Saturday, April 30, 2016

Manatili sa Pagtuon

Huwag mawili sa panandaliang kasiyahan. Lahat ng bagay lalo na yaong may buhay ay may katapusan. Bawat kaganapan, sitwasyon, kalagayan o kundisyon ay may katapusan. Bawat sandali ay nagbabago. Humarap lamang sa salamin at mapapatunayan ito: Ang taong nakaharap sa iyo sa salamin ay hindi na tulad pa ng dati, malaki na ang ipinagbago nito. At kung hindi ka pa mulat sa ngayon, at hindi binibigyan ng pansin ang paglipas ng panahon, magigising ka na lamang isang umaga na ikaw ay napag-iwanan na.
   Marami sa atin na tila walang pagkasawa at nahuhumaling sa mga kaganapan sa paligid, gayong sa ilang iglap lamang ang lahat ay matatapos. Naisin man natin o hindi, walang katiyakan ang buhay. Maraming sanhi para ito matapos: malubhang karamdaman, aksidente, karahasan, masamang bisyo o kapabayaan sa sarili, at nakatakdang katandaan.
   Ang ating buhay ay hiram lamang at sa anumang sandali ito ay kukunin at matatapos. Huwag nating balikan pa ang nakaraan, dahil lipas na ito at hindi na natin magagawa pang balikan. Huwag naman nating hintayin o asahan pa ang hinaharap, sapagkat walang nakakatiyak kung ito ay magaganap pa. Ang bigyan natin ng pansin ay ang ngayon, ang mga sandaling ito. Panatilihin nating pagtuunan ng pansin ito, dahil narito ang tunay na reyalidad at magiging kapalaran natin.

   Sa mga sandaling ito, anuman ang ating ginagawa, mapabuti o mapasama man ito, ay nililikha na natin ang ating kapalaran. 

Panatilihin ang Momentum

Madalas nating marinig ang mga katagang, Gulong ng palad Alam din natin na ang gulong ay gamit ng sasakyan, at kapag ito ay umaandar, ang gulong ay umiikot o gumugulong. Kapag ang sasakyan ay nakatigil at ikaw ay nasa itaas ng gulong, mapalad ka at maganda ang iyong kalagayan sapagkat nasa ibabaw ka. Subalit paaano kapag umandar ang sasakyan at muling tumigil at sa pagkakataong ito ay napunta ka sa ilalim, at nagkataon ito ay nasa putikan at mabahong lugar, hindi ka na mapalad kundi minalas ka at nakalublob pa sa putikan. Ito ang gulong ng palad, habang umiikot ito, minsan ay nasa ibabaw ka at kung minsan ay nasa ilalim ka.
   Ang mainam dito, habang patuloy ang pag-andar ng gulong, magawa mong mapanatili na ikaw ay laging nasa ibabaw. Papaano ba ito?
May kataga din na ukol para dito, “Kapit tuko.” Ang tuko ay matinding mangunyapit, kahit yugyugin mo ang sanga na kinakapitan nito nang buong lakas at maraming ulit, hindi bumibitaw ang tuko sa pagkapit. Ganito din ang pagdadala sa buhay, kapag narating mo ang ibabaw (nakaahon ka mula sa ilalim), gawin mo na ang lahat nang makakaya mo, kumapit ka na nang tulad ng tuko at huwag bumitiw. Iwasang makalingat o makatulog, ipagpatuloy ang narating mong kalagayan at ipaglaban ito nang puspusan. At pakaiwasang bumalik pa sa ilalim, doon sa dati mong pinanggalingan.

   Ang daloy ng iyong progreso ay nasa momentum, piliting mapanatili ito nang walang pagbabago kundi ang pag-ibayuhin pa upang makatiyak ka... na hindi na babagsak pa.

Maglagay ng Kapanalig

Palibutan ang iyong sarili ng mga tao na iyong mapagkakatiwalaan. Kailangan mo ng grupo o samahan na sa anumang sandali ng iyong pangangailangan ay iyong matatakbuhan. Lalo na sa isang kapanalig –nagagawa nito na maging simple at madali ang iyong buhay. Hindi mo magagawa ang lahat ng bagay, kahit papaano mangangailangan ka ng ibang tao na makakatulong sa iyo para mapabilis ang iyong gawain at matapos ito sa takdang panahon.
   Kailangan ang delegasyon, na kung saan ang mga bagay na hindi mo makakayang gawin ay maipasa sa iba. Kapag “one army” ang iyong isipan, makakatiyak ka na hindi matagumpay ito at walang katuturan na ipagpatuloy pa. Tanggapin natin ang katotohanan na hindi tayo perpekto, at kapag nakaharap tayo sa malaking trabaho, hindi natin mahusay na matatapos ito kung walang tutulong sa atin.

   May kanya-kanya tayong katangian at mga kakanyahan, hindi lahat ay alam natin at makakaya nating gawin. Kailangan natin ng mga kapanalig, lalo na kung may mga hangarin tayo para sa kaunlaran ng lahat at kagalingang pambayan.

Iwasan ang maging Bulaan

Sa bibliya ay madalas na nababanggit ito, "huwag paakay sa mga bulaang propeta." Isang pahayag ito na nagpapaliwanag sa darating na kapahamakan kung sasama ka at susunod sa mga bulag at hindi mapagkakatiwalaang mga tao. Iwasang maging bulaan ang iyong pagkatao, isang indikasyon ito na wala kang pagtitiwala sa iyong sarili anuman ang iyong ginagawa. Gawain ito ng mga pulitiko lalo na yaong mga balimbing, palipat-lipat ng mga partido kung sino ang malakas na grupo ay doon sila kumakapit at pumapanig. Sa kaunting unos lamang ay tumatakbo na at iniiwan ang dating partido at lumilipat sa iba para makaseguro.
   May kawikaan, “Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.” Hindi na tayo magtataka pa kung bakit sa hanay ng mga pulitiko wala tayong makitang matino, kundi pawang likas na mga sinungaling at walang inaatupag kundi ang magnakaw sa kaban ng bayan. Institusyon na para sa kanila ang korapsiyon, panunuhol, pangingikil, at pagbebenta ng reputasyon. Ang pulitika ay sagisag ng salamangka, “Kung nais mong dayain ka, sa pulitiko ka magpunta.”

   Kung nagnanasa ka na mapaganda ang iyong integridad, matapat, at may respeto, pakaiwasan na maging bulaan.

Tanunging Masinsinan ang Sarili

Madalas kong sabihin ito, “Kung nais mo ng mahusay na kasagutan, maglaan ka ng mahusay na katanungan.” Nalalagay lamang tayo sa alanganin, kapag may alinlangan tayo sa ating mga pagkilos. Nagaganap lamang ito dahil mali at lihis sa katotohanan ang nakuha nating inpormasyon. Sapagkat mali ang tanong kaya naging mali ang sagot.
   Laging tanungin ang sarili ng dalawang katanungan:
Sa trabaho o proyektong nakaharap sa iyo ngayon
1-Mayroon bang makakagawa nito nang mahusay kaysa akin?
Isang paraan lamang ito sa pagsasabing: Kilalanin mo ang iyong sarili, at alamin ang mga tao na nasa iyong tabi, nasa iyong paligid, kasama, katrabaho, o maging kakompetensiya. Kapag higit ang kanilang kakayahan kaysa iyo, pagkakataon mo na ito upang lalo mo pang pag-ibayuhin na mapaunlad ang iyong mga katangian at kakanyahan. Sapagkat kung hindi ka nakakatulong, isa kang problema at hindi solusyon para sa kanila.
2-Ano ba ang bagay na kunwari ay hindi ko nakikita?

Lahat tayo sa panahon ng tagumpay ay nakakalimot na panandalian lamang ito at kinakailangang lalo pa nating paghusayin ang susunod nating mga gawain. Hindi ang daigin ang katunggali kundi ang talunin ang ating sarili mismo sa ating nagawa kahapon ng bagong kahusayan ngayon. Bago tayo lumutang sa alapaap at matayog na lumipad, minsan pa tayong masinsinang tumingin sa lupa dahil ito ang ating lalagpakan sa ating pagbagsak kapag hindi tayo natutong magpakumbaba sa panandaliang papuri na ating natatanggap.
Wika ng aking tagapayo, "Walang nagsisi sa una at simula, kundi laging sa bandang huli."

Pataasan ng Apog

Walang saysay ang patigasan ng asal, “Kung matigas siya, higit akong matigas kaysa kanya!” “Kung ayaw niya ay ayaw ko rin!” Batas ito ng kagubatan, at matira ang matibay. Nakasulat ito: Ang “Mata sa mata.” (An eye for an eye) ay nag-iiwan ng pagka-bulag (blindness), at ang “Ngipin sa ngipin.” (a tooth for a tooth) ay nag-iiwan naman ng pagka-bungal (toothlessness).
   Sinuman sa atin ay walang maipapakitang kabuluhan o maging kapakinabangan kapag sinusunod ang patakarang “Makuha sa Patigasan” –lalo lamang nagpapalubha ito sa sitwasyon. Ito ang kundisyong, “Kung tama ka, lalo akong higit na tama kaysa iyo!” Pagpapatunay lamang ito na, walang patutunguhan ang ganitong patigasan kundi sayangin ang mga pagkakataon at pati na ang panahon na dapat sana ay maiukol sa tamang kapasiyahan at mabuting relasyon.
   Maraming pagsasamahan ang nabuwag at nauwi sa alitan at awayan dahil lamang sa patigasan ng loob. Hindi matanggap ng magkabilang panig kung sino sa kanila ang mauunang magpakumbaba at magawang sumuko. Higit pa nilang binibigyan ng atensyion ang sasabihin ng iba kaysa sundin ang pagkakasundo. Nahihiya sila na maipakita sa iba na sila ang nagkamali kung mauuna silang susuko.

   Ano ba ang higit na mainam at makakabuti? Ang upasala ng iba o ang pagsurot ng sariling budhi?

Nasa Karakter, hindi sa Titulo

Ang kalidad ang nangungusap, hindi ang kalagayan, estado, titulo o posisyong tinataglay ng isang tao. Bagamat may karapatan na ipakita ng iba ang kanilang mga natapos, mga napagtagumpayan, o nakamit na mga parangal at halos matakpan na ang dingding ng mga diploma, mga sertipikko, at mga katibayan ng papuri, hindi pa rin maipagkakaila na mga palamuti lamang ang mga ito kung ang pagbabatayan ay kung anong uri ng pagkatao ang nagawa ng mga ito sa isang tao.
   Nasa gawa at hindi sa salita makikilala ang katotohanan. Marami ang magagaling mangusap, lalo na yaong mga nasa radyo at telebisyon, mga aral sila at sinanay ang mga sarili, subalit paimbabaw lamang ito dahil marami din sa kanila ang hindi makabuo ng pamilya. Marami ang matatalino sa larangang pinasok, ngunit pagdating sa relasyon sa ibang tao ay mga mangmang at arogante.

   Wika nga sa Inggles, “Knowledge is power.” Ang wika ko naman, wala itong saysay kung hindi naman ito nagagamit. Kung nakapag-aral at nagpaka-dalubhasa pa ang isang tao ngunit hindi naman niya ito nagagamit, wala siyang ipinag-iba sa isang mangmang na hindi nakapag-aral. Magkatulad lamang sila ng kalagayan sa lipunan.

Isang Sugal ang Bagong Kakilala

Sa paglalakbay sa buhay, maraming tao tayong nakakasabay, nakikilala, nakakasama, at mga nakakasalubong na nakapagbibigay ng kailangan nating inpormasyon. Sa lahat ng mga ito, mayroong nakakabuti, may nakakasiya, may nakakasama, at may nakakalungkot. Sa pagpili sa kanila, bawat isa ay isang sugal. Hindi natin alam kung may panalo o may pagkatalo, may tagumpay o may kabiguan. Subalit magkagayunman, bawat isa ay nag-iiwan ng leksiyon na siyang nagpapatibay sa atin.
   Isang katotohanan, na ang bawat tao na dumarating sa ating buhay ay kusang ipinapadala ng sansinukob para gampanan ang kanilang mga nakatakdang papel sa ating buhay. Walang makapagsasabi kung ang mga ito ay isang pagpapala, isang pagpapahirap o sumpa. Masasabing isang laro na kailangan nating mapanalunan kung nagnanasa tayong mapanatili ang ating mga tagumpay sa buhay.

   Upang makatiyak ng panalo, ang unahin nating isaayos ay ang ating pagkatao. Gumalang muna nang igalang ka. Umunawa muna nang maunawaan ka. Ang pundasyon ng lahat ay nagsisimula sa ating mga saloobin, mga asal, at tamang direksiyon sa buhay. Wala kang bagay na maibibigay kung wala ito sa iyo.

Nasa Ideya ang Simula

Kung may imahinasyon, may pangarap, at may pasiyon; ang ideya ay kusang nalilikha. Kung wala ang tatlong ito, kahit na anumang pagpiga sa iyong ulo, walang lilitaw kahit na anino ng ideya na hinahanap mo.
   Sa mga alagad ng sining, tulad ng pintor, manunulat, makata, iskultor, mang-aawit, musikero, atbp., lahat ng mga ito ay nagngangailangan ng pag-iisa, puspusang atensiyon, at tamang emosyon para mahuli ang kailangang pasiyon na siyang magdedetermina ng kasiglahan at inspirasyon sa isang ideya. Nangyayari lamang ito kung may nabubuo ng ideya sa vision na lumulukob sa pagkatao ng isang tao. Ito ang panahon na naglalakbay ang kanyang diwa sa samutsaring mga panginorin.
   Marami ang nagtataka kung bakit bugnutin at hindi makasundo ang mga alagad ng sining. Sapagkat sa panahon na sila ay gising, duon sila nangangarap. Pinipilit nilang mapanatili ang momentum ng kanilang mga iniisip para makabuo ng isang ideya na masisimulan. At sa panahong ito; kailangan nila ng ibayong katahimikan, kapayapaan ng loob, at kailangang kasiyahan para makabuo ng isang inspirasyon. Ang isang sandali na abala ay katumbas ng pag-ihip para mamatay ang sindi ng isang kandila at magdilim ang paligid. Ito din ang simula kung bakit bigla ang pag-iiba ng kanyang "mood" o emosyon.

  May nagsabi, “Magbiro ka na lamang sa isang lasing, huwag lamang sa bagong gising.” Subalit duon sa mga alagad ng sining, “Huwag abalahin at kunsumihin, kung ayaw mong kalusin at sisihin.”