Pabatid Tanaw

Buhay na Pulpol



Anumang trabaho na ginagawa mo ay may kapangyarihan kang paghusayin, o isantabi, at lubos na pabayaan. Alinman sa tatlong ito ay may nakalaang hantungan. Ang maging mahusay, maging palaasa, at maging pabaya.
   Binanggit ng aking ama, "Kahit na tagawalis ka ng lansangan; at nasa puso ang pagwawalis mo, ang kahalintulad mo ay isang pintor na gumuguhit ng iyong obra sa lansangan." Ang karaniwang tao ay basta nagtatrabaho para matapos lamang ang gawain, at laging nakatingin sa orasan, ang taguri sa kanya ay trabahador o manggagawa. Samatalang ang mahusay na tao ay nagtatrabaho nang may misyon, ang paghusayin at pagandahin ang gawain kahit na lagpas pa sa oras. At ang taguri sa kanya ay tagapaglikha o tagapaglingkod.
   Malaki ang pagkakaiba nito: sa trabahador (worker); ang makatapos sa gawain at tanggapin ang pasahod ay tama na at ito at sapat na para sa kanya. Doon naman sa tagapaglikha (creator), ay iniisip ang makakamtan na kapakinabangan sa ginagawa at maitutulong nito sa karamihan. Para sa kanya, ang makapaglingkod ay isang katuparan ng kanyang mga pagpapasakit para lalo pang paghusayin ang gawain.
   Ang umiiral dito ay saloobin kung papaano gagampanan ang nakaatang na tungkulin. Kung ang ninanasa ay tagumpay, makakabuting luminya sa tagapaglikha, dahil kakaunti lamang ang trapik at bihira ang dumaraan dito. Kung nais naman ay patama-tama o padaskol na pamumuhay, luminya doon sa may sangkaterbang trapik na kung saan ay nagsisiksikan ang karamihan para maging trabahador. Nandito din ang tunay na dahilan kung bakit kakaunti ang mga yumayaman at parami nang parami ang mga naghihirap. Nasa pagiging mahusay at manatiling pabaya ang malaking kadahilanan.
Maglimi tungkol dito: Ano ang ipinagkaiba sa pagitan ng "Maid in the Philippines" at ng "Made in the Philippines." Bilang Pilipino, malaki ang bahagi nito kung bakit parami ng parami  ang naghihirap sa Pilipinas. At gayundin ang mga tumatakas para magtrabaho sa ibang bansa.
Narito pa ang isang napapanahong talakayan: Kapag nagkasalubong ang dalawang kabataang Pilipino na magkasabay na nagtapos sa kolehiyo, ito ang simula ng kanilang balitaan, "Saan ka nagtatrabaho ngayon?" Kapag dalawang kabataang Tsino naman ang nagkasalubong sa daan, "Anong negosyo ang nasimulan mo na ngayon?"
Kapag mahusay, laging umuunlad ang buhay. Kapag padaskol at bulakbol, laging may bukol sa buhay na pulpol.
 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Hawak Mo ang Buong Daigdig



Kung may mga katanungan, tiyak may nakalaan ding mga kasagutan. Kung nais mong magtagumpay; Ikaw ba ay nakahandang gawin ang lahat upang ito ay maging katotohanan? Palagi mo bang itinataas ang iyong antas at kahalagahan sa tuwina? Malinaw ba at nakaplano ang iyong mga ginagawa sa ngayon? Ang mga ito ba ay para sa iyong kaunlaran at magiging maligaya ka kapag natupad mo?
Pag-aralan at subukang gawin ang mga sumusunod:
1-Kung manggagaya din lamang, pilitin na makisama sa mga tao na nagtataglay ng mga katangiang ito: uliran, eksperto sa kanyang trabaho, magandang halimbawa sa pamayananan, may puso at malasakit sa kapakanan na iba.
2-Palaaral at palabasa ng mga inpormasyong tungkol sa kahusayan, kabayanihan, kabuhayan, at kaunlaran.
3-Matiyaga at masinop sa paggawa, hindi inaaksaya ang panahon sa mga walang katuturan at pakinabang.
4-Walang takot at mapangahas sa paglikha ng paraan sa abot nang makakaya upang matupad ang mga pangarap.
5-Talos at laging tinatandaan na ang pagiging eksperto ay isang proseso, at hindi isang nakabimbing karangalan.
6-Kumikilos bilang ekstra-ordinaryo at hindi umaayon sa karaniwan; sa pananamit, sa mga pagkilos, sa mga kagamitan, sa pagdadala sa sarili, may pansariling pananalig at pagtitiwala at sadyang naiiba sa karamihan.
7-Batid ang kanyang buong pagkatao, kung ano ang kanyang mga nais, at alam kung saan siya patungo.
   Kung nagtataglay ka ng mga ito, hawak mo ang buong daigdig. Ikaw ang higit na may kontrol at pagsupil sa iyong mga kapaligiran. Dahil kung eksperto ka sa iyong larangan, abot-kamay mo na ang tagumpay. Ang proseso sa paghahayag ng iyong mga katangian at mga kakayahan ay mahalagang mga potensiyal para mapaunlad mo ang iyong ibayong pagtitiwala sa sarili. Malaking bahagi ito ng iyong personalidad na maging mahinahon, masikhay, at matatag na manindigan sa lahat ng mga pagsubok na dumarating sa iyong buhay.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Patawad po



Masidhing kilatisin upang ang buhay ay hindi malasin.
Bawa't isa ay nagkakamali. Sino ba sa atin ang perpekto? Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura dahil bahagi na natin ang magkamali...  At matutuhan ang leksiyon na idinudulot nito. 
   Ang magbitaw ng maaanghang na salita, ang hindi sumipot sa tipanan, ang hindi tinupad ang pangako, ang mga pamumuna, ang mga paghihiganti, at wala sa katuwirang mga paninisi -- lahat ng ito ay ilan lamang sa mga kamaliang patuloy nating nagawa, ginagawa, at gagawin pa.
   Kakaunti sa atin ang nakakaalam kung papaano maiwawasto ang pagkakamali, kahit nalalaman na mapait ang kahahantungan ng ganitong mga pag-uugali. Sapagkat kapag binalewala at walang pagtatama sa mga maling pagkilos na ito, ang iyong mga relasyon kasama na ang iyong integridad at reputasyon ay nakasalang at matinding mapuputikan. Magbago na at iwasto po natin ito.
  
Ano ang kahulugan ng Iwasto?
   amend, vb  itama, isaayos, baguhin o palitan upang mawasto at humusay ang kalagayan o sitwasyon
Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng pagwawasto at paghingi ng paumanhin. Ang paumanhin ay kapag bumigkas ka ng, "I'm sorry" o "Pasensiya ka na at nagkamali ako." Samantalang ang pagwawasto, ay ang tahasang pagkilos na maitama ang kamaliang nagawa upang maibalik sa dati ang napinsalang relasyon sa iba.
   Una, isipin at pakalimiin ang tao na iyong napinsala. Mabubugbog mo ang isang tao at malilimutan niya ito, subalit kapag nasaktan ang kanyang damdamin, habang-buhay niya itong daramdamin. Kapag humingi ka ng paumanhin at nakahandang iwasto ito para sa kanya, binubuksan mo ang pintuan at pagkakataon na patawarin ka niya upang magkabalikang muli kayo at maibaon na sa limot ang kasakitan ng nakaraan. 
Tagubilin: Ang pagkakamali ay minsan lamang, kapag ito ay naulit muli, katangahan na ito. At sa ikatlong pagkakataon, sinadya at naging bisyo na ito.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan