Pabatid Tanaw

Friday, January 31, 2020

Marunong Ka bang Makisama?



Kapag pakikipagkaibigan, tandaan ito, kung pakikisamâ naman, kalimutan ito. 
Marami ang nakakapuna sa tipo ng relasyon na may bahid ng “pakikisama.” Dahil mistula ito na isang pikit-matang obligasyon na walang hangganan. Kailangang marunong kang makibagay at makisunod sa anumang panahon, mga pagkakataon, at kahit na sa mga karaniwang bagay. Sapagkat pakikisama ang layunin, kailangan ang panunuyô. Walang iwanan at sisihan kahit na anuman ang mangyari. Alipin na nakabilanggo ang relasyong tulad nito. Hindi malaya at laging sunod-sunuran na tila may kinatatakutan.
   Sa katagang “pakikisama,” kinalimutan mo na ang tungkol sa iyong sarili basta magiliw kang tinatanggap ng iyong mga kasamahan. Isa itong PAKIKI-usap para lamang mai-SAMA anuman ang kahinatnan. Para masabi lamang na may grupo o pangkat kang sinasamahan. At kung ito ay walang makabuluhang layunin para sa kapakanan ng bawa’t isa, pakikisamâ ang umiiral dito at hindi pakikiunlad. Hindi kailangang ipakisama kung ang layunin mo ay mabuti at kapakinabangan ang tinutungo. Ang mabuting gawain na huwaran ay sinasamahan, hindi ipinapakisama.
   Kapag nagnanasang makisama at manuyo sa ibang tao, mapapansin natin na taliwas at sumasalungat ito sa tunay na pakikipagrelasyon. Hindi ito pantay kapag higit kang nakikisama kaysa sa normal at karaniwang relasyon. May paborito at nakikisama para higit kang tanggapin ng iba. Kapag ginagawa ito, naliligaw ka sa iyong tunay na layunin sa buhay. Ang tunay na pagkatao ay hindi ipinapakisama, kundi ipinapakilala sa gawa. Walang panunuyo, hindi amuyong, at palasunod.
   Sa ganang akin, ang pakikisamà ay pakikisamâ. Makipag-kaibigan nang walang pakikisamâng namamagitan.. Kung nais mo ng matalinong buhay, ipamuhay mo iyong paraan at paninindigan, hindi sa pahintulot o aprobal kung matatangap ka ng iba.
Sa dalawang tao na laging magkasama, ang relasyon ay magkapantay.Subalit kapag ang isa ay palautos at ang isa naman ay palasunod; nakikisama ang palasunod at bisyo na ang manuyo.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

 

Tuesday, January 28, 2020

Matapang Ka nga ba?

Ang tagumpay ay hindi hangganan, ang kabiguan ay hindi kamatayan;  
ang katapangan lamang ang nagpapatuloy at siyang sandigan.


Ang pagbabago ay isang bahagi ng buhay, subalit sa ibang kadahilanan, marami ang natatakot harapin ito. Ang pagbabago ay pag-usad, at ang pag-usad ay batayan na tayo ay yumayabong patungo sa pag-unlad. Sa mga balakid at pagsubok na dumarating sa ating buhay, natututuhan natin ang maraming leksiyon upang tumalino tayo at maging mahusay. Habang nakikibaka tayo sa mga paghamon na ito, lalong nag-iibayo ang ating katapangan para makamit ang tagumpay.
  Habang tayo ay gumugulang, napatutunayan natin na ang mga leksiyon na ito ay hindi lamang mahirap at nalalagpasan natin, kundi nararanasan natin na siyang napakahalaga. Nagagawa nitong higit na magkaroon ng kahalagahan at kaibahan ang ating buhay. Ang pakikihamok sa buhay ay nangangailangan ng tibay ng loob, katatagan, at katapangan para mapagtiisan ang mga kapighatian na ating nararanasan. Kailangan maging matapang sa pagharap sa anumang problema at mapagtagumpayan ito, sapagkat narito ang pagkakataon para umusad at matupad ang ating mga pangarap.
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
 

May Katanungan Ka ba?


Ang kalidad ng pagkatao ay hindi aksidente. Ito ay palaging resulta ng matalinong pagtatanong kung sino kang talaga.
Paano ko ba makikilala ang aking sarili? Saan ba ako magsisimula? Kung walang mga katanungan ay wala ding mga kasagutan. Ang karamdaman ay inaalam para malunasan. Upang malaman ang dahilan, kailangang alamin nang may resultang matutuhan. Kapag may kaalaman, may masisimulan. Higit na mainam ang matiwasay na buhay kaysa masalimoot na buhay. Narito ang paraan:
   Maghanda ng bolpen at papel, umupo nang komportable sa isang lugar at hindi maaabala nang sinuman. Ipikit ang mga mata at huminga nang malalim, hayaang maglabas-masok ang hangin ng limang minuto. Magmuni-muni sa mga katanungang ito: Ano ang ang aking gagawin kung sakali
-ay nalaman kong mayroon na lamang akong isang taon para mabuhay?
-may mapaminsalang bagyo tulad ng “bagyong Yolanda” ang dumating sa aming lugar?
-ay dumating ang isa kong kaibigan at humiling na tulungan ko siyang maglipat-bahay, ngunit nakahanda na akong manood ng sine sa araw na ito?
-nalaman ko na ang aming alkalde ay itinatago sa kanyang pribadong bodega ang mga donasyong pagkain, damit at kumot para sa mga nasunugan, at ipinagbibili?
-nanalo ako sa lotto ng tatlumpong milyong piso?
-may isang oportunidad at sekretong proyekto na mailulusot ko at kikita ako ng malaking pera na walang sinuman ang makakaalam?
-may kasama ako sa trabaho na sinisiraan niya akin nang patalikod ang aming manedyer?
   Pag-aralang mabuti. Napakahalaga nito at kailangang maunawaan nang lubusan. Ilang katanungan lamang ang mga ito na kailangan mong sagutin upang makilala ang iyong tunay na pagkatao, o ang nakamaskarang mapait na pag-uugali. Anuman ang maging mga kasagutan mo, ito ang iyong umiiral na karakter. Halimbawa, kung ang iyong kaibigan ay may pakiusap sa iyo na tulungan siyang maglipat-bahay at ang iyong sagot ay, “Sori, may mga trabaho akong aasikasuhin,” isa itong indikasyon na makasarili kang kumikilos kaysa ang makatulong sa relasyon ng pakikipag-kaibigan. Habang iniisa-isa mo ang mga katanungan, at nasasagot ito nang totoo at bukal sa iyong puso, matututuhan mong arukin nang malalim ang iyong sarili at makilala ang mga bahagi ng iyong pagkatao na nais mong baguhin at maitama. Kailangan ang iyong paninindigàn lamang ay yaong nagpapakilala ng tunay na Pilipino mong karakter kung sino kang talaga.
   Sapagkat dito nakasalalay kung anong tipo ng relasyon ang ipinamumuhay mo sa iba, at magiging uri ng kapalaran na naghihintay sa iyo.
   Upang makamtan ang kaalaman, kailangang mag-aral; subalit para makamtan ang kawatasan, kailangang magmatyag.
 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Supilin ang Masamang Ugali

Ang masamang ugali kapag hindi sinupil at pinalitan ng mabuting ugali, sa katagalan ito ay kagigiliwan at makakasanayan.
Bawat ugali at kakayahan ay iniimbak at pinalalakas ng magkakatugon na mga aksiyon. Anumang bagay, mapabuti o mapasama man kapag patuloy nating ginagawa, ito ay nagiging ugali. Ang ugali na mahilig maglakad, ay nagagawa tayong maging mahusay na mga manlalakad, ang regular na pagtakbo ay nagagawa tayong maging mahusay na mga mananakbo. Ang madalas na pagtugtog ng gitara ay nagiging gitarista. Mahilig na umindak at sumayaw, ang kalalabasan nito ay maging mananayaw. Gayundin sa mga bagay na may kinalaman sa ispirito; kung matibay at patuloy ang ating mga panalangin, tumitibay ang ating pananalig.
   Kapag tayo ay nagagalit; tayo ay nanggagalaitì, at habang patuloy ito, lalong sumisidhî at nauuwi sa pagkamuhî. Katulad ito ng buto ng halaman, kapag itinanim, dinidiligan at patuloy na inaalagaan, yayabong ito, mamumulaklak at magbubunga. Ganito din ang pag-uugali. Kapag nakasanayan na, ito ay makakaugalian at siyang gagawin sa tuwina. Kung ayaw mong lubusang magalit, magtimpi at huwag nang pag-alabin pa ang namumuong pagkainis. Palitan ito ng ugaling mapagtimpi. Higit na mabuti ang magpasensiya at maging mahinahon upang maibsan ang nadaramang poot.
   Lumayo at manahimik. Hayaan na kusang lumamig ang sitwasyon. Walang sinuman ang mananalo sa bawat argumento at mainitang pagtatalo. Makuha mo man ang nais mo at ikaw ang panalo, nawalan ka naman ng kaalyado, at kung minsan ay lihim na kaaway pa. 
   Kahit na hindi ka nakakatiyak sa magiging resulta, ngunit pinipili mo ang tama kaysa mali, at kung papaano mahusay na isakatuparan ito, unti-unti ay makakasanayan mo ito at magiging ugali na. Laging tandaan; anumang kinagigiliwan ay makakasanayan, at sa katagalan ay makakaugalian.
Sinuman ikaw, ang iyong pagkatao ay kabubuan 
ng iyong mga ugali.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan