Thursday, May 31, 2012

Tanong at Sagot



Ang mga katanungan ay ang mga kasagutan.


   Kung may tanong ay may sagot. Ang matatagumpay na tao ay mayroong mahuhusay na mga katanungan, at ang resulta, ay tinutugon din sila ng mga mahuhusay na mga kasagutan. Sa ating buhay, kung hindi ka palatanong sa mga bagay na nakakaapekto sa iyo, sa bandang huli ang mga ito ay ikakapahamak mo. Kung ikaw ay naligaw sa iyong patutunguhan, at hindi mo gawi ang magtanong, ang pag-aaksaya ng oras, mga pagkalito at aksidente ang tiyak na susuungin mo. Hindi kailangan na manatiling macho ka at nahihiyang magtanong, dahil isang kahibangan ang magkunwaring may nalalaman. Ang pagtatanong ang makapangyarihang mga hakbang upang manatiling nasa tama at matuwid ang ating mga pagkilos. Dito nakasalalay ang ating mga kapasiyahan at siya ding nagpapalinaw kung ano pa ang susunod nating mga gagawin.
Ang matalinong tao ay marami ang malalaman sa hangal na tanong, kaysa isang hangal na may malaman mula sa matalinong kasagutan.

Ang may kalidad na mga katanungan ay lumilikha ng may kalidad na pamumuhay. Kailangan nating ihinang ito sa ating mga isipan, sapagkat  narito ang mahalagang susi kung papaano hinaharap ang bawa’t balakid na nakahalang sa ating daraanan. Makakatiyak ka ng tagumpay kung ang iyong mga kapasiyahan na nagtatakda ng iyong kapalaran ay mga kasagutan sa iyong mga katanungan. Kung tama ang katanungan, ay tama din ang magiging kasagutan. Kung mali ang tanong, makakatiyak kang mali din ang sagot. Kung malinaw at nakakatiyak ang iyong katanungan, hindi lamang ang iyong sarili ang natutulungan nito, pati na ang iyong tinatanong. Nagiging madali ang komunikasyon, trabaho, panahon, matipid ang mga gastusin, at maayos na natutupad ang lahat.
Hindi kailangan na laging abala. Gayundin ang mga langgam. Ang tanong ay: Ano ba ang ating pinagkaka-abalahan?

Ang pakikisama, pagkakaroon ng mga kakilala, at maging mga kaibigan ay nagiging mabunga at maluwat kung may mga katanungan na kailangan masagot muna, bago magkaroon ng paghahatol na kadalasan ay nauuwi sa alitan at hiwalayan. Kung may tamang tanong tungkol sa pinanggalingan ng hidwaan at kung papaano maiiiwasan ito, at sa halip, ay magtulungan sa isa’t-isa kaysa magsabunutan at magsuntukan, ang hinahangad na kooperasyon at kapayapaan ay mananatili. Nasa uri at antas din ito ng iyong mga kasama. May nagwika, “Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo; at sasabihin ko sa iyo kung sino ka.” Dahil kung hindi ka palatanong, sinuman ay puwede mong makaibigan. Sapagkat “Kung hindi ka mapili, ang makukuha mo ay bungi.”
Siya ay talaga namang ignorante at masasabing tanga, dahil lagi siyang mapagprisinta na may kasagutan sa bawa’t itanong sa kanya.

 Ang pagkakaiba sa pagitan ng matagumpay at mga talunan ay ang mga katanungan na patuloy nilang itinatanong. Sa mga nagnanasang magtagumpay, palaging nakatuon ang kanilang mga katanungan sa pag-unlad. At doon sa patuloy na nabibigo at mga talunan, bahagi ng problema ay ang kanilang limitado o makitid na mga kaisipan. At ito ang naghahatid sa kanila para mabigo sa buhay. Habang patuloy silang matigas at ayaw tumanggap ng katotohanan, mananatili na matigas din ang kapalaran para sa kanila. Dahil, kung baluktot ang iyong paniniwala at ang lahat ay umuusig na sa iyo, panahon naman na pag-aralan at limiing mabuti kung may magandang patutunguhan ang pagmamatigas mo. Nasa pagtatanong lamang ito, at ikaw din ang makakasagot lamang tungkol dito. Tulad ngayon, maaari mong tanungin ang sarili, “Ano ang tunay mong ikinaliligaya sa iyong buhay ngayon? Ano ang mga nagpapasaya sa iyo sa tuwina? Sino ang mga taong maaasahan mo sa iyong mga pangangailangan? Ano ang mga bagay na nararapat mong ipagpasalamat? Maglaan ng ilang sandali, na limiin ang mga kasagutan at pakiramdaman kung anong damdamin ang sumasaiyo at nangyayari kung bakit tagumpay o talunan ka.
Kapag pera at pagyaman na ang pinag-uusapan, ang lahat ay interesado. Subalit kung gagawin at mahihirapan na, ang karamihan ay iniiwasan na ito.

Hindi ang mga pangyayari ang humuhubog sa aking buhay at nagpapahiwatig kung ano ang aking nadarama at ikinikilos, bagkus, ang kaparaanan kung papaano ko binibigyang kahulugan at pinaglilimi ang mga karanasan ko sa buhay. Kapag ako ay nasasalang sa isang kalagayan na may pag-aalinlangan o nalilito na ako, mabilis kong itinatanong kaagad ang kahalagahan nito sa aking buhay. Sapagkat sa bawa’t kapasiyahan na aking gagawin, hindi lamang para sa aking sarili ang nakasalang; bagkus laging kasangkot ang aking mga mahal sa buhay. Ang kapariwaraan ko’y kapariwaraan din nila. Nasa pagtatasa lamang ito para higit kong malinawan ang aking kalagayan.

 Ano ang kahulugan ng Pagtatasa?
     vt  evaluate, : pagtatakda ng halaga, kondisyon, kalagayan, sitwasyon  : maingat na pag-aaral at pagpapahalaga : pagkilatis o estimasyon sa katangian, kakayahan, o mga kagalingan

Papaano ko ba magagawang magtasa?
Ano ba talaga ang pagtatasa?
Habang binabasa ko ito, ako ba’y nagtatasa ngayon?
Bakit patuloy ang aking pagbasa nito, napagtasa ko bang may matututuhan ako?
Kung ako ba'y nahaharap sa isang problema, tinatasahan ko ba ito para luminaw ang aking isip at makagawa ng tamang kapasiyahan?

Ang katotohanan; ang pagtatasa o pagkilatis ay mga katanungan. Kung walang pagtatanong, walang pagliliming magaganap. Ang mag-isip ay isang proseso ng pagtanong at pagsagot sa mga katanungan.  Siya na palatanong ay hindi makakaiwas sa mga kasagutan.

Ang ating mga katanungan ang nagbabadya ng ating mga kaisipan.

Kailangan nating mapatunayan na halos lahat ng ating mga ginagawa sa maghapon at maging bago matulog sa araw-araw; ay ang magtanong at sagutin ang mga katanungang ito. Kung talagang nais nating mabago ang kalidad ng ating buhay, kinakailangan na baguhin natin ang nakaugalian nating mga pagtatanong. Sapagkat ang mga katanungang ito ay itinutuon ang ating atensiyon, kung papaano tayo mag-isip at maunawaang lubos kung ano ang ating nadarama. Dahil narito ang ating mga kapasiyahan at sumusunod nating mga ikikilos. Hindi makatarungan na tumahimik at gumawa na lamang. Kailangan ding magtanong kung bakit mo ito gagawin, para saan, at kung makakatulong ito sa lahat. Lalo na kung ang iyong reputasyon at integridad ang masasangkot kapag ipinagpatuloy mo itong gawin. Ang mga katanungan ay mayroong kapangyarihan na makaapekto sa ating mga paniniwala, at nagiging posibleng mangyari ang hindi posibleng mangyari.
Walang katanungan na mahirap sagutin, kung nasa harapan at nangyayari na ang kasagutan.

Kung wala kang paggalang sa iyong sarili, basta ka na lamang susunod nang walang mga katanungan. Mistulang robot na de-susi na sunod-sunuran sa mga dikta at ipinag-uutos ng iba. Bilang mga tunay na Pilipino, isa nating pag-uugali ang magtanong muna, bago simulan ang lahat ng mga bagay. Sa aking pabrika, doon mismo sa departamento ng produksiyon ay may inilagay akong malaking karatula: “Magtanong sapagkat kailangan, upang ang pagkakamali ay maiwasan!” Laging nasa aking isip ito; tayo ay hindi mga perpektong tao, kaya nga nilikha ang lapis na may pambura, dahil sa anumang saglit ay may kamaliang magaganap. Higit na maagap ang laging handa, kaysa bahala na at batbat ng pangamba. Ang aksidente ay nangyayari lamang kung walang pag-iingat at malinaw na mga katanungan sa magaganap.
Higit na masaklap ang matakot kaysa mabugnot, at kahindik-hindik naman ang sumagot nang walang nagtatanong at may pahintulot.

Madaling makilala ang dalawang pangkat ng mga tao sa kanilang mga katanungan.
Unang pangkat: Maraming tao na nakikita ang mga bagay ayon sa mga ito, at ang bigkas ay; “Bakit?” At matapos ito ay bastante na muli at patuloy na gagawin ang dating ginagawa nang walang mga katanungan. Ipinauubaya na lamang sa “bahala na” ang lahat. Pinaikling, ‘Bathala na’ ito, na ang kahulugan ay si Bathala na ang mag kasagutan para sa lahat. At dahil dito, ay buong pusong tatanggapin na ang lahat na mangyayari sa kanilang mga buhay. Gayong may kawikaan na, “Nasa Diyos ang awa, subalit nasa tao ang gawa.” Kung wala kang pagkilos, papaano may mangyayari? Kung patuloy kang maghihintay ng milagro, ang mismong kalagayan mo ay milagro nang nagaganap. Nasa dulo lamang ng iyong mga kamay ang lahat para ang iyong hinahangad ay maganap.
Pangalawang pangkat: Ang ilan naman ay nangangarap sa mga bagay na wala sa mga ito, at ang bigkas ay; “Bakit hindi? At isinasagawa ang kanilang iniisip na maging reyalidad ang mga ito. Hindi sila makagawa hangga’t walang malinaw na dahilan kung bakit gagawin ang isang trabaho. 
Higit tayong may nalalaman sa paghahanap ng kasagutan sa tanong at hindi matagpuan ito, kaysa ang matutuhan ang kasagutan nang walang kapaguran.

May isang taga-ukit sa Paete, Laguna, ang dalubhasa sa paggawa ng rebulto. Halos inaabot ng isang linggo bago siya makatapos ng isa. Matagal ang inuubos niyang panahon para mapaganda ito at makatapos ng isang istatwa. Limitado ang kanyang pagkita at batay lamang kung gumagawa siya. Isang kahig, isang tuka, ang ganitong sistema. Isang bisita ang nagka-interes na bumili ng isang rebulto, nilagyan ng mga dekorasyon, pinaganda, at nagpagawa ng maraming katulad nito sa isang pabrika. Ginawang komersiyal na maramihang ipinagbili, at naging maunlad na negosyo niya. Ang taga-ukit ay masipag, subalit hindi masikhay at binabraso ang lahat. Walang mga katanungan kung papaano uunlad. Ang negosyante ay nagtanong,”Papaano ko kaya ito mapaparami sa madaling panahon, nang marami ang makabili?” Bigkas nga ng aking ama, “Daig ng maagap ang masipag.”
Laging may magandang kasagutan doon sa may higit na may magandang katanungan.

May nagtatanong, ngunit ayaw sagutin ang sariling mga katanungan, dahil umiiwas na mahirapan. Mayroon namang may katanungan, at mapilit na hinahanap ang mga kasagutan – at kaagad na isinasagawa ito. Doon sa una, makakatiyak ka na pulitiko ito. Dito sa huli, manlilikha at imbentor ito ng mga produkto. Isa sa mga katanungan na nagpalinaw ng aking pananalig ay ito:
 Question with boldness even the existence of a God; because, if there be one, he must more approve of the homage of reason, than that of blind-folded fear. “ Binigkas ito ni Thomas Jefferson, (an American Founding Father, the principal author of the United States Declaration of Independence and the third President of the United States).

Pakatandaan: Hindi lamang ang mga katanungan na iyong naitanong, pati na ang mga katanungan na nabigo mong itanong ang nagtatakda ng iyong kapalaran.

Anong kapangyarihan ang iyong mapapakawalan; kung magagawa mong magtanong ng simpleng katanungan subalit pinakamabisa ang kalalabasan, at makapagbabago ng iyong direksiyon sa buhay? Ikaw at ako ay mababago ang ating nadarama sa isang iglap, kung babaguhin lamang ang ating pagtuon. Hangga’t binibigyan natin ng atensiyon ang isang bagay, lalong lumalaki ito. Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng tumitingin at tumititig. Ang tumingin ay pahapyaw at panandalian, at ito’y bilang pagsulyap lamang; samantalang ang tumitig ay may panahong inilalaan, para pag-aralan ang tinititigan. Sa pagtatalo, baguhin lamang ang pagtuon sa pinagtatalunan, mapapayapa na ang mga kalooban.

 Ano bang mga katanungan ang iyong madalas na gamitin o regular na ginagamit kung nalalagay ka sa alanganin? Ako ay may dalawang katanungan na ginagamit kong kalasag at pangunahing batayan bago ako magpasiya. Malaki ang naitutulong nito upang maging malinaw at nasa tama ang aking susunod na mga hakbang. Simpleng mga katanungan lamang: 1) “Anong makabuluhan ang patutunguhan nito?” at “Papaano ko ito magagamit para mapakinabangan ko?”

At kung may alinlangan ako sa pagiging malapit at kapansin-pansin na pagsuyo ng isang tao sa akin, mayroon akong isang katanungan na madalas kong sandigan, “Ano ang tunay na intensiyon ng taong ito?” Nagsimula ito noon pang bata ako, nang pinag-aaralan namin ang aklat ng ating bayaning si Francisco Baltazar, ang ‘Florante at Laura.’ Sa isang saknong, ay binanggit ito,Kung ang isalubong sa iyóng pagdating, ay masayáng mukha at may pakitang giliw, lalong pakaingatan at kaaway na lihim siyang isaisip na kakabakahin.” Matalim at nagpapalinaw ang pangungusap na ito, sapagkat kung lilimiing mabuti, ang mga taong may mabuting pakay at walang lihim na hangarin, ay karaniwan at normal lamang ang paglapit sa iyo. Walang mga palabok at paligoy-ligoy, at hindi na kailangan pang magsinungaling. Subalit doon sa mga mapagsamantala at may mga maitim na balakin, mistula itong naghahanda ng patibong para ikaw ay mahuli ng kanilang inihahandog na mga pain.

Narito pa ang mga mahahalagang mga katanungan, kung nais na makatiyak na maging matagumpay; mga katanungan na kailangan nating sagutin para ituon sa tamang direksiyon ang ating mga buhay:
1)      Bakit ako lumitaw sa mundo, para saan ba ito?
2)      Ano ba ang talagang dahilan at kung bakit ako ay nabubuhay pa?
3)      Mayroon ba akong kailangang gawin pa at tapusin na kailangang maipamana?
4)      Sino nga ba ako?
5)      Ano ang talagang nais ko sa aking buhay?
6)      Saan ba ako patungo, ang tinatahak ko ba ngayon ang tamang direksiyon?
7)      Maligaya ba ako sa ngayon at may kaluwalhatian na?


Pinaka-makapangyarihang mga katanungan ito, at kung hindi mo ito masasagot; sa halip, ay lagi kang naghihintay at umaasa na may milagrong magaganap kahit na hindi ka kumikilos. At ang milagro ay nangyayari na; ang mismong kalagayan mo sa ngayon ang pruweba. Ang mga bagabag, pamamanglaw, at mga pagkalito mo sa iyong buhay ang resulta nito. Ang mga hidwaan, hiwalayan, at hindi pagkakasundo sa pamilya ay nananatiling hindi pa tapos, at nangangailangan ng kalunasan. Kung wala pang tunay na kaligayahan na naghahari sa iyong buhay, may pagkakataon ka pang maisaayos ito at tamasahin ang iyong nakatakdang kaligayahan.
Narito pa ang isang katanungan na kailangan mong masagot; “Kung may isang pagkilos na mabilisan mong magagawa at nakakatiyak kang makapag-papabago ito ng iyong buhay, bakit hindi mo ito masimulan?”

Kung may mga katanungan at may mga kasagutan. Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian? Mamili ka, sapagkat narito ang mga kasagutan ng iyong mga katanungan.

May katanungan ka pa ba?



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Matatag na Pag-asam



Ang mabuting mungkahi ay may katiyakang tatanggihan, ngunit hindi ito dahilan na huwag ipaalam, kung ang lahat naman ay makikinabang.

Papaano ba magkaroon ng ulirang buhay? Narito ang kasagutan:

   Maging matibay at may paninindigan upang kahit anuman ay hindi makakagambala sa katahimikan ng iyong isipan. Malaki rin ang maitutulong nito para patuloy kang nakatuon sa iyong mga lunggati at direksiyon na iyong patutunguhan. Sa anumang paglalakbay sa buhay, kung wala kang sinusunod na panuntunan o mabisang pundasyon na nakatimo sa iyong isipan, madali kang matutukso at makakalimot sa iyong mga pangako. 
   Higit na may pagtitiwala ka at pananalig sa iyong sarili kung mayroon kang kredo o paninindigan. Ito ang nagbibigay-buhay at nagpapasigla sa iyo upang ikaw ay patuloy magsumikap na tuparin ang lahat ng iyong mga pangarap.


Ang adhikain ng AKO, tunay na Pilipino, ay binibigyan buhay at diwa nito ang pagiging ulirang Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa bilang sagisag ng IsangPilipino na: MakaDiyos, MakaKalikasan, MakaPamilya, MaKatarungan, at MakaBayan.

  Ang Misyon
Kalayaan ang mag-usap ng katotohanan – BUSILAK
  Nasa pagtutulungan ang kaunlaran – BAYANIHAN
  Kailangang malaman ang makabuluhan – BATINGAW
 Nasa pagtuklas ang bagong pag-asa - BALANGAY
  Tangkilin at ipalaganap ang sariling atin – BAYANiJUAN
  Alamin ang ating kasaysayan at mga bayani – BANTAYOG
  Matiwasay ang magbagong-anyo sa buhay – BANYUHAY
  Tamang kataga sa maayos na pananalita – BALANGKAS
 Katatawanan ang mabisang kagamutan – BUNGISNGIS
Sa karamdaman, pagkain ang kalunasan – BALANGA
  Ang daigdig ay isang magandang tanghalan – BULWAGAN
  Ang buhay ay paglalakbay sa kaluwalhatian - BATHALA

MakaBayan: Iparamdam sa iyong mga nakakadaupang-palad at mga karelasyon na mayroon silang kahalagahan at patutunguhang makapagpapaligaya sa kanila. Tanawin ang mga positibo at nakapagpapalinaw ng isipan. Isipin lamang ang may mga kagalingan, mga nakakatulong, at mga nagpapaunlad sa lahat. Gawin ang lahat ng makakaya sa paggawa at sumama sa pangkat ng mga mahuhusay at nakalaang maglingkod sa kapwa. Maging masigla sa lahat ng sandali at iwasang maligalig sa malaki o maliit mang mga bagay. Purihin ang tagumpay ng iba tulad ng atensiyong iniuukol mo sa iyong sarili. Kalimutan ang mga kabiguan at kapighatian ng nakaraan at magpatuloy na hinaharap ang bukas nang may matagumpay na hangarin. Palaging ngumiti, pinalalakas nito ang iyong stamina na maging maaliwalas ang lahat sa iyong harapan. Maglaan ng sapat na panahon sa pag-aaral at pagpapayabong ng iyong kaalaman. Paunlarin ang sarili upang wala ka ng panahon na punahin ang ginagawa ng iba. Makiisa sa mga makabayang simulain para sa pagbabago tungo sa malayang pagkakaisa at kaunlaran para sa lahat. Buksan ang puso at magpakitang giliw, dahil narito ang iyong kaluwalhatian.

Ang mga pananalitang ito’y narinig ko sa aking mga magulang at ngayon ay patuloy kong binibigkas sa aking mga anak. Isang tula mula sa aklat ng Florante at Laura, ng ating bayaning si Francisco Baltazar, ang nagpasimula nito para magampanan ko sa matuwid ang pagpapalaki ng aking mga anak:
Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad
sa bait at muni’t, sa hatol ay salat,
masaklap na bunga ng maling paglingap,
habag ng magulang sa irog na anak.

Sa taguring bunso’t likong pagmamahal
ang isinasama ng bata ay nunukal
ang iba’y marahil sa kapabayaan
nang dapat magturong tamad na magulang.

MakaPamilya: Malaki ang naitutulong ng panuntunan na ito. Hangga’t nasa ating pagtangkilik at pagpapalaki ang ating mga anak, gawin natin ang lahat nating makakaya para tumahak sila sa matuwid na landas. Dahil kapag lumabas na sila ng ating mga tahanan at mahaharap sa mga pakikibaka sa buhay, malaki ang nagagawa ng may matibay na pundasyon sa kanilang mga pagkatao. Kung matuwid ang nakatanim sa kanilang mga isipan, walang baluktot o mapanirang asal ang makakapasok dito.
   Bilang mga magulang, katungkulan nating iwasto at pangunahan ang kanilang nais na makita at magampanan din ito sa kanilang mga sarili, subalit sa pagbuo ng tunay nilang mga pagkatao, ito ay nakasalalay sa kanilang sariling mga kamay.

Ang mabisang sermon sa lahat; ay ang iyong sariling buhay

...may karugtong

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, May 29, 2012

Magpasiya na Ngayon!



Anumang ang iyong patuloy na iniisip at pinaniniwalaan, 
ito ay pagpasiyahan para makamtan.

   Madali ang gumawa kung nais mo itong gawin. At sa puntong ito, may kasiglahan kang nadarama upang tapusin ang iyong sinimulan. May mga pagkakataon na kapag wala kang interes para magtrabaho, subalit pinagsumikapan mong makagawa kahit papaano, ito ang nag-uudyok para mapakilos mo na magpatuloy ang iyong buhay at trabaho. Habang hindi ka tumitigil ay may natatapos ka, at ito ang nakapagbibigay sa iyo ng pag-asa na magsikhay pa upang makamit ang iyong tagumpay. Anong kapasiyahan ang iyong kailangan sa araw na ito, upang masimulan mong marating ang iyong pangarap? Anumang kapasiyahan ito; ang pag-ibayuhin pa at magpatuloy o ang huminto at gumawa ng iba pang kaparaanan, ay gawin kaagad ito ngayon at magsimula na. Ang simpleng pagkilos na ito ay siya mismong makapagpababago sa direksiyon ng iyong buhay.
Hindi ang malalakas ang nagtatagumpay, o maging ang pinaka-matatalino, bagkus yaong mga nagsasagawa ng pagbabago sa kanilang mga buhay.

   Marami sa atin na katulad ang mga dagang nahuli sa patibong, wala nang masulingan at naghihintay na lamang kung ano ang magiging kapalaran. Patuloy sa pangangarap, paghihintay, at umaasa na may pagbabagong magaganap. Wala silang hilig o pagnanais sa mga trabahong natanggap o pinasukan nila. Nagkataon lamang na wala na silang mapagpipilian pa, at kahit papaano ay nakakabuhay din ang mga trabaho na ito. Ang problema lamang, tuwing umaga pagkagising, ay kinakaladkad ang kanilang mga paa para pumasok sa kanilang mga trabaho. Sapagkat wala rito ang kanilang mga puso at sadyang mga napipilitan na lamang. Gayong mayroon silang kapangyarihan, kung nanaisin lamang, na magpasiya at baguhin ang kanilang kinasadlakan. Hindi lamang ang kanilang opisina o pinapasukan ang makikinabang sa kapasiyahang ito, bagkus ang mapalaya nila ang kanilang mga sarili sa pagkabilanggo ng mga gawaing hindi nila nais, kinayayamutan, at pinagtitiisan. 
Ang pagbabago ay hindi lamang kinakailangan, bagkus ito ay hindi maiiwasan.

   Sapagkat gaano mang pagpipigil at pagtatago ng ating damdamin, ang tunay nating hangarin ay siyang mangingibabaw. Pilitin man natin itong alamin at hanapin, ay nananatiling mailap. Dahil nasa labas ang ating mga paningin, doon sa mga pook, sa mga aliwan, sa mga tao at mga pagkakataon, maliban sa kaibuturan ng ating mga puso. Ito ang pinakamahalaga sa lahat, ang magkaroon ng malinaw na katanungan sa sarili kung ano talaga ang iyong pinakananais na makamtan sa buhay. Ang nakapanlulumo, mayroon sa atin na 80 porsiyento o mahigit pa dito ang mga nabibigo at nakabilanggo sa kanilang mga trabaho sa dahilang malabo at wala sa direksiyon ang takbo ng kanilang mga buhay; kung ano talaga ang kanilang nais at sa papaanong paraan ito makakamit. Hangga’t patuloy na kinakapos at walang kabatiran tungkol sa bagay na ito, patuloy ang pagkasiphayo at kawalan ng pag-asa.
Tayong lahat ay hindi magagawang baguhin ang ating mga buhay kung walang namamayaning pagbabago mula sa ating mga puso. Ang susi sa bagong-buhay ay makilalang lubusan, kung sino ka, ano ang magagawa mo, at ano ang iyong mga pinahahalagahan.

   Bawa’t positibong pagbabago sa buhay ay nagsisimula sa isang malinaw, nangingibabaw, at matatag na kapasiyahan na kailangang gawin o huwag nang gawin. Dalawa lamang ang pagpipilian, patuloy na magtiis sa kasalukuyan o humanap ng mga kaparaanan upang mabago ang kalagayan. Ang pagpapasiya ay isa sa pinakamahalagang kalidad ng mga masayahing tao. Naging matatag at matibay sila na magpasiya sa dami ng mga karanasan na kanilang pinagdaanan, mga paulit-ulit na kabiguan, at kasanayan kung papaano ito malulunasan, hanggang sa naging likas na sa kanila ang magpasiya kaagad nang walang pag-aatubili. 
Isaisip sa tuwina, na ikaw lamang at wala ng iba pa ang mismong makapagbabago ng iyong buhay. Kailanman ay huwag baguhin ang iba. Sa halip, simulang gamitin ang iyong mga katangian at kakayahan para sa iyong kaunlaran. 

 Ang malungkot na katotohanan ay marami sa atin ang mahirap at kinakapos sa buhay sapagkat hindi pa nakapagpapasiya na maging mayaman. Marami ang mataba at hindi malusog sapagkat ayaw pang magpasiya na pumayat at maging malusog. Marami ang nais yumaman sa biglang paraan, hindi sa pahirapan. Perang nasa bulsa na, ay ipagsasapalaran at isusugal pa. Gayong sa paghahanap ng madalian, ibayong kapahamakan ang nakakamtan. Lahat ng bagay ay dumaraan sa proseso, may mga baitang na aakyatin, may mga pamantayang susundin at pagtitiyagang gagawin. Kung sa mabilisan ang hilig, walang katuturan ang makakamit. Nangyayari lamang ang mga ito sa iba; sa dahilang higit nilang inaaksaya ang kanilang mga mahahalagang panahon sa ibang mga bagay, kaysa bigyan ng atensiyon ang kanilang mga sarili. Hindi nila magawang magpasiya kung nais na pumayat, lumusog, umunlad at makatakas sa kahirapan.
Ang pagbabago ay isang paghamon o balakid, nasa iyong paniniwala lamang kung papaano mo ito haharapin o tatalikdan.

Nasa ating mga saloobin ang dahilan kung papaano natin hinaharap ang buhay. Katulad ng pagtingin sa salamin, ito ang iyong katotohanan. Anuman ang iyong nakikita ay repleksiyon lamang ng iyong ginagawa. Ngumiti ka at ang nasa salamin ay ngingiti din sa iyo. Sumimangot ka at sisimangot din ito sa iyo. Ang ating mga saloobin ay napakahalaga at nasa ating kapangyarihan na piliin, kung nais nating maging masaya o malungkot sa araw na ito. Magagawa nating kontrolin, supilin, at iwaksi ang anumang bumabagabag sa atin. Nasa ating kapasiyahan kung ang araw na ito ay nais nating maging positibo o negatibong pamumuhay.
Ang mga kaisipan ay mga bagay! Nagiging makapangyarihan lamang ang mga ito kung lalakipan natin ng malinaw na layunin, at masidhing pagnanasa, ay maisasalin sa tumataginting na kayamanan.

 Magpasiya na ngayon! Simulan na itama at ayusin ang anumang gumugulo sa iyong isipan. Sa bawa’t araw ay patuloy na dumarating pa ang maraming mga pagkakataon. Kung hindi mo pa ito isasagawa ngayon, papaano mo magagawang harapin ang mga panibagong paghamon na ito. Kung sa Lunes ay wala kang ginawa, at pati na sa araw ng Martes, pagdating ng Miyerkoles, tatlo na ang kailangan mong tapusin. Papaano kung sa buong linggo ay hindi ka tuminag, at nagkasya na lamang sa pangangarap at pagbigkas ng, “sana at dapat,” mistula kang nagsasalansan ng mga bagabag at problema na siyang pumaparalisa sa iyo para hindi makakilos nang ganap. Ikaw mismo ang nagpapahirap at nag-aalis ng mga pagkakataon para sa iyong sarili na magtagumpay.
 Ang pinaka-kritikal na sangkap ay ang kumilos ka at lunasan na ang anumang bumabagabag sa iyo. Napakasimple nito. Kahit na saksakan ng dami ang solusyon mo at talaga namang makalulunas, kung hindi mo nagagamit ay pinasasakit lamang nito ang iyong ulo. 

Ang tunay na Pilipino ay gumagawa, hindi nangangarap nang gising.

Magpasiya na ngayon! Tanggapin ang katotohanan na nasa iyong mga kamay lamang magkakaroon ng tunay na kaganapan para marating mo ang iyong tagumpay, kahit na matagal at mahirap itong magawa, o gaanong pagsisikhay ang ilalaan mo para ito makamit. Lahat ay magiging madali na lamang kung ito ay masisimulan. Magpasiya kaagad, at habang gumagawa at abala ka, ang mga kalunasan ay kusang magsisilitaw sa iyong daraanan, at ang mga tao ay magsisitulong para madaling matupad ang iyong pangarap. Alalahanin na, “Kung nais mong tulungan ka ng iba, unahin mo munang tulungan ang iyong sarili.”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan



Tuesday, May 22, 2012

Papaano Ba ang Makisama?



Isang patak lamang kung nag-iisa, subalit kapag nagkasama-sama at may pagkakaisa, isa na tayong karagatan.

At kapag ginalit, ay tsunami ang bagsik. Sa mga mapagsamantalang dayuhan ito ang pinangangambahan.

   Bahagi na ng ating kaugalian ang Pakikisama, at isa itong magandang tradisyon na minana pa natin sa ating mga ninuno. Ang mabuting layunin na tumulong at makiramay sa pangangailangan ng iba, ay likas at kusa nating ginagawa nang walang hinihintay na kabayaran o kapalit man. Isang pag-uugali na nakadarama tayo ng kakulangan sa ating mga sarili kapag ayaw nating masangkot at walang pakialam sa iba. Dangan nga lamang, nagkaroon ito ng batik at pang-aabuso nang dumating ang mga banyaga sa ating kapuluan. Mula sa mga mananakop na mga Kastila, mga Amerikano, mga Hapon, at pati na sa mangangalakal na mga Tsino, naging palasunod at nakikiayon tayo sa kanilang mga mapagsamantalang kagustuhan. Nawala na ang magandang kahulugan ng ‘pakikisama’ at nabahiran ito ng ‘palakasan,’ ‘padulasan’ at naging palakad pa sa mga paglalaban.
   “Kung hindi ka marunong makisama sa amin, hindi ka namin kaisa. At kung ayaw mong makiisa, tiyak na kalaban ka namin.” Ito ang mantra o islogan ng mga makasariling pangkat, ng mga partido sa pulitika sa balimbing nilang pananatili sa puwesto, at maging sa mga sekta ng relihiyon na kailangang pikit-matang sumunod ka sa kanilang mga dikta. Palaging may mga iringan, inggitan, pataasan, at hiwalayan. Nagsisimula pa lamang maitatag ang isang pangkat, at hindi lamang nagkaunawaan sa gagawing halalan, nahati na sa dalawa na magkasariling pangkat, at magkalaban na. Lalo na sa ating magkakaibang diyalekto at mga rehiyon. Iba ang grupo ng mga Ilokano, Bikolano, Sebuano, Tagalog, Kapampangan, Ilonggo, Tausog at ng marami pa, na halos lahat ay may kanya-kanyang pinaiiral na pamantayan ng pagsasarili at walang pakialamanan. "Buntot mo hila mo," ang atungal nila. Gayong mayroon tayong isang lahi at isang bansa na nagpupumilit na makawala sa ganitong mga uri ng pagkagapos na pumipigil sa ating makabayang pag-unlad. Hangga’t patuloy ang mga pasiklaban, kapalaluan, at makasariling ‘tribo’na pamantayan, wala tayong makikitang pagbabago sa ating lipunan.
   Mabuti ang mapanitili ang mga tradisyon at kultura ng isang tribo, kailangan natin pangalagaan ang katutubong pamana ng ating mga ninuno. Subalit pagdating sa kabutihan ng bawa’t isa, hindi ito nararapat na maging hadlang kung ang kaunlaran at kapayapaan na ng mga nakakarami ang nakasalalay. Gayong sa bandang huli, ay malaki ding kapahamakan para sa tribong ito, kung walang katahimikang namamayani. Sapagkat sa isang bansang batbat ng kahirapan; kaakibat nito ang mga kaguluhan, mga patayan, mga nakawan at pagkakawatak-watak ng bawa’t isa. At sa puntong ito, lalong nagsasamantala ang mga naghaharing-uri sa ating lipunan, at walang sagwil na nakakipagsabwatan sa mga banyaga na dumarating at nakikialam sa ating bansa, at lalong kahindik-hindik pa, ang pakikialam at pakikiayon ng mga relihiyon sa ating pulitika upang ito ay patuloy na makapangyari.
   Panahon naman na kaligtaan muna natin ang ating mga tribong pangkat at pati ang mga relihiyong pangkat na ito, at sumama sa pangkalahatang pangkat ng mga makabayang adhikain tungo sa maunlad na pagbabago ng ating bansa. Talikdan muna natin ang pagiging makasarili ng mga pangkat na ito. Iwasan na natin ang ‘tayu-tayo,’ kami-kami,’ ‘sila-sila,’at  ‘kanya-kanya.’ Sapagkat kapag maunlad ang ating bansa, lahat ng mga mamamayan nito, kahit saan mang rehiyon, lalawigan at kapuluan, ang lahat ay makikinabang. At ang bayanihan, kapayapaan, at kaunlaran ang siyang maghahari sa ating lahat.

Ano ang kahulugan ng Pakikisama?
        Ito ang pinagdaupang na pakikiisa at pagsama para makatulong; tanda ng pagnanais at abilidad na makiayon at tumulong sa kagalingan ng karamihan; bilang kooperasyon, isinasantabi ang pagiging makasarili at nakatuon lamang sa pagtulong sa ikakaunlad ng samahan; magkatuwang, magkasamang nagtutulungan para matupad ang mga lunggati.
Kung nais nating maibalik at angkinin muli ang tunay na diwa ng PAKIKISAMA, narito ang ilang bahagi ng mabuting pakikisama:

Ang Adhikain ng AKO, tunay na PILIPINO

1 BUSILAK
     Sa pakikisama, ipadama ang iyong tunay at likas na mabuting pag-uugali. Ito ang Busilak na damdamin na nasa kaibuturan ng iyong puso. Mangusap nang may integridad. Walang itinatago o pagkukunwaring namamagitan sa anumang karelasyon o kausap. Bigkasin lamang ang nais na ipaliwanag nang walang mga palabok. Pawang mga katotohanan lamang at pagtupad sa mga pangako ang ugnayan. Iwasan ang paggamit ng mga katagang magpapahamak sa iyo, o tsismis sa iba na makasisira ng reputasyon. Upang maging mabuti ang pagsasama, sanayin ang sarili na tumanggap nang walang mga kundisyong pinaiiral. Sa halip, maging magiliw at palangiti sa iyong mga nakakadaupang-palad. Higit na nakakatiyak ito ng magandang kapalaran, kaysa laging nagmamaktol at mailap sa iba. Wala ng magiging hadlang kung laging wagas at malaya ang iyong mga pakikipag-relasyon sa iba.
   Isang kamangha-mangha na kabutihang asal, ang pagkakaroon ng moralidad at matatag na integridad. Bihira na ngayon na masumpungan ito, sapagkat narito ang pamantayan kung gaano kabusilak ang iyong puso; dahil ipinapahayag nito ang pagkakakilanlan ng iyong tunay na pagkatao o personalidad ng pakikisama.
Patotohanan na hindi mo kailangan ang pahintulot ng sinuman na maging busilak ang iyong kalooban.

2 BAYANIHAN
     Sa anumang gawain na kailangan ang maramihang paggawa, wala ng makakahigit pa sa Bayanihan. Isa itong kaugaliang Pilipino na nakaugat na sa ating kamalayan. Nasa pakikipag-tulungan at kaisahan ng marami ang isang bagay na mahirap gawin ay matupad na madaling gawin. Ang imposibleng bagay ay maging posibleng kaganapan. Ang kanya-kanya ay magawang sama-sama at magkakaisa sa pakikisama.
   Maging mahinahon at magiliw sa pakikipag-usap, pagdamay, at pakikiisa para sa kagalingang panlahat. Kapag  hinihingi ng mga pagkakataon ay umayon, kaysa laging tumututol at umiiwas na makagawa ng kaibahan. Tumingin sa nakakabuti at makakatulong sa sinasabi ng karamihan at pahalagahan ito. Kahit na tayong lahat ay mga sinulid lamang; kapag nakapalupot at yumayakap sa isa’t-isa, isa na tayong matibay na lubid. At sa katagalan ng ating ugnayang ito, ay magiging kable na hindi magagawang bakliin o putulin ng sinumang nagsasamantala at tatampalasan sa atin.
   Ang mga pakikisama ay kalahatang bagay maging sa trabaho o sa iyong personal na buhay. Ang antas ng iyong tagumpay, grado ng promosyon, at maging sahod ay itinatakda kung papaano ka marunong makisama sa mga taong nakakatulong sa iyo. Ang iyong kinabukasan o hinaharap ay nakapaloob sa dami ng mga taong kilala mo at positibong nakakakilala ng pakikisama mo sa kanila.
   Ang pinakamahusay na gumagawa at kaisa sa pangkat, ay yaong mga taong masisigla, matapat makisama, mga positibo at may malawak na pang-unawa, at nakahandang dumamay sa mga kasama. Mataas ang kanilang antas ng pagmamalasakit at pagkunsidera sa pangangailangan ng iba. Ang buong puso nila ay nakalaan sa mabuting pakikisama at matapat na paglilingkod.
Doon sa nakapagda-dagdag  o mapaglingkod ay ating pinakikisamahan, at doon naman sa nakapagbabawas o mararamot ay ating nililisan at pinaka-iiwasan.

3 BATINGAW
     Anumang umaalingawngaw at naliming may pakinabang, luminya dito para may maintindihan. Ang Batingaw nito ay sumisigid at nagpapaalab ng iyong damdamin. Narito ang pagkakataon na magkaroon ka ng masidhing hangarin. Dahil nasa mga inpormasyong makabuluhan ang karagdagan ng iyong kaalaman. Sa mundo ng inpormasyon at makabagong teknolohiya, ang kaalaman ay hari, at ang mga taong patuloy na pinagyayaman ang kanilang mga katangian at kakayahan – ay siyang matatagumpay sa buhay.
   Magbasa, masaliksik, alamin ang mga makabuluhang inpormasyon hinggil sa kaunlarang pansarili nang sa gayon ay magamit ito sa kaunlaran ng karamihan at pangangailangan ng pamayanan. Narito ang susi upang tayo ay magtagumpay. Kung hindi ka gising at walang kabatiran sa mga pangyayari at mga kaganapan sa iyong kapaligiran, wala kang maipagkakaloob na anuman.
    Kung parating makasarili at walang pakikialam ang iyong gagampanan, walang makikisama sa iyo. Pakaiwasan ito kung nais na may pagbabagong maganap sa ating bansa, unahin munang baguhin ang iyong sarili. Ang tagumpay mo ay nakabatay kung anong uri ng pakikisama ang iyong ipinaiiral na relasyon.

Ang unang katanungan kung saan ang pari at ang Levite na tinanong: 
"Kung ako ba ay hihinto upang matulungan ang taong ito, ano ang mangyayari sa akin?
Subalit ang mabuting Samaritano ay ibinaligtad ang katanungan: 
"Kung ako ba'y hindi hihinto upang matulungan ang taong ito, ano ang mangyayari sa kanya?"

4 BALANGAY
     Sa kawalan ng sapat na mapag-kakakitaan sa ating bayan, marami sa atin ang napilitang mangibang bansa. Ang Balangay o ang taguri nitong diaspora, ay ang paglikas ng maraming pangkat ng mga tao mula sa dating pamayanan para humanap ng bagong paninirahan at paunlarin ang kanilang mga buhay. Nangyayari lamang ito kapag nakakaranas ng mga kahirapan, kaguluhan at kawalan ng pag-asa. Ito ang nangyayari ngayon sa ating lipunan - walang katiyakan ang hanapbuhay at mailap ang tagumpay.
   Karamihan sa atin, kahit na mapalayo ay iniiwan ang mga mahal sa buhay at nakikipagsapalaran sa ibang bansa. May mga napapariwara at may mga nagbubuwis pa ng buhay dahil lamang sa pagnanais na mabago ang kanilang mga kalagayan. Sila ang mga makabagong bayani ng ating bansa. Ang kanilang mga pagpapakasakit at mga karunungang tinatamo ay malaking ambag sa kabuhayan ng ating bansa.
   Hindi lahat ay nagtatagumpay, marami din ang mga nabibigo at umuuwing nakabaon pa sa mga utang. Bagama't ang iba ay nagtagumpay, nabigo naman sila sa pagkakaroon ng matiwasay na pamilya. Marami ang napariwara sa mga anak at nahiwalay sa asawa. Ang kanilang pakikipagsapalaran ay mistulang sugal, na may isang panalo laban sa maraming talo. Hindi gawang-biro ang magpaalipin sa ibang bansa, lalo na sa Gitnang Silangan. Dahil kawangis mo ay bilanggo na may sentensiya kung kailan ka makakalaya. Halos lahat ng uri ng pakikisama ay gagawin mo, mapanatili lamang ang normal na kalagayan para dito.
   Gawing regular na maipadama ang iyong pagpapahalaga ng pagpapasalamat sa anuman at bawa’t  bagay na positibo o naitulong nila sa ating bansa. Pakisamahan natin sila; dahil sa kanilang mga naitutulong, nakatayo pa rin ang ating bansa.
Upang makarating sa pantalan, kailangan natin ang pumalaot - ang maglayag, hindi ang itali ang angkla at maghintay - ang maglayag, hindi ang magpalutang at umasa.

 5 BAYAN iJUAN
     Si Juan na binansagang "Juan Tamad" ay nagbago na. Hindi na siya ang dating palaasa, pabigat at laging naghihintay na tila utusan. Sa bawat bayan natin sa buong kapuluan ay marami ng mga Juan na gising. Sila ngayon ang "Juan Mulat." Mayroong tungkulin nang ginagampanan; ang buhayin at paunlarin ang ating industriya ng Turismo. Pati na ang pagtangkilik sa ating mga produkto at gawang Pilian ay isinusulong.
   "Sunggaban at palaganapin ang anumang bagay na makatutulong sa ating turismo," ang kanilang mantra. Mayroong siyam (9) na milyong Pilipino ang nakakalat sa maraming bansa. Kung bawa’t isa lamang sa atin ay kikilos bilang ambasador o kinatawan sa pagbibigay ng promosyon tungkol sa natatanging kagandahan ng ating mga kapuluan at sa magiliw na pagtanggap ng ating mga kababayan, napakalaking tulong ito sa ating pag-unlad. Higit na makakatulong ito kaysa pintasan ang sarili nating mga kababayan at maging ang ating bansa. Kung nais natin nang mabilisang pagbabago, TAYO MISMO mula sa ating mga sarili ang kailangang magsimula nito.
   Tangkilikin ang mga gawang Pilipino at sariling atin. Nagpapasulong ito sa ating kaunlaran at nagpapanatili ng malaking pagtitiwala sa ating mga kakayahan na lumikha pa ng maraming produkto. Walang iba na higit na magmamalasakit sa ating sariling kapakanan, kundi ang ating mga sariling kababayan lamang. Nasa pakikisama lamang ang lahat para ang kaunlaran ay matupad. Hindi ito makikita kahit na kaninong mga banyaga, na ang pangunahing layunin sa ating bansa ay kumita at paunlarin din ang kanilang mga sariling bansa. Nakapanlululmo na makita ang ilan nating kababayan; na sa halip na ang ating bansa ang pinauunlad ay sa banyagang bansa nagsusumiksik at nakikipagtulungan. Kung makikisama din lamang, unahing makisama sa sariling kababayan.
 Maging mapagsaliksik at tumuklas ng mga bagong pulo sa ating kapuluan, buksan ang mga mata, ilakad ang mga paa, tanawin ang likas nitong mga kagandahan, samyuin ang mga naggagandahang mga bulaklak, at lasapin ang linamnam ng ating mga lutuing Pilipino.

 Hangga't may hininga pa, bago mahuli ang lahat.

6 BANTAYOG
   Huwag nating kalimutan ang ating mga kasaysayan at mga bayaning nagbuwis ng kanilang mga buhay para sa ating kalayaan. Lumikha tayo ng mga Bantayog na magpapakilala sa kanila, sapagkat ang bansang lumilimot sa kanyang pinanggalingan na kasaysayan ay walang patutunguhan. Sa mahapdi at mapait nitong kasaysayan, kung walang makakaala-ala ay muling mauulit ito nang higit pang mahapdi kaysa dati.
   Marami tayong magagandang sining at katangi-tanging mga kultura na maipagmamalaki natin sa ibang lahi. Nananatili lamang itong nakatago at hindi naipapalaganap sa dahilang tayo mismo ang pumipintas at nagmamaliit sa ating mga kadakilaan. Bilang pagpapatunay, tayo lamang ang kauna-unahang Asyano na naghimagsik, lumaban at nagpaalis sa mga mananakop na banyaga. Mula kay Lapu-lapu, Andres Bonifacio, Rizal, Makario Sakay, Miguel Malvar, at maraming iba pa ay nakipaglaban para dito.
   Palaging tandaan na hindi lamang may karapatan tayo bilang Pilipino, mayroon ding tayong tungkulin na kailangang gampanan sa ating bansa. Hindi ang karapatan na basta na lamang lumitaw tayo sa Pilipinas, ay Pilipino na tayo, kailangang patunayan natin ito, hindi yaong sa bandang huli ng ating pagyao, ay wala tayong maiiwang bantayog para dito.
   Pakaiwasan na maliitin, punahin, o maging pintasan ang ating mga kababayan, gaano man ang kalagayan o antas nito sa buhay, kayumanggi man ang balat at hindi matangos ang ilong, probinsiyano o laki sa bundok, garalgal ang punto at nakakangilo ang pagbigkas sa Inggles, kahit na sa anumang kadahilanan, iwasan natin ito sa harapan at lalo na sa talikuran. Lumikha tayo ng imahinasyong bantayog na maipagmamalaki sa pagiging mga tunay na Pilipino, kahit sinuman ang kaharap natin, poste man ang taas nito, maging puti o itim ang kulay na balat, kahit na bughaw o luntian ang kulay ng mga mata, Pilipino pa rin ang pagpapakilala natin sa ating mga sarili, at ito ang ipagsisigawan natin saan mang panig ng mundo.
   Hindi tayo makakagawa ng mga kadakilaan hangga’t iniiwasan natin ang maliliit na bagay na makakatulong para makabuo ng malaking pagbabago sa ating mga pamayanan. Kung walang bantayog, walang pagdakila. At kung walang dakila, tama lamang na maging alila tayo ng mga banyaga.
Ang ultimong pagsusulit sa konsensiya ng isang tao ay ang kanyang kakayahang isaksripisyo ang mabuting bagay ngayon para sa susunod na henerasyon, na kung saan ang pagpapasalamat ay hindi na niya maririnig.

7 BANYUHAY
     Maging handa sa mga pagbabago at pagbabagong-anyo ng buhay. Walang kakahinatnan ang laging naghihintay sa iba na gumawa para sa iyong kapakanan. Luma at lumipas na ang palaasa at pabigat na pag-uugali. Sa tagumpay, ikaw ang higit sa lahat ang may responsibilidad para sa iyong sarili. Kung magagawa mo ito, makakatulong ka sa iba na magtagumpay din. Kung hindi mo matutulungan ang iyong sarili, walang makakatulong sa iyo.
   Nasa iyong paghubog kung anong klaseng anyo ang nais mong mangyari sa iyong buhay. Sa pakikisama, ang kailangan lamang ay atensiyon, pang-unawa, at pagpapahalaga. Huwag personalin ang mga bagay. Pakaiwasan ang iyong personalidad na nakasalang. Ang ginagawa ng iba ay hindi tungkol sa iyo, at walang intensiyon na pasakitan ka. Anumang binibigkas at ginagawa ng iba ay isa lamang dula o drama ng kanilang mga sariling reyalidad, at ng kanilang mga panag-inip. At sa kawalan ng kamalayan ay humahulagpos sa kanilang mga dila. Gawain ito ng mga usisero at mahihilig sa mga tsismis. Kung ikaw ay matibay sa mga upasala, opinyon, pagpuna, at mga ikinikilos ng iba, hindi ka magiging biktima ng walang saysay na mga kapighatiang dulot nila.
   Sa halip na makigaya at pumuna; hangaan at purihin ang mga tao sa kanilang pananamit, mga kasangkapan, palamuti, magandang personalidad, at natamong mga parangal. Nakapagbibigay ito ng malaking pagtitiwala at maluwat na pakikisama.
Ang bagong anyo ay pasimula ng pamumuhay na hindi nakabilanggo sa kakapusan at makasarili, bagkus ang dumamay at may pagmamalasakit sa sangkatauhan.

8 BALANGKAS
     Sa pagitan ng kung nasaan ka ngayon at kung saan mo nais na makarating, ay mayroong gap o espasyo. Nasa pagitan na ito kung papaano mo maisasaayos ang Balangkas para maging malinaw, madali, at nakakatiyak ang iyong gagawing biyahe. Ang mga tulay na iyong daraanan ay samutsari na nangangailangan ng bagong kabatiran at kasanayan sa paggamit ng mga tamang kataga sa iyong pananalita.    
   Kailangan ang bagong kakayahan, mga saloobin, mga abilidad, mga inspirasyon at mga pamamaraan. Kailangan mabalikan ang ipinamana na mga panitikan ng ating mga ninuno. Ang matutuhan na gamitin ang kabutihan nito sa mga bagong kaparaanan at mga pagsasanay. Hindi ang tangkilikin at pairalin ang mga banyagang pananalita na kinalakihan at kagawian ng mga banyaga. Ang buhay Pilipino ay para sa bansang Pilipinas. Ang buhay Amerikano ay para sa bansang Amerika. Hindi puwede ang isip-Amerikano ay ilapat sa mga isip-Pilipino. Nasubukan mo na bang magsa-Pilipino kapag ikaw ay nasa bansang Amerika? May nagwika, "Kung ikaw ay nasa Roma, gawin ang ginagawa ng mga Romano!" At kung ikaw ay nasa Pilipinas, gawin ang ginagawa ng mga Pilipino!" At higit na magaling ang maging tunay na Pilipino kaninuman, saanman, anupaman, at magpakailanman!
   Nasa pagbalangkas ang lahat; ang likas na kaalaman at dating kakayahan ay naluluma sa paglipas ng panahon, ngunit ang matutuhan kung papaano matuto ay permanenteng katangian na iyong magagamit sa lahat ng mga araw sa iyong buhay. Ang susi sa lahat ng ito ay pagbabasa; ang pagkilos mismo na patuloy magbasa at pag-aralan ang iyong larangan o trabaho ang nagbubukas para sa iyo ng maraming pintuan at mga pagkakataon. Sa pakikisama, maging magiting na magtanong at ipahayag ang tunay mong niloloob. Malinaw na makipag-ugnayan sa iba, upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan, kapusukan, at mga sigalot na nauuwi sa awayan hanggang hiwalayan. Huwag mag-akala at maghinala kaagad, balangkasin muna bago magpasiya. Kung maayos ang balangkas ng iyong sarili, madali ang transpormasyon ng iyong buhay.
    Sa pakikisama, ipahayag ang iyong pagsang-ayon, purihin ang mga tao sa anumang natamong parangal, promosyon o gantimpala, maging maliit o malaki man ito. Narito ang nakapagpapaalis ng kanilang kauhawan na makilala ang kanilang kahalagahan sa iba, ang madama na sila ay kailangan, bahagi ng solusyon at may karampatang halaga.
Tayong lahat ay konektado sa bawa't isa at sa lahat ng bagay na nasa sansinukob. Kaya nga, bawa't bagay na ginawa ng isang tao ay nakakaapekto sa kabubuan. Sa Balangkas ng mga kaisipan, kamalayan, kabatiran, katotohanan, kaligayahan, kapayapaan, at kaluwalhatian; ang mga kataga, mga imahe, mga dasal, mga pagpapala, at mga kabutihang nagawa ay nalalaman, nakikita, at napapakinggang lahat ng Nakapangyayari.

9 BUNGISNGIS
     May nagwika na ang katatawanan ay panglunas ng karamdaman. Sa halip na maging seryoso at nag-aaksaya ng panahon sa mga kabiguan, idaan na lamang ito sa Bungisngis at patuloy na katatawanan. Upang kahit papaano, ay maibsan ang kalungkutang nadarama. Kaysa patuloy ang paninimdim, maiiwasan pa na maging depresyon ito; kung lalakipan ng pagbasa at libangan ng mga katatawanan.
   Makikihalo sa mga palatawang mga tao na libangan na ang magpatawa. Makisama sa kanila nang tumawa sa tuwina. Umiwas at lumayo sa mga negatibo, mga paladaing, at palapintasin na mga tao; trabaho ng mga ito ang magparami ng mga katulad nila. Nakahiligan na at paborito nila ang miserableng pamumuhay. Kung may kakayahan kang tumakbo, kumaripas ka at kailanman ay huwag lilingon sa kanila.
    Kung may pumipintas sa akin, idinadaan ko na lamang ito sa patawa, sa pagsasabing, “Ay salamat at napansin mo rin ako, pinahahalagahan ko ang iyong pagod na magmungkahi sa akin, hayaan mo at pag-iisipan ko itong mabuti. Sa paraang ito, hindi ako hayagan na sumasang-ayon, nagpapakita ako ng pagbabago, at walang reaksiyon gaya ng kanyang inaasahan sa akin.
   Sa bungisngisan, ito ang pantukod na nagsisilbing pambalanse sa mga tutuntungang bato para makaiwas sa rumaragasang tubig na ipinupukol sa iyo ng iba. Pinapalitan nito ang mahapding sitwasyon sa sandaling tumawa tayo. Ang hagikgik nito ay mabisang kalunasan sa namumuong galit na hindi mapigilan.
   Iwasan lamang ang mga patawang nakakasakit at nagpapagalit, lalo na kung sa pamimintas sa iba ang puntirya at idinaan sa biro na mitsa para mapagtawanan. Ang patawa ay mabisa kung nakakaaliw at nalilimutan ang mga pasakit, subalit nakapanggagalaiti kung hapdi at personalan na.
   Ang abilidad na mailipat o madala sa pagtawa ang masaklap na sitwasyon ay isang katangian na hindi matatawaran. Kinalulugdan ito sa pakikisama na kailangan na mayroong kapasidad na magpatawa at makitawa ang bawa’t isa sa atin.
   Sa araw na ito, maging masigla at tumawa ng tatlong ulit mula sa iyong puso. Ang pusong masaya sa katatawa ay siyang pinakamalakas na panlaban sa mga karamdaman, depresyon, at samutsaring mga bagabag.
Ang taong hindi palatawa, walang hilig na tumawa, at ayaw magpatawa, ay mistulang isda na inalis sa tubig at kusa nang naghihintay ng kanyang katapusan.


10 BALANGA
   Isang paraan ng pakikisama ang tungkol sa sikmura. Kung nais mong kagiliwan ng kasama, kailangan may kabatiran ka sa pagkain. Dahil lahat ng bagay ay itatabi at ihihinto, kapag kumalam ang sikmura. Kapag busog ang isang tao, ay masaya ito. Mapagkain o mapa-isipan ito, ang kabusugan ng sikmura at kalawakan ng kabatiran ay nagbubunga ng mga kaligayahan. At yaon lamang may mga kauhawan at kagutuman naman, ang nagbubunga ng mga kapighatian. Para sa atin na bahagi at nakahiligan na ang pagkain ng tatlong beses sa maghapon, hindi pa kasama dito ang mga minindal o meryenda, ang pagkain ay mahalagang pakikisama sa buhay.
   Sa aking karanasan bilang ahente ng mga produkto sa aking negosyo, bahagi ng aking pakikisama ang pag-anyaya sa mga parukyano ko ang magsalo sa isang pananghalian o hapunan. Ang pagkain ang mabilis na daan sa pakikipag-kaibigan. Wala pa akong nakitang pagdiriwang na walang handaan at pinagsaluhan. Sapagkat ito ang pinakatulay na nagsisilbing palabok para umigting ang pakikisama sa isa't-isa.
   Maging sa pag-ibig at mga ligawan, ang pagkain ang pinakamabilis na makakuha ng simpatiya sa puso ng nililigawan. “O, pagkain, kapag ikaw ay pumasok sa isipan; ang matamis kong oo ay papawalan.” “Ang daan sa puso ng isang lalaki ay nasa kanyang tiyan.” At sa pakikisama, nasa lutong-pagkain ang pagsasaluhan upang pagsasama ay tuluyan na walang hanggan.
   Bilang pagpapakilala, ito po ang simbolo o sagisag ng aming lungsod. Ang balanga ay isang lutuan na gawa sa pinla at nililok ng kamay. Lutuan ito para sa mga lutuing ulam na may sabaw; tulad ng sinigang, pinangat, at paksiw. Hindi ito katulad ng palayok, na ginagamit naman para sa sinaing.
Hindi ako kumakain para mabuhay, o . . . Nabubuhay ako para kumain. Subalit ang totoo, ako ay kumakain para sa aking kalusugan, hindi sa kagutuman. Hindi ko na hihintayin pa ang magkasakit, para magpagamot. Ngayon pa lamang ay mapili na ako, ang pagkain ko ay mabisang gamot na para sa akin.

11 BULWAGAN
     Isang katotohanan na bahagi ng tagumpay ang magaling at eksperto ka sa iyong trabaho. Hindi mahalaga na mahusay ka lamang sa anumang ginagawa mo, kailangan ding makilala ka sa kahusayang ito. Sapagkat bahagi na ng mga tao ang kilalanin at kilatisin ka kung ano ang magagawa mo para sa kanila, at ito ay tungkol sa anong uri ang iyong pakikisama. Hindi ang kung ano ang kanilang nakikita, bagkus kung ano ang kanilang iniisip sa nakikita na pakikisama mo ang nagtatakda kung papaano sila mag-isip at kumilos para dito. Kung maayos kang makisama, maayos ka ding pakikisamahan. May nagwika, "Ang daigdig ay isang tanghalan, at ikaw ay isang aktor na gumaganap ng sarili mong drama." Nasa pagtatanghal ng iyong sarili maipapakita mo ang iyong pagkatao, hindi nang iniisip mo. Bawa’t galaw at ikinikilos mo ay mistulang bulwagan na nakatanghal sa paningin ng iba.
   Masipag ka man at hindi masikhay, dadaigin ka ng maagap. Sa trabaho, kung higit na marunong makisama at nakikilala ang iyong katabi kaysa iyo, ito ang magagantimpalaan. Ang bulwagan ay ang iyong kakayahan na maipakita kung anong mga katangian at kakayahan mayroon ka upang magka-interes sa iyo ang ibang tao. Narito ang iyong brand o sagisag bilang halaga mo, kung magkano ang nararapat mong tanggapin o sahod na ibabayad sa iyo. Mabanggit lamang ang iyong pangalan, ay may imahinasyon na itong bulwagan na replika mo kung sino ka at anong malugod na pakikisama ang mayroon sa iyo.
   Ang iyong buhay ay lipos ng pagtatanghal, laging may nakatingin at tumititig sa iyo. Inaalam kung anong dula, drama, at pakikisama na iyong magagawa. Tumingin, kumilos, at manamit na may halaga ka. Ito ang iyong pagtatanghal sa iyong imahinasyong ‘bulwagan.’ Huwag ipagwalang-bahala ito; ang unang impresyon sa iyo ay napakahalaga. Dahil ang mga pakikisamang matatamo mo sa iyong pakikipag-relasyon ay kasunod nito.
   Sa iyong pagtatanghal, laging gumawa sa abot ng iyong makakaya. Gawin ang nalalaman mong pinakamahusay at magaling. Ang kainaman ng iyong ginagawa ay pabago-bago at tumatama lamang sa hinihingi ng pagkakataon, Malaki ang pagkakaiba kung masigla o matamlay ka, malusog o may karamdaman ka, subalit kung nakakintal sa iyong isipan ang kahusayan ng paggawa, ito ang bulwagan mong hindi malilimutan ng iba. Maiiwasan mo pa ang hatulan ang iyong sarili, abusuhin at sisihin ito kung naging pabaya ka sa iyong mga gawain.
   Magpatuloy na gumawa ng mga kaparaanan sa iba na mapataas ang mga paggalang at pagtitiwala sa kanilang mga sarili upang makaramdam sila ng pansariling kabutihan at kahalagahan. Ang mga tao na laging may panalo ay yaong nagagawang maramdaman sa iba na ang mga ito ay may natatagong kagalingan na kailangan sa pakikisama ng samahan.
Mataas na tumindig, magiting na magmalaki. Patotohanan na ikaw ay pambihira at magnipiko. Hindi mo kailangan ang pahintulot ng iba para itanghal ang sarili mong bulwagan.

12 BATHALA
     Gawing patnubay ang Dakilang Ispirito, dahil narito ang katotohanan. Walang sinuman sa atin ang makakagawa ng perpektong buhay, at ang lahat ay may hangganan. Subalit iba na ang may perpektong kasangga sa bawa’t kapasiyahan, dahil kailanman ay hindi ka maliligaw. Wala tayong sapat na kapangyarihan na malaman at maunawaan ang lahat ng kaganapan. Higit sa anupaman, kailangan natin ang Makapangyarihan sa Lahat, na magpatuloy sa pagpapala – na lumiwanag at itama ang ating kamalayan.
   Walang saysay ang pagkukunwari, o ang pagiging huwad at mapag-balatkayong pakikisama. Kung sa pakikisama mo ay nagsisinungaling ka, lalo lamang ipagkakanulo ka ng iyong mga salita. Sapagkat kailangan mong patotohanan ang iyong mga pangungusap.  Kung totoo ang iyong sinasabi, wala ka ng dahilan pa na magpaliwanag.
   Karamihan sa atin ay ayaw pangunahan ang kanilang mga buhay – tinatanggap na lamang kung ano ang kanilang kapalaran. Gayong kung nakasandig at may Bathala na Siyang gabay sa lahat ng bagay, laging nasa tama at matuwid na daan ang iyong mapupuntahan.
   Magtanim ng mga binhi ng pananalig sa iyong pakikisama, na kung saan ang iba ay naghahasik ng mga pag-aalinlangan. Tandaan lamang na anumang potensiyal na mayroon ka ay regalo ng Diyos sa iyo. At anumang ginagawa mo sa iyong potensiyal na ito, ang siya namang regalo mo sa Diyos.
 Bawa't isa sa atin ay bahagi ng isang Ispirito at sa lahat ng may buhay, at kasabay nito bawa't isa bilang mga tao ay may malayang kaisipan. Mayroong Ama, Anak, at Banal na Ispirito na lumulukob mula sa isa at para sa lahat.

   Sa buong buhay ko, ako ay naniniwala na ang bawa’t isa sa atin ay matututuhan na makisama, sapagkat narito ang tunay na makapagpapalaya sa atin; ang makiisa sa makabuluhang samahan sa lahat nitong mga lunggati at dakilang adhikain, at ito ay para magtagumpay tayong lahat sa buhay. Ang kailangan lamang at siyang pangunahing sangkap ng Pakikisama; ay paniwalaan ang ating mga kasamahan at pagkakaisa ng lahat. At mayroong matapat na pagnanasang makatulong para sa ikakaunlad at kagalingang panlahat. Narito ang susi sa tagumpay ng sarili, ng ating mga pamayanan, at ng ating mahal na Pilipinas. 

Sa Pakikisama, Para sa pagkakaisa at pagsasama-sama!

Mabuhay tayong lahat! 



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan