Pabatid Tanaw

Tuesday, December 30, 2014

Namumugtong mga Mata



Para sa aking InangBayan
--sa kanyang walang hintong pagluha. Lubos ang aking pagdaramdam at pagkasuklam sa pagkawala ng maraming biyaya sa kaban ng bayan, sa walang habas na mga pang-aabuso sa ating mga likas na yaman sa lahat ng ating mga kapuluan, at sa walang pakundangang pagsasamantala at pagyurak sa ating mga karapatang pantao. Talamak na at karumal-dumal ang pagmamalabis ng iilan at naghaharing uri sa ating lipunan.
   Sa pagpasok ng bagong 2015, wala na akong kakayahan pa na sambitin ang "masaganang bagong taon" kundi ang panoorin (YouTube), pakinggan at pausal na sabayan ang awiting "Ang Bayan Ko." At muling ipahayag nang may patak ng pagluha ang tula ni Gat Amado V. Hernandez, ang "Kung tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan." Kasabay din nito ang pagbigkas kong muli ng tula ni Gat Andres Bonifacio, "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa." Ang mga ito; ang tunay na nagpapakilala sa Dugong Kayumanggi na nanalaytay sa ating mga ugat bilang pinakadakilang pagmamahal sa ating InangBayan.

Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan
-ni Gat Amado V. Hernandez
Lumuha ka, aking Bayan, buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa;
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika.
Ganito ring araw noon nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.

Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan,
Katulad mo ay si Huli, na aliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy kung paslangin; tumatangis kung nakawan!

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo sa pampahirap, sa banyaga’y pampalusog;
Ang lahat mong kalayaa'y kamal-kamal na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor nasa laot!

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo,
Sinigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
-ni Gat Andres Bonifacio
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip,
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal,
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
inbi't taong gubat, maralita’t mangmang,
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawi't tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, tiis at pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal na ang laki,
na hinahandugan ng buong pagkasi
na sa lalong mahal nakapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi.

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y Ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbibigay init sa lunong katawan.

Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol
ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y Pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawan ay mapasa-libingan.

Ang na nga kapanahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin,
liban pa ba sa bayan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga
na parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sasa-alaala
ang ina’t ang giliw lampas sa saya.

Tubig niyang malinaw sa anak’y bulog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaa-aliw sa pusong may lungkot.

Sa kaba ng abang mawalay sa Bayan!
gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang alaala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.

Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan
waring masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap, O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasa panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Datapwa kung bayan ng ka-Tagalogan
ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong ibang bayan.

Di gaano kaya ang paghinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kalooban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang paghihinay
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa kaalipinan?

Kung ang pagkabaon niya’t pagka-busabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng panghampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaa-agos.

Sa kanyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban
na hindi gumagalang dugo at buhay.

Mangyari kayang ito’y masulyap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Kastilang hamak.

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Bayan ay inaapi, bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanood.

Hayo na nga kayo, kayong ngang buhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naaabang Bayan.

Kayong antayan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy niyaring buhay na nilanta sukat
ng bala-balakit makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang pugal
ng dagat at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itanghal
agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging lasap
kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
hanggang sa mga dugo’y ubusang itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay mailit
ito’y kapalaran at tunay na langit.
------------------------------------------------------------------
Kung walang kikilos, sino ang kikilos?
Tunay na Dasal at Sugal na lamang ang siyang mga ulos na siyang inaasahan ng marami nating mga kakabayan.
Umaasa at naghihintay sa Dasal, na kahit manawari ay kahabagan ng Langit at mabiyayaan, nang mahinto ang mga karaingan at mga kapighatian.
Umaasa at naghihintay sa Sugal, na manalo sa huweteng at Lotto
nang maibsan daw ang mga pagtitiis at pagkainis, sa kahirapan na laging panis.
Bakit nga ba ganito? Bayan Ko. Hindi na ba tayo matututo? Ang matiyak ang lubusang TOTOO!



Monday, December 29, 2014

Malaya Ka



Walang sinuman ang magagawang hamakin ka,
kung wala kang pahintulot.
Karaniwan nang isipin ng mga tao at sabihin na “Marami sa atin ang mga alipin sapagkat may isang nang-aalipin; kung gayon, kailangang magalit tayo sa nang-aalipin.” Ngayon, magkagayunman, mayroong iilan na dumarami sa atin ang nakapaling na baligtarin ang paghatol na ito, at sabihing, “Mayroong isang tao na nang-aalipin sapagkat marami ang mga alipin; kung gayon, kailangang kamuhian natin ang mga alipin.” Ang katotohanan ay ang nang-aalipin at alipin ay magkatulong sa kamangmangan, at, habang tila sinasaktan nila ang bawat isa, sa katunayan ay sadyang nagkakasakitan sila.
   Kung walang nagpapaapi, walang mang-aapi. Kung walang pumapayag, walang mang-aabuso. Walang bagay na makapangyayari, kung wala kang pahintulot. Sinuman ay walang karapatan na maliitin ka, kung hindi mo ito pinapayagan o sinasang-ayunan. Batid natin at makikita kung saan nakakiling ang batas sa kahinaan ng mga inaapi at ang walang pakundangang kapangyarihan ng mga nang-aapi; Salapi ang nasusunod dito. Saan ka man tumingin, alamin, at ipanalangin; lumalaki ang agwat ng inaapi at mang-aapi. Patuloy ang pagyaman ng iilan at patuloy din ang paghihirap ng marami.
   At ito ang kailangang mangyari, ang wagas na pagmamahal, na nakadarama ng mga kapighatiang nagpapahirap sa dalawang kalagayang ito; ay ang walang paghatol sinuman sa dalawang pangkat na ito; ang tunay na pagmamalasakit ay lubusang pagtanggap sa umaalipin at nagpapaalipin. Sa paraang ito lamang magagawang lunasan ang mapang-aping kaganapang ito. Siya na nagawang supilin at kontrolin ang anumang makasariling mga kaisipan, ay hindi kabilang o nakikisama sa umaalipin at maging sa inaalipin. Hindi siya katulad ng mga ito. Siya ay malaya.


Napansin Mo Ba?



Magagawa ng tao na palitan ang kanyang buhay,
kung papalitan niya ang kanyang iniisip.
Kung ano ang iyong patuloy na iniisip ay siya mong patuloy ding gagawin. Anuman ang iyong itinanim, ay siya mo ding aanihin. Ang mabuting mga kaisipan at mga gawa, kailanman ay hindi magbubunga ng masamang mga resulta; ang masamang mga kaisipan at mga gawa, kailanman ay hindi magbubunga ng mabuting mga resulta. Pagpapatunay lamang sa kawikaan na: Hindi magbubunga ang bayabas nang ibang prutas, kundi bayabas din. Kung ano ang uri ng butong tanim ay siya ring magiging bunga nito.
   Talos natin ito at tinatanggap na kalikasan sa mundo; subalit kakaunti lamang ang nakakaunawa nito sa kaisipan at ulirang pamumuhay (gayong simpleng pagtuon lamang upang hindi maligaw ng landas) kaya nga hindi sila umaayon at makayang gawin ito.
   Ang mga kapighatian at pagdurusa ay epekto ng maling kaisipan sa masamang direksiyon. Isang indikasyon ito sa isang tao na walang paglingap sa kanyang sarili, kung ano ang kumakatawan sa kanya. Kung mauunawaan lamang na ang bawat kasakitang nadarama ay isang paraan upang mag-ayos at baguhin ang nagpapasakit na bagay o pangyayari. Isang pagkakataon ito na maglinis at umiwas na sa mga walang saysay o katuturan at mga salaulang pamumuhay. Kung hindi maganda ang ibinubunga ng ginagawa, bakit hindi baguhin ang paggawa para mabago naman ang resulta.
   Katulad ng batong diyamante, hindi mailalabas ang tunay na anyo nito kung hindi daraan sa maraming mga pagkiskis at tuluyang mailabas ang kislap nito. Ang mapurol na itak ay hindi tatalas, kung walang paghasa para tumalim ito. Kung walang mga kabiguan, walang mga tagumpay. Sapagkat natututo ka lamang sa mga paghihirap at mga leksiyon na iyong nararanasan. Anuman ang iyong gawa; mapabuti o mapasama man ito, alalahanin na nagsimula muna ito na inisip mo.
Siya na tinatamasa ang magandang pananaw, at may ulirang puso ay payapa at maligaya.


Palitan ang Iniisip Mo



Sila mismo ang lumilikha ng kanilang mga sarili.
 Makikilala ang iyong pagkatao sa mga pagkilos na iyong ginagawa sa tuwina. Ang tao ay nagsisimulang maging tao o maging makatao kapag itinigil na niya ang dumaing at manlait; ang pumuna at mamintas; ang magsamantala at abusuhin ang iba; at magsimulang hanapin ang nakatagong katarungan na siyang magpapasunod ng tama at mabuti sa kanyang buhay. At habang umaayon ang kanyang kaisipan sa alituntuning ito, magsisimula siyang ihinto ang walang mga katuturang paghatol at mga kundisyong pinaiiral sa iba na siyang dahilan ng kanyang mga pighati at pagdurusa sa sarili.
   Kung maiiwasan ang mga mali na pawang mga kapahamakan ang tinutungo, magagawa niyang payabungin ang sarili na maging matibay at may ulirang mga kaisipan; ang maging maunawain at mabuti sa kanyang kapwa. Ang kabutihan at hindi kalapastanganan ang siyang tunay na umiiral at nagpapasiya sa sansinukob; katarungan at hindi kabuktutan ang siyang kaluluwa at katas ng buhay; at katapatan, hindi ang korapsiyon o katiwalian, ang siyang humuhubog at nagpapakilos na puwersa ng ispirito at pamamahala sa mundo.
   Sa lahat ng mga kaganapang ito, ang tao ay walang masusulingan kundi ang harapin ang katotohanan at itama ang kanyang sarili. Sa dahilang kapag masama ang kanyang iniisip, ang resulta nito ay kapahamakan lamang. At kung mabuti ang kanyang iniisip, ay maganda at kabutihan ang kanyang makakamtan. Sa prosesong ito na inilalagay niya ang sarili sa wastong pamumuhay, mapapansin niya na kusang napapalitan ang kanyang mga kaisipan ng mabuting pakikitungo sa mga bagay at mga tao. At dahil din sa relasyong ito; ang mga bagay at mga tao ay kusa ding nagbabago nang mabuting pakikitungo sa kanya.
Kapag binago natin ang ating iniisip, magbabago din ang ating mga gagawin, at mababago ang pakikitungo natin sa iba at gayundin sila sa atin.