Binubuo ito ng pinag-ikom na limang daliri upang
magpahayag ng saloobin. Hindi lamang nagpapakita ito ng bigkisan, kundi matatag
na paninindigan kung ano ang nasa kalooban. Sapagkat sinasagisag nito ang
pagtutol at paglaban. Kung ito’y gagamitin sa pagsuntok,, isa na itong sandata
upang makipaglaban ng suntukan. Subalit sa ibang kaparaanan, sinasagisag din
nito ang kalusugan at kapayapaan.
Marami ang hindi nakakabatid na kung ikikimis
(clenching the fist) ang ating kanang kamao batay sa ginawang pag-aaral, ang frontal
lobe na nasa kaliwang gilid ng utak natin ay nagpapakita ng karagdagang
aktibidad dito. Marami pa tayong kailangang matutuhan kung papaano at kung saang
paraan tahasang magagamit ang ating utak (about our memories) tungo sa
makabuluhang isipan, subalit ayon sa mga eksperto naniniwala sila na ang
kaliwang frontal lobe ay mahalaga sa encoding (creating ), samantalang ang
kanang frontal lobe naman ay para sa retrieving (recalling). Ang pagkimis ng kanang
kamao ay pinakikilos ang kaliwang bahagi ng ating utak, na kung saan ang ating mga
karanasan o memorya (encoded) ay natitipon… ang pagkimis naman ng kaliwang
kamay ay pinakikilos ang kanang bahagi ng ating utak, kung saan ang ating mga
memorya ay ginigising o tinatawag (recalled)
upang magamit sa kaganapang kinahaharap.
Magsuri po
tayo at ating pakiramdaman kung may matututuhan tayo sa puntong ito. Kapag tayo
ay nagagalit, bahagi po na otomatikong ikimis natin ang ating kamao bilang
pagtutol sa nagaganap at maging handa sa paglaban. Kalikasan natin ito, kasabay
ng pagngangalit ng mga bagang at pagkunot ng noo. Ibig sabihin, nagpapadala na
po ng mga nakaraang memorya kung tayo ay palaban o paiwas. Ang naaala-ala
nating karanasan kung ito ma’y hapdi at sumusugat ng ating damdamin, palaban po
tayo. Subalit kung makabuluhan naman, lumuluwag ang ating pagkimis at bumubuka ang
ating palad, isang senyas na nakahanda naman tayo ng pakikipagkamay o
pakikipag-kaibigan.
Simpleng-simple
lamang po, ang pagkimis ay pakikibaka o palaban, at ang pagbuka o paglahad ng
palad ay pakikipag-kaibigan o pakikipag-kamay. Wika nga ng isang magiting na
pinuno, “Kailanman hindi ako
nakikipagkamay (handshake) kung nakakimis (clenched fist) ang aking
katunggali.”
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan