Pabatid Tanaw

Tuesday, November 29, 2022

Isang Mahalagang Pagpupugay

 

Mabuhay ang Dakilang Supremo!
Ang Ama ng Ating HIMAGSIKAN

159 na Dakilang Araw ng Kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio
(Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897)

   Si Gat. Andres Bonifacio ay hindi lamang Ama ng Himagsikan ng Pilipinas. Si Bonifacio ay panglahatang higit pang mataas na Ama ng Demokrasya ng Pilipinas.   –Manuel L. Quezon, President, Philippine Commonwealth

   Mula sa tagaulat ng kasaysayan natin na si Milagros Guerrero, ang mga titulo o designasyon na pagpupugay sa ating Dakilang Supremo:

    Pangulo ng Kataastaasang Kapulungan
    (President of the Supreme Council)

    Ang Kataastaasang Pangulo
    (The Supreme President)

    Pangulo ng Haring Bayan ng Katagalugan
    (President of the Sovereign Nation of Katagalugan)
    Note: "Bayan" means both "people" and "country"

    Ang Pangulo ng Haring Bayan Nagtatag ng Katipunan
, Unang Nagsimula ng Panghihimagsik
    (The President Sovereign Nation Founder of the Katipunan,
    Initiator of the Revolution)

  Opisina ng Kataastaasang Pangulo, Pamahalaan ng Panghihimagsik
    (Office of the Supreme President, Government of the Revolution)

   Si Bonifacio ay nangungunang bayani ng Himagsikang Pilipino, sapagkat siya ang nagpasimuno ng Himagsikan sa Pilipinas, isang sandatahang paghihimagsik laban sa kolonyal at hindi makatarungang pamamahala ng mga Kastila. Halos apat na daang taon tayong napailalim at pinagmalupitan---at naputol lamang ito nang itatag at pamumunan ni Bonifacio ang Katipunan. Kung hindi siya nagsimula, wala tayong pag-uukulan ng papuri at pagdakila para sa mga bayaning sina Emilio Jacinto, Antonio Luna, Gregorio del Pilar, Miguel Malvar, Macario Sakay, at marami pang iba. Kung wala tayong kasaysayan, wala tayong pagkakakilanlan bilang isang lahi.

   Sila ang nagpatuloy ng himagsikan matapos patayin ng mga Magdalo ng Kabite ang magkapatid na Bonifacio (Andres at Procopio) sa pamumuno ni Don Emilo Aguinaldo, sa Maragondon, Kabite.  Isang nakakalunos na kabanata ng ating kasaysayan ang trahedyang ito sa buhay ni Bonifacio, higit na napakasakit at ibayong kasuklam-suklam; ang pagtataksil sa kanyang pamumuno bilang Supremo ng Katipunan, at ang walang awang pagpatay sa kanya mula sa mga kamay ng kapwa niya Pilipino, gayong nasa kalagitnaan sila ng pakikipaglaban para matamo ang ating kalayaan. Sa halip, ang pag-agaw sa liderato ng Katipunan ang namayani at siyang nagpahina sa rebulusyon. At sa pagkakawatak-watak ng mga katipunero; sinamantala ng mga dayuhang Amerikano ang alitan ng mga Pilipino, upang mapalitan ang pamahalaang Kastila sa Pilipinas.

   Nakatapos ng apat na grado lamang, dahil maagang naulila at tumayong magulang sa mga kapatid. Subalit nag-aral sa sarili ng mga literaturang kanluranin at nagawang maging kasapi ng kapatiran ng malalayang mason (Freemasons), na kung saan ang mga lihim nitong ritwal, pagsanib, pagsumpa, at mga proseso ay naging inspirasyon niya. Isinalin at ginamit niya ang mga ito upang maitatag ang Katipunan. 

   Pinatutunayan ng ating mga tagaulat ng kasaysayan na higit ang pagkabayani ni Bonifacio kaysa Gat. Jose Rizal. Sa mga panulat ni Rizal, matutunghayan na hindi siya kailanman naghangad ng kalayaan para sa Pilipinas. Madalas na ipinapahayag niya ang pagnanais na magkaroon lamang ng representasyon ang Pilpinas sa pamahalaan ng Espanya (Spanish Cortes) bilang isang lalawigan. Nang bisitahin nila Bonifacio si Rizal noong siya ay nakakulong, hinimok nila si Rizal na suportahan ang rebulusyonaryong Katipunan.Tumanggi si Rizal at nagbabala pa na huwag gawin ito at kapahamakan lamang mauuwi ang lahat. Ayon sa kanya, walang kakayahan ang mga Pilipinong mag-alsa at lumaban sa isang malakas at malaking bansa na tulad ng Espanya.

   Isang malaking pagdakila ang araw na ito para sa tinaguriang “The Great Plebeian” at maging sa mga kapus-palad nating mga kababayan na binansagang mga “Bagong Bayani" na nasa iba’t-ibang sulok ng mundo. Tulad ng ating Supremo ---sila ang mga uri ng manggagawa sa hanay ng mga  kapuspalad at maralitang antas sa ating lipunan. Nagsitakas sila mula sa kahirapan at pinagtitiisang mawalay sa mga mahal sa buhay; sa paghahangad ng ginhawa at magandang kinabukasan ng pamilya. Tulad ng ating Supremo---pinilit kalabanin ang pagmamalupit sa lipunan, itinitindig ang karangalan, ipinaglalaban ang mga karapatan, ipinapakitang kahit mula sa lupa, ay nagagawang makatayo at humarap sa katotohanan para sa kapakanan ng Inang-Bayan. 


Mabuhay ang mga tunay na Pilipino!

Mabuhay tayong lahat!
JESguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

MagbaGO na po Tayo

Kung walang kikilos, sino ang inaasahan mong kikilos para sa iyo? Ikaw MISMO ang magsisimula upang ang mga bagay na iniisip mo ay magkatotoo.

Mamuhay nang mabuti na batbat ng katotohanan. Sakali mang may paniniwala ka na may higit na makapangyarihan sa lahat at makatwiran ito, at hindi binibigyan ng pansin kung gaano ka taimtim manalangin o sa pagka-deboto mo, bagkus tinatanggap at pinagpapala ka sa uliran mong buhay, ito ang iyong harapin at patuloy na isagawa mo.
   Sakali mang may mga diyus-diyosan, na mahiligin sa panghingi ng salapi at mga abuloy upang mapunta ka daw sa paraiso, kailangang sampalin mo ang iyong sarili para magising at huwag magpaloko sa mga bulaang propeta na nagpapanggap na mga banal. Pawang pagpapayaman sa kanilang mga sarili lamang ang kanilang inaatupag at hindi ang sarili mong kaligtasan. Iwasan ang kanilang mga diyos na makamkam at gahaman sa kislap ng salapi. Hindi sa pamamagitan ng salapi nabibili ang iyong kaligtasan, ito ay nasa iyong pagiging uliran at halimbawa sa pamayanan.
   Sakali mang hindi totoo na may makapangyarihang sa lahat; at ikaw ay lumisan na sa mundong ito, kung nagawa mong uliran ang iyong buhay at hindi nagpasulsol at nagpasakop sa mga bulaang propeta, mga ganid na pulitikong namimili ng boto, at mga mandarayang negosyante; mananatiling buhay ang iyong alaala sa puso ng iyong mga mahal sa buhay. 
  At kung ipinanganak ka sa Pilipinas, at ang mga magulang mo'y likas na mga Pilipino at maging ipinanganak ka nila sa ibang bansa, ikaw ay Pilipino. Ang pagkakaiba lamang ay kung totoong Pilipino ka; sa isip, sa salita, at sa gawa. Kapag nagawa mo ito, tunay na Pilipino ka. Walang kinalaman dito ang relihiyon mo o ang mga bulaang propeta na nagpapanggap na mga banal. Lalo naman kung makikinig ka at magpapasulsol sa mga huwad na Pilipino na ipinagbibili ang ating kasarinlan sa mga banyaga, at pawang pagnanakaw sa kaban ng bayan ang inaatupag. Kilala natin sila, ang mga buwayang walang kabusugan sa Kongreso, mataas o mababang kapulungan man ito.
Papaano ba ang maging tunay na Pilipino?
   Ito ay ang magampanan mo nang walang pagkukunwari ang itinitibok ng iyong puso. Mula sa isip, sa salita, at sa gawa nang may kawagasan at walang anumang pagbabago sa simula hanggang wakas. 

Mga Katangiang Nagpapakilala ng Wagas na Pagkatao: Bilang Pilipino
1. Katapatan -Ito ang kapangyarihan ng katotohanan kung sino ka, ang pangunahing karakter sa wagas na pagkatao.
2. Alam kung saan patungo -Mayroong malinaw na direksiyon ng mga lunggati at mga priyoridad.
3. May masiglang simbuyo (passion) -Malaya at hindi inaaksaya ang mahalagang panahon sa mga walang kabuluhan, mga alitan, mga kurakot, at mga pandaraya.
4. Laging gising sa mga kaganapan -Mula sa angking kalooban hanggang sa mga kapaligiran ay may pagmamalasakit. Ginagawa ang mga salita, uliran at magandang tularan sa pamayanan.
5. Mapagmahal sa sarili -May mataas na pagpapahalaga, pagtitiwala, at pananalig sa sarili.
6. Likas na makabayan -Nagtataguyod ng mga adhikaing tungo sa malaya, mapayapa, at maunlad na bansang Pilipinas.
7. May kapangyarihan ng Ispirito -malalim na pang-unawa sa sarili na kung saan ang katotohanan at pagtuklas ay nagsisimula.
Papaano makakamtan ang mga ito?
1. Patuloy na pagmamasid, pag-aaral, pagtatama, at matamang pagsunod sa mga kautusan na makakabuti sa lahat.
2. Isinusulat at tinatandaan kung papaano ang pagbabago at lantarang nakikilahok para sa tagumpay nito. 
3. Tinatanggap ang kaibahan sa karaniwan na walang anumang pag-aalinlangan kung isinusulong ang kapakanan ng sambayanan.
4. Palaging iniisip ang kaunlarang pansarili upang higit na makatulong sa pamilya at sa pamayanan.

   Marami pang paraan upang maipakita ang pagiging tunay na Pilipino at ito ay mangyayari lamang kung kikilos para ito matupad. Mayroon ka bang naiisip at maidadagdag para dito? 

Siyanga pala, tunay na Pilipino ka ba?


JESguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

IsangDIWA, IsangPAG-IBIG, IsangBANSA, IsangPILIPINO

 

 Kailangan nating panindigan kung sino talaga tayo, gaano man ang pagkatakot o pangamba ang bumabalisa sa ating pagkatao na makilala itong lubusan.  
ADHIKAIN: Ang magkaroon ng makabuluhang kaganapan na ibayong makakatulong para sa isang mapayapa at maunlad na lipunang makaPilipino.
 
Narito ang ilang napapanahong mungkahi ng AKO, tunay na Pilipino:

10 Hakbang upang Magampanan ang maging Tunay na Pilipino
 
1 -Patunayan na ang iyong mga kapasiyahan at mga pagkilos ay siyang pinakamahalaga. Mayroon kang kapangyarihan na piliin ang tama kaysa mali, sapagkat mayroon kang kadakilaan, at hindi natutuklasang potensiyal sa iyong kaibuturan na makagawa ng kabutihan at malaking kaibahan sa iyong pamayanan. Napakahalaga na magkaroon ka ng matatag na paninindigan, kung sino ka at hindi minamaliit o mawawasak ng sinuman na nagnanasang kontrolin at supilin ang sarili mong pagkatao. Ito lamang ang hindi makakayang nakawin mula sa iyo, na nagagawa mong sukatin at pangalagaan ang iyong sarili kahit kaninuman, saanman, at kailanman.
 
2 -Magbasa ng mga balita. Huwag umasa sa mga bulungan at opinyon ng iba. Pag-aralan ang hinahangad na nais mangyari ng tagapagbalita at ang idudulot nitong pinsala o kabutihan para sa bayan. Isipin ang mahabang ibubunga ng mga pagbabago, at patakaran ng bansa kung masusunod ang kagustuhan ng mga nagtataguyod ng mga balitang ito. Limiin kung ito'y tandasang para sa bayan o para sa ikakayaman lamang ng iilan. At kung papaano makakaapekto ito sa iyong buhay at maging sa iyong pamilya at sa susunod pang mga henerasyon.
 
3 -Tanggapin kung papaano magagawa na ang ating pamayanan ay maging mabuting tirahan. Ano ang ating maiiwan at maipapamana sa ating mga anak? Alalahaning anuman ang ating ginagalawan sa ngayon na kapaligiran, ay siyang pamana sa atin ng ating mga ninuno. At kung papaano natin ito pinapahalagahan ay siya namang maiiwan sa mga sumusunod na henerasyon natin. Magagawa nitong mabago din ang iyong buhay kung bibigyan ng kaukulang atensiyon at kahalagahan.
 
4 -Makipag-ugnayan sa pamilya, mga kaibigan at sa iba tungkol sa mahalaga at makabuluhang mga pagbabago. Tiyakin na ang mga talakayan ay nakatuon sa mga praktikal at makabuluhang bagay na nakahihigit pa kaysa karaniwang araw-araw na pag-uusap. Ang mga napapanahong paksa ay mahalagang pinag-uusapan, nakasalang dito ang magaganap sa hinaharap. Narito ang iyong mga susunod na hakbang upang matiyak ang iyong matiwasay na kinabukasan. Iwasang nakakatulog sa mga pangunahing patakaran at mga pangyayari na nagaganap. Nangyayari lamang ang mga kalapastanganan kapag iilan lamang ang gising, tumututol, at lumalaban para dito. 
 
5 -Mag-ukol ng panahon na makapag-boluntaryo sa mga kagalingang pambayan. Ilaan ito sa mga adhikaing nagtataas ng antas ng kamalayan tungkol sa mahahalagang isyu tulad ng Pangangalaga sa Kapaligiran, Kawalang ng Tirahan, Pagmamalupit at Abuso sa mga Bata, Kawalan ng Trabaho, Prostitusyon, Kahirapan, Kagutuman, at Karapatang Pantao. Piliin ang napipisil mong higit na makabuluhan para sa iyo at higit na mahalaga para sa iba. Gustuhin mo man o hindi, ikaw ay apektado ng mga ito. Kung iilan lamang ang kumikilos, o nakikipatulungan para ito malunasan, lahat tayo ay patuloy na nakikiayon na maging mga biktima at magawang  abusuhin sa tuwina.
 
6 -Tumulong na mapairal ang tunay na Demokrasya sa ating bansa. Sa pangkalahatang kaganapan, nakakamit natin ang uri ng pamahalaan at antas ng lipunan na akma at nararapat lamang para sa atin, batay sa ating mga hangarin, mga pagkilos at pakikiayon sa mga namumuno sa atin. Dumarami ang mga masasama at nagpapatuloy lamang ang mga kabuktutan at pagsasamantala sa ating lipunan, kapag iilan na lamang ang natitirang mabubuti sa ating mga mamamayan. Kung wala kang pakialam at walang pagmamalasakit sa kapakanan ng nakakarami, sa kalaunan, ikaw naman ang pakikialaman ng mga karahasang iyong iniiwasan, bilang karagdagang biktima. At sa puntong ito, wala nang makakatulong para sa iyo.
 
7 -Maging mapanlikha. Ibayong mag-isip para sa ikakaunlad ng bayan. Walang hangganan ang isang ideya at sa magagawa nitong potensiyal na kabutihan para sa lahat. Gamitin ang iyong mga katangian at kakayahan na makagawa ng kaibahan sa kapwa at maging sa pamayanan. Walang kakapusan ng pagkakataon na makagawa ng kaibahan lalo na doon sa mga kinagigiliwan mo; ang kakapusan lamang ay ang pagpasiyahan ito na mangyari. Hanapin ang mga bagay na nakapagbibigay ng ningning at tahakin ang landas na patungo dito.
 
8 -Mag-ambag ng anumang bagay mula sa iyo. Huwag ipagdamot ang makakayanan, maging salapi, mga bagay, at higit pa ng iyong panahon sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong, lalo na sa mga panahon ng kalamidad, karamdaman, at mga kagipitan. Walang relihiyon na higit na mataas pa kaysa Paglilingkod sa Sambayanan. Ang maglingkod para sa kabutihang panlahat ay pinakadakilang kredo o panuntunan sa buhay. Hindi tayo lumitaw na basta na lamang mabuhay, narito tayo para makagawa ng kaibahan, na may dakilang adhikain, at may Ispirito ng pag-asa at tagumpay. Bahagi tayo ng pamayanan, at anumang kaganapan na nangyayari para dito, mabuti o masama man, lahat tayo ay apektado.
 
9 -Huwag iwasan ang pagbabago, ito ang susi ng tagumpay. Ang pinakamahusay na pagbabago ay kadalasan na nagsisimula sa isang natatangi at simpleng kaisipan. Mag-analisa at mag-isip ng mga bagay na makakatulong para sa lahat. Tuklasin kung papaano maisasagawa ang pangarap na maging katotohanan. Kung nais mong magpalit ng trabaho para umangat sa buhay, napakahalaga na malaman mo kung papaano na masumpungan at maging masikhay sa mga pagkakataon na angkop at nagpapakilala ng iyong mga interes, mga kakayahan, at nagpapasaya sa iyo. Bagama’t hindi natin magagawa ang mga dakilang bagay, magagawa naman natin ang maliliit na bagay na may dakilang pagmamahal.
 
10 -Panatilihin na buhay ang pag-asa. Hindi ikaw lumitaw dahil sa panahon, ikaw ay narito sa mundo sapagkat may tungkulin kang gagampanan. Anumang ginagawa mo ay siyang salamin ng iyong pagkatao at ang iyong mga nakikita at natatanggap naman ang siyang repleksiyon nito. Anuman ang iyong nagawa sa iyong sarili, sa iyong paglisan ay kasama mo, subalit yaong mga nagawa mo para sa iba ay mananatili bilang naiwan mong pamana. Kapag namamanglaw at lugami ka, ang iyong kapaligiran ay nakikiayon din sa iyo. Ang pag-asa lamang ang tanging tanglaw para ang lahat ay maging malinaw. 
Ang pakikipag-kumunikasyon sa iba ay nakapagbubukas ng maraming pintuan sa iyong buhay para sa isang maaliwalas at maunlad na kinabukasan. Ang kailangan lamang ay maumpisahan ito at ang lahat ay madali na lamang.

Ano pa ang hinihintay mo? Maging tunay na Pilipino na ngayon!


JESguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

ANO ang Layunin Mo sa Iyong Buhay?


 Kamusta ka na sa ngayon? Mapayapa? Masagana? at Masaya?

  Kung ang buhay ay patama-tama, padaskul-daskol, at ang bukam-bibig ay 'Bahala na!' Huwag pagtakhan sakaliman na walang pagbabago sa buhay. Dahil kapansin-pansin kung ano ang sadyang ginagawa mo sa maghapon. Anuman ito, ay talagang tanging kasiyahan mo, dahil paulit-ulit at walang katapusan. Makikilala kung SINO kang talaga sa kalagayan mo ngayon... Sapagkat batay lamang ito sa inaatupag mo sa maghapon. Dahil kung HINDI ka nasisiyahan, babaguhin mo ito alang-alang sa'yong kapakanan.  

JESguevara, Lungsod ng Balanga, Bataan


 

Monday, October 31, 2022

Magtanong Ka muna

 


Kung may mga katanungan, tiyak na may nakalaan ding mga kasagutan. Kung nais mong magtagumpay, ikaw ba ay nakahandang gawin ang lahat upang ito ay maging katotohanan? Palagi mo bang itinataas ang iyong antas at kahalagahan sa tuwina? Malinaw ba at nakaplano ang iyong mga ginagawa sa ngayon? Ang mga ito ba ay para sa iyong kaunlaran at magiging maligaya ka kapag natupad mo? 

Pag-aralan at subukang gawin ang mga sumusunod: 
1-Kung manggagaya din lamang, pilitin na makisama sa mga tao na nagtataglay ng mga katangiang ito: uliran, eksperto sa kanyang trabaho, magandang halimbawa sa pamayananan, may puso at malasakit sa kapakanan ng mga nangangailangan. 

2-Palaaral at palabasa ng mga inpormasyong tungkol sa kahusayan, kabayanihan, kabuhayan, at kaunlaran. 
3-Matiyaga at masinop sa paggawa, hindi inaaksaya ang panahon sa mga walang katuturan at walang kapakinabangan. 
4-Walang takot at mapangahas sa paglikha ng mga paraan sa abot nang makakaya upang matupad ang mga pangarap. 
5-Talos at laging tinatandaan na ang pagiging eksperto ay isang proseso, at hindi isang nakabimbing karangalan na naghihintay ng mga papuri at mga palakpak.

6-Kumikilos bilang ekstra-ordinaryo at hindi umaayon sa karaniwan; sa pananamit, sa mga pagkilos, sa mga kagamitan, sa pagdadala sa sarili, sa pananalita, may pansariling pananalig at pagtitiwala na sadyang naiiba sa karamihan. 
7-Batid ang kanyang buong pagkatao, kung ano ang kanyang mga nais, at alam kung saan siya patungo.

   Kung mayroon ka ng mga ito, hawak mo ang buong daigdig. Ikaw ang higit na may kontrol at pagsupil sa iyong mga kapaligiran. Dahil kung eksperto ka sa iyong larangan, ang tagumpay ay laging nasa iyo. Ang proseso sa paghahayag ng iyong mga katangian at mga kakayahan ay mahalagang mga potensiyal para mapaunlad mo ang ibayong pagtitiwala sa sarili. Malaking bahagi ito ng iyong personalidad na maging mahinahon, masikhay, at may matatag na paninindigan sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa iyong buhay. Hindi kataka-takang ang kaunlaran at kapanatagan ay laging kakampi mo. 

Jesse Navarro Guevara 
Lungsod ng Balanga, Bataan