Pabatid Tanaw

Wednesday, September 17, 2014

Pag-isipan Ito



 

Hindi ang kawalan ng panahon, kundi ang kawalan ng pagmamalasakit kaya tayo ay nakakalimot na magmahal. At kapag ito ay nawala na, doon tayo nakakaala-ala na ito pala ay napakahalaga.

Gabi na nang makauwi si Ruben sa kanyang bahay, tulad ng dati naglamay na naman siya sa pinapasukang pabrika. Pagod at humihingal itong umupo sa silya sa may pintuan. Pinapahid ang tumutulong pawis sa noo, nang masulyapan niya ang kanyang pitong taon gulang na anak na lalaki. Nakatayo at naghihintay sa kanya sa may gilid ng pinto.
   "Tatay, puwede po bang magtanong sa inyo?”
   "Sige, anak, ano ba ‘yon?"
   "Tatay, magkano po ba ang kinikita ninyo sa bawa’t oras?"
   “Aba’y anong pakialam mo sa oras ko! Bakit ganyan ka magtanong, kay liit-liit mo pa para sa ganyang mga usap!” Ang may pagkagalit na singhal ng ama.
  "Nais ko po lamang malaman. Sige na po, sagutin ninyo po ako. Magkano po ba ang isang oras ninyo?" Ang pakiusap ng bata sa kanyang ama.
 “Ah, para matigil ka na, kumikita ako ng limampung piso bawa’t oras sa aking trabaho.”
“Ay naku,” ang mabilis na nabigkas ng bata, napayuko ang ulo, ngunit unti-unting tumingala at nagpahayag,“Puwede po bang, makahiram ng dalawampung piso sa inyo?" Sabay kalabit sa pantalon ng ama, "Sige na po, Tatay. Kailangan ko po lamang ito.” Ang pangungulit ng bata.
   Lalong ikinagalit ito ng ama, “Kung ang dahilan ng iyong tanong ay magkano ang aking kinikita upang makahingi ka ng pera, at mabili mo ang anumang laruan na wala namang saysay, mabuti pang pumasok ka na sa silid mo at matulog ka na!" Wala akong panahon sa ganyang mga pag-ungot. Hindi ako nagpapakahirap sa trabaho araw-araw para lamang sa ganyang mga pambatang laruan.”
   Lulugo-lugo at tahimik itong nagtungo sa kanyang silid, at lumuluhang isinara ang pinto. Habang ang ama ay lumatag sa sopa sa salas at nanggagalaiti sa ginawang pagtatanong ng anak. “Ang lakas naman ng loob niyang magtanong para makahingi lamang ng pera. Kailangan pang alamin ang kinikita ko sa isang oras. Bah, kung alam lamang niya kung gaano kahirap itong kitain.” Ang usal nito sa sarili. Maya-maya pa ay naghihilik na ito. 
   Makalipas ang ilang saglit na pagkakaidlip ay nagising ito, ...at napaglimi ang marahas na pakikitungo sa anak. Naitulad niya ito na parang kasing-gulang niya, at nakaramdam siya ng pagka-pahiya sa sarili. Kunot-noo na inaapuhap kung saan siya nagkamali. “Siguro, mahalaga sa kanya na magkaroon ng dalawampung piso. Hindi naman siya madalas manghingi ng pera sa akin. At may dalawang linggo na ang nakakaraan nang abutan ko siya ng dalawang pisong barya para makabili ng sorbetes sa labas.   . . . Ah, namali ako, hindi ko siya dapat nasinghalan.” Ang pagsisising naibulong nito sa sarili.
   Mabilis itong tumindig at nagtungo sa silid ng anak, “Gising ka pa ba, anak ko?" Ang mahinahong tanong nito na may haplit ng pag-aalala.
   “Hindi pa, Tatay. Gising pa po ako.” Ang tugon ng anak mula sa pagkakahiga.
  “Naisip ko lamang na hindi pala ako dapat magalit sa iyo kangina," ang bigkas ng ama. “Pagod lamang ako sa maghapong trabaho sa pabrika, at nailipat ko ang aking kapaguran sa iyo. Pasensiya ka na sa akin. Siyanga pala, narito ang hinihingi mong dalawampung piso, eto na at abutin  mo!”
   Biglang bumalikwas sa pagkakahiga at umupo sa gilid ng kama ang bata. Tuwang-tuwa na tinanggap ang pera, “Ay, salamat . . . Marami pong salamat, Tatay!
   At mabilis na may kinuha sa ilalim ng kanyang unan ang isang sobre na may laman na mga barya. Napamaang ang ama nang makita na may pera pala ang anak, at nagsimulang magalit siyang muli. 
   “Mayroon ka palang pera, bakit naghihingi ka pa, ako ba’y talagang ginagalit mo?" Ang usig ng ama.
   Hindi kumikibo ang anak at patuloy sa pagbibilang ng pera. Nang matapos ay tumingala sa ama at nangusap, “Dahil kanina po ay hindi pa sapat ang aking pera, pero ngayon po ay husto na ito.” Ang pahayag ng bata sa ama, habang inaabot ang lahat ng pera sa ama.
   “Aba’y bakit ibinibigay mo iyan sa akin? Ang pagtatakang tanong ng ama sa nakangiting anak.
  “Tatay, sa inyo na po itong limampung piso, bayad po sa isang oras ninyo para makalaro ko po kayo bukas. Kasi, matagal na pong hindi tayo naglalaro ng bola sa may labas ng bahay. Nasasabik na po ako.
   Dumadagundong ang mga katagang ito sa pandinig ng ama, at matulin na dumaloy ang luha sa kanyang mga pisngi. Lumuhod, at mabilis na niyakap nang mahigpit ang anak. At sa gumagaralgal na tinig ay tuluyan ng humalagpos ang mga katagang . . . "Mahal kita, anak ko. Patawarin mo ako sa aking mga nagawang pagkukulang sa iyo."

------------------------------------------------------------
Madamdamin at nakakaantig ng puso ang ganitong tanawin, lalo na’t kamamatay pa lamang ng ina ng bata mula sa isang sakuna, kung kaya’t nililibang ng ama na isubsob sa mga gawain ang sarili. At pati na ang kaisa-isang anak, na sa halip pagtuunan ng pansin at lalong mahalin sa pagiging ulila nito sa pagkalinga ng isang ina, ay napapabayaan.
   Magkusang bigyan ng pansin ang mga mahal natin sa buhay. Ang pagkaabala sa mga gawain ay huwag gawing hadlang upang makaniig at pag-ukulan ng pagmamahal ang mga tao na malapit sa ating mga puso. Alalahaning ang panahong nawala ay hindi na muling mababalikan pa. Ang batang nakikita mo ngayon ay hindi na mauulit pa. Napakabilis ng mga araw at taon, lahat ay lumilipas. Samantalahin ang mga ginintuang panahon sa kanilang mga buhay. Naisin mo man o hindi, darating ang panahon na sila ay magsisialis sa inyong tahanan, at magtatatag din ng mga sariling pamilya. Naisin mo man na makapiling sila nang matagal, ay hindi na mangyayari pa. Tulad mo ngayon, sila man din ay magiging abala sa kanilang magiging kinabukasan. 
   Subalit ito ang pakatandaan, ugaliing bigkasin ang mga katagang mahal kita, gawing paulit-ulit ito, sa dahilang ang inyong pagkikita ay maaaring hindi na mauulit pa. Walang katiyakan ang buhay. Lahat ay kusang nagaganap, at walang sinuman ang nakakabatid nito, ...bago pa mahuli ang lahat.

Dalawang kataga lamang … Mahal kita