Pabatid Tanaw

Tuesday, March 01, 2022

Gawin Lamang ang Makabuluhan at Ikakaunlad

 

Magising Ka Naman

   Ang dahilan kung bakit gising ang ilang tao, ay sapagkat tumigil na silang pumayag sa mga bagay na nang-iinsulto sa kanilang kaluluwa.

Makakabuti ang Pagtalikod
Nangyayari lamang ang mga bagay kung ikaw ay may pahintulot at lalo na kung may partisipasyon. Magagawa naman na talikuran at iwasan na ang mga ito, ...kung nanaisin mo.
Talikuran ang walang saysay na mga pagtatalo na humahantong sa alitan at kapahamakan.
Talikuran ang mga tao na humahamak at nagmamaliit sa iyo na hindi nakikita ang iyong kahalagahan.
Talikutan ang mga tao na kilala ka lamang kapag may kailangan sa iyo at may amnesya kapag kailangan mo sila.
Talikuran ang nakasanayang pagsunod sa kapritso o pagiging masunurin sa hilig ng iba.
Talikuran ang mga bumabalisa at nagpapagulo sa iyong isipan. Stress at dis-ease ang hatid nito.
Talikuran ang mga kritiko, mapamintas, at mapaghatol na mga tao. Papatayin ka nila sa konsumisyon.
Talikuran ang mga pagkatakot at mga kamalian na sumisira ng iyong hangarin na magtagumpay.
Talikuran ang mga walang saysay na mga libangan na umaagaw ng iyong mahahalagang sandali.
... at HARAPIN ang mga paghamon na gumigising at nagpapalakas sa iyo upang magtagumpay sa buhay.
 
  Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Magnilay-nilay at Magsuri nang Magwagi

 

 UMIWAS: HUWAG nating gawin ang mga ito:

HUWAG mong hayaan na makapangyari ang mga negatibo at nakakalasong bagay na makaapekto sa katinuan ng iyong isipan. At sa kalaunan ay mistulang lason na unti-unting pumapatay sa iyo.
 
HUWAG hayaan ang mga aksiyon ng ibang tao ay magdulot ng kapighatian sa iyong puso.
 
HUWAG hayaan na manaig ang kalapastanganan ng iba ay sirain ang maganda mong pangarap.
 
HUWAG hayaan ang patuloy na pamumuna, pamimintas, at pananakit sa iyong damdamin.
 
HUWAG hayaan ang mga paninira sa iyong reputasyon na wasakin ang iyong pananalig sa sarili.
 
HUWAG hayaan ang mga taga-duyan, mga tagasulsol, at mga tagausisa na makialam sa iyong sariling buhay. Hindi sila ang mapapahamak kundi ikaw mismo. 
 
HUWAG hayaan ang kayabangan at pagmamataas ng iba ay magaya mo kapag nakisama ka sa kanila.
HUWAG hayaan na tuluyang mawasak ang iyong pamilya sa kasamaan ng isang miyembro nito
 
HUWAG hayaan ang iyong kapaligiran na maging maingay, marumi, at magulo, hindi ka patatahimikin nito. Gawing tahimik, malinis, at maayos ang lahat, ...para manaig ang kapayapaan.
 
HUWAG hayaan na laging maging biktima ks sa kamalian at pagsasamantala ng iba.
 
HUWAG hayaan na manatiling bilanggo ka ng walang sawang pang-aabuso sa iyong kahinaan.
 
HUWAG hayaan na mawalan ng kabuluhan ang mga aral at leksiyon na iyong naranasan. Sa pamamagitan nito ... ang siyang magpapalakas sa iyo na tumindig at lumaban para sa iyong kapakanan.
 

 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Iwasan ang Maghintay sa Wala

 

Kung may mga katanungan, tiyak na may nakalaan ding mga kasagutan. Kung nais mong magtagumpay, ikaw ba ay nakahandang gawin ang lahat upang ito ay maging katotohanan? Palagi mo bang itinataas ang iyong antas at kahalagahan sa tuwina? Malinaw ba at nakaplano ang iyong mga ginagawa sa ngayon? Ang mga ito ba ay para sa iyong kaunlaran at magiging maligaya ka kapag natupad mo? 

Pag-aralan at subukang gawin ang mga sumusunod: 
1-Kung manggagaya din lamang, pilitin na makisama sa mga tao na nagtataglay ng mga katangiang ito: uliran, eksperto sa kanyang trabaho, magandang halimbawa sa pamayananan, may puso at malasakit sa kapakanan ng mga nangangailangan. 

2-Palaaral at palabasa ng mga inpormasyong tungkol sa kahusayan, kabayanihan, kabuhayan, at kaunlaran. 
3-Matiyaga at masinop sa paggawa, hindi inaaksaya ang panahon sa mga walang katuturan at walang kapakinabangan. 
4-Walang takot at mapangahas sa paglikha ng mga paraan sa abot nang makakaya upang matupad ang mga pangarap. 
5-Talos at laging tinatandaan na ang pagiging eksperto ay isang proseso, at hindi isang nakabimbing karangalan na naghihintay ng mga papuri at mga palakpak.

6-Kumikilos bilang ekstra-ordinaryo at hindi umaayon sa karaniwan; sa pananamit, sa mga pagkilos, sa mga kagamitan, sa pagdadala sa sarili, sa pananalita, may pansariling pananalig at pagtitiwala na sadyang naiiba sa karamihan. 
7-Batid ang kanyang buong pagkatao, kung ano ang kanyang mga nais, at alam kung saan siya patungo.

   Kung mayroon ka ng mga ito, hawak mo ang buong daigdig. Ikaw ang higit na may kontrol at pagsupil sa iyong mga kapaligiran. Dahil kung eksperto ka sa iyong larangan, ang tagumpay ay laging nasa iyo. Ang proseso sa paghahayag ng iyong mga katangian at mga kakayahan ay mahalagang mga potensiyal para mapaunlad mo ang ibayong pagtitiwala sa sarili. Malaking bahagi ito ng iyong personalidad na maging mahinahon, masikhay, at may matatag na paninindigan sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa iyong buhay. Hindi kataka-takang ang kaunlaran at kapanatagan ay laging kakampi mo. 

Jesse Navarro Guevara 
Lungsod ng Balanga, Bataan