Pabatid Tanaw

Wednesday, August 14, 2019

Salamat sa Inyo



Ikinuwento ito ng aking ama noong ako’y nasa elementarya pa, “Mayroong isang matalinong lalake noon na madalas dumalaw sa aming nayon. Marami sa aking mga kanayon ang laging nanunumbàt sa kanya dahil sa kakaiba niyang ugali kapag pinupuna at pinipintasán. Lagi siyang nakangiti at sa halip na sumagot nang pabalang para makaganti ay inaayunan pa at pinagpapalà ang nagpukol ng maanghang na salita laban sa kanya.
   Isang araw ay naparaan ito sa aming bahay, nang isang pangkat na mga kalalakihan at kababaihan ang dumating na galing sa bukid at nagsimulang insultuhin siya sa kanyang pananamit. Gaya ng dating nakagawian nito, lumapit siya sa pangkat at pumikit, kasabay ng panalangin na pagpalain ng Diyos sa umagang ito ang nasabing pangkat.
   Nang makaaraan na ang pangkat, isa sa aming kapitbahay ang nakaismid na nagpahapyaw: “Kung anu-anong pintás at insultò ang ginawa nila sa iyo, at sa halip na ipagtanggol mo ang iyong sarili, tinugon mo pa sila nang magiliw at may kasunod pang panalangin ng pagpapala, at naggagalaiting nanuyà “Ano ka ba, estatwang bato na walang pakiramdam?”
   At ang matalinong tao na ito ay mahinahong sumagot, “Bawat isa, sinuman sa atin ay maihahandog lamang kung ano ang mayroon sa kanya.”
-------------o
Buhat noon, tinandaan ko na ang makahulugang kuwento na ito bilang aral kapag pinupuna at pinipintasan ako ng iba. Tatlong sitwasyon ang natutuhan ko; Una, hindi nila matanggap ang naging kalagayan ko sa buhay; Pangalawa, pinipilit nilang mabalik ako sa dati na mababa pang higit kaysa kanila sa pamamagitan ng mga salaulang palayaw at paninirang-puri; at Pangatlo, Lagi silang nakaabang at naghihintay ng pagkakataon na ako ay magkamalì, dahil isang selebrasyón para sa kanila na maikalat ito para hiyain ako.
   Higit ko silang pinasasalamatan kaysa mga kaibigan ko, sapagkat nang dahil sa kanila lalo pa akong naging maingat at nagsumikap pa nang husto para paunlarin ang aking sarili.
   Talagang katotohanan; na kapag pinigà mo ang kalamansì, walang lalabas dito kundi kung ano ang mayroon dito, …ang katas ng kalamansì.
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan