Pabatid Tanaw

Saturday, March 22, 2014

Maging Magiliw



AKO ay Pilipino. Piling-pili at pinung-pino. 
Kaya naman AKO ay maginoo.

Napansin ko na bihira na sa ating mga kababayan at lalo na sa mga kabataan ang maging magiliw, masuyo, at mapagpasalamat. Kadalasan ay laging nagmamadali, lubhang abala at padalus-dalos na ang mga pagkilos. Sa halip na mapagaan ang mga gawain dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon, tulad ng telebisyon, selpon, ipad, iphone,  atbp., ito na mismo ang pinaglibangan at kinahumalingan. 
   Nabawasan na ang harapang kamustahan, yakapan, at balitaan. Napalitan na ito ng mga agaw-pansing Facebook, Twitter, You Tube, Instagram, atbp. Hindi kataka-taka na kasama na ring makaligtaan nang tuluyan ang mga kaugaliang Pilipino na kalugod-lugod. 
   Narito ang ilan sa mga kagandahang-asal na nakakaligtaan natin sa maghapon:
  
21 Mga Ulirang Pag-uugali

  1. Maging makatao sinuman ang kaharap mo.

  2. Ngumiti.

  3. Maging masuyo kung may kailangan.

  4. Iparamdam sa tuwina ang pag-asam at kasiglahan.

  5. Maging mapagkumbaba.

  6. Maging makatotohanan sa lahat ng relasyon.

  7. Umunawa muna nang maunawaan ka.

  8. Bago humiling, bigkasin ang “Maaari ba…”

  9. Kung hindi ka tinatanong huwag sumagot.

10. Iwasang mainip at laging magtimpi.

11. Isipin ang iyong kapakanan bago makialam.

12. Higit na mahalaga ang tao kaysa mga bagay.

13. Iwasan ang mag-akala.

14. Mag-isip muna bago magsalita.

15. Tumingin sa mata ng kausap at makinig.

16. Huwag personalin ang mga bagay.

17. Sambitin ang “Sori...” kapag nais mong tukuyin ang “Pasensiya ka na.”

18. Kapag kumakain kasama ng pamilya, iwasan ang selpon at telepono.

19. Tuparin ang iyong mga pangako.

20. Panatilihing nauuna ka sa tipanan.

21. Laging sambitin ang Salamat sa iyo.

… Simpleng-simple lamang ang mga ito; at kung maisaulo at tahasang gagawin, malaki ang magagawang kahalagahan sa pakikipag-relasyon kahit kaninuman, saanman, at kailanman.



Usyaming Paghahangad



Huwag nang maghintay pa, kumilos ka na!

"Ang masipag ay daig ng maagap;" "Mapangarap  ka man at hindi tumitinag ay walang magaganap;" "Kung nais mong may mangyari, magsimula kaagad nang hindi ka magsisi sa bandang huli;" "Huli man at magaling ay siya nating unahin;" "Makupad man at masikhay, sa kalaunan ay nagtatagumpay."
   Mga kawikaang Pilipino ito, na nagpapatibay sa atin na kumilos kaagad at puspusang isagawa ang nakaharap na gawain para magtagumpay. Marapat lamang na ating balikan at maisaulo, at gawing kalasag sakali mang pabagu-bago ang ating mga kapasiyahan… bago pa mahuli ang lahat.
   Narito ang isang tula noong AKO ay nasa elementarya pa, sa aking pagkasalin at karagdagan:

Sa paghahangad ng pako ng kabayo. ang bakal na sapatos ay nawala.
Sa paghahangad ng bakal na sapatos, ang kabayo ay nakawala.
Sa paghahangad ng kabayo, nainis ang sasakay at nasuya.
Sa paghahangad ng sasakay, ang mahalagang babala ay hindi naibigay.
Sa paghahangad ng mahalagang babala, natalo sa labanan at walang napala.
Sa paghahangad na makabawi sa digmaan, natalo nang tuluyan ang kaharian.
Sa paghahangad na makabangon, higit pa na lalong nabaon.

… ang lahat ay dahil lamang sa paghahangad, nang hindi naman tumitinag.

   Hangga’t hindi ka nagsisimula, mauuwi ka sa tunganga.

Saturday, March 15, 2014

Huwag Sumuko

May islogan na ang tema ay; “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi, at ang nagwawagi ay hindi umaayaw!”

   May ibinigay ang aking ama na tula ang, "Huwag Umayaw!" noong ako'y nag-aaral pa sa elemetarya. Nangyari ito nang hindi ko matapos ang aking ginagawang parol at kailangan nang maisabit ito sa aming paaralan. Dahil dito, ay pinilit ko ang lahat ng aking makakaya na pagandahin ito at tapusin. At ako ang nakakuha ng unang premyo sa pagandahan ng mga parol. Salamat sa tulang ito, mula noon ay ginawa ko nang paalaala ang tula na ito sa tuwing nakakalimot ako. Narito ang pagkasalin ko:
             Huwag Umayaw!
Kapag  ang mga bagay ay namali, at ito’y minsang nangyayari,
Kapag ang daraanan ay sadyang matarik at may kahirapan,
Kapag ang pondo ay kinakapos at nabuntonan ng mga utang,
At nais mang ngumiti, himutok ang laging hingahan.
Kapag kailangang mag-ingat, ang madulas at madapa naman,
Magpahinga, kung kailangan mo, ngunit huwag umayaw.
Ang buhay ay mga pag-ikot at pagliko sa mundong ibabaw,
Na bawa’t isa sa atin ay minsang natututuhan na malinaw,
At marami ang nabibigo at bumabalik kaagad,
Gayong magwawagi kung nanatili at hindi umayaw;
Huwag sumuko kahit na tila mabagal ang pagkilos -
Gayong magtatagumpay ka sa isa pang ulos.
Kalimitan ang lunggati ay napakalapit na,
Subalit itong tao ay nahihilo at sumisigok na;
Kadalasan kaysa makibaka ay ang sumuko na,
Kung kailan makukuha na ang gantimpalang kopa,
At huli na ng malaman nang gumabing tuluyan;
Kung gaano siya kalapit sa gintong korona na makamtan.
Tagumpay na sana ay nauwi tuloy sa kabiguan,
Sa tinggang kulay sa ulap ng mga pag-aalinlangan.
At hindi kailanman maihayag kung gaano ka na kalapit,
Na tila malapit gayong ito’y malayo at hindi mahapit.
Kaya kumapit sa laban kapag nasasaktang malimit---
Kung kailan tila bigo ang kailangan huwag kang susuko!
   Sa ating araw-araw na gawain, ay hinuhubog natin ang ating mga buhay, at patuloy na nililikha natin ang ating mga sarili. Ang proseso kailanman ay hindi natatapos hangga’t nabubuhay tayo. Ang mga pagpili at ginagawa nating mga kapasiyahan ay tandasang ating mga responsibilidad.
   Nasa regular na pagrepaso at pagsasanay lamang ng mga mungkahi na narito ang maghahatid sa iyo na makagawa ng mga ekstra-ordinaryong  pagkilos upang magkaroon ng ekstra-ordinaryong buhay. Wala nang makakapigil pa sa iyo na simulan mo na ito ngayon!  Tuparin ang iyong mga PANGARAP!
Ano pa ang hinihintay mo?

Wednesday, March 12, 2014

Magsimula na!



Ang paglalakbay ng isang libong kilometro ay 
nagsisimula sa unang hakbang.


Simulan sa unang hakbang, at ang iyong isipan ay pakikilusin ang lahat ng puwersa nito para tulungan ka. Subalit ang pangunahin dito ay magsimula ka. At kapag nagsimula na ang labanan, lahat ng nasa kaibuturan at maging nasa labas ay magdaratingan para tulungan ka. Lahat ay magsisimula mula sa iyo, at anumang hindi nasimulan, ay siya mong aalalahanin at makakapigil sa iyo. Unahing kontrolin ang patuloy na mga emosyon, at puspusang simulan na hubuging muli ang bawa't araw mong karanasan sa buhay. Unahing bilangin ang iyong mga pagpapala. Kumilos ng dahan-dahan, isang hakbang paakyat sa pag-unlad, isang maghapon sa bawa't araw.
   Panaligan ang iyong mga abilidad sa bawa’t sandali. Isaayos ang iyong buhay nang pagsisimula sa mga bagay na lagi mong nais na magawa. Huwag maghintay kung ano ang wala sa iyo. Gamitin ang anumang mayroon sa iyo, simulan na ngayon at anumang hindi mo inaasahan ay siyang lilitaw sa iyong mga daraanan nang higit pa sa iyong inaasahan. Kilos na, isagawa na ang dapat mangyari.
   Mayroong kalayaan ka na sumubok at makipagsapalaran kapag nalalaman mong sa anumang sandali, ay magagawa mong magsimulang muli. Minsan ikaw ay mananalo, minsan ikaw ay matatalo, subalit palagi kang natututo. At sa kalaunan, ang tagumpay ay laging sumasaiyo.
   Alam mo ba? Anumang nasimulan mo noong nakaraang dalawang linggo, sa araw na ito ay may dalawang linggo ka nang kahusayan kaysa dati.
   Kung ang iyong lunggati ay tila nakakalula, magsimula sa maliit. At tapusin ang anumang iyong sinimulan. Walang bagay sa mundong ito na ginawa ng tao nang hindi sinimulan sa maliit, unti-unti hanggang sa lumaking kagulat-gulat. Pagmasdan ang mga nagtatayugang mga gusali, nagmula ito sa unang palapag. Ang isang munting buto o binhi nang lumaki ay naging isang matayog na punong-kahoy. Lahat, mula sa maliit hanggang sa maging kagulat-gulat, at ang isang simpleng ideya ay nagiging kamangha-mangha.
   Huwag malungkot dahil ito ay natapos na. Maging masaya dahil makapagsisimula kang muli. Sapagkat ang imposibleng paglalakbay lamang sa buhay ay yaong kailanman ay hindi mo sinimulan. Narito ang sekreto: Hindi mahalaga kung papaano ka nagsimula, kundi kung gaano kahusay mo ito na natapos.
   Anumang nagawa mo kahapon, pagbutihin mo na ngayon sa araw na ito. Ngayon na.

Palaging Mag-imahinasyon



Walang limitasyon sa kalikasan. Nalilikha lamang ito ng limitadong mga imahinasyon.

Ang iyong imahinasyon ay walang hangganan. Bawa’t bagay na mailalagay mo sa iyong guni-guni ay tunay. Dito nakasalalay ang bawa’t bagay. Ito ang hudyat at panimula ng darating na mga pagbabago sa iyong buhay.
   Ang nangangarap tungkol sa isang bagay ay siyang unang hakbang upang magsimula nang kumilos para tuparin ito. Walang bisa ang anumang imahinasyon sa tao, hangga’t hindi ito dinadaluyan ng katapangan at kalakasan para magamit ito sa paglikha.
   Walang mga kautusan ng arkitektura para magtayo ng kastilyo sa mga ulap. Ang bisyon ay isang sining para makakita ka ng mga bagay sa hindi nakikita.
   Naniniwala ako na ang imahinasyon ay higit na malakas kaysa kaalaman; na ang ideya ay bunga ng mapangarap na paglilimi, na mula sa pangarap na ito ay pinawawalang bisa ang mga nakasanayan at nakaugalian, na ang pag-asam ay laging nagtatagumpay kaysa karanasan, na ang pag-ibig ay higit na makapangyarihan kaysa kamatayan.
   Alam mo ba? ...na tayo ay nabubuhay ngayon sa isang espesyal na panahon na kung saan lahat ng ating mga iniisip sa ating imahinasyon ay posibleng mangyari. Pagpapatunay lamang na ang bagay na ating hinahangad at isinasagawa ng positibong mga pagkilos “saanman, kaninuman, at kailanman” ay tahasang matutupad nang walang anumang alinlangan.
   Sa sandaling nagdududa ka kung uunlad ka o hindi, higit na mabuti pa ang huminto ka na, dahil kailanman ay hindi mo na pagsusumikapan pa ito. Sapagkat ang puno’t dulo nito ay pagkatakot at mga kalituhan. Ito ang pumapatay sa bawa’t bagay; sa iyong isipan, sa iyong kalooban, at sa iyong imahinasyon. Tandaan lamang, hindi mo maaasahan ang iyong mga mata kapag ang iyong imahinasyon ay hindi nakatuon sa tamang direksiyon. Ang imahinasyon lamang ang laging nagdadala sa atin sa mga mundo na hindi pa natin nakikita, kung wala ito wala na tayong patutunguhan pa.
   Ito ang totoo: Kapay nabubuhay ka lamang nang sapat sa kinikita mo, at kadalasan ay kinukulang pa, katiyakan ito na dumaranas ka ng kakulangan sa imahinasyon.