Pabatid Tanaw

Tuesday, May 31, 2016

Magkabilang Dulo ng Patpat


Hindi madadampot ang isang dulo ng patpat nang hindi sasama ang kabilang dulo nito. Tulad ng pag-aasawa, hindi lamang ang iyong minamahal ang iyong pinakasalan, kundi maging ang kanyang pamilya at mga kaanak. Naisin mo man o hindi, bagamat hindi ito inihayag sa kasunduan ng pag-aasawa, sa panahon ng inyong pagsasama, kailangan mo ding pakisamahan ang kanyang pamilya, at kadalasan, pati na ang kanyang angkan.
Paglimiin ang mga ito:
Ang Kaligayahan ay nangangailangan ng Kapighatian.
Daranas ka muna ng ibayong mga kalungkutan bago mo ganap na maranasan
ang minimithi mong kaligayahan.

Ang Tagumpay ay nangangailangan ng Kabiguan.
Ibayong sakripisyo, mga pagpupunyagi, mga kabiguan at mga kapaitan ang iyong sasagupain
bago mo marating ang tamis ng tagumpay.

Ang Kabutihan ay nangangailangan ng Kasamaan.
Hindi mo ganap na mauunawaan ang kabutihan kung walang kaakibat itong kasamaan. Makikita lamang natin ang liwanag matapos ang kadiliman. Papaano natin higit na makikita ang ningas o lagablab ng isang kandila? Ilagay ito sa dilim.

Ang Pagmamahal ay nangangailangan ng Pagkasuklam.
Anumang bagay na iyong hindi pinahalagahan, ikaw ay iiwanan. Bago maranasan ang tunay na pag-ibig, dumaraan muna ito sa mga baitang ng pagsuyo, pagtatangi, pakikisama, walang pagkakaunawaan o walang kibuan, mga pagtatalo at awayan, pagkakagalit at hiwalayan, susundan ng poot at pagkasuklam, bago maunawaan at madama ang kawalan para patamisin ang pagmamahalan. Kung walang pait, hindi makakamit ang tamis.

Ang Panalo ay nangangailangan ng Pagkatalo.
Hanggat hindi mo nararanasan na matalo, kailanman ay hindi mo makakamtan ang tunay na kahulugan at tamis ng panalo.

Ang Kasiyahan ay nangangailangan ng Kalungkutan.
Upang ganap mong madama ang kasiyahan mong ninanasa, kailangan munang dumanas ka ng mga pagsubok at maraming pakikibaka, at ibayong mga pasakit bago matupad ang mga pangarap.

   Kailangan munang maranasan at matanggap ang mga ulos at mga pasakit ng tadhana. Sapagkat kung walang kaakibat na pighati sa ligaya, ang mabigo bago ang tagumpay, ang mali sa tama, at ang lungkot sa saya; mawawalan ka ng pagpapahalaga sa mga ito. At kung wala kang pagpapahalaga, mawawalan din ng halaga ang bawat bagay na nagaganap sa iyo. Kung ito ang mangyayari, matutulad ka sa isang karaniwang patpat na inaanod ng rumaragasang agos at ipinupukpok saanman ito sumalpok.

Nakikita sa Gawa

Tanggapin ang katotohanan na ang mga tao ay hindi magagawang makita kung ano ang nasa kaibuturan ng iyong puso. Ang tangi lamang na kanilang nakikita ay kung ano ang iyong ginagawa at ipinadarama.

Sandigan


Huwag ipagdamdam sakalimang maala-ala ka lamang ng ibang kaibigan sa panahon ng kanilang pangangailangan. Sa halip ay maramdaman na isa itong pribilehiyo; na mistula kang isang kandila na dumarating sa kanilang mga isipan kapag nangangapa sila sa kadiliman.

Pagtahimik at Pagngiti


Ito ang dalawang makapangyarihang sangkap sa ating pagkatao. Ang pagngiti ay isang paraan para matulungan at masolusyunan ang maraming problema. At ang pananahimik o pagsasawalang-kibo ay isa namang paraan para maiwasan ang maraming sigalot o hindi pagkakaunawaan.

Magbigay nang may Matanggap


Sa ating buhay, hindi maaaring makumpleto o maging perpekto man ang mga bagay na ating natatanggap nang walang kaakibat na mga paghihirap. Sapagkat anumang bagay na nais nating makuha, kailangan nating ibigay muna.
   Anumang tagumpay ay nangangailangan muna ng ibayong mga pagpupunyagi at mga pasakit bago mo ito makamit.
   Kailangan mong magpakadalubhasa at maging mahusay muna sa larangan na iyong pinasok bago ka maluklok sa posisyong iyong hinahangad.
   

Pangunahing Sangkap ang Integridad


Sa lungsod ng Balanga, dito sa lalawigan ng Bataan, ay nakatira si Mang Susing, ang tagapayo sa Barangay Cupang at maraming tao ang palaging nagpupunta sa kanya para humingi ng payo at solusyon sa kanilang mga karaingan. Wala itong bayad at kailanman ay hindi siya humihingi ng anumang katumbas na kapalit.
   Isang umaga, isang binata na nagsisimula pa lamang sa kanyang negosyo, ngunit nababahala na sa patuloy na pagtaas ng mga materyales na kanyang binibili.
   “Mang Susing, payuhan nga po ninyo ako, kung ano ang aking gagawin para makatanggap naman ako ng lubos at pantay na halaga sa aking mga ibinabayad.” Ang samo nito.
   Napangiti si Mang Susing at nagwika, “Ang bagay na binili o ipinagbibili ay walang halaga hanggat wala itong sangkap na hindi nabibili o maibebenta. Ang hanapin mo ay yaong Walang Katumbas na Halaga!”
   “S-su-subalit, ano po ba ang “Walang Katumbas na Halaga?” Ang tanong ng nag-aalinlangang binata.
   Ang pahayag ni Mang Susing, “Aking anak, ang ‘Walang Katumbas na Halaga’ ng bawat produkto na nasa pamilihan ay ang Honor at Integridad ng tao na may gawa nito. Isaisip at konsiderahin muna ang kanyang pangalan (brand name) bago mo ito bilhin.”

Pagpapala o Pagpaparusa?


Walang makapagsasabi kung anong uri ng kapalaran ang dulot ng isang pagkakataon o sitwasyon, kung ito ay isang pagpapala, isang sumpa o isang pagpaparusa. May isang ginang na naawa sa isang sakiting sanggol sa ospital na tinakasan ng kanyang ina. Inampon at iniuwi niya ito sa kanyang bahay sa kabila ng maraming pagtutol at pagtuligsa ng kanyang asawa at mga kaanak. Lahat halos ng mga paghihirap, pag-aaruga, pagtitis at mga paninikis ng kanyang pamilya ay kanyang pinasan, mabuhay lamang at mapalaki nang malusog ang bata. Dumating ang araw na siya ay nabiyuda at nagretiro nang maaga bilang guro dahil sa pananakit ng kanyang mga tuhod sa matagal na pagkakatayo sa eskuwela. Laging nakaupo na lamang sa bahay at ang higit na nakakatulong ngayon at nag-aalaga sa kanya ay ang dalaga na kanyang inampon noon. 
   Tanggapin nang maluwag sa puso ang mga tao na dumarating sa iyong buhay, sapagkat ang mabubuting tao ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon at kaligayahan. Samantalang ang masasamang tao, yaong may kabuktutan sa kanilang mga puso ay nag-iiwan naman sa atin ng makabuluhang karanasan at mga leksiyon. Ang dalawang prosesong ito ay napakahalaga at esensiyal na gabay sa buhay.

Punglo o Binhing-buto?


Sa maraming pagkakataon o sa mga sitwasyon na inihaharap sa atin, naisin man natin o hindi, sumasagi sa ating isipan ang samutsaring mga ideya at mga inspirasyon. Dahil dito, nakakagawa tayo  ng mga pasiya at mga lunggati para tuparin ang ating mga pangarap. Subalit nasa ating kapangyarihan naman kung anong uri ng pagpapahalaga ang ating igagawad para ito matupad.
   Ang ideya ay maitutulad natin na isang punglo (bullet) o isang butong-binhi (seed). Maibabala mo ang punglo at ibaril ito sa iyong patatamaan (target). At maitatanim mo naman ang butong-binhi para palakihin at payabungin. Maaaring patamaan mo ng punglo ang ulo ng isang tao, o magpungla ng butong-binhi sa kanyang puso. Nasa iyo ang pasiya kung alin sa dalawang prosesong ito ang iyong pipiliin.
   Gamitin ang mga ideya bilang mga punglo, at pinatay mo ang kanilang mga inspirasyon at tinapos ang kanilang mga motibasyon. Gamitin ang mga ideya bilang mga butong-binhi at ito ay itinanim, magkakaugat, yayabong, at magiging ganap na reyalidad kung saan ito nakatanim.
   Ang punglo ay nakakamatay, samantalang ang binhing-buto ay bumubuhay. Kung nais mong umani, kailangan mong magtanim. At kung nais mong may mapala, magtanim ng kabutihan at upang ang pagpapala ay masundan. Ito ay nasusulat, “Anumang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin.”

Bakit nga ba?


Palagi ito sa aking isipan
-Kinamumuhian ko ang mga tao na may dalawang mukha, dahil nahihirapan ako kung alin sa dalawang ito ang sasampalin ko muna.

-Bihira akong gumawa ng mga patawa, ngunit nakaugalian ko nang pagmasdan ang mga katiwalian sa ating pamahalaan at ikuwento ang mga katatawanan na ginagawa ng mga komedyanteng pulitiko.

-Ang palsipikadong kaibigan at anino ay nagsisilitaw lamang kapag sumisilay ang araw.

-Hindi kung ano ang idinudulot mo sa iyong mga anak ang mahalaga, kundi ang iyong itinuturo at ginagawa mismo ang makakatulong para sa kanila na magtagumpay sa buhay.

Makataong Relasyon


Hindi natin maitatanggi na sa bawat pakikipag-kapwa ay may panuntunan tayong sinusunod. Marapat lamang na maala-ala nating muli ang mga ito nang hindi tayo maligaw at mauwi sa alitan ang ating mga relasyon.
1-Huwag makaligtaan ang isang pagkakataon na banggitin ang isang magiliw at nagpapatibay na mga kataga o pangungusap tungkol sa isang tao. Magpahalaga at pumuri sa mabuting gawain, kahit na sinuman ang may gawa nito.
2-Kapag ikaw ay nangako, pahalagahan at tuparin ito nang walang anumang alinlangan. Huwag basta mangako nang hindi mapako.
3-Pigilan ang dila, kung maaari lamang ay gapusin ito. Sapagkat may kapangyarihan itong pumatay at bumuhay. Alamin kung ito ay sanhi ng biglaang emosyon o masusing paglilimi ng isipan. Kung papaano mo ito binibigkas; asta at diin ng mga kataga ay naghahayag ng damdamin at kadalasan nakakalimutan natin na may pakiramdam ang ating kaharap at marunong ding masaktan. Kung bugbog lamang ay puwede itong makalimutan ng isang tao, subalit ang saktan ang kanyang damdamin, hindi niya ito makakalimutan sa habang-buhay.
4-Ipahayag ang iyong interes sa iba, magbigay ng kaukulang atensiyon---sa kanilang mga pangarap, sa kanilang mga gawain, at gayundin sa kanilang mga pamilya. Magbunyi at magsaya na kasama ang mga tao na may pagpapahalaga at may respeto. Makiramay at tumulong sa panahon ng kanilang mga pangangailangan. Tanggapin ang bawat isa na iyong nakakasabay at nakakasalubong sa buhay bilang mga importante at espesyal na ipinadala sa iyo para pagandahin ang iyong paglalakbay sa buhay na ito.
5-Maging masayahin at magiliw kaninuman. Iwasang dumaing at gawing basurahan ng iyong mga hinaing, mga reklamo, mga paninisi, mga pagka-inggit at mga inseguridad ang kaisipan ng mga tao na iyong nakakasama.

Tagubilin ni Inang: “Ang mabisang paraan para mamuhay nang masaya kapag kapiling ang ibang tao, ay ang umiwas na pumuna, pumintas, at manisi, kundi ang banggitin nang may paghanga ang kanilang mga kabutihan at pagiging uliran.” Sa madaling salita; “Pumintas nang lihim at pumuri nang hayagan.”

Ang Sinungaling ay Duling


Kung nais mo ng matapat at mahabang relasyon, sundin ang simpleng patakaran na ito: “Huwag maging sinungaling.” May kawikaan, "Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw."
Paniwalaan ito:
   Itakda sa iyong puso at katwiran, na may magandang bagay na magaganap sa iyo kung ikaw ay tapat at walang anumang mga pagkukunwari.
   Ilabas at gamitin ang mga nakatago mong galing, mga talento, mga kakayahan, at mga potensiyal. Sapagkat walang sinumang makakagawa nito para sa iyo kundi ikaw mismo lamang.
   Hukayin at kusang ipadama ang kabutihang nakatago sa iyong kabuturan.
   Gumising tuwing umaga upang pasalamatan ang panibagong pagpapala na inihandog sa iyo sa araw na ito.
   Mamangha na buhay ka pa at mayroong misyon na dapat gampanan sa maghapon.
   Mamuhay nang walang anumang ligalig, bagkus ang maging masaya sa paglilingkod sa iba.
…at pakaisipin na hindi mo mababago ang iyong hinaharap, kundi ang baguhin ang iyong mga ugali na hindi nakakatulong sa iyo, ...at makakatiyak ka, na ang mga bago mong ugali ang siyang magpapabago sa iyong hinaharap.
   Kapag sinungaling ang isang tao, pagmasdang maigi ang panglaw at pag-inog ng mga mata nito kung saan laging nakatuon. Paikut-ikot at hindi mapahinto dahil pinipilit ng kanyang isipan kung papaano magagawang lubid ang buhangin. At kung ito ay tumingin nang tuwid mapapansin ang kanyang pagka-duling.
…at siyang pala, “Kapag nagsasabi ka ng katotohanan, hindi mo na kailangan pa na maala-ala o alalahanin pa ang mga bagay na iyong ipinapahayag. Kailanman ay hindi ka magkakamali.

Umiwas Hanggat Maaga pa


Tatlong makapangyarihang mga bagay ang bumabago at nagpapahirap sa ating pagkatao; Pagkatakot, Paghahangad, at Hungkag na Kapangyarihan.
   Kapag natatakot at nababalisa, tanda lamang ito na walang kakahinatnan sa mga ito at makakayang baguhin. Suriing mabuti, yaon lamang mga bagay na makakaya nating iwasan at baguhin ang patuloy nating kinakatakutan. Bakit ang pagsama ng panahon, bagyo at pagbaha, masamang hangin at patuloy na tag-init ay hindi natin pinoproblema, dahil normal at kusa itong nangyayari sa ating kapaligiran. Hindi ba nakapagtataka, na pinipilit nating maligalig sa mga bagay na maaari naman nating maiwasan at maisaayos?
   Mapapansin na lalong nawawalan ang mga taong mapaghangad at makamkam sa buhay. Sila yaong mararamot at hindi palabigay. Mahirap makadaupang ang mga tao na wala namang naitatanim, nais na umani mula sa iba. Sila yaong dumarating kapag umaani ka na, at mga nawawala sa panahong ikaw ay naghihirap sa pagtatanim, pag-alaga at pagtustos para mapaunlad ang iyong sarili. Kapag hindi mo napagbigyan, ikaw pa ang maysala at siyang sinisisi.
   Makikilala ang pagkatao ng isang tao kapag iniluklok mo sa kapangyarihan. Makikita ito kung papaano niya tratuhin ang mga tao na mababa ang posisyon kaysa kanya. Pansinin ang ilang mga tao sa opisina ng gobyerno, sa halip na kapakanan ng bayan ang inaasikaso, ang turing nila sa mamamayan ay mamaya na. Maghintay ka habang sila ay abala sa tsismisan at bisu-biso.
   Huwag masyadong dumikit kahit kanino, humahantong lamang ito sa ekspektasyon at pagiging palaasa, na nagwawakas sa mga siphayo at pagdaramdam. Paghandaan ang mga bagay at mga sitwasyon, at huwag maghintay o umasa man lamang. Kung ito ay sadyang nakaukol para sa iyo, ito ay kusang bubukol.
Tagubilin ni Inang:
   Kailanman huwag isakripisyo ang tatlong mahahalagang bagay na ito sa ating buhay:
   -ang iyong pamilya;
   -ang itinitibok ng iyong puso;
   -at ang iyong dignidad.

Ang Respeto ay Kusang Ibinibigay.


Kung may nais kang makuha, ito ay ibigay mo muna. Tulad ng paggalang, hindi ka kailanman igagalang nang hindi ka muna gagalang. Kailangan mong umunawa bago ka maunawaan. Kailangan mo ng edukasyon? Mag-aral ka muna. Kailangan mong mahalin? Magmahal ka muna.
At taliwas naman dito;
   Kung wala silang respeto, pagpapahalaga, at pagbubunying inuukol para sa iyo, wala silang panahon at hindi ka nila kailangan. Para sa kanila, isa kang problema at hindi solusyon. Ito na ang tamang panahon na umiwas ka at mahalin sila nang may distansiya.
   Hintuan na ang mag-aksaya pa ng iyong panahon sa mga tao na walang pagpapahalaga sa iyong atensiyon. Tandaan lamang ito: Ang panahong inuukol mo sa mga tao na may pagmamalasakit at pagmamahal sa iyo ay walang katumbas. Ito ang iyong tamang karelasyon.
Bakit po???
Huwag ipagdamdam sakalimang balewala ka sa kanila. Dahil ang walang pakiramdam na mga tao ay walang kakayahan para sa mga ekspensibo o mahalagang mga bagay, sapagkat maramot at walang maibabayad sila.
…at, siyanga pala, iwasang habulin ang mga ganitong tao. Igalang ang sarili na maging tunay ka. Gawin kung ano ang tunay na mahalaga para sa iyo, at hindi mula sa mga sulsol nila. Ang wagas at tamang mga tao na sadyang nakaukol para sa iyo ay darating at mananatili sa iyong tabi. Ito ay nasusulat at nakalaang katotohanan.
Bakit po?
Sapagkat sa buhay na ito; may mga tao na darating sa iyong buhay bilang mga pagpapala, at may mga iba naman na dumarating bilang mga leksiyon. Palaging may mga kadahilanan kung bakit may mga tao na nakakasabay o nakakasalubong tayo, may leksiyon at pagtuturo. Sa dalawang pagkakataon na ito, kailangan mong baguhin ang iyong buhay, o ikaw ang siyang magpapabago para sa kanilang buhay.

Tunay na Relasyon


Kadalasan ito ang ating nakikita sa iba, higit na mahalaga para sa kanila ang mga bagay kaysa mga mahal nila sa buhay. Mayroong nakabili ng bagong kotse, halos sambahin na niya ito tuwing umaga, nililinis, pinakikintab ay ayaw pahaplosin sa kanyang mga anak. Mayroon naman na higit na minamahal ang kanyang mga manok na panabong, at halos ubusin ang maliit na kinikita kahit na magutom ang pamilya.
  Sa mga opisina at sa mga gawain, kapansin-pansin ang hindi pantay na trato ng may-ari o namamahala sa mga gamit, materyales, at makina kaysa sa de-robot na pamamalakad sa mga tao. Mistulang mga numero lamang para sa kanya ang mga tao at higit na inaala-ala na pagpahingain ang mga makina kaysa ang kapakanan ng mga mangagawa.

Dalawang bagay lamang na konsepto ang mahalaga sa relasyon upang maging maligaya sa buhay.
1-Gamitin  ang mga bagay, huwag ang mga tao.

2-Mahalin ang mga tao, hindi ang mga bagay.

   Iwasang kontrolin o baguhin ang mga tao, kundi ang mahalin sila. Sapagkat sa pagmamahal, tayo mismo ang binabago.
   Sa wagas na relasyon, ito ay katulad ng isang namumukadkad na bulaklak, nagsasabog ng bango at halimuyak. Kung ito ay iyong pipigtalin mula sa halaman, ito ay mamatay at kusang mawawalan ng bango at ang, inuukol na pagmamahal iyong magwawakas din para dito. Kung mahal mo ang isang bulaklak, hayaan lamang ito sa katangi-tangi niyang kalagayan at bango. Sapagkat ang pagmamahal ay hindi isang posesyon o pag-aari. Ang pagmamahal ay pagpapahalaga o apresiyesiyon.
  Ang mga bagay na iyong nakikita sa ngayon, lalo na ang may buhay ay mga panandalian lamang. Ang tangi lamang matitira ay ang iyong iniwang pamana (legacy). Papaano ka maala-ala kung ang mga bagay para sa iyo ang mahalaga at hindi ang iyong naiwang magandang halimbawa, pakikipag-kapwa at malasakit sa iba?

May Bukas pa


Ang ating buhay ay palaging nagbibigay ng pangalawang pagkakataon. Ang tawag dito ay Bukas
Mula sa ating pagkagising sa umaga, mayroon na naman tayong 24 na oras para gampanan sa maghapon ang ating tungkulin. Una dito ang gampanan kung bakit tayo ay narito pa sa mundong ito.
   Wika nga, kung may bukas pa, tiyak na may pag-asa. Ang mga taong talunan lamang ang wala nang pag-asa na magpatuloy pa. Tinanggap na nila ang kawalan ng pag-asa at naging bahagi na ng kanilang sistema ang maging pabigat, palaboy at palaasa sa hirap ng iba. Nais nilang umani nang wala namang itinatanim. Nakasulat ito, kung ano ang iyong ginagawa ngayon, ito ang iyong magiging kapalaran.
   Kung minsan, hindi ang mga tao ang nagbabago, kundi nagkataon lamang na nalaglag ang suot nilang maskara. Sadyang may mga tao na katatandaan na nila ang kanilang kinahumalingang mga pag-uugali.
   Ang isang busilak na puso ay higit na mabuti kaysa sanlibong mga mukha; kaya higit na mainam na piliin ang mga mabubuting tao na may mga busilak na puso kaysa papalit-palit ng mga mukha.

  Bawat bukas ay isang pagkakataon na mabago ang iyong buhay.