Pabatid Tanaw

Wednesday, December 30, 2020

Hubad na Pangarap

 

   Isang umaga, sa may aplaya ng bayan ng Bagak, sa Bataan, nakaupo si Doming sa kanyang bangka, nagpapahinga at pinagmamasdan ang bukang-liwayway. Habang pinupunasan ang pawis sa noo ay napapangiti ito sa nahuli niyang maraming isda. Tuwang-tuwa naman ang kanyang asawang si Trining habang inilalagay ang mga isda sa kanyang kalya upang dalhin na sa palengke at ipagbili. Nang makaalis na ang asawa, sumandal sa bangka si Doming upang makaidlip nang ilang sandali. Hindi pa niya naitatakip ang sambalillong buli sa kanyang mukha nang gulantangin siya ng boses ng isang lalaki.

   “Hoy, Doming, ‘gandang umaga sa iyo! Kamusta ang huli mo ngayong umaga, nakarami ka ba?” Ang bungad ng lalaki.
 
   “Magandang umaga naman po Mang Bestre, ayos naman po at dinala na ni Trining sa palengke upang itinda.” Ang mahinahong tugon ni Doming habang tumitindig at umupo sa gilid ng kanyang bangka.
   Nakaugalian na ni Mang Bestre ang maglakad tuwing umaga sa aplaya kapag maganda ang panahon bago ito magtungo sa kanyang pabrika. Isa si Mang Bestre sa mayayaman sa Bagak, at isa sa kanyang mga negosyo ang magpautang ng puhunan sa mga tindera, magsasaka, at mangingisda na kinakapos sa puhunan.
   Nakakunot ang noo nito nang magsalita, “Aba’y, Doming, ano pa ang ginagawa mo dito, bakit hindi ka pa pumalaot muli at manghuli pa ng maraming isda. Kailangang nangingisda ka pa kaysa nakasandal lamang dito at walang nang ginagawa.”
 
   “At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang napapangiti na tugon ni Doming sa pagkakagambala niya mula sa binabalak na pag-idlip.
  “Aba’y napakasimple lamang. Kung patuloy kang mangingisda, maraming ititinda si Trining at marami ang inyong kikitain. Nang sa gayon, may sapat kang salapi na makabili ng isa pang bangka na panghuli, mapapaupa mo ito at lalong mapapadami ang iyong mahuhuli. At mula sa dalawang bangkang ito, makabibili ka pa ulit ng isa  pang bangka na pauupahan mo rin. Hanggang sa makaipon ka at makabili ng malaking pangisdang batil at malalaking lambat upang lalong maparami mo ang iyong mga huli.” Ang paliwanag ng negosyante.
   “At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang pag-uulit ni Doming. Napakamot sa batok ang negosyanteng si Mang Bestre at nayayamot na nagtanong, “Hindi mo ba naiintindihan ang paliwanag ko?" Lumapit nang bahagya at nakapameywang na hinarap nito si Doming.
   “Kung magkakaroon ka ng maraming bangka na panghuli, makakabili ka ng higit na malaking pangistang batil at makakapunta ka sa malalayong pook na maraming isda, upang maparami mo ang iyong huli. Magkakaroon ka ng maraming tauhang maglilingkod sa iyo. Nasa bahay ka na lamang at uutusan mo na lamang sila na manghuli para sa iyo.” Ang naiinis na pangungulit ng negosyante.
   Minsan pa, inulit muli ni Doming ang tanong nito, “ At ano naman ang mapapala ko dito?” Ang negosyante ay namumula na sa pagkainis, at nagagalit na. Pahiyaw itong nagsalita kay Doming, “Hindi mo pa rin alam?” Itinutok ang hintuturo nito sa mangingisda na mistulang amo at nagpatuloy sa pagsasalita habang pakumpas-kumpas ng kamay,“Makinig kang mabuti, dahil dito, ikaw ay magiging napakayaman at hindi mo na kailangan pang magtrabaho sa buong buhay! Magagawa mong palipasin ang maghapon na nakasandal na lamang dito sa aplaya, nakatingin sa paglubog ng araw at wala ka nang pakialam sa lahat. Makapag-papahinga ka hanggang ibig mo.”
   Lalong napangiti ang mangingisda, tumatango-tango . . , tumayo mula sa pagkakaupo at tumitig nang malalim kay Mang Bestre. At buong katiyakang nagpahayag,
   “At ano naman sa inyong palagay ang aking ginagawa ngayon? Ako ay nagpapahinga na. Kung hindi ninyo ako ginambala sa aking pamamahinga, marahil mahimbing at masaya na ako sa aking pagtulog.”
   Napatigalgal ang negosyante at nakasimangot na lumisan ito na iiling-iling sa malinaw na pagtugon ng mangingisda.

-------
   Ang magkaroon ng sapat na ikakabuhay at nakapagpapaligaya sa iyo ay magandang panuntunan sa buhay. Mainam at sadyang makakabuti ang magsumikap pang higit upang magtagumpay. Subalit kung mangangahulugan naman ito ng ibayong pagtitiis, pagpapakasakit, at mga paghihirap na ayaw mong mangyari sa iyo, at napipilitan ka na lamang, isang pagkakamali ito. Gayong magagawa namang maging maligaya sa anumang sandali. Tamasahin ang mga malilit na tagumpay, magpahinga at maglibang sa tuwina. Mula sa maliliit na tagumpay, ito’y nagpapatuloy sa higit pang malalaking tagumpay.
   At huwag kakaligtaan na anumang labis na higit pa sa iyong inaasahan o tinatanggap ay nakakasama kadalasan, kung wala kang paglalaanang makabuluhan para dito. Kaakibat ng pagyaman ang ibayong responsibilidad. Kung hindi ka handa para dito, huwag nang subukan pa at hindi ito nakalaan para sa iyo.
   Ang pagiging kuntento o ganap nang masaya sa kalagayan ay mahirap na matutuhang saloobin. Madali ang mahuli sa nakaumang na patibong ng pagkakataon na para kumita ng marami, kailangan ang ibayong magtrabaho nang walang puknat, gayong nakasasapat na ang kabuhayan at maaari nang lumigaya.
   Lumitaw tayo sa daigdig na hubad sa lahat ng bagay, at wala rin tayong madadalang kahit anuman sa ating paglisan. Ito ang nagdudumilat na katotohanan.

Talahuluganan, n. glossary  
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
aplaya, dalampasigan n. beach, seaside
paghitit, v. smoking
pangistang batil, n. big fishing boat
lambat, n. fishing net
bukang-liwayway, silahis ng araw n. dawn, sunrise
pumalaot, v. go back to the sea
sumandal, humilig v. lean, incline for support
idlip, n. nap
tulog, natutulog adv./adj. sleep, asleep
tigalgal, n. puzzlement, perplexity, bewilderment
simangot, n. sourface look,
puknat, sagwil adj. cease, interrupt
patibong, bitag, umang n. trap, lure, entrapment
saloobin, dinarama n. attitude, feeling
paglisan, n. at the end of life, death
tamasa, ikalugod, ikasaya v. enjoy, appreciate, be happy
hubad, salat adj. naked, without anything 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

Maging Mapanuri sa Lahat ng Bagay

 

Ang balatkayong pamumuhay ay isang hungkag na buhay; ang simple at karaniwang pamumuhay ay isang mapayapang buhay.
 Marami ang hindi nakakaalam kung bakit hindi sila maligaya, laging  may hinahanap ngunit hindi matagpuan. At kung alam naman ay hindi nakahanda sa mga kaganapan at sa mga patibong na nagkalat sa paligid. Nagugulat na lamang sila kung bakit napatali sa isang relasyon na hindi inaasahan, sa trabahong hindi naman pinangarap, sa usapin na kinasangkutan nang wala namang kinalaman, at sa buhay na pawang pagkukunwari, sa mga pretensiyon at sa mga ipokritong asal na nagpapahamak. Gayong madalas na may nagbubulong, ano ang nararapat gawin, at papaano magagawa ito. Mahirap ang magsinungaling kapag budhi na ang humihiyaw. Lalo na ang magpanggap ng isang pagkatao na hindi naman ikaw.
   Huwag piliting manggaya at tumulad sa iba, isa kang pambihira at hindi isang kopya. Kailanman ay hindi mo mailalabas ang nakatago mong potensiyal upang makarating sa iyong patutunguhan. Hindi mo magagawa ito. Sa dahilang gaano man kalaki ang natanggap mo, o maging mataas na posisyon ang nahawakan mo, ganito ding sakripisyo ang isusukli mo. Subalit lahat ng ito ay mapapasaiyo kung gagamitin mo sa kagalingang panlahat. Ang intensiyon mo ang namamatnubay at nagdedetermina ng mga resuta nito. Simulan at ang lahat ay madali na lamang.
Doon sa mahilig sumunod at gumaya sa iba, lagi silang naliligaw ng landas.
 

Tanggapin kung Sino Ka man

 

   May isang kansusuwit ang laging kinakabahan at natatakot sa pusa. Nakita niya ang kabangisan nito kapag humahabol ng mga munting daga na tulad niya. Halos sa araw-araw, bago ito lumabas ng kanyang lungga ay maraming ulit muna itong pasilip-silip, palipat-lipat ng makukublihan, at patuloy ang panginginig sa matinding takot na makita siya ng pusa.
   Isang enkantong salamangkero ang nahabag sa kanyang kalagayan at sa mahiwagang pagkumpas ng kamay nito’y ginawa siyang isang pusa din. Natuwa ang munting daga at naging malaya siyang lumibot sa loob ng kabahayan. Subalit nang magpunta siya sa labas ng bahay ay hinabol siya ng aso. Sa matinding takot, nagkasugat-sugat siya sa pagtakas upang hindi maabutan ng aso. Humihingal itong nakapasok sa kanyang lungga at napabulalas ng panaghoy sa panibagong panganib na naranasan.

   Naawang muli ang salamangkero at ginawa naman siyang aso. Tuwang-tuwa ang daga, ngayong aso na siya ay malilibot niya ang malaking bakuran, ang bulong nito sa sarili. Habang namamasyal dito ay natanaw niya ang kakahuyan sa labas ng bakuran. Nahalina siya sa luntiang kapaligiran nito. Madali itong lumabas ng bakod at nilibot ang bawat maibigan na tanawin. Subalit may narinig siyang kakaibang ungol sa di-kalayuang halamanan.  Isang malaking tigre na may matutulis na pangil ang humahagibis na patungo sa kanya. Nakadama siya ng ibayong panganib, at sa isang iglap ay kumaripas ng takbo pabalik sa loob ng bakuran. Habang tumatakas, kahol ito ng kahol sa paghingi ng saklolo sa salamangkero.
   Nang malapit na siya sa pintuan ng bakuran ay biglang naging tigre naman siya. Ang sambit nito sa sarili, “Ngayon, pati na kagubatan ay aking malilibot.” At masaya itong nagpagala-gala sa malawak na kagubatan.
   Walang anu-ano’y isang humahagibis na busog ang dumaplis sa kanyang leeg. Sinundan pa ito ng isa pang busog at humawi sa balahibo niya sa likod. Nakita niya ang isang taong may hawak na pana at nagkakasa ng panibagong busog. Takbong walang puknat ang ginawa niyang pagtakas hanggang makarating sa bahay na pinanggalingan. Pagpasok sa bakuran ay malakas na umungol ito, sising-sisi sa mga pangyayari.
   “Ayoko na, ayaw ko na. Palagi na lamang akong nabibingit sa panganib," ang pagibik nitong hinagpis sa kanyang sinapit.
   Sa tagpong ito, sumuko na ang salamangkero sa pagtulong sa dating daga. Pailing-iling na ikinumpas muli ang kamay at sinabing,
   “Wala na akong magagawa pa, para makatulong sa iyo dahil anuman ang aking gawin nananatili pa rin ang puso mong daga.”
   At sa isang iglap, nagbalik muli ang anyo nito sa pagiging munting daga.

