Pabatid Tanaw
▼
Monday, December 30, 2019
Friday, November 29, 2019
Si Relasyon ang Mahalaga
Sa dalawang tao na nagsasama, tatlong pagkatao o persona ang namamagitan dito; Ikaw, Siya, at ang Relasyon ninyo. Bagamat dalawa kayo na nagmamahalan, nagkakaisa, nag-uusap, nagtatalò, nagkakagalit o nag-aaway, si Relasyon ay palaging nasa gitna at siya ay nagmamatyag, nagagalak kapag may pagmamahalan, nasasaktan kapag may alitan, at lumuluha kapag may tikisan at hiwalayan.
Marami
sa atin ang hindi nakakaalam na kung paglaanan lamang ng atensiyon si Relasyón, at ito ang pinakamahalaga sa
lahat, magagawa nating kontrolin at pakaisipin ang mga salita na ating binibitiwan.
Tanungin natin si Relasyón;
"Kung bakit kailangang patuloy na magsama
ang dalawang tao?' 'Kung kapayapaan at
kaligayahan ang hanap, bakit may mga pagtatalo at alitan na nagaganap?' 'Kung
tunay at wagas ang pagmamahalan, bakit hindi matanggap ang pagkakaiba ng mga ugali
at katauhan?' 'Sino ba ang higit na mahalagang masunod, Ikaw? Siya? o si
Relasyon?"
...at ito ang
mga kasagutan ni Relasyón:
Bago
ka magsalita;
Sundin ang katagang, 'THINK'
T---truth/Ito ba ay totoo?
H---helpul/Ito ba ay
makakatulong?
I---inspire/Ito ba ay
makapagbibigay ng inspirasyon?
N---needed/Ito ba ay
talagang kailangan?
K---kind/Ito ba ay may
pagmamalasakit?
... at narito
ang mga paliwanag ni Relasyón:
1-Hanggat
magagawà; pakaiwasan ang pagiging kritikò o mapanurì -pamumunà, pamimintás, panghahamak,
at panunuyâ. Ang matinding pananakit o bugbog sa katawan ay malilimutan, ngunit
ang masaktan ang damdamin, habang buhay itong dadalhin.
2-Umiwás
sa mga negatibo at mapanghamak na mga pangungusap. Nagpapakilala ito ng iyong
inseguridad at kawalan ng pananalig sa katotohanan . Ilalagay ka ng mga ito sa
kapahamakan. Sapagkat sa mga paliwanagan, kung sino ang naiinis, sumisigaw, at
nagagalit, siya ang talunan at panakip lamang ang makipagtalo.
3-Iwaglit
na sa isipan ang mga tao na yumaò at nagsialis na sa iyong buhay. Lalo na kung
isinasama sa pagtatalo pati ang mga kamag-anak. Sa halip, ilaán ang makabuluhang
mga sandali para sa inyong ikaliligaya.
4-Ang
pagdududà, pag-aakala, at mga hinuha o suspetsà ay siyang kalawang na sumisirà sa
magandang pagsasama. Kapag may tiwala
ka, pagkakatiwalaan ka din ng kapareha mo.
5-Piliting
magawa ito: Iwasang ikumpara sa iba ang iyong karelasyon. Inaalisan mo siya ng
pag-asa at kakayahang may magawa at magpatuloy pa.
6-Iwasang
humatol, sa halip ay umunawa at magtiwala. Hindi mo kailanman naranasang naisuot
ang kanyang sapatos.
7-Tanggapin
ang kanyang pagkatao kung sinuman siya. May
kawikaan na hindi mo magagawang ituwid ang likod ng kubâ, kalikasan niya ito.
Gayundin ang pagkatao ng sinuman, siya lamang ang tunay na may kontrol sa
kanyang isipan. Ang kailangang kontrolin ay ang sarili mong isipan, ito ang
nagpapahirap sa anumang relasyón.
8-Iwasang
mag-alala at paulit-ulit na ipamukha na tulad ng sirang plaka ang tungkol sa
mga bagay na hindi na mababago o maitatama pa.
9-Hikayatin
at tulungan siya tungo sa kanyang pag-unlad. Purihin at magbunyi para sa inyong
kagalingan at kapakanan.
10-Tawanan
ang mga kabiguan at pasalamatan ang leksiyong natutuhán. Pinatitibay kayo nito
upang patuloy na magkasama, maging masaya at mapayapa sa tuwina.
11-Igalang
ang sariling paniniwala lalo na ang pananalig ng bawat isa. Katulad ng
boteng lampara, siya lamang ang makapaglilinis ng sariling uling nito sa
loob. Imposibeng malinis ang dilim nito, kahit na kaskasin mo pa nang
libong ulit sa labas ang bote ng lampara.
12-Sa
araw-araw maglaan na makagawa ng kahit na maliliit na bagay para ikasasaya sa bawat isa.
13-Tuparin
ang mga pangakò at sabihin lamang ang katotohanan. Marami pang ipapaliwanag
kapag nagsisinungaling. Ipagkakanulo ka nito para mawalan ng saysay ang integridad mo.
14-Payagan
siya na magdesisyón para sa kanyang sarili. Higit siyang nakakaalam kung ano
ang mahalaga at makakabuti para sa kanya.
15-Kung
hindi ka naman tinatanong, huwag ka namang sumasagot. May panahon ang bawat
bagay, isaalang-alang ang katahimikan nang magka-liwanagan. May espasyo sa pagitan
ng aksiyon at reaksiyon, ito ang puno't-dulo sa kaganapan ng lahat.
16-Iwasang
magturò, at huwag hanapin na makita ang iyong repleksiyón sa kanya.
Huwag ipagpilitan na paniwalaan ang istilo o sistema ng pamumuhay na
kinagisnan at kinawiwilihan mo. Ikaw ay
unikò, pambihira, at walang sinuman na makakagaya o makakatulad pa sa
iyo.
17-Piliting
nakalapat ang mga labi at makinig nang maigi para ganap na maunawaan ang
hinaing ng kaharap. Hindi isang katalinuhan na makakaya mong ipaliwanag at masasagot
ang bawat usapan.
18-Hindi
nakakatulong na sirain ang reputasyon at integridad ng isa para maipakita sa
iba na ikaw ang biktima at martir sa pagsasama.
19-Iwasang
maging personal ang mga pag-uusap at turingan, kung wala kang kinalaman huwag
nang makialam. (mind your own business, and
not: "If not my way, take the
highway!"). Hindi nakukuha ang hinahangad para sa sariling agenda sa paulit-ulit na mga pagbabanta.
20-Kung
nais na may makuha, ibigay mo muna. Wala kang aanihin kung wala ka namang
itinanim. Katulad ng bangko, hindi mo magagawang mag-withdraw kung kulang at wala ka namang idini-deposito.
21-Iwasang
mag-isip ng sariling komentaryo habang nagsasalita ang kaharap, sapagkat dito
nagsisimula ang argumento na kadalasan ay humahantong sa sigawan at kahihiyán.
22-Ang
tunay na pagmamahal ay walang mga kundisyong pinaiiral. Gumagawa ng mga paraan para sa ikaliligaya ng kasama.
23-Sabihin
lamang nang tuwiran ang tunay na nais mangyari at walang paliguy-ligoy.
Anumang
nadarama, ito ang ipakilala.Walang ibinubungang mabuti ang mga
pagkatakot, mga pangamba, at sobrang pag-aalala. Winawasak lamang nito
ang magandang pagsasama.
24-Huwag
pag-aksayahan ng panahon ang maliliit na mga bagay na wala namang katuturan para
makalimutan ang tunay na mga prioridad sa buhay.
25-Pakatandaang maigi: Higit
na mahalaga ang tao kaysa mga bagay at materyal!
Sa lahat ng ito, walang nakakaalam kung ano ang katotohanan. Lahat ng mga bagay na
napapakinggan o nababasa man ay pawang mga komentaryo at opinyon lamang. Ang
higit na may kabatiran ay ang iyong mga karanasan at mga natutuhan.
Maraming Salamat po.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod
ng Balanga, Bataan
Kilatising Mabuti ang Sarili
Kapag nasupil mo ang iyong sarili, wala nang makakapigil pa sa
iyo para magtagumpay.
Sa mundong ito, mayroong maraming bagay na hindi
natin makakayang kontrolin. Subalit napatunayan
ko mismo, anuman ang iyong binibigyan ng atensiyon at patuloy na ginagawa, ito
ang may kontrol sa iyo. Isa na rito kung papaano ka mag-reaksiyon sa anumang
nagaganap sa iyong buhay. Nakabatay ito sa iyong paniniwala. Natutuhan ko, ...na
anuman ang iyong pinapaniwalaan, ito ang eksaktong magiging ikaw. Kaya nga,
kapag naniniwala ka na magagawa mo ang mga bagay, dahil pinagkalooban ka ng kapangyarihan
na nagmumula sa kaitasan na may pagpapala ng Diyos. Naniniwala ka, na ikaw ay
lumalakad sa mundong ito na hindi nag-iisa.Taimtim ang iyong pananalig na anumang
problema o balakid na masasalubong mo ay mayroong Diyos na kumakalinga sa iyo na
lagi mong masasandalan.
Habang
ako ay gumugulang, ang aking pang-unawa at pagkilala sa Makapangyarihang
Diyos ay kusang sumisibol sa akin. Pinalawak ko pa ang aking pangmasid kung bakit
ako, siya, at ikaw ay iisa. Tayong lahat ay bahagi ng umiiral na enerhiya na
siyang naghahari sa buong sansinukob. Marami ang naniniwala na ang Diyos ay
nasa lahat ng bagay, ngunit hindi naniniwala na ito ay nasa kaibuturan nila. Masasabi
ko bilang pagpapakumbaba, subalit sa katunayan ay isang matinding kapalaluan na
isipin ang Diyos ay naroon kahit saan man sa sansinukob maliban sa ating mga sarili. Lagi
tayong nakatanaw sa itaas, sa mga santo at santa, at sa labas kaysa apuhapin ito mula sa ating puso.
Kung tatanggapin lamang, ang makaluma
nating relihiyon ay nagsasabi; Ang Diyos ay siyang Alpha at Omega, ang simula
at katapusan. Ang Lahat-sa-Lahat, kung kaya't kinakailangan maunawaan natin na
siya ay nasa atin. Ito ang pinakamalinaw na kasagutan, at ito sa aking
pagkakaalam at mga nararanasan sa lahat ng sandali habang ako ay humihinga,
sapagkat ito ang pinakatumpak sa lahat, dumating na tayo sa makabuluhang
intriga at pagsisyasat: Saan sa atin naroon ang Diyos? Sa ating
kalingkingan? Sa ating hinlalaki? Sa ating utak? Sa ating puso? Nasa ating
kaluluwa? (Kung mayroon tayong kaluluwa?) (Oo.)
Ang
kasagutan: kung ang Diyos ay tunay na nasa Lahat-sa-Lahat, at Siya ang
Alpha at Omega, kung gayon walang lugar o pook sa atin na hindi naroon ang
Diyos. Sa katunayan, at hindi mapapasubalian ito, walang saanman o anumang
bagay na wala ang Diyos doon. Ang Diyos ay nasa lahat ng dako, at lahat ng ating
nadarama, nadidinig, nakikita, nalalasahan, at iniisip ay naroon ang Diyos. Ito
ang nagbabalik sa atin doon sa Hindi Mabigkas
na Katotohanan. Kung ang Diyos ay nasa lahat ng dako, Siya ay nasa
iyo, kung lahat ng nasa iyo, mula paa hanggang ulo ay naroon ang Diyos,
samakatuwid nito, ...ikaw ay Diyos.
Ito ay nasusulat: Ang
Kaharian ng Diyos ay nasa iyong kaibuturan.
Kaya nga ang pananalig ko ay nagmumula sa
kaalaman na may higit na Makapangyarihan kaysa akin at ako ay bahagi nito at
bahagi ko din Siya. Ang taguri ko sa kanya ay Bathala. At bilang ako, ...ay
walang magagawa kung hindi ko ito mauunawaan.
Kapag nabatid mo ang pagitan ng karaniwang
nais at kailangan makamit, may kontrol ka sa makabuluhan.
Sa Iyo Magmumula ang Lahat
Kilala mo ba ang iyong sarili?
Kung
susuriing maigi, apat ang mga aspeto sa buhay: Pagkamulat, Transpormasyon,
Intensiyon, at Pansariling-kahulugan
Pagkamulat.
Ang mapaunlad ang iyong kamulatan at kabatiran sa sarili at sa iba, mula sa
kaibuturan ng sarili mong mundo at ng mundo na nakapalibot sa iyo, ay siyang
unang hakbang para malagpasan ang mga balakid at makamit ang iyong
kaluwalhatian. Kailangang lubos na makilala
mo ang iyong sarili, kung sino kang talaga, ano ang iyong mga naisin,
at kung saan ka patungo. Ano ang
tunay mong layunin sa buhay at bakit mo nais itong makamit?
Transpormasyon.
Saliksikin, pag-aralan, at aktibong baguhin ang mga sistema, kinagisnan, at mga
asal na kinaugalian na—at pagpasiyahan sa iyong sarili kung ang mga ito ay
nakakatulong o nakakasama sa iyong kapakanan. At kung ito ay mga nakakapinsala,
ay simulan ng tanggalin at palitan ng mga bagong pamantayan na ibayong
makapagpapaunlad sa iyo.
Intensiyon.
Ito ang pinaka-makapangyarihan. Kung alam mo ang iyong likas na intensiyon, ang
siklab ng lakas ng sansinukob ay kusang sumasaiyo—na kung saan ay malaya mong
isinasabuhay nang tahasan ang iyong layunin.
Pansariling-kahulugan. Walang ibang tao na higit na
makakagawa ng masusing pag-aaral at pamantayan sa mga bagay kundi ikaw lamang.
Tanging ikaw lamang ang ibayong makakatingin para sa iyong kapakanan.
Thursday, October 31, 2019
Damahin Natin ang Haplos-Personal
Ang hanapin ay respeto, hindi ang atensiyon.
Pagmamahal.
Koneksiyon. Kapayapaan. Kaligayahan.
Tayo
ay mapaghanap nang higit pa sa ating buhay. Lalo na doon sa mga bagay na higit
na magpapasaya at pumapayapa sa ating kalooban. At kahit na mayroon tayong mga
paraan na makipag-ugnay sa iba, ang maabalang paghila ng sosyal media (facebook, twitter, instagram, atbp.) at
teknolohiya ay madalas na nag-iiwan sa atin ng pakiramdam na kulang pa ang
koneksiyon, kulang ang kasiyahan, kulang ang relasyon, at pahapyaw lamang ang
haplos ng pagmamahal.
Bakit?
Sapagkat
kinukulang ng haplos na personal. Mga bagay na nagagawa lamang nang harapan,
nakikita, nahahawakan, nayayakap, at napaglilingkuran. Ito ang mga pagkilos na
nakapagbibigay ng maaliwalas na koneksiyon, para sa ating mga sarili, sa ating
mga mahal sa buhay, sa ating mga kaibigan, mga kasamahan at maging sa mga
estranghero sa araw-araw.
Kahit na
tayo ay abala sa sosyal media;
Huwag nating kalimutan na ngumiti, at
bigkasin ang "Magandang
umaga" sa bawat isa na makakasalubong para masinulang masigla
ang maghapon na positibo ang enerhiya. Walang mawawala at may pakinabang pa kung
bibigkasin nang harapan ang, "Maraming
salamat."
Huwag nating sayangin ang araw na ito na
walang haplos ng tawanan at kasayahan. Ang tumawa ay
medisina.
Huwag nating kaligtaan na tumawag, sumulat o mag-email
sa mga mahal natin sa buhay at mga kaibigan. Ang simpleng pangungumusta ay nag-iiwan
nang makabuluhang ugnayan at kapayapaan sa ating kalooban. Huwag nating kakalimutan: Bagay
na hindi pinahalagahan ikaw ay iiwanan.
Huwag nating palipasin ang mga sandali na hindi
tayo nakakatulong sa pangangailangan ng iba. Kung walang itinanim ay wala ding aanihin: Ibigay muna bago makuha.
Huwag tayong lubhang magpagumon o mawili
sa sosyal media at masidhing nakapokus sa selpon.
Lahat
tayo ay nakadarama hindi lamang ng koneksiyon, kundi sa mga bagay na
nakapag-iiwan ng malalim na pagtanggap at pagpapahalaga; ang maalab na pakiramdam
ng matalik na pakikiisa, pagdadamayan, at pagmamalasakit sa isa't-isa: na
nagagawa lamang ng haplos-personal.
jesseguevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Lungsod ng Balanga, Bataan
wagasmalaya.blogspot.com
Sa Akin Simula ng Lahat
Walang higit na magmamalasakit at
wagas na magmamahal sa Pilipino kundi ang kanyang mga kapwa Pilipino.
Napatunayan na ito ng ating mga bayani, na walang maaasahan sa mga
banyaga at mga tagasunod nito kung palagi na lamang maghihintay sa
kadiliman. Kinakailangang mula sa iyong sariling pawis at dugo
makakamtan lamang ang tunay na kalayaan.
Kung nais mong maging malaya at magampanan nang tuluyan ang iyong mga sagradong karapatan, bilang tunay na mamamayan ng Pilipinas, at hindi maging alila at palaboy ng lansangan, panindigan mo ang iyong tunay na pagka-Pilipino. May dugong kayumanggi, matapang, at nakahandang ipaglaban ang mga makataong karapatan, kaninuman, saanman, at magpakailanman.
MABUHAY TAYONG LAHAT!
Kung nais mong maging malaya at magampanan nang tuluyan ang iyong mga sagradong karapatan, bilang tunay na mamamayan ng Pilipinas, at hindi maging alila at palaboy ng lansangan, panindigan mo ang iyong tunay na pagka-Pilipino. May dugong kayumanggi, matapang, at nakahandang ipaglaban ang mga makataong karapatan, kaninuman, saanman, at magpakailanman.
Bilang AKO, ikaw, siya, at tayo, mismomg lahat ay magkakasama, walang iwanan at handang magpakasakit alang-alang sa bayan.
Ipalaganap natin ang pagmamahal sa kapwa Pilipino sapagkat . . .
Ang mga kabatirang Pilipino ay lumalaganap lamang kung ang mga ito’y pinagtutulungang palaganapin ng mga kapwa Pilipino na may pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang pinanggalingan, kasaysayan, at kinabukasan.
1Nais kong ipaalam ng AKO, ikaw, sila at tayo ay mga Pilipino rin at tunay na nagmamahal sa ating sariling bayan.
May paninindigan tayo, bilang AKO: Alay sa Karapatdapat na Opisyal
2- …sapagkat mayroon AKOng isang lahi, isang wika, isang kapatiran, at isang bansa.
3- …sapagkat lagi kong nararamdaman na AKO’y may tungkuling nararapat gampanan para sa ikakapayapa at ikakaunlad ng aking bansa.
4- …sapagkat nais kong ipagbunyi at ipagmalaki na AKO ay mula sa diwang kayumanggi.
5- …sapagkat dito ko lamang maipapakita na AKO’y nakikiisa sa mga adhikaing maka-Pilipino.
6- …sapagkat batid ko na Pilipino lamang ang higit na makauunawa sa kapwa niya Pilipino.
7- …sapagkat sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa, magkakaroon ng pagbabago sa aking bansa.
8- …sapagkat naniniwala AKO na ang pakikiisa sa mga adhikain maka-Pilipino ay pagiging makabayan.
9- …sapagkat pinatutunayan nito na AKO’y may kasaysayang natatangi at maipagmamalaki sa buong daigdig.
10- …sapagkat nais kong malaman ng lahat kong kababayan na may mga adhikaing nakikipaglaban para ating mga karapatan at kapakanan.
11- …sapagkat ang aking mga kaibigan, kaanak, at kakilala ay makikinabang kung malalaman nila ito.
12- …sapagkat
kung ang lahat ng Pilipino ay magmamahal sa sariling bayan, patuloy ang
ispirito ng bayanihan saan mang sulok ng ating kapuluan at maging sa
buong mundo.
13- …sapagkat
marami na ang nakalilimot at hindi maunawaan ang kahulugan ng
pagkakaisa at ispirito ng bayanihan para sa kaunlaran ng ating bansa.
14- …sapagkat dito ko lamang mapapatunayan na AKO’y may karapatan na tawaging Pilipino.
15- …sapagkat naipapakilala ko na may sarili AKOng lahing Pilipino na lubos na nagmamahal sa akin.
16- …sapagkat
pinalalakas nito ang aking pagtitiwala sa sarili na mayroon AKOng
pinanggalingan, pupuntahan, at mauuwian sa lahat ng sandali.
17- …sapagkat mayroon AKOng mga magigiting at dakilang bayani na nakipaglaban para sa aming Kasarinlan.
18- …sapagkat ikinagagalak ko at inaanyayahan ang lahat sa likas na kagandahan ng ating kapuluan.
19- …sapagkat nagmamalasakit AKO sa kapakanan at kaunlaran ng aking sambayanan.
20- …sapagkat ang tagumpay ng kapwa ko Pilipino ay tagumpay ko rin. At ang kanilang kapighatian ay pagdadalamhati para sa akin.
21- …sapagkat nais kong magkaroon ng pagbabago, kapayapaan, at kaunlaran sa aking bansa.
22- …sapagkat
kung hindi AKO tutulong, sino ang makakatulong naman sa akin, kapag AKO’y nangailangan ng tulong? Higit na makauunawa ang kapwa ko Pilipino
kaysa banyaga na walang kabatiran sa aking bansa.
23- …sapagkat nais kong matupad ang aking pagiging ganap na Pilipino.
24- …sapagkat bilang Pilipino, maipapahayag ko kung sino ako, ano ang aking mga naisin, at kung saan ako patungo. Hindi ko matatanggap ang pagiging Pilipino kung wala akong pakialam sa mga kaganapan ng sarili kong pamayanan.
25- …sapagkat ang lumilingon sa pinanggalingan ay makakarating sa paroroonan.
26- …sapagkat
magagawa kong makiharap at makipagsabayan kahit sinumang banyaga, kung
iginagalang at inuuna ko ang aking sariling bansa. Hindi ang gumagaya,
nangungopya, at
nagpupumilit na maging katulad nila.
27- …sapagkat sa anumang larangan na aking ginagawa, isang katangian ang kabatiran kung AKO ay tunay na Pilipino.
28- …sapagkat
nagdudumilat ang katotohanan; sa anyo, kulay ng balat, hugis ng ilong,
at punto ng aking pananalita na AKO ay tunay na Pilipino.
29- …sapagkat
kahit na AKO ay bawalan, takpan, itago, at supilin, lilitaw pa rin ang
aking pagiging Pilipino. Kailanma'y hindi ko ito maitatatwa o
maipagkakaila sinuman ang kaharap ko.
30- …sapagkat mula sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, AKO ay tunay na Pilipino.
31- …sapagkat ang magmamahal lamang nang higit sa Pilipino, ay ang kapwa niya Pilipino.
Kaya bilang
Pilipino tumutulong AKO sa pagpapalaganap ng mga katutubo at kabatirang
Pilipino. Lumalaban at handang magpakasakit alang-alang sa Inang-bayan. At malaki ang ating paniniwala, na maraming mga Pilipino kahit
saan mang panig ng mundo ang nakikiisa at nagtataguyod para dito.
SAPAGKAT may pagmamahal at pagmamalasakit tayo sa pagiging PILIPINO, sa ating SAMBAYANAN, at sa bansang PILIPINAS, ang Perlas ng Silangan.
Ipinagmamalaki Ko ang Aking Pagka-Pilipino
AKO, tunay na
Pilipino, nananalaytay sa aking mga ugat ang
diwang kayumanggi, sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, ay taga-
pagpatuloy ng magiting at makulay kong kasaysayan noon,
ngayon, at magpakailanman. Masikhay kong tinutupad ang aking likas na tungkulin
alang-alang sa kapakanan ng aking Inang-bayan. Laging akong handa na
ipagtanggol ang aking lahi at pamayanan
nito sa anumang kapahamakan, kalapastangan, at
kapighatian.
Ako ay wagas na
mapagmahal, dumaramay, at kapanalig ng mga simulaing nagtataguyod tungo sa
malayang pagkakaisa na; makaDiyos, makaPamilya, makaBayan, makaKalikasan, at maKatarungan. Iisa lamang ang aking nilulunggati at
pinakamimithi, ang makita’t maranasan na maging isang tunay na bansang malaya
ang Pilipinas; demokratiko, maunlad, makatarungan at may bukas na lipunang
Pilipino.
Likas ang yaman ng
aking bayan, mula sa mapanlikha at mapagtaguyod na mga kamay ng mga mamamayan
nito, sa 7,107 naggagandahang mga pulo na naglalaman ng mga masaganang lupain,
sa mga ilog, lawa, at nakapalibot nitong mga karagatan na mabiyaya sa isda at
kayamanan nito, sa mga kagubatang nagbibigay-buhay at pangangalakal, sa mga
kabundukang nagtataglay ng mga mineral at yamang-likas, at sa pagiging
pangunahing sentro nito sa Asya at pandaigdigang kaganapan. Karampatan lamang
na tawagin ang aking bansa na, Perlas ng
Silangan.
Aking pinahahalagahan at ipinamamalaki ito, saan mang sulok ng daigdig, sinuman ang aking kaharap, at anumang panahon. Kailanman ay hindi ako nangingimi na ipakilala ang aking lahing kayumanggi.
Aking pinahahalagahan at ipinamamalaki ito, saan mang sulok ng daigdig, sinuman ang aking kaharap, at anumang panahon. Kailanman ay hindi ako nangingimi na ipakilala ang aking lahing kayumanggi.
Maraming nang dayuhang
banyaga na may kanya-kanyang ideolohiya at relihiyon ang nabighani nito;
Magmula sa Islam ng mga Arabo, Katoliko ng mga Kastila, Protestante ng mga
Amerikano, nasyonalismong pasista ng mga Hapon, sa mga pansariling kalipunan at
pulitikang banyaga ng mga ito, na nagpasiklab ng himagsikan; mula kay Raha
Lapu-lapu sa Mactan, Gat JoseRizal sa Bagumbayan, Gat Andres
Bonifacio sa Balintawak, Hen.Gregorio del Pilar sa Pasong Tirad, Hen.Macario
Sakay sa mga kabundukan, at marami pang iba. Patuloy pa ang laban. Hanggat
may mga sakim na dayuhang banyaga at huwad na mga Pilipino na patuloy na
nagsasabwatan at nagpapairal ng buktot at bulok na sistema sa lipunang
Pilipino, ay nag-aalimpuyo ang aking dugo sa ipinunlang binhi ng kagitingan ng
aking mga ninuno. Ang silakbo nito ang siyang nagpapaalab na,
AKO, tunay na PILIPINO
AKO ay Tunay na Pilipino
Sino ba ang matatawag
na tunay na Pilipino?
Kailangan pa ba ito?
Hindi pa ba sapat ang na tawagin
kang Pilipino? Bakit kailangan pang may kalakip na tunay? Dahil
marami ba ang huwad at nagpapanggap na Pilipino? Kung ang ama at ang ina ay
taal na mga Pilipino, tama bang bansagan kang tunay na Pilipino?
Ano ba ang kaibahan ng
katawagang Pilipino sa “ tunay na Pilipino”?
Ikaw ay Pilipino, kapag mamamayan ka
ng Pilipinas.
Ikaw ay Pilipino, kapag ang ama at
ina mo ay mga Pilipino.
Ikaw ay Pilipino, kapag ang ina mo
ay Pilipino, may sapat na gulang, at pinili mong maging Pilipino.
Ikaw ay Pilipino, kapag naturalisado
ka nang naaayon sa batas ng Pilipinas.
Totoo nga ba?
Madaling akuin o banggitin, ako ay
Pilipino. Pilipinas ang bansa ko. Ang mga magulang ko ay taal na mga Pilipino.
Mamamayan ako ng Pilipinas. At nakapagsalita ako ng Pilipino. Kaya, Pilipino
ako.
Ngunit nagagampanan mo naman ba ang pagiging Pilipino mo, upang nararapat at wagas kang matawag na tunay na Pilipino? Liripin ang isinasaad ng pahimakas na ito, "Tunay na Pilipino ka nga ba?"
Ngunit nagagampanan mo naman ba ang pagiging Pilipino mo, upang nararapat at wagas kang matawag na tunay na Pilipino? Liripin ang isinasaad ng pahimakas na ito, "Tunay na Pilipino ka nga ba?"
Tunay na Pilipino ka
nga ba?
Sa anyo't kilos pati salita,
pakilala mo'y Pilipino ka.
Subalit sa puso't diwa at mga gawa,
kapag tungkol sa bayang Pilipinas ay kinukutya.
Pilipino ka bang naturingan kung laman ng iyong isip ay banyaga,
tinatawanan kulturang Pilipino at iyong inaalipusta.
Subalit sa puso't diwa at mga gawa,
kapag tungkol sa bayang Pilipinas ay kinukutya.
Pilipino ka bang naturingan kung laman ng iyong isip ay banyaga,
tinatawanan kulturang Pilipino at iyong inaalipusta.
Tunay na Pilipino ka
nga ba?
Sa kapighatian ng Pilipinas, umid
ang iyong dila.
Sa mga karaingan ay bingi kang tuluyan.
Mistula kang bulag sa iyong mga nasasaksihan.
Tinatamad ka ni dumampi man lamang.
Lagi kang umiiwas at maraming kadahilanan.
Sa mga karaingan ay bingi kang tuluyan.
Mistula kang bulag sa iyong mga nasasaksihan.
Tinatamad ka ni dumampi man lamang.
Lagi kang umiiwas at maraming kadahilanan.
Tunay na Pilipino ka
nga ba?
Hindi magunita, ni malirip, at sa
isip ay sumagi,
ito ang iyong lahi na diwang kayumanggi.
Kaya't bansag lamang na Pilipino kang naturingan.
Dahil anuman ang mangyari sa iyong Inang-bayan,
tumatakas ka at walang pakialam.
ito ang iyong lahi na diwang kayumanggi.
Kaya't bansag lamang na Pilipino kang naturingan.
Dahil anuman ang mangyari sa iyong Inang-bayan,
tumatakas ka at walang pakialam.
Papaano nga ba ito?
Madali ang maging tao, subalit
mahirap ang magpakatao, o maging makatao.
Sa paghahalintulad;
Madali ang maging
Pilipino, subalit mahirap ang magpaka-Pilipino, o maging maka-Pilipino.
Madali ang tawaging
Pilipino, subalit sa pag-iisip, sa pananalita, at mga gawa ay hindi Pilipino,
hindi maka-Pilipino, at walang pagmamalasakit o pagpapahalaga anumang tungkol o
nauukol sa Pilipino.
Subalit, ikaw ay tunay na Pilipino,
Kapag
nagagampanan mo sa isip, sa salita, at mga gawa ang pagiging Pilipino.
Kapag
ipinagmamalaki at ikinararangal mo ang pagiging Pilipino.
Kapag nagmamalasakit
at nagpapahalaga ka sa katutubong kultura at kasaysayan ng lahing Pilipino.
Kapag buong giting mong ipinagtatanggol ang
makatarungang karapatan bilang Pilipino.
Kapag
nakikiisa at tumutulong ka sa pagbabago ng Pilipinas tungo sa malayang
pagkakaisa na;
makaDiyos,
makapamilya, makabayan, makakalikasan, at makatarungan.
Sa mga katangiang ito, mayroon kang kagitingan, kabayanihan, at karapatan na bigkasin ang
AKO, tunay na Pilipino
Malaki ang kaibahan at karaniwang
tawag na Pilipino sa napapanahong tawag na tunay na Pilipino.
Katulad ng isinasaad sa ating Panatang Makabayan simula pa noong tayo'y
nag-aaral sa mababang paaralan:
Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas
Ito ang aking lupang sinilangan
Ito ang tahanan ng aking lahi
Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya at kapakipakinabang
Bilang ganti, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan
Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas
Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.
Monday, September 30, 2019
Nasa Iyong Pagpili ang Lahat
Kapag maganda ang
iniisip, maganda din ang resulta.
Anuman ang narating mo sa buhay, kung
ito man ay Panalo o Talunan; Tagumpay o Kabiguan; ang mga ito ay walang batayan
at kinalaman sa mga bagay, mga pangyayari o nagkataon lamang. Nakapangyari ang
mga ito dahil sa iyong mga saloobin. Sapagkat ito
ang nagtulak sa iyo upang pumili kung ano ang ninanasa mo, at ang napili mo ang
siyang ginawang batayan ng iyong mga kapasiyahan. At sa mga pasiyang ito na iyong
nilikha, ang sinundan mong direksiyon. Anuman ang kalagayan mo sa ngayon, ito ay tahasang
pinili mo.
Sinuman sa atin ay walang karapatan na
manisi ng iba. Sa lahat ng mga nagaganap sa iyong buhay, ito ay hindi
mangyayari kung wala kang partisipasyon o kagustuhan na mangyari ito. Magmasid
at pag-aralan ito: Ang mga talunan o mga bigong tao ay mapanisi sa mga bagay at
mga pagkakataon. Ito ang mga kumokontrol sa kanila. Samantalang ang mga panalo o matagumpay na mga tao ay kinokontrol
ang mga bagay at mga pagkakataon para sa kanilang kapakanan. Marami ang
nahuhulog sa balon ng ‘walang pag-asa’
at nanatiling nakatingin lamang sa mga dingding nito, nakatulala at laging naghihintay sa wala. Tinanggap na ang kanilang
pagkahulog at mga kasawiang dulot nito. Patuloy na nakikiusap, dumadaing, at
naninisi sa naging kalagayan nila. Samantalang
ang iba ay palaging naghahanap ng paraan na makaahon, makatakas, at mapaunlad
ang kanilang kalagayan sa buhay.
Pagmasdan ang sarili; anumang kalagayan mo sa ngayon ay siyang katibayán ng iyong mga naging kapasiyahán sa buhay. Sapagkat kung lagi kang kinakapós; ang kahirapan ang siyang nasusunod. Huwag panawan ng pag-asa, umasam nang may makamtan, dahil kung walang tinitingala, walang pagkukusa. Simulan na ang pagbabago; sa isipan, sa mga pagkilos, at mga paraan tungo sa iyong kaunlaran. Kumilos na! At ang lahat ay madali na lamang.
Pagmasdan ang sarili; anumang kalagayan mo sa ngayon ay siyang katibayán ng iyong mga naging kapasiyahán sa buhay. Sapagkat kung lagi kang kinakapós; ang kahirapan ang siyang nasusunod. Huwag panawan ng pag-asa, umasam nang may makamtan, dahil kung walang tinitingala, walang pagkukusa. Simulan na ang pagbabago; sa isipan, sa mga pagkilos, at mga paraan tungo sa iyong kaunlaran. Kumilos na! At ang lahat ay madali na lamang.
Malabo ba ang Iyong Salamin?
Nasa grado ng iyong
salamin kung malinaw o malabo ang iyong paningin.
Lumabas ka sa iyong lungga at tahasang
harapin ang nagpapahirap at mapangwasak na mga maling paniniwala na sinusunod
mo para sa iyong sarili. Pawalan at yakaping mahigpit ang iyong malikhaing
kakayahan. Kapag pinabayaan mo ito, kailanman hindi ka na matatahimik. Dahil kung walang pagbabago sa iyong kalagayan, pawang
mga pagkabagot, mga pagkabugnot, at mga bangungot ang lagi mong kaulayaw.
Lahat tayo
ay may kanya-kanyang
mahapding mga karanasan sa buhay, na kung saan lagi tayong inaaliw ng
ating mga
nakaraan at mga pagkatakot na magkamali at mabigong muli. Lalo na kung
laging tinatakot sa relihiyong pinapaniwalaan at hindi makaahon sa
kahirapan. Naturingang kristiyano bakit hindi umasenso? Dahil umaasa na
may pagpapalang darating kung matiisin, at nakakalimot sa mga tamang
gawain. Walang problema ang maniwala kung nakapagbibigay ito ng biyaya.
Kung lubog sa utang, walang pagkakitaan, at manhid na sa kahirapan; sino ang may kasalanan? Ang paniniwala o ang naniniwala? Ang Kaharian ng Langit ay nasa paggawa; dahil nasa tao ang gawa at nasa Diyos ang awa. Ang maling paniniwala ay gutom ang napapala. Alam natin na
kailangang magbago, ngunit hindi natin makayang gawin ito. Magagawa ba nating maitama
ito? Napakasimple lamang, at narito ang kasagutan:
Palitan ang “grado” sa isinusuot mong salamin sa tuwing hahatol ka. Dahil ito ang sinusunod ng iyong mga saloobin (attiudes) at resulta ng iyong mga desisyon. Hanggat suot ang "salamin" na ito, ay katulad mo ang tao na palaging may hawak na martilyo, at lahat ng makita ay "pako"
para ipako. Gawing malinaw at nasa reyalidad ang lahat. Alisin ang
"grado" ng paningin. Huwag mag-akala o maghaka-haka, walang personalan,
at walang hatulan para mapahusay ang pagsasama. Iwasan ang nakaraan,
lipas na ito at hindi na maibabalik pa. Kung magagawa mong huwag pukawin
at pagbalingan ang
nakalipas na kabiguan, at sa halip ay pakawalan ang iyong potensiyal,
magagawa
mong magtagumpay at matupad ang iyong mga pangarap.