Ang LUNGGATI
(goal) ay isang mabisang layunin, adhikain, at direksiyon. Kung wala ito sa
puso ng sinuman, makakatiyak tayo na wala siyang makabuluhan na patutunguhan.
Bilang tao, may dalawang mahalaga tayong kapangyarihang tinataglay; ang PUMILI,
at piliin ang TAMA. Marami ang nakakalimot o natutulog sa bagay na ito.
Nananatiling nakaidlip at mistulang mga robot na kumikilos sa maghapon.
Mekanikal na buhay ang tulad nito at nakapanghi-hinayang kung ipagpapatuloy.
Bakit po? Sapagkat dito nakasalalay ang ating magiging destinasyon o kapalaran.
Maging MAPILI po tayo sa ating pamumuhay.
Madalas kong
binabanggit ito sa mga talakayan o maging sa simpleng usapan. “Di ba kaya ka naghahanapbuhay
dahil kailangan mo ang pera? Lahat tayo ay nangangailangan nito, sapagkat kung
wala tayong pera, lahat na ng mga problema ay lagi nating kasama. Hindi tayo
makakakilos, mabubuhay, at magiging masaya kung wala tayong pera. Subalit
bihira o iilan lamang sa atin ang nakakaalam; “Ano ba ang mayroon sa pera at
lahat tayo ay nakatingin dito at pinakamimithi natin subalit hindi natin
maabut-abot o mapasakamay nang tuluyan?” Laging mailap at lagi nating hinahanap
at nais na mahawakan nang walang hanggan.
Simpleng
katanungan lang po, ito ay tungkol sa pera; Simulan natin sa baryang (coin)
piso. Sino ang bayaning nasa piso? May ilang sandali bago sumagot ang marami,
“Eh, di si Rizal.” Pangalawang tanong, “Saan nakatingin, sa kanan o kaliwa?”
Walang makatiyak ng tamang sagot. Nagtatalo.” Pangatlong tanong, “May bigote ba
o wala?” Walang makasagot, laging may alinlangan.
Piso lamang po
ito na lagi nating hawak sa araw-araw. Papaano kung ang tanong ay, “Sinong
Pangulo ang nasa dalawampung piso (P20.00) na papel? “Sino ang nasa limampung
piso?” “Sino ang nasa isandaang piso?” Papaano kung ang tanong naman ay
pang-ilan sila bilang mga Pangulo?” Wala
pong makasagot sa mga katanungang ito, kung mayroon man, may pag-aalinlangan,
patama-tama at walang katiyakan.
Ganito din
po sa buhay, marami sa atin ang de robot at walang katiyakan ang direksiyon ng
pamumuhay. Kaya nga may mahirap, naghihirap, at lugmok na sa hirap. Subalit
mayroon namang mayaman, yumayaman, at sadyang nagpapayaman. Ano ang kaibahan sa
pagitan ng Mayaman at Mahirap.? Kung sino ang may pagpapahalaga sa pera. Ito
ang katotohanan: Ang Mahirap ay galante at waldas sa pera. Laging kinakapos at
lubog sa utang. Ang Mayaman ay kuripot at nag-iipon ng pera. Laging may pera at
natutugunan ang mga pangangailangan sa buhay. Pasyalan po natin ang kanilang
mga kabahayan. Lantaran po nating makikita ang malaking pagkakaiba. Bayan, kayo
na po ang magpasiya.
Sadyang
KAILANGAN natin ang TUMITIG kaysa TUMINGIN. Sa pagtitig, nakapukos po tayo. Sa
pagtingin, nakahawak lang po tayo at di pinapansin. Ang nakatingin, walang
iniisip. Subalit ang nakatitig, nag-iisip. Ganito din po tayo sa ating mga
relasyon; laging may akala, sana at baka sakali ang bukambibig, may haka-haka, seguro,
marahil, duda at alinlangan. “Bahala na ang katwiran.” Laging nasa huli ang
pagsisisi. Simpleng-simple lang po “TUMITIG” anuman ang nasa inyong harapan.