 

Nakababaliw ang Salapi

 

  

 

 

  

 

 

 Higit kong nanaisin ang maging mayaman dahil naranasan ko ang maging mahirap, at naranasan ko rin ang umangat sa buhay. Higit na masaya ang may salapi kaysa wala. Malaya kang mabibili ang anumang naisin mo hangga’t makakaya ng iyong yaman. Sadyang napakahirap ang maging maralita, lagi kang kinakapos sa lahat ng bagay na nangangailangan ng salapi na makakatulong, lalo na sa iyong edukasyon at kaunlaran. Kapag mayroon kang salapi, kulay rosas lahat ang iyong kapaligiran. Bawa't sandali ay masaya ka at puno ng buhay. Lahat ay nagsisimula, umiikot, at nagtatapos sa salapi. Hindi ka makakakilos at makakagawa ng anumang hakbang nang hindi mangangailangan ng sapat na halaga para ito matupad.

   Mawawalang kabuluhan ang anumang iyong pagpupunyagi, tagumpay, at nalikhang yaman, kung ang lahat ng mga ito ay nagmula sa masamang kaparaanan. Ang kayamanan na nanggaling sa kasamaan ay walang magandang patutunguhan; walang karangalan, kasiraan ng angkan, at pagsasalaula lamang ng buhay. Ang kasiyahang makukuha sa masamang dahilan ay panandalian lamang at hindi ikaliligaya sa habang buhay. Subalit ang batik na nilikha nito sa iyong pagkatao ay mananatili sa maraming panahon, at anumang pagnanais mo na manumbalik ang dating pagtitiwala ng iyong kapwa ay daraan sa butas ng karayom at masusing pagsubok. At ito'y kung papahintulutan lamang ng mga pinagsamantalahan mo. Anumang sugat, maghilom man ay may maiiwanang peklat. Ito ang katotohanan.

   Ang kayamanan ay mabuti o masama, batay sa ginawang pagkuha at paggamit nito. Ang nakaw na yaman ay isang kabuktutan. At ang yamang tinamo mula sa mabuting paraan ngunit ipnagdamot sa harap ng karukhaan at ibayong kagutuman ay kasuklam-suklam. Subalit ang yamang nakatutulong na maiangat mula sa kapighatian ang iba ay kapuripuri. Ang kayamanan ay mahalaga kung ito ay nagagamit at nakakatulong sa  magagandang layunin na ikauunlad ng pamayanan.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Ang Kaligayahan ay Nasa Iyo

 

Nagsisimula ang lahat mula sa iyo. Kung ano ang nasa iyong isipan ito'y ginagampanan ng iyong kalooban. Anumang saloobin na iyong pinaiiral, makakatiyak ka na siya ring isusukli sa iyo. Kung minumutya mo ang kaligayahan na mapasaiyo, simulang kilalanin ang iyong pagkatao.
   Mahalaga ang iyong mga pangangailangan. Hanggat hindi mo pinahahalagahan ang iyong sarili, at binibigyan ito ng ibayong atensiyon, o nagtitiwala at naninindigan para sa iyong sarili, ikaw mismo ang sumisira at nagwawasak ng iyong pagkatao. Lantarang ipinapakita mo sa madla ang kawalan ng pagtitiwala at kaukulang respeto na mismong sa iyo magmumula.
   Palaging tandaan, magagawa mong tulungan ang iyong sarili kahit na nagmamalasakit ka sa kapakanan ng iba. Sapagkat ang kawanggawa ay nagsisimula muna sa iyong sarili. Kung hindi mo tutulungan muna ang iyong sarili, hindi ka makakatulong sa iba. Sapagkat hindi mo maibibigay ang bagay na wala sa iyo. Higit kang makakatulong sa iba kung ikaw mismo ay wala ng inaala-ala pa at may kakayahan nang tumulong. 
   Isang kasiyahan ang maging matulungin, sapagkat ito ang nagpapaligaya sa atin.

 

 

Sa kalaunan, lahat tayo ay maglalaho sa mundong ito. Walang sinuman ang makakatakas nang buhay, kaya nga, kung maaari lamang... hintuan na nating tratuhin ang ating mga sarili na kinakapos, nakakasapat, at walang mga kakayahan. ..? Hanggat palaging nakatingin sa nakaraan, nawawalan ng saysay ang kasalukuyan, at kung sa hinaharap naman ay kinakabahan dahil wala naman itong katiyakan.
    Subalit bakit tayo patuloy na nakatingin sa hinaharap, na tila bang wala nang katapusan ang lahat. Nakakalimot ba tayo na ang lahat ay panandalian lamang.
   Sa araw na ito, simulan nang kainin ang ninanasa mong pagkain na matagal mo nang inaasam-asam. Pasyalan ang mga kaanak o kapamilya na matagal ding hindi nakikita. Personal na sulatan at kamustahin ang mga kaibigan (hindi sa social media o facebook). Maglakad ng nakayapak sa buhanginan sa tabing-dagat. Damahin ang unang sikat ng araw sa umaga at maglakad sa lilim ng mga punong-kahoy o lumakad sa tabi ng mga halamanan. Langhapin ang mga pabango ng mga bulaklak. Yakapin nang mahigpit ang mga mahal sa puso. Patuloy na bigkasin ang mga katagang, "Minamahal kita." Wala nang sapat na panahon para magawa pa ito... hanggat hindi pa huli ang lahat.
 
 

Ikaw ang Ugali Mo

 

Ang masamang ugali kapag hindi sinupil at pinalitan ng mabuting ugali, sa katagalan ito ay kagigiliwan at makakasanayan.
Bawat ugali at kakayahan ay iniimbak at pinalalakas ng magkakatugon na mga aksiyon. Anumang bagay, mapabuti o mapasama man kapag patuloy nating ginagawa, ito ay nagiging ugali. Ang ugali na mahilig maglakad, ay nagagawa tayong maging mahusay na mga manlalakad, ang regular na pagtakbo ay nagagawa tayong maging mahusay na mga mananakbo. Ang madalas na pagtugtog ng gitara ay nagiging gitarista. Mahilig na umindak at sumayaw, ang kalalabasan nito ay maging mananayaw. Gayundin sa mga bagay na may kinalaman sa ispirito; kung matibay at patuloy ang ating mga panalangin, tumitibay ang ating pananalig.
   Kapag tayo ay nagagalit; tayo ay nanggagalaitì, at habang patuloy ito, lalong sumisidhî at nauuwi sa pagkamuhî. Katulad ito ng buto ng halaman, kapag itinanim, dinidiligan at patuloy na inaalagaan, yayabong ito, mamumulaklak at magbubunga. Ganito din ang pag-uugali. Kapag nakasanayan na, ito ay makakaugalian at siyang gagawin sa tuwina. Kung ayaw mong lubusang magalit, magtimpi at huwag nang pag-alabin pa ang namumuong pagkainis. Palitan ito ng ugaling mapagtimpi. Higit na mabuti ang magpasensiya at maging mahinahon upang maibsan ang nadaramang poot.
   Lumayo at manahimik. Hayaan na kusang lumamig ang sitwasyon. Walang sinuman ang mananalo sa bawat argumento at mainitang pagtatalo. Makuha mo man ang nais mo at ikaw ang panalo, nawalan ka naman ng kaalyado, at kung minsan ay lihim na kaaway pa. 
   Kahit na hindi ka nakakatiyak sa magiging resulta, ngunit pinipili mo ang tama kaysa mali, at kung papaano mahusay na isakatuparan ito, unti-unti ay makakasanayan mo ito at magiging ugali na. Laging tandaan; anumang kinagigiliwan ay makakasanayan, at sa katagalan ay makakaugalian.
Sinuman ikaw, ang iyong pagkatao ay kabubuan 
ng iyong mga ugali.
 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Nasa Pagkilos ang Buhay na Maayos

 

Kung hindi ka kikilos, ikaw ang kikilusin ng iba.
Mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan ng bulag na kapalaran at landas ng personal na kaganapan. Naisin man natin o hindi, nagkamulat na lamang tayo na may mga kamag-anak. Nagkaroon tayo ng mga magulang na hindi natin pinili at kapaligiran na nagpalaki sa atin. Ito ang kapalaran na itinakda para sa atin. Subalit nang tayo ay magkaisip, may kapangyarihan naman tayo na piliin at pagpasiyahan ang istorya ng ating magiging buhay; ang ating personal na kaganapan.
   Kapag kapalaran ang pag-uusapan, wala tayong kapangyarihan o kalayaan na makontrol ito. Mistula tayong mga robot na de susi na pinakikilos ng tadhana. Subalit sa personal na kaganapan, mayroong tayong misyon na kailangang tuparin; ang manifestasyon ng pagkakalitaw natin dito sa mundo. Dito nakatuon kung sino ikaw, ano ang iyong mga naisin sa buhay, kung saang direksiyon ikaw patungo, at kung papaano mo makakamtan ang mga ito. Sapagkat walang katuturan ang mabuhay pa kung hindi mo pinaglimi ang sariling buhay.

   Kung ang iyong mga hangarin ay nakabaon at naglalagablab sa iyong kaibuturan, ang Sansinukob ay makikiisa sa iyo. Subalit kung ikaw ay patama-tama at may padaskol na pamumuhay ito rin ang iyong kasasadlakan. Lagi lamang tanungin ang sarili, kung gaano na kalayo ang narating mo sa paglalakbay para matupad ang iyong mga pangarap. Kapag malinaw mong nasasagot ito, kailanman ay hindi ka maliligaw sa landas na iyong tinatalunton. Alalahanin, na tanging ikaw lamang ang gumaganap sa personal na istorya ng iyong buhay.


 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Kaligayahan o Kapighatian?

 

Sisirin ang iyong kaibuturan, naritong lahat ang iyong mga kasagutan.
Marami akong nakasabay at nakasalubong sa aking paglalakbay sa buhay patungo sa direksiyon na nais kong marating . May nakita akong nakahinto, may tumigil na, ngunit ang karamihan ay bumabalik. Marami din ang nagpapahayag na sa kalagitnaan ng kanilang buhay, napatunayan nila na hindi nila ninanais ang kanilang napuntahan o kalagayan ngayon sa buhay. Nakaharap sila sa isang krisis na laging umaalipin at nagpapahirap sa kanila. Bagamat tinahak nila ang napiling landas, ang nadatnan nila ay masamang kapaligiran o isang patibong na ibinilanggo sila. Hindi mga nasisiyahan at may mga hinahanap na makapagpapaligaya sa kanila.
   Bagamat ang buhay ng bawat tao ay magkakaibá, naniniwala ako na ang makataong paglalakbay, ay napapalooban ng kaluwalhatian para magampanan kung bakit lumitaw at narito  pa tayo sa mundong ito. Kahit saan mang panig ng mundo o kulturang ginagalawan ng sinuman sa atin, may mga aspetong panuntunan na namamayani sa ating mga kalooban upang ipamuhay ang mga kalidad ng katotohanan, pagmamahal, kapayapaan at kaligayahan. Bawat isa sa atin ay ito ang matayog na hinahangad; mga kinakailangang sangkap para mabuó ang ating mga tahanan, pamayanan at ang pinakamabuting bersiyon ng ating tunay na pagkatao.
   Marami tayong taguri o ipinapangalan dito; Kalangitan, Paraiso, Nirvana, Hardin ni Bathala, Pagkamulat, Kamalayan, isang kundisyon na nagreresulta ng pinakamataas na kaligayahang hindi makakayang mailarawan ng mga kataga. Para sa akin, hanggat may nararamdaman akong hindi malirip at walang hanggang kaluwalhatian para mailabas ang nakatago kong mga potensiyal para sa kabutihan at kaligayahan, ito ang aking susundin at walang sawang tatahakin.
Sapagkat, "Ito ang tamang landas para sa akin."
   Natitiyak ko na ang kaalaman sa pinakaduló ng ating ginagawang paglalakbay sa buhay ay upang ganap na maisakatuparan at mapatunayan ang ating mga potensiyal para sa kaligayahan. Nabubuhay tayo upang ganap na maranasan ang kaligayahang nakatakda para sa atin. Kaysa nagmumukmók, dumaraing, naninisì, at nababagót sa buhay; sa halip, kilalanin nating maigì kung sino tayo at halukayin ang ating mga puso kung bakit patuloy tayong nabibigo na makita ang liwanag na siyang magpapaligaya sa atin. Nasa ating motibasyon makikilala ang tunay nating intensiyon sa buhay kung bakit binibigyan natin ng atensiyon ang mga bagay. Sapagkat sa lahat ng sandali, ay nililikha natin ang ating kaganapan.
   Ang tagumpay ay abót-kamay, ngunit makakamtan lamang ito kapag napatunayan mo ang Kaharian ng Langit na nasa kaibuturán mo.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Huwag Tumingin Lamang

 

Ang LUNGGATI (goal) ay isang mabisang layunin, adhikain, at direksiyon. Kung wala ito sa puso ng sinuman, makakatiyak tayo na wala siyang makabuluhan na patutunguhan. Bilang tao, may dalawang mahalaga tayong kapangyarihang tinataglay; ang PUMILI, at piliin ang TAMA. Marami ang nakakalimot o natutulog sa bagay na ito. Nananatiling nakaidlip at mistulang mga robot na kumikilos sa maghapon. Mekanikal na buhay ang tulad nito at nakapanghi-hinayang kung ipagpapatuloy. Bakit po? Sapagkat dito nakasalalay ang ating magiging destinasyon o kapalaran. Maging MAPILI po tayo sa ating pamumuhay.

Madalas kong binabanggit ito sa mga talakayan o maging sa simpleng usapan. “Di ba kaya ka naghahanapbuhay dahil kailangan mo ang pera? Lahat tayo ay nangangailangan nito, sapagkat kung wala tayong pera, lahat na ng mga problema ay lagi nating kasama. Hindi tayo makakakilos, mabubuhay, at magiging masaya kung wala tayong pera. Subalit bihira o iilan lamang sa atin ang nakakaalam; “Ano ba ang mayroon sa pera at lahat tayo ay nakatingin dito at pinakamimithi natin subalit hindi natin maabut-abot o mapasakamay nang tuluyan?” Laging mailap at lagi nating hinahanap at nais na mahawakan nang walang hanggan.

Simpleng katanungan lang po, ito ay tungkol sa pera; Simulan natin sa baryang (coin) piso. Sino ang bayaning nasa piso? May ilang sandali bago sumagot ang marami, “Eh, di si Rizal.” Pangalawang tanong, “Saan nakatingin, sa kanan o kaliwa?” Walang makatiyak ng tamang sagot. Nagtatalo.” Pangatlong tanong, “May bigote ba o wala?” Walang makasagot, laging may alinlangan.

Piso lamang po ito na lagi nating hawak sa araw-araw. Papaano kung ang tanong ay, “Sinong Pangulo ang nasa dalawampung piso (P20.00) na papel? “Sino ang nasa limampung piso?” “Sino ang nasa isandaang piso?” Papaano kung ang tanong naman ay pang-ilan sila bilang mga Pangulo?”  Wala pong makasagot sa mga katanungang ito, kung mayroon man, may pag-aalinlangan, patama-tama at walang katiyakan.

Ganito din po sa buhay, marami sa atin ang de robot at walang katiyakan ang direksiyon ng pamumuhay. Kaya nga may mahirap, naghihirap, at lugmok na sa hirap. Subalit mayroon namang mayaman, yumayaman, at sadyang nagpapayaman. Ano ang kaibahan sa pagitan ng Mayaman at Mahirap.? Kung sino ang may pagpapahalaga sa pera. Ito ang katotohanan: Ang Mahirap ay galante at waldas sa pera. Laging kinakapos at lubog sa utang. Ang Mayaman ay kuripot at nag-iipon ng pera. Laging may pera at natutugunan ang mga pangangailangan sa buhay. Pasyalan po natin ang kanilang mga kabahayan. Lantaran po nating makikita ang malaking pagkakaiba. Bayan, kayo na po ang magpasiya.

Sadyang KAILANGAN natin ang TUMITIG kaysa TUMINGIN. Sa pagtitig, nakapukos po tayo. Sa pagtingin, nakahawak lang po tayo at di pinapansin. Ang nakatingin, walang iniisip. Subalit ang nakatitig, nag-iisip. Ganito din po tayo sa ating mga relasyon; laging may akala, sana at baka sakali ang bukambibig, may haka-haka, seguro, marahil, duda at alinlangan. “Bahala na ang katwiran.” Laging nasa huli ang pagsisisi. Simpleng-simple lang po “TUMITIG” anuman ang nasa inyong harapan.