Pabatid Tanaw

Thursday, February 22, 2018

May Lunggati Ka ba?



Ang simpleng pagtuon subalit epektibong pamamaraan ay nakapagpapabilis ng progreso at nagpapasulong sa hangarin. Ito ay itinataguyod ng lahat na matatagumpay sa negosyo. Pangunahin dito ang paghihiwalay ng 7 kategorya sa iyong mga lunggati (goals) upang mapilitan ka na paghusayin ang pagbalanse sa iyong mga pagkilos.
   Magagawa mong pagpasiyahan ang tamang panahon para makamit ang hinahangad mong resulta. Ang dalawang buwan na pag-ikot ay mainam. Hindi ito kalayuan, at may sapat kang panahon para maisaayos ang makabuluhang progreso.

Ang 7 Kategorya ng Lunggati ay ang mga sumusunod:
-Finansiyal
-Negosyo/Karera o Okupasyon
-Pag-aaliw o Libangan
-Kalusugan at Pagpapalakas
-Mga Relasyon
-Personal
-Kontribusyon
   Kapag masikhay mong nailaan ang bahagi ng iyong panahon sa mga kategoryang nasa itaas sa bawa’t 60 araw, magagawa mong tamasahin kung ano ang pinakahahangad ng karamihan sa atin—ang balanseng buhay. At kung mayroon kang sapat na paglalaan ng iyong mga oras para mabalanse ang iyong mga gawain sa maghapon, mayroon kang kapayapaan at panatag na isipan.
   Upang mapanatili ang mga ito sa iyong isipan, repasuhin ito sa araw-araw. Karamihan sa atin ay hindi ito tahasang ginagawa. Sa katunayan, karamihan sa kanila ay wala man lamang na plano ng mga aktibidad para sa kanilang mga lunggati.
   Maging matalino, bigyan ang sarili na umusad at makalampas sa kompetisyon. Magpunyagi at ang tagumpay ay laging kapiling mo.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Ikaw ba ay Bantay-Salakay?



Ang tagumpay ay ang kaalaman kung ano ang tama at kung ano ang mali. At ituon ang buong atensiyon na paunlarin ang sarili.

Walang mahika o hokus-pokus na pormula, o maging mga sekretong sangkap para makamit mo ang iyong mga naisin sa buhay. Simpleng kaparaanan lamang ang talagang kailangan; pagtuunan ng atensiyon ang mga bagay na siyang tama at nakakatiyak ng tagumpay kaysa mga bagay na walang saysay at nauuwi lamang sa kabiguan. Magkagayunman, marami pa ring tao ang nakatuon sa mga walang katuturan at naghihintay ng malaking pagbabago sa kanilang mga buhay. Doon sa mga nagkakasya na lamang sa pasahod tuwing matapos ang isang buwan ay hindi pinag-aaralan kung papaano magagawang maging matalino sa pinansiyal. Ang buong atensiyon nila ay kung papaano ang gumastos kaysa magkaroon ng matatag na sandigan para sa kinabukasan.
   Marami sa atin ang natrap o nabitag at nakalugmok na sa kanilang mga tungkulin na hindi nila nais at napipilitan lamang kapag pumapasok sa trabaho tuwing umaga. Sapagkat hindi nila pinagtuunan ng pansin ang kanilang mga kakayahan at pinahusay ang kanilang mga katangian. Tinanggap na nila na sila'y mga talunan at ito ang kanilang mga kapalaran sa buhay. At lalo namang masaklap na sa halip paunlarin ang sarili, nagkasya na lamang kung ano ang nasa harapan at nakaugalian. Bantay-salakay ang mga ito, laging nakabantay at naghihintay. Kapag may nakalingat o may nagpabaya, kaagad na sumasalakay upang makuha sa maling paraan ang pinaghirapan ng iba.
   Kung maingat at masusing pag-aaralan lamang kung ano ang tunay na nagpapaunlad at hindi nakapagpapaunlad sa iyong buhay, madali na ang makagawa ng mga kaparaanan para makaiwas sa patuloy na mga kabiguan.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

May Problema Ka ba?



Problema na, huwag nang problemahin pa.
Hindi pinag-uusapan ang mga problema, kundi ginagawan ito ng mga solusyon para malunasan.
Hindi natin maiiwasan ang mga problema sa buhay kundi ang harapin ang mga ito at solusyunan. Hangga’t ipinagwawalang-bahala natin ang mga ito, patuloy itong lumalaki at nagiging malala hanggang mauwi sa kapahamakan. Higit na mainam ang madaliang pagharap sa mga ito bago mahuli ang lahat.
   Tanggapin natin ang katotohanan na bahagi tayo sa pagkakamali kung bakit nagkaroon ng problema. Tanggapin ang ating responsibilidad sa problema bago natin ito malunasan. Hindi magagawang lunasan ang isang problema sa pagsasabi na, “Hindi ko problema ‘yan!” “Wala akong kinalaman diyan!” “Wala ako, nang mangyari ang problemang iyan!”
   Wala tayong malulunasan kapag umaasa tayo at naghihintay na may gagawa ng solusyon para sa atin. Makakagawa lamang tayo ng solusyon kapag nanindigan tayo na, “Ang problemang ito ay isang paghamon sa aking kakayahan at aking responsibilidad na solusyunan. Kung hindi ako kikilos, walang kikilos para ito malunasan.”

Bakit nga Ba?
   Hindi dahil sa mahirap magawa ang mga bagay kung bakit ayaw nating pangahasan na gawin ang mga ito; kundi dahil sa ayaw nating mangahas at simulan kaagad ito, kaya nagiging mahirap at umiiwas tayo.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Mabisang Panuntunan sa Buhay



Hindi kailangan na panghimasukan ang bawa’t pagtatalo 
kung walang paanyaya sa iyo.
Sa araw-araw nating pakikisalamuha sa maraming tao, bahagi na nito ang makasumpong tayo ng iba’t-ibang mga asal at kagawian. Bagama’t iniiwasan nating hatulan sila, ang magagawa lamang natin ay kontrolin ang ating mga sarili na huwag madamay pa sa kanilang mga kaugalian. Dahil naisin man o hindi  natin; mayroong mabuti, may masama, may maganda, may pangit, at katawa-tawa  na mga karanasan tayong natatamo mula sa kanila.  
  Narito ang 31 mahalagang mga leksiyon sa mga usapan na aking natutuhan at patuloy na pamantayan sa pakikiharap kaninuman:
  1- Huwag kalimutan ang kahalagahan ng matatag na unang impresiyon.
  2- Tiyakin na wala kang anumang pag-aalinlangan at nakahandang makipag-usap.
  3- Panatilihing nakangiti at nag-uukol ng kailangang atensiyon sa kausap.
  4- Maging malinaw, maikli, at may katapusan ang bawa’t pangungusap.
   5- Iwasan ang palinga-linga at tumitig sa mga mata ng kausap kapag nagsasalita.
  6- Palagiin na ipakilala ang sarili sa isang positibo, maganda, at ulirang personalidad.
  7- Maging mahinahon, magiliw, at matiyagang nakikinig sa usapan.
   8- Huwag patuloy na nagsasalita, tumigil, at pakinggan ang opinyon ng iba.
   9- Sabihin lamang ang mga totoo at aminin ang mga responsibilidad kapag inuusisa.
10- Ingatang nakapinid ang mga labi at ipakita sa aksiyon ang mga pananalita.
11- Gawing makabuluhan ang usapan nang walang personalan at anumang mga pang-uusig.
12- Iwasang ikuwento ang mga nakaraang kamalian at mga kabiguan. Mga pananakit lamang ito sa damdamin ng kausap.
13- Huwag ihalo sa usapan ang pribadong buhay at mga kapintasan ng sariling pamilya.
14- Tandaan na malaking kapahamakan ang laging naninisi ng iba. Sa halip ay magpatawad.
15- Maging maingat at gising kung saan patungo, ano ang intensiyon at ibubunga ng talakayan.
16- Iwasan ang maghinala at lalo na ang mag-akala, walang saysay ang patutunguhan nito.
17- Kung hindi nakaharap ang tao para ipagtanggol ang sarili niya, huwag siyang pag-usapan at idawit pa sa pagtatalo.
18- Huwag magpadala sa emosyon at kagalitan ang kausap kapag wala na ito sa katuwiran. Sa halip ay umunawa at payapain ang mga karaingan at mga pagkatakot ng kausap.
19- Manatiling masaya, may tawanan at kaibig-ibig sa bawa’t sandali ng pakikiharap sa iba. Pinahahaba nito ang ating mga buhay.
20- Pakaiwasan ang magalit sa kaharap, ipagkakanulo ka nito at mauuwi lamang ito sa alitan, nagiging sanhi pa ito ng mabigat na karamdaman.
21- Kung hindi na maganda at pasama na ang usapan, kaagad na putulin ito at baguhin na.
22- Ingatan na mahawa at makiisa sa dalamhati ng mga paninisi sa iba ng kausap.
23- Huwag sumagot, kung hindi ka naman tinatanong. Pagyayabang na lamang ito.
24- Pag-aralan ang pananalita, asal at mga gawi ng kausap kung magkakaugnay sa diwa ang mga ito.
25- Pakaiwasan ang humatol at magbigay ng sariling pahayag o komento; kung wala naman itong kinalaman sa usapan at pagsisimulan lamang ng panibagong argumento.
26- Maging makatao, walang kabuluhan at pagsasamantala ang magduyan at utuin ang kausap para kagiliwan ka nito at makuha lamang ang kanyang pagtitiwala.
27- Hindi isang negosyo at pagkakakitaan ang pakikipagkapwa, kundi isang salamin at pagpapakilala ng iyong tunay na pagkatao sa iba.
28- Huwag ipilit ang sariling katuwiran at manumpa para makuha lamang ang ninanasa. Isang matinding kalapastanganan ang gamitin at isangkot pa sa usapan ang Dakilang maykapal para lamang paniwalaan ang katuwiran. 
29- Kapag ikaw ay may kausap; pakaiwasan ang pumuna at pumintas, dahil ipinagkakanulo ka ng iyong mga inseguridad, kawalan ng pagtitiwala, at mga pagkatakot na siyang nagpapakilala ng iyong tunay na pagkatao.
30- Hangga’t kaharap ang kausap, maging mapayapa at mapanglunas ng kapighatian.
31- Palaging isipin na hindi ka mapapahamak ng mga salitang hindi mo kailanman na binigkas.

… Ang pinakamasaklap na sitwasyon ay kapag nais mo nang tapusin ang usapan at ang kausap mo ay ayaw tumigil at nanggagalaiti pa. Kaagad na mag-ingat, dahil kapag pumatol ka, simula na ito ng malawak pang mga pagtatalo. Ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng mga alitan, kundi ang abilidad na harapin ito nang may mga ngiti sa labi, umuunawa, at nagmamahal. Peryod.

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Umasam Upang may Makamtan


Ang tadhana ay walang obligasyon na ibigay sa iyo 
ang inaasahan mo.

Kung may nais kakumilos ka.  Kung binabasa mo ito, ... salamat naman at buhay ka pa, dahil may pag-asa pang nananatili sa iyo kaya ka nagbabasa nito. Ang totoo, tatlong bagay lamang ang kailangan mo sa paglalakbay na ito ng buhay: mayroon kang iniibig; mayroon kang ginagawa, at mayroon kang inaasam. Ang mga ito lamang at wala nang iba pa.
   Kung papansinin lamang nang maigi; ang mga ibinabalita sa mga pahayagan, sa telebisyon at maging sa radyo, nangingibabaw ang mga negatibong pahayag 9tulad ng sa pahayagan, radyo at telebisyon); pawang mga kabuktutan, mga karahasan, mga kalupitan, at mga kalagiman. Bihira ang mga positibong gawa at bayanihan ng mga tao para sa kanilang kabutihan at kapakanan. Subalit sa ganang akin, patuloy pa rin akong umaasam na sa likod ng mga kapighatiang ito, mayroon pa ring mga busilak ang puso na gumagawa ng malaking kaibahan sa ating lipunan.
   Himig nga ni John Lennon sa kanyang awitin na ‘Imagine“You may say I'm a dreamer, but I'm not the only one. I hope someday you'll join us. And the world will live as one.”
   Ang pag-asam ay positibong pag-asa na nagbibigay sa iyo ng kabatiran na kahit na ikaw ay nahaharap sa mabigat na pagsubok, ay may kakayahan kang lunasan ito at mapagtagumpayan. Ang mainam na magagawa mo sa iyong buhay ay masinsinang limiin kung ano ang inaasam mo. At ang pinakamahalagang pagkilos para dito ay alamin mo iyong mga naisin na isinisigaw ng iyong puso. Hindi ang maging bingi sa munting tinig na bumubulong sa iyo, at hindi upang sikilin at tuluyang ibilanggo ito, kundi ang alpasan at isagawa nang puspusan ang ninanais nitong maganap sa iyo.
   Alam mo ba? …na ang ginagawa mong mga bagay para sa iyong sarili ay maglalaho kapag ikaw ay lumisan na sa mundong ito, pati nga totpik hindi mo madadala. Subalit ito ang pakatandaan mo, lahat ng mga bagay na ginagawa mo para sa iba ay mananatili bilang pagkilala at iyong maiiwanang pamana para sa kanila.
   Huwag umasa at maghintay, bagkus ay umasam. Pagpalain siya na walang anumang inaasahan, dahil kailanman hindi siya masisiphayo. Napansin mo rin ba? … na sa madidilim na kalangitan doon mo makikita ang pinaka-maliliwanag at maririkit na mga bituin. Ang daan na itinayo at pinagtibay ng pag-asam ay higit na kalugod-lugod sa isang manlalakbay kaysa landas na binuo ng mga panaghoy at mga karaingan, kahit na parehong daan at patungo sa iisang destinasyon.
   Kahit na anumang balakid at paghihirap ang masumpungan, gaano man ang kapighatiang nararanasan, kung mawawala ang ating pag-asa, ang ating mga inaasam, ito ang tunay na kawakasan nating lahat. At lalo namang nakakabagabag, kapag natutuhan na ang kawalan ng kakanyahan, o sa madaling salita, naperpekto na ang katamaran at basta makaraos na lamang sa buhay.
   Umaasam pa rin AKO “Yesterday is history, tomorrow is a mystery, today is a gift, which is why we call it the present.”

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan