasalampak na umupo sa batuhan, nang mapansin niyang palubog na ang araw, nagdudumali ito na paika-ikang tumakbong pabalik kung saan siya nagsimula, nagkukumahog, hinahabol ang paghinga,  pinagpapawisan nang malapot, humahagok, pabuwal-buwal sa pag-aantalalan. "Ka-kha-kailalangang ...ma-mha-karah-ting aa-k-ko ssa  pasinayaan, kha-ka-ilangan nna-ro-on.. ako." ang pautal-utal na nasambit nito.
     Sumasagok ang laway sa pagod, sumusubasob, gagapang padapa, patihaya at patagilid na umuusad, kinakalaykay ang mga paa.  Painut-inot na tatayo, mabubuwal .., kahit na nakalugmok sa hirap, patuloy sa pag-usad. Walang tigil kahit anuman ang mangyari, sa pagnanasang makarating sa Pasinaya.
     Kinakapos na sa paghinga, nagdidilim na ang paningin, nagpupumilit pa rin sa paggapang, maputla na ito at nanginginig ang buong katawan, ngunit malayo pa ang Pasinaya.
     Nanlalambot at wala nang lakas pang natitira kay Pakyaw, napapatuwad, sa pagnanais na makatayo, ngunit napapasubsob.
     Maya-maya pa ay napatigil ito ... Pahinay-hinay ang usad, hanggang sa gumulong ang nalantang katawan sa isang maliit na guwang ng lupa... Nawalan ng ulirat, at dito tuluyan nang pinanawan na lakas, napugto ang hininga at tuluyan nang naglaho ang lahat.
     Ang guwang ay may sukat na tatlong talampakan lamang. Ito pala ang higit na kailangan niya, na kung saan dito matatapos ang lahat para sa mga kapaguran niya.
     Tatlong talampakan lamang pala ang kailangan sa lahat ng kanyang mga kapaguran.

Tatlong talampakan lamang pala ang nakaukol bilang libingan. Walang labis at walang kulang. Sapat na katibayan na hindi kailanman maiiwasan. Alalahanin, na lahat ng mga kaganapan, sa bawat mga pagpupunyagi, mga sakripisyo at pagsasaalang-alang, lahat ay may nakatakdang katapusan.

   Sa bandang huli, IKAW at sarili mo lamang ang higit na nakakaalam sa tunay mong katauhan, sa mga ninanasa, at direksiyong pupuntahan. Ito ay nasusulat at siyang banal na katotohanan.

   Tatlong talampakan lamang.

--Makabuluhang Tanong: Bakit may mga tao na patuloy ang pagnanasang makamit ang lahat hanggang may makukuha pa. Kahit na isang bilangguang walang rehas ang kinasadlakan at patuloy sa araw-araw na pagpasok sa nakasanayang gawain?
    Alin ba ang tama: Ang kumain para mabuhay? O, ang mabuhay para kumain?
Ang magising isang umaga at mapatunayan na ang lahat ng PINILING mga kaganapan ay isang palang PAGKAKAMALI?
   Para saan ba ang lahat? Ang magkaroon ng salapi na hindi nakakatiyak kung pakikinabangan pa ito? " Kapalit ng nausyaming kabataan at kawalan ng pagkakataon sa buhay, "Gaano ba karami ang sapat?"
Pakalimiin po, at ibayong pahalagahan ang mga kasunod na kaganapan.

Salamuch po, at ...  Isang Mapayapa, Masagana, at Maligayang 2024 sa lahat!

Jesse navarro Guevara                                                                                                                                     Lungsod ng Balanga, Bataan



Sunday, November 26, 2023

KUMILOS na Bago pa Mahuli ang Lahat

 


Buhay na hindi kinilatis, ang kasasadlakan ay kahapis-hapis.
Ang batas ng inertia o nakatigil ay nangyayari lamang kung walang magpapakilos sa isang bagay. Wala itong kakayahan na kumilos na mag-isa. Ang isang katawan na nasa mosyon (kumikilos) ay mananatiling nasa mosyon, sa parehong tulin at parehong direksiyon, hanggang walang nakikialam na puwersa sa labas nito para ito patigilin.
   May isang pangunahing pagkakaiba ito, ang batas na ito ay akma at puwedeng maihalintulad sa mga nagaganap sa ating buhay.
 
   Narito ang ilan sa mga natuklasan ko:
1.      Ang mga tao na masipag, matiyaga, at may disiplina ay may mararating.
2.      Ang mga tao na matapat, may pananalig, at pagtitiwala sa sarili ay matagumpay.
3.      Ang mga tao na patuloy ang tagumpay ay mananatiling matagumpay.
4.      Ang mga tao na masayahin ay mapayapa at maligaya.
5.      Ang mga tao na uliran ang pamumuhay ay iginagalang at may ulirang reputasyon.
6.      Ang mga tao na mapagpasalamat at mapaglingkod ay maraming oportunidad sa buhay.
7.      Ang mga tao na dumadalangin sa tuwina ay laging pinagpapala; matiwasay at masagana ang kanilang buhay.
   Sa pag-aaral tungkol sa kalikasan at mga kapangyarihan nito sa agham at pisika (physics), ang inertia ay kinokontrol ng panlabas na mga puwersa. May nagwika; “Ang pinakadakilang natuklasan sa ating henerasyon ay mababago ng tao ang kanyang buhay kung papalitan lamang ang mga saloobin ng kanyang isipan.” Sapagkat anuman ang iyong nasa isipan, ito ang iyong saloobin at magiging kapasiyahan. Walang dapat na sisihin kung mali ang mga saloobin. Kung mabuti ang iniisip, ang resulta nito ang makakasagip.
Magagawa mong mabuhay sa bawat araw ng iyong buhay; magsisimula ang lahat sa dulo ng iyong mga kamay. 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Mahalin ang Sarili

 


Sinasadya mo bang harangan at balewalain ang iyong sarili na magtagumpay at lumigaya? Kung hindi, bakit patuloy na tinatanggap at nakagiliwan na ang antas o kalagayan mo sa buhay? At higit mong sinusunod ang mga opinyon ng iba kaysa pakinggan ang mga karaingan ng iyong puso na magbago para sa iyong kaunlaran.
   Hindi mo ba napapansin na ang mga pangungusap mo'y pawang paghamak sa iyong sarili? "Maliit lang suweldo, dahil trabahador lamang ako." "Komersiyo lamang ang natapos ko, kaya serbidora o 'domestic helper' na ang hanapbuhay ko." "Maestra lamang ako at ito ang nakaya ng mga magulang ko na matustusan." "Hindi ako nakapag-aral, kaya isang kahig at isang tuka ang nalalaman ko." Lahat ng ito'y may katagang 'lamang' na pagmamaliit sa pagkatao. Kadalasan nating nadidinig at katuwiran ito ng karamihan sa atin. Kaya nga, ito ang talagang kinapupuntahan ng kanilang kapalaran. Anumang bagay na lagi mong iniisip at binibigkas, ito ang siyang nakatakdang maganap.
   Kung nais mong mabago ang iyong buhay, baguhin mo ang iyong iniisip upang mabago ang iyong mga pagkilos, nang sa gayon ay magkaroon ng pagbabago sa iyong kapalaran. Sapagkat kung talagang nais na magbago ay may mga kaparaanan, at kung walang ambisyon at mga pangarap ay may mga kadahilanan. Lalo na kung may kahalong 'dapat,' 'sana,' 'kaya lamang,' isang araw,' kung ako sa iyo,' 'marahil,' 'akala,' atbp. Mga pangungutwiran ito na lipas na sa panahon at kinahumalingan na ng maraming tumatakas sa responsibilidad at katotohanan.  Nasanay na sa kahirapan at tinanggap na ang kapalarang kinasadlakan.
Ito ang natutuhan na kawalan ng pag-asa sa buhay.

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Magsimula nang MAGBAGO

 

Kapag mahapdi ang nararanasan binabago
nito ang iyong nakaugalian.
Takot na magbago? Kung nanaisin lamang madali ang magbago, ngunit ang mahirap kung kailan ito masisimulan. Simpleng pang-unawa lamang; ang pagbabago ay isang emosyonal na proseso. Sapagkat tayong lahat ay mga nilalang na may kagawian; basta may nakawilihan tayo na bagay, sa katagalan, ito ay makakahumalingan na. Sapagkat ugali natin ang umulit; dahil makulit tayo sa mga nagpapasaya sa atin… At takot tayong lumusong o makipagsapalaran sa hindi natin nararanasan pa. Kung ano ang komportable at nakasanayan na; ito ay ritwal na at mananatili tayo na sinusunod ito, kahit alam natin na kung babaguhin ay may magandang resulta.
   Ang masamang droga, sigarilyo, alak, at pagtaba ay mga delikado; dahill sa pagmamalabis, buhay ang nakataya dito, subalit marami ang makulit at huli na kung magbagò---at hindi kataka-taka kung maaga silang yumaò.
Narito ang ilang mga suhetisyon bilang mga inspirasyon:
   Baguhin ang kailangang mabago; Batid natin na bago tayo gumawa ng pamingwit sa isda, kailangan nating malaman kung saang ilog ang may maraming isda. May kaalaman tayo sa ipapain at paboritong kagatin ng mga isda. Kung hindi kilala ang sarili, kung ano ang nais, at saan patungo, walang magagawang pagbabago.
   Sundin ang itinitibok ng puso, narito ang iyong simbuyó (passion); Mabilis ang pagbabago kung ang sinusunod ay sariling kagustuhan at hindi sa pangungutyâ at sulsol ng iba.
   -Madali ang yakapin ang mga bagong ideya kaysa itapon ang mga lumang ideya.
   -Ituon sa kalakasan ang atensiyon, doon sa kritikong mga bagay na nakakatulong at hindi sa maraming walang katuturan na nagnanakaw ng iyong mahalagang mga panahon.
   Tanggalin ang mga hadlang; Kapag hinahabol ka ng mga leon, walang saysay pa na maala-ala na ang hangarin mo ay ikulong sila sa malaking hawla, o, kahit ang magdasal pa. Ganoon din ang umaasa, magkasunog lamang, ililigtas ang katawan na walang sermon at pangaral man.
   Nagsisimula ang lahat sa paniniwala; ang tunay na Pilipino ay may pananalig sa kapwa Pilipino. Nagagawa niya na mabigyan ng inspirasyon ang kapwa na magtiwala ito sa sarili. May pagmamalasakit at handang maglingkod anumang sandali.
   Simplehan ang mensahe; Ang gawing kumplikado ang simpleng bagay ay karaniwan na, ngunit ang simplehan ang kumplikado ay kahanga-hanga – at pambihirang magawa. Iba na ang malinaw kaysa malabô. Hayaan ang iyong mga aksiyon ang siyang mangusap; dahil nakikilala ang iyong pagkatao sa iyong mga ginagawa at hindi sa mga salita.

Ang mga bagay na ginagantimpalaan at pinapahalagahan ay yaong mga nagawâ.
 

Alamin ang Sariling Buhay

 

Buhay na hindi inalam, pawang ligalig ang kauuwian.
Kanustá ka na? Ano ang ginagawa mo sa ngayon? Bakit tila may problema ka? Ilan lamang sa mga katanungan na ating binibigkas kapag may nakaharap tayong mga kamag-anak, mga kaibigan o maging mga kakilala. …at marami sa kanila ang nagsasabi na ang buhay na hindi nilimi o pinag-aralan ay hindi mahalagang ipamuhay.
Bakit naman ganyang ang isinagot mo? Ang kasunod nating itatanong.
   Dahil karamihan ay nakatanikala at hindi makatakas sa bilangguang kinasadlakan nila. Sa mga relasyong naging patibong at hindi na sila makaahon pa. Sa mga trabahong tila mga kable at lubid na gumagapos sa kanila para lalong malublob at ikalunod nila. Sa bawat araw, patuloy nilang kinakaladkad ang kanilang mga paa para lamang maipakita na sila ay lumalaban sa buhay kahit animo’y mga patay at wala nang sigla pa. Sapagkat subsob at palaging abala sa mga gawain at mga bagay na umaaliw sa kanila, nakalimutan nang alamin ang kahulugan ng sariling buhay. 
   Bihira ang nagsasabi na kinagigiliwan at sadyang aliwan na nila ang kanilang mga gawain. Kahit na hindi sila bayaran ay gagawin pa rin nila ang kanilang mga trabaho. Dahil inalam at pinaglimi nila kung bakit lumitaw at narito pa sila sa mundo. Ito ang mga tao na kilala nila ang kanilang mga sarili, alam kung ano ang mga naisin sa buhay, at kung saang direksiyon patungo.
   Ang buhay na hindi pinaglimi ay walang katuturang buhay. Mistulang tuyot na patpat na matuling tinatangay ng agos sa ilog, at kung saan dalhin ng alon ay doon isasalpók. Ito ang buhay na maligalig, nalilito, at walang direksiyon kung saan pupunta. Ang pinakamainam na paraan upang tahasang matukoy kung anong talaga ang mga ninanasa mo sa buhay, ay ang tanungin ang iyong sarili nang masimbuyò at palagi; Ano ba ang talagang pinag-aaksayahan ko ng panahon? Masaya ba ako sa mga taong nakapaligid sa akin? May respeto ba at may pagtitiwala ang aking pamilya tungkol sa akin? Mabuti ba ang aking relasyon sa mga kasamahan ko sa trabaho? May pananalig ba ang mga kaibigan ko sa akin? Nagawa ko ba ang maging mapayapa sa aking nakaraan? Madalas ba at sapat ang mga kasayahang umaaliw sa akin? Ako ba ay maligaya sa ngayon? Kung nakakahigit ang hindi at may alinlangan ang mga kasagutan, may mga mahalagang bagay na nakakaligtaan ka sa iyong buhay.
   Alamin at tanggapin sa sarili na ipinamumuhay mo ang mga bagay na likas at kusang sumisibol sa iyong puso, dahil narito ang iyong mga potensiyal upang maisakatuparan ang tunay mong kaganapan. Kung AKO ang tatanungin, ang pinagliming buhay ay siya lamang makabuluhang ipamuhay.
Walang makakapag-andáp sa ningas na kumikislap mula sa iyong kaibuturán.
Parting shot:
Some people die at 25, others in their early forties and most of them aren't buried until 75.
We call them Zombies, and they prefer Zombyosis. Isa ka ba sa kanila?
 

andàp, malamlám, malabò adj. dim
kaibuturan, n. inner core
kisláp, kináng, n. shine
ningas, sindí, dingas, liyàb, n. flame
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Sunday, October 08, 2023

Ang Buhay ay Mapait Kapag Laging Nagagalit

 

Ang galit ay mabigat na bagahe na patuloy nating pinapasan, at sa kalaunan ay ating kapahamakan.
Nakita at naranasan na natin ang magalit at ito ay nagpapasulak ng dugo at nagpapainit sa ulo. Ang resulta ay manggalaiti, mainis at kung magpapatuloy pa ay ang masuklam. Pinahihina ng galit ang ating kalakasan at kasiglahan upang maging talunan at mabigo sa ating mga ginagawa o pakikipag-relasyon sa iba.
   Dati-rati ay normal at simpleng mga pagkilos lamang, ngunit nang mahaluan ito ng pagkagalit ay naging isang karamdaman, na sumisira sa katinuan ng ating isipan, at wala kang sapat na panahon o pagtitimpi na maisaayos ito nang ganap. Simula na ito ng mga pag-aalinlangan sa mga gawain, pagkainis sa sarili, at kawalan ng pagtitiwala. Sa halip na mahusay na makagawa, napalitan ito ng patama-tama at basta makaraos na paggawa. Ang pagkagalit ay mapaminsala at kapahamakan ang patutunguhan kung hindi maiiwasan.
   Upang maampat ang apoy, kailangang alisin ang pangunahing elemento nito sa pagliliyab. Kung aalisin ang gatong na nagpapaliyab dito, titigil ang pagdingas ng apoy. Ganito din kapag may alitan, nag-aaway o nagkakasakitan, kailangang alisin ang pinagmumulan ng awayan na siyang nagpapasiklab o umaapoy dito. Ang gatong sa walang katwiran na pagkagalit ay ang maling paniniwala sa pananalita at mga ikinikilos ng iba at kung papaano ito nakakaepekto sa iyo. Walang bagay na makakaapekto sa iyo kung wala kang pahintulot. Nagaganap lamang ang pagtatalo kung ikaw mismo ay sumasali sa nais mangyari ng iyong kausap para maging katunggali mo siya. Kung susubukang tignan ang sitwasyon na nakatago sa ilalim at hindi sa ibabaw, mauunawaan kung ano ang dahilan o motibo ng iba at ng iyong isinusukling reaksiyon tungkol dito. May kakayahan kang ampatin ang apoy na nagpapasiklab dito para maging mapayapa ang lahat.
Sa dalawang nagtatalo, tumahimik lamang ang isa ay wala nang pagtatalunan pa.
 
Jesse Navarro Guevara                                                                                                           
Lungsod ng Balanga, Bataan

Saturday, October 07, 2023

Umiwas na maging Pakialam

 

 UMIWAS: HUWAG nating gawin ang mga ito:

HUWAG mong hayaan na makapangyari ang mga negatibo at nakakalasong bagay na makaapekto sa katinuan ng iyong isipan. At sa kalaunan ay mistulang lason na unti-unting pumapatay sa iyo.
HUWAG hayaan ang mga aksiyon ng ibang tao ay magdulot ng kapighatian sa iyong puso.
HUWAG hayaan na manaig ang kalapastanganan ng iba ay sirain ang maganda mong pangarap.
HUWAG hayaan ang patuloy na pamumuna, pamimintas, at pananakit sa iyong damdamin.
HUWAG hayaan ang mga paninira sa iyong reputasyon na wasakin ang iyong pananalig sa sarili.
HUWAG hayaan ang mga taga-duyan, mga tagasulsol, at mga tagausisa na makialam sa iyong sariling buhay. Hindi sila ang mapapahamak kundi ikaw mismo.
HUWAG hayaan ang kayabangan at pagmamataas ng iba ay magaya mo kapag nakisama ka sa kanila.
HUWAG hayaan na tuluyang mawasak ang iyong pamilya sa kasamaan ng isang miyembro nito.
HUWAG hayaan ang iyong kapaligiran na maging maingay, marumi, at magulo, hindi ka patatahimikin nito. Gawing tahimik, malinis, at maayos ang lahat, ...para manaig ang kapayapaan.
HUWAG hayaan na laging maging biktima ks sa kamalian at pagsasamantala ng iba.
HUWAG hayaan na manatiling bilanggo ka ng walang sawang pang-aabuso sa iyong kahinaan.
HUWAG hayaan na mawalan ng kabuluhan ang mga aral at leksiyon na iyong naranasan. Sa pamamagitan nito ... ang siyang magpapalakas sa iyo na tumindig at lumaban para sa iyong kapakanan.

Jesse Navarro Guevara                                                                                                                            Lungsod ng Balanga, Bataan


Saturday, September 30, 2023

Ang Huwaran at Tunay na PILIPINO


 Kailangan nating panindigan kung sino talaga tayo, gaano man ang pagkatakot o pangamba ang bumabalisa sa ating pagkatao na makilala itong lubusan.  
ADHIKAIN: Ang magkaroon ng makabuluhang kaganapan na ibayong makakatulong para sa isang mapayapa at maunlad na lipunang makaPilipino.
 
Narito ang ilang napapanahong mungkahi ng AKO, tunay na Pilipino:

10 Hakbang upang Magampanan ang maging Tunay na Pilipino
 
1 -Patunayan na ang iyong mga kapasiyahan at mga pagkilos ay siyang pinakamahalaga. Mayroon kang kapangyarihan na piliin ang tama kaysa mali, sapagkat mayroon kang kadakilaan, at hindi natutuklasang potensiyal sa iyong kaibuturan na makagawa ng kabutihan at malaking kaibahan sa iyong pamayanan. Napakahalaga na magkaroon ka ng matatag na paninindigan, kung sino ka at hindi minamaliit o mawawasak ng sinuman na nagnanasang kontrolin at supilin ang sarili mong pagkatao. Ito lamang ang hindi makakayang nakawin mula sa iyo, na nagagawa mong sukatin at pangalagaan ang iyong sarili kahit kaninuman, saanman, at kailanman.
 
2 -Makinig, Magbasa, at Magsuri  balita. Huwag umasa sa mga bulungan at opinyon ng iba. Pag-aralan ang hinahangad na nais mangyari ng tagapagbalita at ang idudulot nitong pinsala o kabutihan para sa bayan. Isipin ang mahabang ibubunga ng mga pagbabago, at patakaran ng bansa kung masusunod ang kagustuhan ng mga nagtataguyod ng mga balitang ito. Limiin kung ito'y tandasang para sa bayan o para sa ikakayaman lamang ng iilan. At kung papaano makakaapekto ito sa iyong buhay at maging sa iyong pamilya at sa susunod pang mga henerasyon.
 
3 -Tanggapin kung papaano magagawa na ang ating pamayanan ay maging mabuting tirahan. Ano ang ating maiiwan at maipapamana sa ating mga anak? Alalahaning anuman ang ating ginagalawan sa ngayon na kapaligiran, ay siyang pamana sa atin ng ating mga ninuno. At kung papaano natin ito pinapahalagahan ay siya namang maiiwan sa mga sumusunod na henerasyon natin. Magagawa nitong mabago din ang iyong buhay kung bibigyan ng kaukulang atensiyon at kahalagahan.
 
4 -Makipag-ugnayan sa pamilya, mga kaibigan kaibigan at mga piling tao sa komunidad tungkol sa mahalaga at makabuluhang mga pagbabago. Tiyakin na ang mga talakayan ay nakatuon sa mga praktikal at makabuluhang bagay na nakahihigit pa kaysa karaniwang araw-araw na pag-uusap. Ang mga napapanahong paksa ay mahalagang pinag-uusapan, nakasalang dito ang magaganap sa hinaharap. Narito ang iyong mga susunod na hakbang upang matiyak ang iyong matiwasay na kinabukasan. Iwasang nakakatulog sa mga pangunahing patakaran at mga pangyayari na nagaganap. Nangyayari lamang ang mga kalapastanganan kapag iilan lamang ang gising, tumututol, at lumalaban para dito. 
 
5 -Mag-ukol ng panahon na makapag-boluntaryo sa mga kagalingang pambayan. Ilaan ito sa mga adhikaing nagtataas ng antas ng kamalayan tungkol sa mahahalagang isyu tulad ng Pangangalaga sa Kapaligiran, Kawalang ng Tirahan, Pagmamalupit at Abuso sa mga Bata, Kawalan ng Trabaho, Prostitusyon, Kahirapan, Kagutuman, at Karapatang Pantao. Piliin ang napipisil mong higit na makabuluhan para sa iyo at higit na mahalaga para sa iba. Gustuhin mo man o hindi, ikaw ay apektado ng mga ito. Kung iilan lamang ang kumikilos, o nakikipatulungan para ito malunasan, lahat tayo ay patuloy na nakikiayon na maging mga biktima at magawang  abusuhin sa tuwina.
 
6 -Tumulong na mapairal ang tunay na Demokrasya sa ating bansa bansa. Sa pangkalahatang kaganapan, nakakamit natin ang uri ng pamahalaan at antas ng lipunan na akma at nararapat lamang para sa atin, batay sa ating mga hangarin, mga pagkilos at pakikiayon sa mga namumuno sa atin. Dumarami ang mga masasama at nagpapatuloy lamang ang mga kabuktutan at pagsasamantala sa ating lipunan, kapag iilan na lamang ang natitirang mabubuti sa ating mga mamamayan. Kung wala kang pakialam at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng nakakarami, sa kalaunan, ikaw naman ang pakikialaman ng mga karahasang iyong iniiwasan, bilang karagdagang biktima. At sa puntong ito, wala nang makakatulong para sa iyo.
 
7 -Maging mapanlikha. Ibayong mag-isip para sa ikakaunlad ng bayan. Walang hangganan ang isang ideya at sa magagawa nitong potensiyal na kabutihan para sa lahat. Gamitin ang iyong mga katangian at kakayahan na makagawa ng kaibahan sa kapwa at maging sa pamayanan. Walang kakapusan ng pagkakataon na makagawa ng kaibahan lalo na doon sa mga kinagigiliwan mo; ang kakapusan lamang ay ang pagpasiyahan ito na mangyari. Hanapin ang mga bagay na nakapagbibigay ng ningning at tahakin ang landas na patungo dito.
 
8 -Mag-ambag ng anumang makabuluhang bagay mula sa iyo. Huwag ipagdamot ang makakayanan, maging salapi, mga bagay, at higit pa ng iyong panahon sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong, lalo na sa mga panahon ng kalamidad, karamdaman, at mga kagipitan. Walang relihiyon na higit na mataas pa kaysa Paglilingkod sa Sambayanan. Ang maglingkod para sa kabutihang panlahat ay pinakadakilang kredo o panuntunan sa buhay. Hindi tayo lumitaw na basta na lamang mabuhay, narito tayo para makagawa ng kaibahan, na may dakilang adhikain, at may Ispirito ng pag-asa at tagumpay. Bahagi tayo ng pamayanan, at anumang kaganapan na nangyayari para dito, mabuti o masama man, lahat tayo ay apektado.
 
9 -Huwag iwasan ang pagbabago, ito ang susi ng tagumpay. Ang pinakamahusay na pagbabago ay kadalasan na nagsisimula sa isang natatangi at simpleng kaisipan. Mag-analisa at mag-isip ng mga bagay na makakatulong para sa lahat. Tuklasin kung papaano maisasagawa ang pangarap na maging katotohanan. Kung nais mong magpalit ng trabaho para umangat sa buhay, napakahalaga na malaman mo kung papaano na masumpungan at maging masikhay sa mga pagkakataon na angkop at nagpapakilala ng iyong mga interes, mga kakayahan, at nagpapasaya sa iyo. Bagama’t hindi natin magagawa ang mga dakilang bagay, magagawa naman natin ang maliliit na bagay na may dakilang pagmamahal.
 
10 -Panatilihin na buhay ang pag-asa. Hindi ikaw lumitaw dahil sa panahon, ikaw ay narito sa mundo sapagkat may tungkulin kang gagampanan. Anumang ginagawa mo ay siyang salamin ng iyong pagkatao at ang iyong mga nakikita at natatanggap naman ang siyang repleksiyon nito. Anuman ang iyong nagawa sa iyong sarili, sa iyong paglisan ay kasama mo, subalit yaong mga nagawa mo para sa iba ay mananatili bilang naiwan mong pamana. Kapag namamanglaw at lugami ka, ang iyong kapaligiran ay nakikiayon din sa iyo. Ang pag-asa lamang ang tanging tanglaw para ang lahat ay maging malinaw. 
Ang pakikipag-kumunikasyon sa iba ay nakapagbubukas ng maraming pintuan sa iyong buhay para sa isang maaliwalas at maunlad na kinabukasan. Ang kailangan lamang ay maumpisahan ito at ang lahat ay madali na lamang.

Ano pa ang hinihintay mo? Maging tunay na Pilipino na ngayon!


JESguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan