Matapos ang maghapon, ang mga katanungang itatanong natin sa ating mga sarili ang siyang magpapasiya kung SINO tayo at kung ANO ang magaganap sa atin.
1- Maligaya
siya kung saan ang katotohanan ay kanyang nababatid, hindi nang makukulay na
talumpati o hungkag na salita, bagkus sa kanyang kamulatan.
At nakahihigit pa ang isinasakatuparan ang mga ito.
2- Ang ating mga opinyon o mungkahi at ang ating mga nadarama
ay laging ipinagkakanulo tayo sapagkat hindi nila nakikita ang kanilang mga
sarili. Paanas at paimpit ang kanilang mga taghoy na nagiging katotohanan sa
mga ginagawa.
3- Anong silbi nito para sa atin na alamin at pagtalunan ang
mga walang katuturan at mga bagay na lihim kung hindi naman tayo masisisi kung
wala tayong nalalaman sa araw ng paghuhukom.
4- Isang kahangalan ang pansinin at usisain ang mga masalimoot
at mapanakit na mga bagay habang pinapabayaang tuklasin ang mga pangangailangan
at nakapagdudulot ng kasaganaan. Tayo, na may mga mata, ay hindi nakakakita.
Tayo, na may mga tainga, ay hindi makarinig. Tayo, na may bibig, ay hindi
makapagsalita. Patuloy na natutulog o nagtutulog-tulugan sa mga kaganapan. Mananatili
na lang ba tayong sakbibi ng siphayo at pighati?
5- Bakit tayo nahuhumaling sa mga palabas at libangan na
walang kapupulutang kabutihan at kaunlaran, bagkus nagagawang manhid pa ang
ating mga pagkatao at walang pakikialam. Nauuwi sa pagkakawatak-watak at walang
direksiyon na patutunguhan.
6- Siya na kung saan ang salita na walang hanggan ay
nangungusap; ay nakaligtas mula sa maraming opinyon. Mula sa Salita dumating ang lahat, at ang lahat ng
bagay ay nangungusap ng Salita.
Walang tao kung walang Salita ang
makauunawa o tamang humatol kaninuman
7- Siya para sa kanya ang lahat ng bagay ay isa, at nagagawang mapag-isa ang lahat ng bagay, at nakikita ang lahat
ng bagay ay isa, ay magiging matatag
ang puso at tinatamasa ang kapayapaan sa Diyos.
8- Aking Panginoon ng katotohanan
gawin mo akong kaisa sa Iyo sa walang
hanggang pag-ibig.
9- Lagi akong napapagod na mapanood, madinig at mabasa ang
maraming bagay na walang kabuluhan. Tanging sa Iyo, O aking Diyos, ang akin
lamang na kailangan at lahat ng aking pinakamimithi.
10- Hayaan ang lahat ng tagapagturo ay tumigil at manahimik, at
lahat ng nilalang ay tumahimik. Hayaang lahat ay manatiling katahimikan upang
marinig ko ang Diyos na kinakausap ako.
11- Hangga’t ibayong nakikipag-isa ang tao sa Diyos, ibayo din
siyang makauunawa, sapagkat ang liwanag ng pagkakaunawaan ay nanggagaling sa
kalangitan.
12- Ang wagas, dalisay, at mapagkumbabang diwa ay hindi
nagagambala ng mga bagay sapagkat ginagawa niya ang lahat ng mga bagay sa
kaluwalhatian ng Diyos, at nagpupunyaging palayain ang sarili mula sa mga
pag-uusisa, at walang kabuluhang taltalan.
13- Anumang humahadlang at bumabagabag sa iyo ay higit pa sa
iyong sariling kapalaluan.
14- Ang isang mabuti at masugid na tao ay unang ipinapasiya sa
kanyang sarili ang mga bagay na kanyang planong gawin. Ang mga planong ito ay
hindi maghahatid sa kanya sa makamundong pagnanasa at bisyong makamkam,
nasusupil niya ang mga ito sa pamamagitan ng makatwirang kaisipan.
15- Sino ba ang may matinding pakikihamok kaysa doon sa
gumagamit ng lakas upang talunin ang kanyang sarili? Ito ang kailangan nating
gawain. Ang talunin ang ating mga sarili sa araw-araw, palakasin at pagyamanin
ang ating mga diwa.
16- Ang kasakdalan sa daigdig na ito’y may mga bahid ng
kapintasan nito, at ang ating maningning na kabatiran ay mayroong mga aninong
nagkakanlong dito. Sapagkat higit na magniningning ang liwanag kung ito’y
nakatanglaw sa karimlan.
17- Ang
mapagkumbabang kabatiran sa iyong sarili ay katanggap-tanggap sa Diyos kaysa sa
paghabol at pagtuklas sa makamundong kaalaman.
18- Ang pagkakatuto o karaniwang kabatiran sa mga bagay ay hindi kailangang iwasan. Ito ay mabubuti
at katanggap-tangap sa Diyos; subalit ang may malinis na konsensiya at marangal
na buhay ay kailangang higit na pagtutuunan at makamtan.
19- Sapagkat karamihan ay pinili ang magpakarunong kaysa
matiwasay na buhay, patuloy silang napapahamak at ipinagkakanulo gaano man ang
ibinubunga o saysay ng mga ito.
20- Kung ang mga tao ay lubos na magsisikhay kumilos; sa
pagbunot sa ugat ng mga masasamang bisyo at katiwalian, at magtanim ng mga
kagandahang asal at pawang kabutihan, katulad ng paghahanda ng mga katanungan,
walang mangingibabaw na kabuktutan sa daigidig.
21-Sa araw ng kahatulan; nakatitiyak hindi tayo tatanungin kung
ano ang natutuhan natin, bagkus kung ano ang ating mga nagawa, hindi ang ating
mga binigkas na pangungusap, bagkus kung papano tayo nagpakumbaba sa naging
buhay. Ano ang ginawa mo sa iyong hiram na katawan at sa pangalang ipinagkaloob
sa iyo?
22- Sagutin mo ako, nasaan ngayon ang mga dakilang tao na iyong
kilala, nakita o nadinig habang nagsasalita noong sila ay nabubuhay? Ngayon,
ang iba ay tinatamasa ang katulad na posisyon. Sila naman ang pinupuri at
pinapalakpakan, at sa aking palagay, sa kalasingan ng tagumpay hindi man lamang
nila naiisip ang mga naunang tao. Gayong ang lahat sa mundong ito’y matuling
lumilipas, kumukupas at tuluyang naglalaho. Sa panahon ng kanilang buhay,
kilala at tanyag sila. Ngunit ngayon walang nakakakilala o nagsasalita tungkol
sa kanila.
23- Kung ang kanilang mga buhay ay nagampanan katulad ng
natapos na mga karunungan, patuloy silang magiging maligaya hanggang sa
kanilang paglisan.
24- Marami ang mga napapahamak sa mundong ito dahilan sa
kahangalang makasarili; magpakatalino, magpakayaman, at manatili sa
kapangyarihan upang malubos ang kasiyahan at makalimutan ang maglingkod sa
kapwa. Wala silang kabatiran na nasa paglilingkod lamang masusumpungan ang
hinahanap na kaligayahan. Walang pagsasaalang-alang na ito’y kaluwalhatian sa
Diyos. Sapagkat mas gugustuhin pa nilang maging sikat at kinahuhumalingan kaysa
maging mababa at makapaglingkod.
25- Siya na tunay at wagas na dakila ay mapagkumbaba at
mahinahon, hindi naghahanap, nanghihingi, at nagtatampisaw sa mga parangal,
papuri, at hungkag na palakpakan. Tunay at dakila dahil may kawanggawa at
pagmamalasakit. Tanging may kawili-wiling kabatiran na ang lahat ng makamundong
pagnanasa ay mistulang mabahong pusali na kinakailangang linisin at pagandahin
upang maging katanggap-tanggap sa Diyos. At siya na tunay na nakakaalam ang nagsasagawa sa
kagustuhan ng Diyos at tinatalikdan ang sariling kagustuhan.
Ang katotohanan lamang ang makapagpapalaya sa atin.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan