Tuloy po kayo.

Tuloy po kayo. Isa pong karangalan ang makabahagi kayo sa pagiging tunay na Pilipino. Sa inyo pong pagtunghay ay pinalalakas ang aking hangarin na magpatuloy na makapagdulot ng kawatasan at inspirasyon sa ating mga kababayan na kagaya ninyo sa buong mundo. Mabuhay po ang ating lahi, wika, at mahal nating PILIPINAS!

Saturday, July 30, 2011

Hindi Mo Mapagbibigyan ang Lahat

Alamin Kung Sino ang Tunay at Nakabalatkayo

   Lahat ay may hangarin, kahit ang buhay na walang saysay at walang hinahangad ay isa ring hangarin. At sa dami ng mga taong nakakahalubilo mo, bawa’t isa ay nais makuha ang anumang ninanasa nila. Kung hindi ka gising sa mga malalambing at sumusuyong pamamansin sa iyong mga kakayahan, mabubulid ka sa iniuumang na bitag nila. Mabulaklak ang kanilang mga kataga upang mahumaling ka at sumunod sa kanilang mga ipinag-uutos. 

   Wika nga ni Ingkong Kiko Baltazar, “Kung ang isalubong sa iyong pagdating, ay masayang mukha’t , may pakitang giliw, lalong pakaingata’t , kaaway na lihim siyang isaisip na kakabakahin.”

   Maging handa sa tuwina nang hindi ikaw malagay sa sakuna. Anumang pagwawalang bahala ay may kaakibat na pagdurusa.

   Kung ang nais mo’y tiyak na paraan upang dumanas ng kapighatian at laging nabibigo sa buhay, hangarin mong pagbigyan ang lahat sa kanilang mga kahilingan. At sa kalauna’y huwag magdamdam kung ikaw ay lubusang abusuhin, sapagkat hindi ito magaganap kung wala kang pahintulot. Gaano man ang gawin mong pagpupumilit na ibigay ang lahat ng makakaya mo, wala pa rin itong halaga sa kanilang mga walang pagkasawang kasiyahan.  Laging maganda lamang ang lahat sa una, at sa katagalan ay lumilitaw ang totoong pakay, kapag wala ng mahihita sa iyo. Kung ganitong uri ng mga tao ang nasa iyong paligid, iwasan at takbuhan sila nang walang lingon. Kung hindi makaiwas, iwanan ang pitaka sa bahay o itago itong mahigpit.

   Iilan lamang ang may busilak na puso at nauunawaan ang iyong mga pagsusumikap. Ito ang mga tunay at wagas na taong kailangan mo. Sila ang laging nag-uukol ng mahahalagang sandali at nagbubunyi para sa iyo.

   Sinuman ay hindi mo magagawang pasayahin hangga’t ang iyong sarili ay nananatili sa pagdurusa. Hindi mo maibibigay ang wala sa iyo. Kung ikaw ay laging masaya, nagiging masigla ka sa iyong mga ginagawa at ang tagumpay ay abot kamay na lamang.

   Dalawa lamang palagi ang nasasangkot sa bawat relasyon; isa ang umaabuso at ang isa naman ang nagpapaabuso. Walang maaapi kung walang nagpapaapi. Tatlong uri ng tao ang patuloy na napapahamak kapag laging nais pagbigyan ang lahat; yaong tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Huwag makiisa sa kanila at maging gising sa tuwina.

   Ikaw lamang ang nararapat na masunod sa iyong sarili at hindi ang iba na nagsasamantala sa iyong pagiging mapagbigay. Alalahaning ang kabutihan ay katulad ng isang binhi na itinatanim. Ikaw ang pumipili sa taniman. Mayroong batuhan, buhanginan, matubig, at saganang lupa. Mayroong hindi makakabuhay, may makakausyami, makalulunod, at patuloy na bumubuhay. Kung nais mong maging mabunga ang iyong layunin pagpasiyahan ang makabuluhan kaysa walang saysay.

Walang Pagkasawa

   Kinakatakutan ang isang batis na nasa liblib ng kagubatan sa bundok ng Mariveles. Nababakuran ito ng matutuwid na poste sa magkabilang panig, at hindi mapapansin kaagad kung napapadaan dito. Ayon sa mga taga Bataan, mayroong isang matandang engkantado dito na naninirahan at lumilitaw lamang sa mga taong may katapangan na humarap sa kanya. Mahaba ang buhok pati na ang balabas nito at nakagagawa ng maraming kababalaghan. Kapag tinatamaan ng sikat ng araw ang napakagandang damit nito’y nagsasalimbayan ang iba’t-ibang kulay na nagmumula sa mga diyamanteng palamuti nito. May hawak itong makintab na tungkod na may kapangyarihan. At kapag nais magpakita ay mistula itong usok na biglang sumusulpot at mabilis ding nawawala.

   Isang taga Lungsod ng Balanga ang nagpasiyang puntahan ito at harapin. Nais niyang patunayan sa mga kakilala na matapang siya at kung may katotohanan ang kumakalat na balita tungkol dito. Isang tag-araw, ay sinimulan niya ang paglalakbay, at makalipas ang ilang araw ay sinapit niya ang nakatagong batis sa pinakaliblib ng kagubatan. Tulad ng balita, napapalibutan ito ng mga matutuwid na poste.

   Nilakad niyang paikot ang batis, naroong kumanta, sumayaw, hatawin at gawing tambol ang mga posteng nakahilera sa batis, at magtampisaw sa tubig upang kumuha ng atensiyon sa makakarinig ng kanyang ingay. Ilang oras din ang nakalipas nang mapansin niya ang maliwanag na usok sa halamanan. Bagama’t sinagilahan siya ng takot at panginginig ng mga tuhod ay pinalakas niya ang kanyang tinig, “Sino ka man, ay magpakita sa akin! Hindi ako natatakot sa iyo!”

   Unti-unting nagkahubog ang maputing usok, hanggang lumantad ang matandang engkantado. At mahinahon itong nagtanong, “Bakit ka narito, may kailangan ka ba sa akin?”

   “Oo, nais kong pagkalooban mo ako ng kayamanan mo!” Ang mariing tugon ng lalaki na hinahabol ang paghinga sa matinding pananabik.

   Sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang tungkod ay pinalo ng engkantado ang tatlong bato sa kanyang paanan. Bigla itong umusok at nang mapawi ay naging mga ginto ito. Napadilat at sumigid ang matinding paghahangad sa lalaki. Ilang saglit ding hindi siya nakahuma at nagsimulang mag-isip sa nagaganap na magandang kapalaran.

   “Kunin mo at humayo ka na. Nais kong mapag-isa sa katahimikan ng pook na ito.” Ang banayad na pakiusap ng engkantado.

   “Hindi, may  . . . kailangan pa . . .ako!” Ang mapusok at nagkakandautal sa pananabik na pag-uutos ng lalaki. 

   Muli, ikinumpas ang tungkod at hinataw ng matandang engkantado ang pito pang mga bato. Tulad ng nauna, naging mga ginto rin ito.

   “Hayan pa ang iba, para sa iyong lahat ito. Iwanan mo na ang pook na ito sa kanyang pananahimik.” Ang may pag-suyong pakiusap ng engkantado.

   “Hindi, mayroon pa ako higit na mahalagang kailangan sa iyo!” Ang mariing pag-uutos ng lalaki sa matanda na halos mistulang siya na ang may karapatan at may-ari ng buong kagubatan.

   “Kailangan ko ang kapangyarihan na nasa iyo!” Ang mabalasik na muling pag-uutos ng walang pagkasawang lalaki.

   Bumalatay ang matinding kalungkutan sa matanda at nag-aalalang nakiusap muli ito sa lalaki, “Humayo ka na, sapat na ang mga gintong iyan sa iyong buong buhay. Lisanin mo na ang pook na ito at hayaan sa kanyang pananahimik.”

   “Balewala ang mga gintong iyan sa akin, ang nais ko’y higit pa riyan!” Ang mataginting na bulyaw ng lalaki sa matanda.

   “Ano pa ba ang talagang nais mong mapasaiyo?” Ang may pag-aalinlangan na tanong ng matanda.

   At marahas na sumagot na may paniniyak ang lalaki, “Nais kong mapasaakin ang tungkod na hawak mo!

   Biglang sumagitsit ang makapal na usok sa kinatatayuan ng lalaki, na sinalimbayan ng iba’t-ibang kulay na mga nakakabulag na liwanag. At nang humupa ito ay naging isang matuwid at malaking poste ang lalaki, na animo’y tungkod na nakabakod sa batis. Tulad ng kanyang mataos na kahilingan, hindi lamang napasakanya ang tungkod, at sa kanyang walang pagkasawang paghahangad, napuspos itong mabuti at naging kawangis siya ng tungkod.
   Hinaplos ng matandang engkantado ang bagong poste na nakadikit sa iba pang mga nakahilerang mga poste, at malungkot na umusal, “Ilan pa kayang tulad mo ang mangangahas at hindi magawang pahalagahan ang anumang biyayang nakamtan? Marami pa rin ang hindi masiyahan at walang pagkasawa.”

-------
Marami sa atin ang tulad nito, walang pagkasawa sa anumang mayroon sa kanila. Higit pa roon sa mga nasa katungkulan, hangga't may nakukuhang mga salapi at kapakinabangan ay hindi humihinto sa pagsasamantala, kahit na ang ninanakaw nila ay nakaukol sa mga kinakapos at nagdarahop sa lipunan. 

   Gayong sa huling sandali ng kanilang mga buhay, kahit na isang hibla ng sinulid ay wala silang madadalang anupaman. Bagay na sobra sa iyo, ay kinuha at inagaw mo lamang mula sa bibig ng iba. Panahon na, upang gisingin natin ang ating mga sarili na walang kahihinatnan ang maging palalo at nabubuhay sa karangyaan. Umaagaw lamang ito ng ibayong pansin upang ikaw ay maging biktima ng karahasang ikaw din ang may sanhi.

   Aba'y mag-isip tayong mabuti sa mga nangyayaring kaganapan sa ating kapaligiran. Hindi na gawang biro ang mga nagdudumilat na mga katotohanang nagaganap. Gumising!

Friday, July 29, 2011

Laging Pag-iimbot ang Dahilan

Apat na Piso

Laging Nakasalang ang Iyong Pagkatao sa Lahat ng Sandali

   Maraming taon na ang nakalilipas, sa may panulukan ng Manalaotao St. at M.H. del Pilar St. sa Barangay Kupang, sa Lungsod ng Balanga ay sumakay si Pastor Berning sa tricycle ni Perting. Papasyalan niya si Fidel, ang kanyang kaibigan sa Barangay San Jose. Nang umagang ito, habang siya ay pababa na ng tricycle, napansin niyang sobra ng apat na piso ang naging sukli sa kanya.

    Nagkataon na hindi niya nadala ang kanyang pitaka, at mabilis niyang naisip na tamang pamasahe ito mamayang pag-uwi niya. Mabilis na nagsalimbayan ang nag-uutos na mga tinig sa kanyang tainga, ang una ay: Mabuti pang ibalik mo ang sukli, hindi makatarungan sa isang mahirap na naghahanapbuhay ang pag-imbutan mo ang kanyang kita.” Ang sumalit naman na tinig ay:Tanga ka ba? Apat na piso lamang iyan, tama lamang na kunin mo upang magsilbing aral sa kanyang pagiging pabaya sa pagsusukli. Isa pa, kung ibabalik mo iyan, wala kang magiging pamasahe mamaya sa iyong pag-uwi. Ikaw rin, mapipilitan kang maglakad, tag-init pa naman ngayon at pagpapawisan ka. Tanggapin mo na iyan, bilang kaloob ng Diyos, tumahimik ka na lamang at ibulsa mo na.”
 
   Nang makalabas na si Pastor Berning sa tricycle, may humaplit sa kanyang puso at nanaig ang kanyang pagmamalasakit kay Perting, mabilis nitong iniabot ang lumabis na sukli, “Perting, sumobra ang sukli mo sa akin, heto ang apat na piso kunin mo.” 

   Nakangiting tumugon si Perting,Hindi ba kayo ngayon ang Pastor dito sa Kupang? Kasi naisip ko na matagal na ring hindi ako nakakapagsimba, nais kong pumasyal sa Linggo sa inyong simbahan. Para lamang ako makatiyak, kung kayo nga ang Pastor na nararapat para sa akin at ng aking pamilya, ay nagpasobra ako ng apat na piso. Paumanhin na lamang po sa aking kapangahasan.”

   “Wala kang dapat na ipagpaumanhin, ako pa nga ang dapat na magpasalamat sa iyo at muli kong napatunayan ang aking pagkatao.”  Ang nagagalak na bigkas ng butihing Pastor.


   Nang makaalis na ang tricycle ni Perting, ay malalim na napabuntong-hininga ang Pastor at mabilis na humawak ng mahigpit sa katabing punongkahoy, “Maraming salamat po Diyos ko, at pinagpala ninyo akong muli. Kamuntik ko nang maipagbili ang inyong Anak sa halagang apat na piso."

------
Maraming mga pagkakataon sa ating buhay ang dumaraan sa mga pagsubok na tulad nito. Sa mga kaibigan, sa trabaho, sa iyong pinaglilingkuran, sa mga pagtitipon, at madalas sa mga bagong kakilala. May kanya-kanyang mga kaparaanan ang mga ito, kung papaano ka makakapasa sa kanilang mga pagsubok at mga paghamon sa iyong kakayahan at pagkatao. Anumang ipinapakita mo ay siya rin mong matatanggap.
   Kung wala kang pagpapahalaga at pagtitiwalang namamayani sa iyong puso para sa iyong sarili, mahuhuli ka sa nakaumang nilang mga patibong.
   Laging isaisip ang magiging katumbas na kapahamakan mula sa maliit na paghahangad. Alalahaning sa 99 na porsiyentong kabutihan na iyong nagawa, lahat ng ito’y mawawalang saysay mula sa 1 porsiyento lamang na kasakiman. Walang ibubungang kainaman ang gawaing mapag-imbot ng hindi sa iyo.

   Manatiling gising sa tuwina, narito ang iyong ikakatagumpay sa buhay.

Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, July 27, 2011

Kalapati

Karamutan

Gumising Ka


Maging Gising sa Bawa’t Saglit
   Upang makamit ang mahahalagang kaganapan sa buhay, ang pagsisikhay ay kailangang panatilihin. Huwag aksayahin ang bawa’t sandali, hindi na muli pa itong mapapalitan.

   Ipalagay natin na ang iyong sarili ay nasa loob ng kotse at nakatigil sa EDSA, sa Makati dahil sa nakabalahong trapiko. Dalawang oras ka nang naghihintay na umusad ito. Subalit tulad ng araw-araw na pagdaan mo dito wala pa ring pagbabago. Lalong nagsisikip at napakahabang daloy ng trapiko ang mistulang nakapako na sa daan. Panahon pa naman ng tag-ulan, talagang nanadya ang mga pagawaing publiko, at isinabay pa ang mga konstruksiyon sa mga gilid ng daan para lalong magkabuhol-buhol ang trapiko.

   Sa ganitong kalagayan, papano mo gagamitin ang mahahalagang sandali na mistulang salapi na lumilipad palabas sa bintana ng kotse? Kung sampung piso bawat saglit ang halaga mo, kusa itong natatapon sa paglipas ng maraming sandali. Nasa iyong mapanuring pagpapasiya kung mangagalaiti ka, maghihimutok ka, makikipag-away ka, maninisi ka, o manghihinayang ka sa nasasayang na panahon. Maaari naman kung maparaan ka o madiskarte, ito ang tamang panahon upang mag-isip ng mga bagay na nais mo pang magawa. Tulad ng pagpaplano, magsulat ng mga mahahalagang bagay na gagawin pa, tawagan at kamustahin ang pupuntahang tao at pag-usapan ang mangyayari kapag nagkita na, tiyakin ang lahat ay nasa ayos, kung may pasahero, mag-usap ng makabuluhang bagay, at maraming iba pa na kapakinabangan kaysa nakatulala at iniinis ang sarili.

   Iwasan ang mabagot at busugin ang sarili ng mga kung anu-anong bagabag at mga pangitain. Nakapanghihina ito at pinasasakit pa ang iyong ulo. Higit na mabuti ang pagtuunan ng pansin ang mga bagay na nakapagpapasaya, ang maalaala ang maliligayang sandali, mga katatawanan, at mga usapang nakapagdudulot ng katiwasayan. Hangga’t nananatili kang gising, bawa’t karanasan ay nagiging isang leksiyon sa buhay. 

   Halimbawa nasa barberya o nasa parlor ka; madalas mapapansin mo na makuwento at mausisa ang iyong barbero o mangungulot. Bahagi ito ng kanyang pakialamerong ritwal upang mapalagay ang ginugupitan at manatiling suki ito. Sa buong araw niyang paggugupit at sa maraming mga tao na nakadaldalan, marami ding paksa ang kanyang natatanggap at kailangan niyang mailipat o sa madaling sabi, ang maikalat. Tsismis ito. Ngunit sa puntong ito, dito mo masusubukan ang iyong pagdadala sa iyong pagkatao. 

   Maaaring makiayon ka, magpatianod at pabayaan ang kanyang mga reklamo (laging mayroon) sa asawa, kapitbahay, kapighatian, at mga  katiwalian sa pamahalaan. Nasa iyo kung nais mong umugoy, sayawan, o sulsulan siya, at maaari ding paalalahanan ito, at magbigay ng ilang halimbawa ng mabuting patutunguhan. Ang huwag lamang na gagawin ay ang kontrahin o makipagtalo sa kanya, sapagkat malalagay ka sa panganib, alalahaning may hawak siyang  labaha at gunting.

   Isa itong pagkakataon na hinahamon ka kung papaano mo magagawang mahalaga ang iyong sandali, sa isang pakikipag-usap na makapagbibigay ng pag-asa, o makapagpapahina ng pag-asa, makapagpapaligaya o makapagpapasama ng loob. Bawa’t kapasiyahan mo ay nagpapakita kung anong uri ng mundong nais mong galawan. Dito nakapaloob kung sino at anong klaseng pagkatao ang nais mong maging papel sa mundo.

   Anuman ang iyong ginagawa sa mga sandaling ito ---nanonood ng palabas sa telebisyon, nakikipag-usap sa isang kasunduan, ginagawa ang proyekto,  nakikipagkuwentuhan sa isang kaibigan, o nagbabasa ng blog na ito --- bigyan ito ng masusing atensiyon. Pagpasiyahan na ang hangad mo ay ang makayang mag-isip, ang maging gising sa iyong kaganapan na nais mong mangyari para sa iyong sarili, sa buong maghapon.
Dahil dito nakasalalay ang iyong magiging buhay, kung ito’y magiging karaniwan, pawang kapighatian, nakatanghod sa ibang nakakariwasa, masagana, matiwasay, at higit pa --- ang maging maligaya sa tuwina.

   Ikaw lamang ang makagagawa nito para sa iyong sarili. Ano pa ang hinihintay mo?

   Simulan na at ang lahat ay magiging madali lamang.

 Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, July 26, 2011

SONA 2012

 

Pangatlong Paghahayag sa Kalagayan ng Bansa 2012
             ni Benigno Simeon C. Aquino, III
             Pangulo ng Pilipinas
       sa Bulwagang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas

Ipinahayag sa Bulwagan ng Mababang Kapulungan
ng mga Kinatawan
Batasan Pambansa Complex
Lungsod ng Quezon, Kalakhang Maynila
Ika-23 ng Hulyo, 2012

Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat.

Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dati na Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong mga boss, magandang hapon po sa inyong lahat.

Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.

Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi ninyo, “Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan.” Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.
Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito. 

Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon, “Kung hindi tayo, sino pa?” at “Kung hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.

Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.

Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.

Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang labingsiyam na train sets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang masaklap pa po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.

Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi ang pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para lang kumita mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.

Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin nating punuan: Ang 66,800 na backlog sa classrooms, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos; ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga naman ng 2.31 billion pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.

Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan, inaabangan namin ang pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang mga bangungot na humaharap sa amin. Inasahan naming mangangailangan ng ‘di bababa sa dalawang taon bago magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo ng sapat na pag-unawa ng taumbayan?

Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating lahi, at makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang hindi makakaya ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago; nakamit natin ang pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito.
Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.

Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo: nakaabang na ang relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng relief. Nag-aabang na ring umalalay ang rescue services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo lang din ang sumasaklolo sa isa’t isa. Karaniwan na  po ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis, ambulansya, o bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin po ito. Ang gobyernong dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino. 

Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal ang gastusing hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa mundong open for business under new management na ang Pilipinas.

Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng sigla. Nang nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng iba, tsamba. Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? Sa Philippine Stock Exchange index, nang una nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga nagduda. Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic managers, nahirapan yata sa pagbilang, at ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu’t apat na pala tayo, at bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. Nito pong first quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo niyan sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian region; pangalawa po ito sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. Kung dati po, tayo ang laging nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang. Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na ang dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong po namin, ang sabi ay, “Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero una naman kami sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isa pong malaking bangko sa Inglatera, kamakailan nakipag-usap sa atin, ang sinabi, maisali sana sila sa ating kinukunsulta sa usapang pinansyal.

Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga komentarista. Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote: “Keep an eye on the Philippines.” Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100, nagsabing maaari daw tayong maging, and I quote, “Asia’s Next Tiger.” Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and Global Macro ng Morgan Stanley, I quote: “The Philippines is no longer a joke.” At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. Sana nga po, ang kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na tagapagbalita. 

Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran sa mas nakakarami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na kabahayang benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Tinarget [target] natin itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng dalawang taon. Pebrero pa lang po ng taong ito, naiparehistro na ang ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. Sa susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8 milyong bahay; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan natin.

Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga inang regular nang nagpapa-check-up. Idagdag pa natin, 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea, polio, tigdas, at iba pa. Four point fifty-seven million na estudyanteng hindi na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan. 

Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu’t dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth. Ang masaklap, hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga totoong nangangailangan ng kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa politiko. Ngayon po, 85 percent ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito. Ang ibig pong sabihin, 23.31 million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth mula nang bigyan tayo ng mandato. 

Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na pinakamahirap na kabahayang tinukoy ng National Household Targeting System, buong-buo at walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. Dahil po sa No Balance Billing policy ng Department of Health, ang lunas para sa dengue, pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan. 

Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka sa alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card. Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilabas ni isang kusing.

Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin, apat sa sampung Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional sa tanang buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat sampung Pilipino ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health professional. Anuman ang ating pagbatayan, hindi po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong hindi naaabot ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po natin ito. Mula sa sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang mga nurse at midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community Health Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan ng mga doktor at nurse sa komunidad.

At kung dati tutungo lamang ang mga nurse kung saan makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung saan sila kailangan, doon sila ipinapadala: sa mga lugar na matagal nang naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga health professional sa 1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at sa 609 na pinakamahihirap na lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng National Anti-Poverty Commission

Dalawang problema po ang natutugunan nito: bukod sa nagkakatrabaho at nabibigyan ng work experience ang libu-libong nurse at midwife na dati ay walang mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging abot-kamay din ang dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.

Subalit hindi pa po tayo makukuntento rito, dahil ang hangad natin: kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi sa loob mismo ng kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at checkup ang kailangan upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang pagsisikap nating iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.

Halimbawa: Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue noong nakaraang taon. Alam naman po ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa pagsisiyasat. Maaga pa para sabihing siguradong-sigurado na tayo, pero nakakaengganyo po ang mga paunang resulta nitong programang ito.

Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar kung saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap noong 2011: mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent raw po ang reduction po ito. Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010, naging apat na lang noong 2011. 

Panimulang pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa lang, marapat na yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at Secretary Mario Montejo ng DOST, Wala ho tayong masyadong umento, baka sa palakpak n’yo’y  ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.

Marami pa po tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa ring maternal mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga hakbang upang tugunan ang pangangailangan  sa kalusugan ng kababaihan. Nais din nating makamit ang Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na kagamitan, pasilidad, at tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.

Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang maiaambag ng Sin Tax Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling panahon. Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa paaralan? Sa lilim ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa rin kaya sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?

Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro: Bago matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa silid-aralan. Ulitin ko po, next year pa po ‘yan; 40,000 pa lang ho this year. Ang minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin nating matutugunan bago matapos ang 2012. Sa taon din pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang maabot na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. Sana nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po Responsible Parenthood ang sagot dito. 

At para naman po hindi mapag-iwanan ang ating mga State Universities and Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61 percent na pag-angat sa kanilang budget para sa susunod na taon. Paalala lang po: lahat ng ginagawa natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na ito. Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at ng kaukulang state universities and colleges, upang siguruhing dekalidad ang magiging produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang grado ninyo sa assignment na ito, asahan ninyong dodoblehin din namin ang kayod para matugunan ang mga natitirang pangangailangan po ninyo. 

Panay addition po ang nagaganap sa ating budget sa edukasyon. Isipin po ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana sa atin noong 2010, 177 billion pesos. Ang panukala natin para sa 2013: 292.7 billion pesos. Noong 2010, 21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang dinagdagan upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para sa 2013. Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang magcut-classes para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas malaki sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa ring binawasan natin ang budget ng edukasyon o magsasabi pa ring binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math class para sa inyo. At sana po, sa mga klaseng ‘to, pakiusap namin, sana itong klaseng remedial na nga eh pasukan naman po ninyo.

Nang maupo tayo, at masimulan ang makabuluhang reporma, minaliit ng ilan ang pagpapakitang-gilas ng pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon lang itong mauupos rin paglaon. May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa paghahasik ng negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good news, at ginawang industriya na ang kritisismo.

Kung may problema kayo na bago matapos ang taon, bawat bata ay may sarili nang upuan at aklat, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong makapag-aral ka.”
Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2 million na pinakamahihirap na kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok sa ospital nang hindi iniintindi ang gastos sa pagpapagamot, tingnan ninyo sila ulit, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong gumaling ka.”

Kung nagagalit kayo na may tatlong milyong pamilyang Pilipino nang tumutungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap dahil sa Pantawid Pamilya, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ibabalik ko kayo sa kawalan ng pag-asa.” 

Tapos na ang panahon kung kailan choice lang ng makapangyarihan ang mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa TESDA, nagpamudmod ng mga scholarship voucher; ang problema, wala palang nakalaang pondo para rito. Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala: 2.4 billion pesos ang sinisingil ng mahigit isanlibong eskwelahan mula sa pamahalaan. Nagpapapogi ang isang tao’t isang administrasyon; sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad ngayon.

Pumasok si Secretary Joel Villanueva; hindi siya nagpasindak sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang ahensya. Sa kabila ng malaking utang na minana ng TESDA, 434,676 na indibidwal  pa rin ang kanilang hinasa sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program. Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng TESDA Specialista Technopreneurship Program (mas mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta). Biruin po ninyo, bawat isa sa 5,240 na sertipikadong Specialistas, kumikita na ngayon ng 562 pesos kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki pa po ito sa minimum wage

Mula sa pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana na ang sistema para sa mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho ang pagsigla ng ating ekonomiya.

Alalahanin po natin, para tumabla lang, kailangang makalikha taun-taon ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new entrants.  Ang nalikha po natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1 million na bagong trabaho. 

Ito po ang dahilan kung bakit pababa nang pababa ang unemployment rate sa bansa. Nang dumating tayo, eight percent ang unemployment rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011, at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong taon, sa buwan rin ng Abril. ‘Di po ba makatwirang mangarap na balang araw, bawat Pilipinong handang magbanat ng buto, may mapapasukang trabaho?

Tingnan na lamang po natin ang BPO sector. Noong taong 2000, limanlibo katao lang ang naempleyo sa industriyang ito. Fast forward po tayo: 638,000 katao na ang nabibigyang trabaho ng mga BPO, at labing-isang bilyong dolyar ang ipinasok nito sa ating ekonomiya noong taong 2011. Ang projection nga po, pagdating ng 2016, kung saan ako po ay magpapaalam na sa inyo, 25 billion dollars na ang maipapasok nito, at makakapag-empleyo ng 1.3 million na mga Pilipino. Hindi pa po kasama rito ang tinatayang aabot sa 3.2 million na mga taxi driver, barista, mga sari-sari store, karinderya, at marami pang ibang makikinabang sa mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO industry.

Malaking bahagi din po ng ating job-generation strategy ang pagpapatayo ng sapat na imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa Boracay, nakita na naman ninyo ang bagong-binyag nating terminal sa Caticlan. Nakalatag na rin po ang plano upang palawakin ang runway nito.

Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid. Bago matapos ang aking termino, nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, New Legaspi Airport sa Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. Ia-upgrade na rin po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto Princesa, at Tacloban. Dagdag pa po diyan ang pagpapaganda ng mga airports sa Butuan, Cotabato, Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente sa Palawan. Kami po sa Tarlac ay maghihintay na lang.
Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo sa problema ng NAIA 3. Hindi lang po eroplano ang nag-take off at nag-landing dito: maging mga problema’t anomalya, lumapag din. Nagbitiw na po ng salita si Secretary Mar Roxas: bago tayo magkita sa susunod na SONA, maisasaayos na ang mga structural defects na minana natin sa NAIA 3. 

Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso para sa LRT Line 1 Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las Piñas, Parañaque, at Cavite. Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag ang traffic sa Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang South Luzon Expressway, magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector. Matatapos po ang mga ito sa 2015. Magiging one hour and 40 minutes na lang ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga ito. Bago po tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad na terminal sa Taguig, Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus biyaheng probinsya, upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.

Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang dati’y itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan at umapaw ang Tarlac River, nalulunod ang MacArthur Highway. Tutunawin nito ang aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala. Bilang kinatawan noon ng aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng DPWH: alam namin ang problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera. Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila ay “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit wala daw kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “Sobra namang trapik, ang dami kasing ginagawa.” Paalala lang din po: naisasaayos na natin ang mga kalsadang ito nang hindi nagtataas ng buwis. 

Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa kickback o kursonada, pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na bara-bara ang paglalagak natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na ito mapapako sa plano, totoong kalsada na ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa puwesto, 7,239 kilometers sa ating national road network ang hindi pa naisasaayos. One thousand five hundred sixty-nine kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng pamamahala ni Secretary Babes Singson; sa 2012—2,275 kilometers pa ang maidadagdag na natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang mapanganib, tinutukoy at inaayos na gamit ang pinakabagong teknolohiya. Taun-taon po nating bubunuin ito, upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating national road network, maayos na po. Siyempre ‘wag lang po n’yo dagdagan ang national road network.

Hindi lang kalsada, kundi pati sistema, isinasaayos sa DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at procurement, 10.6 billion pesos na ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011 hanggang nitong Hunyo. Maging mga kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga po nila, “Ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”

Sana po hindi maantala ang pagpapatayo natin ng iba pang imprastraktura para hindi rin mapurnada ang paglago ng ibang industriya.

Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura ang paglago ng turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa ating bansa, 1.8 million. Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa 3.1 million. Mantakin po ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang naidagdag nilang tourist arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa kaming kalahating taon diyan. Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012—2.1 million na turista na ang napalapag. Mas marami pang dadagsa sa peak season bago matapos ang taon, kaya hindi ako nagdududang maaabot natin ang quota na 4.6 million na turista para sa 2012. Ibig sabihin po, 1.5 million na turista ang ating maidadagdag. Samakatuwid, sa dalawang taon, mas malaki ang magiging paglago ng ating tourist arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa loob ng siyam at kalahating taon. Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi lang po tayo ng totoo. 

Pero hindi nakuntento rito si Secretary Mon Jimenez. Sabi niya, kung sa Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista noong 2011, at kung sa Thailand naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng magagandang tanawin sa ating bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan kung mangarap tayong pagdating ng 2016, sampung milyong turista na ang bibisita sa Pilipinas kada taon. Kung patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya ng ipinamalas nating hirangin ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa New Seven Wonders of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag nga po natin sa daigdig: “It’s more fun in the Philippines.” Kahit wala pang isang taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin ang positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma. Masasabi nga po nating pagdating sa turismo, “It’s really fun—to have Secretary Mon Jimenez as our Secretary.”
 
Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang agrikultura. Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang makapaghatid ng mabubuting balita. Binisita  po niya ang lahat ng probinsya hindi para mangampanya sa sarili pero para ikampanya ang programa ng Department of Agriculture. Dati, para bang ang pinapalago ng mga namumuno sa DA ay ang utang ng NFA. Twelve billion pesos ang minana nilang utang; ang ipinamana naman nila sa atin, 177 billion pesos.

Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na 1.3 million metric tons ang kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, ‘di bababa sa two million metric tons ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited rice sila kung maka-order ng bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman ito sa mga bodega. Ang 1.3 million metric tons, unang taon pa lang, napababa na natin sa 860,000 metric tons. Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa ang buffer sakaling abutin tayo ng bagyo. Huwag lang po tayong pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong mag-export ng bigas. 

Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang susi dito, makatotohanang programa sa irigasyon, at masigasig na implementasyon ng certified seeds program. Ang masakit po, hindi bagong kaalaman ito; hindi lang ipinapatupad. Kung dati pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan na kaya tayo ngayon?

Tingnan rin po natin ang industriya ng niyog at ang cocowater na dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng magsasaka. Noong 2009—483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat po ito ng 1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong magugulat, noong 2011, 16,756,498 liters —puwede ho bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater ang in-export ng Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon may shortage na dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang pagkakataong ito. Bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng bunot para makuha ang mga hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod na taon, lalo nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog. Naglaan na tayo ng 1.75 billion pesos upang mamuhunan at palaguin ito. 

Sinimulan po ng aking ina ang Comprehensive Agrarian Reform Program. Nararapat lamang na matapos ang programang ito sa panahon ng aking panunungkulan. 

Isinasaayos na po ang sistema upang mapabilis ang pagpapatupad ng repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang maipamahagi sa ating magsasaka ang mga lupaing diniligan at pinagyaman ng kanilang pawis. Subalit mayroon pa rin pong ayaw paawat sa pagtatanim ng mga balakid. Ang tugon ko sa kanila: susunod tayo sa batas. Ang atas ng batas, ang atas ng taumbayan, at ang atas ko: Bago ako bumaba sa puwesto, naipamigay na dapat ang lahat ng lupaing sakop ng CARP. 

Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa sektor ng enerhiya. Mantakin po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng kuryente sa barangay hall, “energized” na raw ang buong barangay. Kaya ganoon na lang kung ipagmalaki nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa bansa ang may kuryente. Pati ba naman sa serbisyong dapat ay matagal nang napapakinabangan ng Pilipino, nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para subukan ang kakayahan ng DOE at NEA, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos para pailawan ang unang target na 1,300 sitios, sa presyong isang milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang napailawan sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng 814 million pesos. Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong buwan, at mas marami pa pong gagawin dito hangga’t matapos ang 36,000 sitiong walang kuryente. Kay Secretary Rene Almendras, bilib talaga ako sa iyo; parang hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka lang eveready, nagmistulang energizer bunny ka pa—you keep on going, and going, and going

Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating bayan—liwanag na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng lipunan. Ang pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na magagantso. Patuloy po ang pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong krimen na naitala noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958 na lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa rito, ang dating dalawanlibo’t dalawandaang kaso ng carnapping noong 2010, lampas kalahati rin ang ibinaba; 966 na lang po iyan pagdating ng 2011.

Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi po natin sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po, wala dapat magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang labas-masok sa kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang taon, nasentensyahan at naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na rin natin ng kaso at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa bus bombing sa Makati noong nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung isa, humihimas na ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal na droga na inaresto ng PDEA nitong 2011. 

Alam po nating hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po pinalalakas natin ang puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating tayo, apatnapu’t limang porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at umaasa sa anting-anting habang tumutugis ng masasamang-loob? May nanalo na po sa bidding, tinitiyak na lamang nating dekalidad ang kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, at itong taon po nating inaasahan ito, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na magagamit nila upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili. 

Dumako naman po tayo sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga nagsabi na po na ang ating Air Force, “all air, at no force.” Imbes na alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin ang ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.

Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong buwan, nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso para sa AFP Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na labinlimang taon. Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na ‘yan. Kapag naipasa na ang panukala nating AFP modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo ng pitumpu’t limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.

Kasado na rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob ng Estados Unidos para sa Defense Capability Upgrade and Sustainment of Equipment Program ng AFP. Bukod pa po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang pagmanman sa ating mga baybayin sa ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.

Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang Lakas ng mga kagamitan tulad ng mga kanyon, armored personnel carrier, at frigates. Hindi magtatagal, dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton class cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating ipapalaot; ngayon, mga hi-tech at dekalidad na barko na ang tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.

Mainam na rin po siguro kung maglilinis-linis na ng mga hangar ang ating Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang lalong magpapatikas sa ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa nating C-130 na tatlumpu’t anim na taon nang rumoronda sa himpapawid. Dalawa pang C-130 ang magiging operational ulit sa taong ito. Bago matapos ang taong ito, inaasahan nating maide-deliver na ang binili nating dalawampu’t isang refurbished UH-1H Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga radyo’t iba pang communication equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic laboratories, kasama na ang bullet station assembly para sa arsenal. Pagdating naman po ng 2013, lalapag na ang sampung attack helicopters, dalawang naval helicopters, dalawang light lift aircraft, isang frigate, at mga force protection equipment

At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga pasanin nila sa pamumuhay dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang libong bahay ang naipatayo na sa ilalim ng AFP–PNP housing program

Hindi po ito tungkol sa pakikipaggirian o pakikipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa kakayahan nating ipagtanggol ang ating sarili—isang bagay na kaytagal nating inisip na imposible. Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong araw-araw sumasabak sa peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na makabalik siyang ligtas, ano man ang kanyang makaharap. Hayaan po nating ang ilang mga benipisyaryo ang magsabi sa pagbabago ng buhay  po nila:

[Video starts]

“Nagpapasalamat sa Poong Maykapal. Binigyan kami ng ganitong pagkakataon—binigyan ng blessing na ganito. Pangalawa, ‘yung pagkakaroon nating ng mabait na pangulo. Itong proyekto na ito ay hindi niya kami pinababayaan—mga kapulisan at mga  sundalo—sandatahan ng ating Pilipinas.” - SPO1 Domingo Medalla [PNP Housing Beneficiary]

“Kinakaya namin, Ma’am. Pero ginagawan ko talaga ng paraan na makapasok sila [sa eskuwela]. ‘Yun lang talaga, ma’am, ang misyon ko sa buhay na mapaaral sila, maibigay ko ‘yung tamang edukasyon, na hindi maging gusgusin ang anak ko, hindi kaawa-awa[an] ng mga tao, may magulang na dapat magtaguyod. At, napapasalamat ako sa Pantawid [Pamilya Program], ma’am, dahil may natutunan ako ditong malaki.” - Eva Neri [CCT beneficiary]

“Malaking tulong na isa kami—ang alam ko kauna-unahan na nakinabang at nakikinabang pa sa package na ‘to na Category Z Package ng Philhealth. Nagpapasalamat kami nang sobra at  hindi man maganda na nagkaroon  ng sakit ang anak ko, pero mayroong PhilHealth na tutulong at handang tumulong sa mga gastusin namin.” - Kristine Tatualla [PhilHealth beneficiary]

“Noong araw na nasama sa isang Oakwood Mutiny—‘yung pinaglalaban namin, ito na po ‘yung hinihintay namin para sa pagbabago at ito na po ang pagkakataon natin para magkaroon tayo ng sariling bahay lalong lao na sa programa ng ating presidente na si Benigno Aquino III.” - PFC Rolly Bernal [AFP Housing Beneficiary]

[Video ends]

At ngayon ngang inaaruga na sila ng taumbayan, lalo namang ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan ang kapayapaan. Tagumpay pong maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng sumuko at nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na ang karahasan. Halimbawa po, ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na hindi na makakapaghasik ng kaniyang lagim. Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng katahimikan sa mga lugar na matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po ng bayanihan: 365 na barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t paaralan ang naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa. 

Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman tayo sa lugar na matagal naging mukha ng mga mithiing ‘di makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang mga reporma natin sa ARMM, at alam naman po n’yo, may mga ghost students doon, na maglalakad sa isang ghost road, tungo sa isang ghost school, para magpaturo sa isang ghost teacher. Ang mga aparisyon pong gumulantang kay OIC Governor Mujiv Hataman: Apat na eskuwelahan na natagpuang may ghost students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi lumilitaw ang pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission, gayundin ang mga tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya. Limampu’t limang ghost entry ang tinanggal sa payroll. Ang dating paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga ahensya, para maiwasan ang pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list, mapapatahimik na ang kaluluwa. Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified ghost buster.

Ang pumalit po, at pinapalit na: pabahay, tulay, at learning center para sa mga Badjao sa Basilan. Mga community-based hatchery, lambat, materyales para maglinang ng seaweeds, at punlang napakinabangan ng 2,588 na mangingisda. Certified seeds, punla ng gabi, cassava, goma, at mga punong namumunga para sa 145,121 na magsasaka. Simula pa lang po iyan; nakalaan na ang 183 million pesos para sa mga municipal fishing port projects sa ARMM; 310.4 million pesos para sa mga istasyon ng bumbero; 515 million pesos para sa malinis na inuming tubig; 551.9 million pesos para sa mga kagamitang pangkalusugan; 691.9 million pesos para sa daycare centers; at 2.85 billion pesos para sa mga kalsada at tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion pesos na ipinagkaloob ng pambansang gobyerno para isakatuparan ang mga reporma sa ARMM. Lilinawin ko rin po, hindi pa kasama rito ang taunang suportang natatanggap nila, na ngayong 2012 ay umabot sa 11.7 billion pesos.
 
Maski po ang mga dating gustong tumiwalag, nakikita na ang epekto ng reporma. Kinikilala natin bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang nakaraang pitong buwan, kung kailan walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng militar at ng MILF. Sa peace process naman po, hayag at lantaran ang usapan. Nagpapamalas ang magkabilang panig ng tiwala sa isa’t isa. Maaaring minsan, magiging masalimuot ang proseso; signos lang po ito na malapit na nating makamit ang nag-iisa nating mithiin: Kapayapaan.

Mapayapang pag-uusap rin po ang prinsipyong isinulong natin upang mabuo ang ating Executive Order ukol sa pagmimina. Ang kaisipan sa likod ng nabuong consensus: mapakinabangan ang ating likas na yaman upang iangat ang buhay ng Pilipino, hindi lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod na salinlahi. Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga ng industriyang ito, kung ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan. 

Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po ninyo, noong 2010, 145 billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa pagmimina, subalit 13.4 billion pesos lamang o siyam na porsyento ang napunta sa kaban ng bayan. Ang likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag na balato lang ang mapupunta sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso upang makapagpasa ng batas na sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at matitiyak na makatarungan ang magiging pakinabang ng publiko at pribadong sektor sa mga biyayang makukuha natin mula sa industriyang ito. 

Pag-usapan po natin ang situwasyon sa Disaster Risk Reduction and Management. Dati, ang gobyernong dapat tumutulong, nanghihingi rin ng tulong. Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang bagyo, alam na kung saan idedestino ang ayuda, at may malinaw nang plano upang maiwasan ang peligro.

Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna, lagi kong naaalala ang nangyari po sa amin sa Tarlac noong minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan, bumigay ang isang dike. Nang nagising ang atin pong barangay captain, tinangay na ng baha ang kanyang pamilya at mga kagamitang pangsaka. Buti nga po’t nakaligtas ang buong mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang naiwang nakatali sa puno; nabigti ito sa lakas ng ragasa.

Walang kalaban-laban din po ang marami sa tinamaan ng bagyong Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa paghagupit ng mga delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH, isinakay natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at hindi na rin po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit ang teknolohiya, nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang makapaghanda at makaiwas sa disgrasya.

Real-time at direkta na ang pakinabang ng walumpu’t anim na automated rain gauges at dalawampu’t walong water level monitoring sensors natin sa iba’t ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang target natin: animnaraang automated rain gauges at apatnaraan at dalawampu’t dalawang water level sensors. Ipapakabit po natin ang mga ito sa labingwalong pangunahing river basins sa buong bansa.
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga ahensya’y kanya-kanyang habulan ng numero, kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang pasikatan. Ngayon, ang kultura sa gobyerno: bayanihan para sa kapakanan ng taumbayan. Convergence po ang tawag natin dito.

Dati pa naman po naglipana ang mga programa sa tree planting. Pero matapos magtanim, pababayaan na lang ang mga ito. Kapag nakita ng mga komunidad na naghahanap din ng kabuhayan, puputulin ang mga ito para gawing uling.

May solusyon na po rito. Mayroon na pong 128,558 hectares ng kagubatang naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng kabuuang 1.5 million na ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto. Nakapaloob po rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng National Convergence Initiative. Ang proseso: pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga komunidad. Kapalit ng conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno; mayroon ding mga magpapalago ng bagong punla sa nursery. Three hundred thirty-five thousand seventy-eight na po ang mga Pilipinong nakakakuha ng kabuhayan mula dito.

Sa isa nga pong programa, nakiambag din ang pribadong sektor, na nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at cacao sa komunidad, at tinuturuan silang alagaan at siguruhing mataas ang ani. Itinatanim ang kape sa lilim ng mga puno, na habang nakatayo ay masisigurong hihigop ng baha at tutulong makaiwas tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nagbigay ng binhi, sure buyer na rin ng ani. Panalo po ang mga komunidad na may dagdag kita, panalo ang pribadong sektor, panalo pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa matatayog na puno. 

Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po nang lumapag ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na milyong pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang ito; paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng LGU?

Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga komunidad na naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para sa mga pampublikong paaralan na hawak naman ng DepEd. Isipin po ninyo, ang dating pinagmumulan ng pinsala, ngayon, tulay na para sa mas mabuting kinabukasan. Dati, imposible nga ito; imposible kung nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa ilegal na gawain.

Kaya kayong mga walang konsensya; kayong mga paulit-ulit na isinusugal ang buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na ang maliligayang araw po ninyo. Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng DENR, isang PNP provincial director, at pitong chiefs of police. Pinagpapaliwanag na rin po natin ang isang Regional Director ng PNP na nagbingi-bingihan sa aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong dumaan sa kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo. Magkubli man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama na rin namin ang mga padrino ninyo. Kaya bago pa magkasalubong ang ating landas, ako po’y muling makikiusap, mas maganda sigurong tumino na kayo.

Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may pagbabago nang haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa gobyerno, tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro. Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi ipagdadamot sa kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.

Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat dito: may mga pensyonado tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano kaya niya ito pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang atin pong tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na buwanang pensyon ng ating old-age and disability pensioners. Masaya tayong matutugunan natin ang pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga pensyonado bukas.

Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na po sa pribadong sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay kayong na-promote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.

Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon, ang good news natin sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives. Dati, miski palpak ang palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa rin ang pinakamababang rating ng empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor na bigyan ng makatarungang rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga mahusay magtrabaho. Nawawalan sila ng dahilan para galingan dahil parehas lang naman ang insentibo ng mga tamad at pursigido.

Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin upang tugunan ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan ang bonus ay nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para sa taon. Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang insentibo, maaaring umabot ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa pagpapakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na Christmas bonus na matatanggap mo.

Ginagawa natin ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa at ipakita ang pagtitiwala natin sa ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para ito sa Pilipinong umaasa sa tapat at mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan, at umaasang sila at sila lamang ang itinuturing na boss ng kanilang pamahalaan.

Alam po niyo, sa simula pa lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa sinasabi nating, “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hanggang ngayon mayroon pa rin pong mangilan-ngilang nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot, “Siyempre.”

Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang “Wild West” ang pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa ang risko dahil sa di tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga gamit ang kanan, kokotongan ka naman na gamit ang kaliwa.

Ngayon, dahil patas na ang laban, at may hayag at hindi pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa sa ating ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng trabaho; patuloy ang positibong siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo, at pagdami ng mamamayang naeempleyo.
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa sistema. Dahil maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng bayan. Bawat pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada, piso para sa bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso para sa ating kinabukasan. 

Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali, itinatayo ang mga ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang takbo ng produkto, serbisyo, at mamamayan.

Dahil maayos ang pamamahala sa agrikultura, tumataas ang produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang presyo nito. Stable ang pasahod, at mas malakas ang pambansang ekonomiya.

Tunay nga po, ang matatag at malakas na ekonomiyang pinanday ng mabuting pamamahala ang pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na kinakaharap ng daigdig. Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa pag-unlad, at ngayon, tayo na lang mismo ang makakapigil sa ating sariling pag-angat.

Ginawa po natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng bawat bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang kani-kanilang problema’t pagsubok.

Hindi po tayo nag-iisa sa mundo, kaya’t habang tinutugunan natin ang sarili nating mga suliranin, angkop lamang na bantayan din ang ilang pangyayaring maaaring makaapekto sa atin.

Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng barko natin at nasabat sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang pinuno, kailangan kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa pagsulong nito, nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na umaangkin sa halos buong West Philippine Sea, at ang karapatan natin at ng marami pang ibang bansa, kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng United Nations Convention on the Laws of the Sea.

Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong Dagat, bilang tanda ng ating malinis na hangarin, ay agad nating pinalitan ng barkong sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa atin. Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa kabilang panig na galangin ang ating karapatan, gaya ng paggalang sa kanilang mga karapatan bilang kapwa bansang nasa iisang mundong kailangang pagsaluhan.

Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang ang Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa inyong bakuran at sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa kanya na, papayag ba kayo? Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang sadyang atin talaga. 

Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa isyung ito. Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong iparinig sa kabilang panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.

Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple ang solusyon. Magtiwala po kayo, kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa lahat ng pinuno ng ating bansa, pati na sa kaalyado natin—gayundin sa mga nasa kabilang panig ng usaping ito—upang makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat. 

Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito. Habang nagtatalumpati ako ngayon, may mga nagbubulung-bulungan sa isang silid at hinihimay ang aking mga sinasabi; naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas. Sasabihin nila, “Salita lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas.” Sila rin po ang magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para makausad na tayo.

Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na lang ang sampung taon na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa magsasakang nabaon sa utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede naman palang pagyamanin sa ating sariling lupa?

Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang pulis na namatay nang walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak niya habang hinahabol ang armadong masasamang-loob?

Forgive and forget na lang ba para sa mga naulila ng limampu’t pitong biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba sila ng “forgive and forget?” Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok na estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status quo? Ang tugon ko, “Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi.” Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli sa sambayanan.

Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula lamang sa tunay at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa laban sa dating pangulo. Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan ang nasaksihan natin noong ikadalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na iyon, pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na ang kabangga mo ay may mataas na katungkulan. Noong araw na iyon, may isang Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, “Posible palang iisang batas lang ang kailangang sundin ng court interpreter na tulad ko, at ng Punong Mahistrado.” Posible palang maging patas ang timbangan; maaaring isakdal at panagutin maski ang mayaman at makapangyarihan.

Kaya po sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki ang inaasahan sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po nating posible ang imposible; ang trabaho natin ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago tungo sa tunay na katarungan, matapos man ang ating termino. Marami pong sira sa sistemang kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi magiging madali ito. Alam ko po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw na mandato; ngunit ito ang atas sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling ating sinumpaan; ito ang kailangan nating gampanan.

Simple lang ang hangad natin: Kung inosente ka, buong-loob kang haharap sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang salarin, anuman ang apelyido mo, o gaano man karami ang titulong nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan din na pananagutan mo ang ginawa mong kasalanan. 

Salamat din po kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin, puwede na niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na ako, puwede bang ‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang malasakit sa bayan. Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng granada sa bahay. Ma’am, may mga darating pa pong pagsubok; baka po paglaon, magaya na kayo sa akin na tinatawag, sabay-sabay pang tinatawag, na ganid na kapitalistang o komunista din patungong diktador dahil sa masigasig na mga repormang ipinapatupad natin.

Bilib po ako sa inyong pagpapakitang-gilas at maraming salamat sa pagiging instrumento ng katarungan, lalo na noong kasagsagan ng impeachment trial. Salamat din po sa dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado at Kamara de Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat na sapat.

Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding pagsubok, batikos, at agam-agam; kasama pa ang kaba na kung natalo tayo, kayo ang unang pupuntiryahin ng kalaban. Pero ‘di kayo natinag. Umasa sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo binigo ang sambayanan; ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan. 

Paalala lang po: Hindi natatapos ang laban sa isang tiwaling opisyal na natanggal sa puwesto, sa isang maanomalyang kontratang napigil ipatupad, o sa isang opisinang naituwid ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan po tayo sa Kongreso na ipasa ang panukala nating sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act, upang mas mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.

Itong tinatamasa natin ngayon: ang bawat nailawan at iilawan pang sitio; ang bawat daan, tulay, paliparan, tren, at daungan; ang bawat kontratang walang bukol; ang kaligtasan at kapayapaan mula lungsod hanggang nayon; ang pagbalik ng piring sa sistemang pangkatarungan; ang bawat classroom, upuan, at aklat na napasakamay ng kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan ng bagong kinabukasan—ang lahat ng ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang taon.

Pagtabihin po natin ang dalawang taon na ito, at ang nakaraang siyam at kalahating taon na ating pinagdusahan. ‘Di po ba’t sumusulong na ang agenda ng pagbabago? Ang kapareho namin ng adhikain, malamang, kasama namin sa agendang ito. At kung kontra ka sa amin, siguro kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung kumukontra sila sa agenda ng pagbabago, masasabi ba niyang sila’y nasa panig ninyo?

Paparating na naman po ang halalan. Kayo po, ang aming mga boss, ang tangi naming susundan. Ang tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo tatahak? Tuloy ba ang biyahe natin sa tuwid na landas, o magmamane-obra ba tayo’t paatras, pabalik sa daan na baluktot at walang patutunguhan?”

Naalala ko pa po noong nagsimula tayo. Mulat na mulat ako sa bigat ng pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako sa mga nag-isip: Kaya pa bang ituwid ang ganito kabaluktot na sistema?

Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t limang buwan ng pagkapinuno: Walang pong imposible. Walang imposible dahil kung nakikita ng taumbayan na sila ang tanging boss ng kanilang pamahalaan, bubuhatin ka nila, gagabayan ka nila, sila mismo ang mamumuno tungo sa makabuluhang pagbabago. Hindi imposible na ang Pilipinas ang maging kauna-unahang bansa sa Timog-Silangang Asya na magbibigay at nagbibigay ng libreng bakuna laban sa rotavirus. Hindi imposible para sa Pilipinas na tumindig at sabihing, “Ang Pilipinas ay sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol ito.” Hindi imposible na ang Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may nakakasalubong na dayuhan—ang Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong mundo. Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.

Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan, magpasalamat sa mga nakikiambag sa positibong pagbabago sa lipunan. Hindi po biro ang mga pagsubok na dinaanan natin, kaya angkop lamang na pasalamatan ang mga taong nakibalikat, sa pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang pamamahala.

Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming salamat. [Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang isuko ang pribado at mas tahimik na pamumuhay para maghatid serbisyo-publiko, kahit pa batid ninyong ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo, panganib, at pambabatikos. Kaya maraming salamat muli.

Huwag din po sana nilang masamain dahil personal ko silang papangalanan: Kina Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na dumidilig at nagpapalago sa aking buhay spirituwal, lalo na sa mga panahong sukdulan ang pagsubok sa amin, maraming, maraming salamat din po. 

Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na lamang din po ang natitira. Papasok na po tayo sa kalagitnaan ng ating liderato. Noong nakaraang taon, ang hamon ko sa inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa bawat pagkakataon, iangat ang kapwa-Pilipino.

Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula ang pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.

Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong kayo ang boss at kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong ginawa ninyong posible.

Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o doktor na piniling magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling magtrabaho sa gobyerno; sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat saan mang panig ng mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo: Kayo po ang gumawa ng pagbabago. 

Sa tuwing haharap ako sa isang ina na nagsasabing, “Salamat at nabakunahan na ang aking sanggol,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.

Sa tuwing haharap ako sa isang bata na nagsasabing, “Salamat sa papel at lapis, sa pagkakataong makapag-aral,” ang tugon ko: Kasama ka sa gumawa nito.

Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na nagsasabing, “Salamat at puwede ko na muling pangaraping tumanda sa Pilipinas,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.

Sa tuwing haharap ako sa isang Pilipinong nagsasabing, “Salamat, akala ko hindi na magkakakuryente sa aming sitio. Akala ko hindi ko na aabuting buhay ang liwanag na ganito,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.

Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka, guro, piloto, inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa bawat Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing “Salamat sa pagbabago,” ang tugon ko sa inyo: Kayo ang gumawa nito. 

Inuulit ko po, posible na ang dating imposible. Humaharap po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito ng sambayanang Pilipino. Maraming, maraming salamat po at magandang hapon po sa lahat.


~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~0000~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
 


     Pangalawang Paghahayag sa Kalagayan ng Bansa 2011
             ni Benigno Simeon C. Aquino, III
             Pangulo ng Pilipinas
       sa Bulwagang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas

Ipinahayag sa Bulwagan ng Mababang Kapulungan
ng mga Kinatawan
Batasan Pambansa Complex
Ika-25 ng Hulyo, 2011

Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kasapi ng diplomatic corps; mga miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga Local Government officials; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan;  

   At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:

   Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, patuloy nating itinitigil ito. Naging hudyat at sagisag po ito ng pagbabago, hindi lamang sa kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa lipunan.  

   Sa matagal na panahon, naging simbolo ng pang-aabuso ang wang-wang. Dati, kung makapag-counterflow ang mga opisyal ng pamahalaan, para bang oras lang nila ang mahalaga. Imbes na maglingkod-bayan, para bang sila ang naging hari ng bayan. Kung makaasta ang kanilang mga padrino’t alipores, akala mo’y kung sinong maharlika kung humawi ng kalsada; walang pakialam sa mga napipilitang tumabi at napag-iiwanan. Ang mga dapat naglilingkod ang siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang. 

   Wala silang karapatang gawin ito. Ayon sa batas, tanging ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, House Speaker, Chief Justice, pulis, bumbero, at ambulansya lang ang awtorisadong gumamit ng wangwang para sa kanilang mga opisyal na lakad. Kung sa trapiko nga ay ‘di masunod ang batas, paano pa kaya sa mga bagay na mas malaki ang makukuha, tulad ng sa mga proyektong pinopondohan ng kaban ng bayan? 

   Kayo po ba gusto ninyong makulong ang lahat ng tiwali? Ako rin po. Gusto ba ninyong matanggal ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada, kundi sa kaisipang nagdulot ng baluktot na sistema na pagkatagal-tagal na nating pinagtiisan? Ako rin. Gusto po ba ninyong mabigyan ng patas na pagkakataon ang lahat na umasenso? Siyempre ako rin po.

   Narito po ang halimbawa ng resulta ng ating kampanya kontra wang-wang sa sistema. Nitong taong ito, taumbayan na mismo ang nagsabing nabawasan ang nagugutom sa kanila. Mula sa 20.5 percent na self-rated hunger noong Marso, bumaba na ito sa 15.1 percent nitong Hunyo, katumbas ng isang milyong pamilyang Pilipinong nagugutom dati, pero ngayon ay nakakakain na nang tama kada araw.

   Sa larangan po ng negosyo, sino ba ang nag-akalang pitong ulit nating malalampasan ang all-time-high ng stock market? Ang dating 4,000 index na inaakalang hindi maaabot, o kung maabot man ay pansamantala lang, ngayon, pangkaraniwan nang hinihigitan.

   Kung dati napako na ang bansa sa mababang credit ratings, itinaas ng Moody’s, Standard and Poors, Fitch, at Japan Credit Ratings Agency ang ating ranking, bilang pagkilala sa ating tamang paggugol ng pondo at sa malikhain nating pananalapi. Ang mataas na credit rating, magpapababa ng interes sa perang inuutang natin. Kumpara sa unang apat na buwan ng nakaraang taon, mas malaki po ng 23 billion pesos ang natipid nating interest payments mula Enero hanggang Abril ng 2011. Maaari na po nitong sagutin ang dalawang milyon at tatlongdaan libong benepisyaryo ng CCT hanggang sa katapusan ng 2011.

   Paalala ko lang po, sa siyam at kalahating taon bago tayo maitalaga sa puwesto, iisang beses lang tayong nakatikim ng ratings upgrade, at anim na beses pang na-downgrade ng iba’t ibang ratings agency. Sa isang taon pa lang po natin, apat na beses na tayong nabigyan ng upgrade. Alam naman po natin na hindi madaling ma-upgrade sa panahon ngayon. Itong mga ratings agency, nabatikos na mali raw ang payo bago magkakrisis sa Amerika, kaya ngayon ay mas makunat na sila sa pagbibigay ng magagandang ratings, at nakikita nga natin ito sa sunud-sunod na pag-downgrade sa ibang mga bansa. Pero tayo po, in-upgrade pa nila. Sang-ayon silang lahat: gumanda at lalo pang gaganda ang ekonomiya ng Pilipinas. Isang hakbang na lang po, aabot na raw tayo sa investment grade, at wala pong tigil ang ating economic team upang tuluyan na tayong makaarangkada.

   At may mabubuting balita pa pong parating. Dahil wala nang wang-wang sa DOE, muling nabuhay ang kumpiyansa ng mga namumuhunan sa ating energy sector. Patunay dito ang isandaan at apatnapung kumpanya na nakahandang tumaya sa eksplorasyon at pagpapalakas ng ating oil at natural gas resources. Sa huling energy contracting round noong 2006, tatlumpu’t lima lang po ang nakilahok. Nitong Biyernes lamang po, nilagdaan na ang panibagong kasunduan para sa isang bagong power plant sa Luzon grid upang pagdating ng 2014, may mas mura at mas maaasahang pagmumulan ng enerhiya ang bansa.

   May kumpiyansa, may pag-asa, at tinutupad po natin ang ating mga pangako. Naaalala ko nga po ang babaeng nakausap ko nang ako’y unang nagha-house-to house campaign para sa akin pong sarili. Ang kaniyang hinaing: “Miski sino naman ang manalo, pare-pareho lang ang kahihinatnan. Mahirap ako noong sila ay nangangampanya; mahirap ako habang nakaupo sila, at malamang mahirap pa rin ako pag nagretiro na sila.” Sa madaling salita, ang hinaing po ng marami, “Walang pakialam ang mga pinuno namin kahapon, wala silang pakialam ngayon. Bukas, wala pa rin silang pakialam.”

   Di po ba’t may katuwiran naman siya sa pagsasabi nito, dahil sa pagwawang-wang sa mga ahensya ng gobyerno? Wang-wang po ang pagbili ng helicopter sa presyong brand new, pero iyon pala ay gamit na gamit na. Wang-wang din ang milyun-milyong pabuya na tinanggap ng mga opisyal ng GOCC, tulad ng sa Philippine National Construction Corporation, gayong hindi naman sila nakapaghandog ng disenteng serbisyo, at ibinaon pa sa utang ang kanilang mga ahensya. Bago sila bumaba sa puwesto, dalawandaan, tatlumpu’t dalawang milyong piso po ang inomento ng dating pamunuan ng PNCC sa kanilang sarili. 2007 pa lang po, wala na silang prangkisa; lahat ng kikitain, dapat diretso na sa pambansang gobyerno. Hindi na nga nag-abot ng kita, sinamantala pa ang puwesto. Ang bonus nila mula 2005 hanggang 2009, dinoble pa nila sa unang anim na buwan ng 2010. Ibinaon na nga po nila sa bilyun-bilyong pisong utang ang kanilang tanggapan, nasikmura pa nilang magbigay ng midnight bonus sa sarili.

   Para po pigilan ang pagwang-wang sa kaban ng bayan, sinuyod at sinuri natin ang mga programa. Dalawang magkasunod na taon na po nating ipinatutupad ang zero-based budgeting, na magsisilbing kalasag sa walang-saysay na paggastos.

   Sa Laguna Lake po, magtatanggal nga—sabi nila—ng 12 million cubic meters sa dredging, pero pagkatapos ng tatlong taon, garantisado naman itong babalik. 18.7 billion pesos ang magiging utang natin para lang maglaro ng putik. Hindi pa bayad ang utang, nag-expire na ang pakinabang. Pinigilan po natin iyan. Ang food-for-school program na bara-bara lang ang paghahanap ng benepisyaryo, at iba pang inisyatibang pinondohan ngunit walang pinatunguhan—binura na natin sa budget upang ang pera namang nalibre, ay mailaan sa mga proyektong totoong may silbi.

   Ang budget po ang pinakamalinaw na pagsasabuhay ng ating tuwid na landas. Ang aking pahiwatig sa lahat ng gusto pang ilihis tayo rito: Kung mang-aagrabyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka. Kung sarili mo lang ang papayamanin mo, huwag ka nang magtangka. Kung hindi iyan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.

   Sana masabi na natin na tapos na ang utak wang-wang, pero nakikita po natin ang latak ng ganitong kaisipan na pilit bumubulahaw sa aliwalas ng ating biyahe sa tuwid na landas. 

   Mukhang marami rin po kasi ang nagwawang-wang sa pribadong sektor. Ayon sa BIR, mayroon tayong halos 1.7 million na self-employed at professional tax payers gaya ng mga abogado, doktor, at negosyante na nagbayad lamang, sa suma total, ng 9.8 billion pesos noong 2010. 5,783 pesos lang ang ibinayad na income tax ng bawat isa raw sa kanila, on average—ang ibig sabihin, kung totoo po ito, ang kabuuang kita nila ay umaabot lang ng 8,500 pesos kada buwan. Mababa pa sa minimum wage. Naman.

   Nakikita naman po ninyong napupunta na sa tama ang buwis ninyo, kaya wala na pong dahilan upang iwasan natin ang pagbabayad. Nananawagan po ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi kapwa natin Pilipino ang pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
 
   Pinananagot at pananagutin po natin ang wang-wang saanmang sulok ng gobyerno. Ang masakit, hanggang sa mga araw pong ito, may sumusubok pa ring makalusot. Mayroon nga pong isang distrito sa Region 4B, may proyektong gagastusan ng 300 million pesos. Kaso hanggang 50 million pesos lang ang puwedeng aprubahan ng district engineer.

   Kaya naisip nilang i-chop-chop ang proyekto para di lumampas sa 50 million pesos ang halaga, at di na umabot sa regional at central office ang kanilang mga papeles. Kani-kaniyang diskarte, kani-kaniyang kaharian ang nadatnan nating situwasyon sa DPWH. Sinubukan nilang ipagpatuloy ang nakasanayan na nila. Kadalasan, dahil sa lump-sum na pagbibigay ng pondo, wala nang tanung-tanong kung ano ang plano at detalye ng proyekto. Miski yata—sabi ng iba—bahay ng gagamba ang ipapatayo, bibigyan ng pondo, basta may padrino.

   Hindi ito pinalusot ni Secretary Babes Singson. Tinanggal na niya sa puwesto ang district engineer. Pinigilan din po ang pag-award ng proyektong ito para busisiin kung ano pang magic ang nangyari. Masusi na ring iniimbestigahan lahat ng nagkuntsabahan. Ang mga kontratistang mapatunayang nakipagsabwatan para mag-tongpats sa mga proyekto, iba-black-list natin.

   Tingnan nga po ninyo ang idinulot na perhuwisyo ng pagwawang-wang sa sistema: Tuloy ang pagdusa ng mamamayang dapat nakikinabang na sa proyekto ng bayan.

   Hindi lang po iyan sa Region 4B nadiskubre. Ngunit natigil na po ito dahil hindi na padrino kundi tamang proseso ang naghahari sa DPWH. Hindi na puwedeng walang work program; kailangang magpakita ng pinag-isipang plano para hindi magkasalungat ang pagsasagawa ng mga proyekto. Malinis at hayag na ang bidding, at pantay na ang pagkakataon sa pagpasok ng mga kontratista.

   Sa sistemang pinaiiral ngayon sa DPWH, nakatipid na tayo ng dalawa’t kalahating bilyong piso, at umaasa tayo na aabot pa sa anim hanggang pitong bilyong piso ang matitipid sa taon na ito. Ang pinakamahalaga po, nakakaasa na tayo sa mga kalsadang matino, hindi ‘yung maambunan lang ay lulundo o mabibiyak agad. Paniwala natin dati, imposibleng maitama ng DPWH ang sistema nila. Hindi lang po ito posible; sa unang taon pa lamang, ginagawa na natin ito.

    Kahit po sa mga bukirin, may mga nagwawang-wang din. Bago tayo maupo noong 2010, nag-angkat ang bansa ng 2.3 million metric tons ng bigas. 1.3 million metric tons lamang ang kailangan nating angkatin, ngunit pinasobrahan pa nila ito ng isang milyong tonelada. Dahil nga sobra-sobra ang inangkat, kinailangan pa nating gumastos muli sa mga bodegang pagtatambakan lang naman ng barko-barkong bigas.

   Ilang taon bang walang saysay na pinasobrahan ang bigas na inaangkat? Dahil dito, umiral ang pag-iisip na habambuhay na tayong aangkat ng bigas. Ang akala ng marami, wala na talaga tayong magagawa.

   Ngunit, sa loob lamang ng isang taon, pinatunayan nating mali sila. Ngayon, ang dating 1.3 million metric tons na kakulangan natin sa bigas, halos nangalahati na; 660,000 metric tons na lang po ang kailangan nating angkatin. Kahit dagdagan pa natin iyan ng panangga laban sa sakuna at gawing 860,000 metric tons—na ginagawa na nga po natin—mas mababa pa rin ito sa tinatayang taunang kakulangan na 1.3 million metric tons.

   At hindi po buwenas lang ang nangyaring pag-angat ng ating rice productivity. Bunga po ito ng matinong pamamalakad: ng paggamit ng maiinam na klase ng binhi, at masusi at epektibong paggastos para sa irigasyon. Nito nga pong nakaraang taon, labing-isang libo, anim na raan at labing-isang bagong ektarya ng bukirin ang napatubigan natin. Dagdag pa iyan sa halos dalawandaan at labindalawang libong ektarya na nakumpuni o nabigyang muli ng irigasyon matapos ang panahon ng pagkakatiwangwang. Ang resulta: umangat ng 15.6 percent ang inani nating palay noong nakaraang taon.

   Ang gusto nating mangyari: Una, hindi tayo aangkat ng hindi kailangan, para lang punan ang bulsa ng mga gustong magsariling-diskarte ng kita sa agrikultura. Ikalawa: ayaw na nating umasa sa pag-angkat; ang isasaing ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito aanihin, dito bibilhin.

   Balikan din po natin ang dinatnang kalagayan ng ating mga kawal at kapulisan. Labingtatlong libong piso po ang karaniwang suweldo ng isang PO1 sa Metro Manila. Apat na libong piso daw rito ang napupunta sa upa ng bahay. Tila tama nga po na isang-katlo ng kanilang sahod diretso na sa upa. Isang-katlo pa nito, para naman sa pagkain. At ang natitirang isang-katlo, para sa kuryente, tubig, pamasahe, pampaaral sa anak, gamot sakaling may magkasakit, at iba pa. Maganda na nga po kung tumabla ang kita niya sa gastusin. Kapag naman kinapos, malamang sa five-six po sila lalapit. At kapag nagpatung-patong ang interes ng utang nila, makatanggi kaya sila sa tuksong dumelihensya?

   Kaya ang ipinangako nating solusyon pabahay nitong Pebrero, ngayong Hulyo ay tinutupad na. Nakapag-abot na po tayo ng apat na libong Certificate of Entitlement to Lot Allocation sa magigiting nating kawal at pulis. Bahagi pa lang po ito ng target nating kabuuang dalawampu’t isang libo at walong daang bahay sa pagtatapos ng taong ito. Ang dating apat na libong ibinabayad para sa upa kada buwan, ngayon, dalawandaang piso na lang, para pa sa bahay na pagmamay-ari talaga nila. Ang dating nalalagas na halaga na pambayad sa buwanang renta, maaari nang igugol para sa ibang gastusin.

   Mayroon pa raw pong mahigit isang libong bahay na natitira, kaya po sa mga pulis at sundalo nating di pa nakakapagpasa ng kanilang mga papeles, last call na po para sa batch na ito. Pero huwag po kayong mag-alala, sa susunod na taon, lalawak pa ang ating pabahay, at hindi lang pulis at kawal sa Luzon ang makikinabang. Inihahanda na ng NHA ang lupang patatayuan sa Visayas at Mindanao, para sa susunod na taon, makapagpatayo na tayo ng mga bahay doon. Sa ating mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection, may good news pa rin po ako sa inyo: kasama na po kayo rito.  

   Kung seguridad na rin lang po ang ating pag-uusapan, di ba’t karugtong din nito ang ating pambansang dangal? Dati, hindi man lang natin makuhang pumalag tuwing may sisindak sa atin sa loob mismo ng ating bakuran. Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue.

   Tama nga po kaya ang kuwento tungkol sa isang stand-off noong araw? Tinapatan daw ang mga marino natin ng kanyon. Ang ginawa nila noong gabi, pumutol ng puno ng niyog, pininturahan ito ng itim, saka itinutok sa kalaban. Tapos na po ang panahong iyan. Parating na ang mga capability upgrade at modernization ng mga kagamitan ng ating Sandatahang Lakas. Literal na pong naglalakbay sa karagatan papunta rito ang kauna-unahan nating Hamilton Class Cutter, isang mas modernong barko na magagamit natin para mabantayan ang ating mga baybayin. Maaari pa po tayong makakuha ng mga barkong tulad nito. Idadagdag iyan sa kukunin na nating mga helicopter (plural po iyon), patrol craft, at sandata na bultong bibilhin ng AFP, PNP, kasama na ang DOJ upang makakuha ng malaking diskuwento. Lahat po ito, makakamtan sa matinong pamamahala; mabibili sa tamang presyo, nang walang kailangang ipadulas kung kani-kanino.

   Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang atin. Pinag-aaralan na rin po natin ang pag-angat ng kaso sa West Philippine Sea sa International Tribunal for the Law of the Sea, upang masigurong sa mga susunod na pagkakataon ay hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may alitan sa teritoryo.

   Alam ko pong magbubunga ang pag-aarugang ipinapamalas natin sa mga lingkod-bayan na nakatutok sa ating seguridad. Mantakin po ninyo: sa unang anim na buwan ng 2010, umabot sa isanlibo at sampung kotse at motorsiklo ang nanakaw. Ikumpara po natin iyan sa apatnaraan at animnapung kotse at motorsiklong nanakaw mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito. Ang laki po ng naibawas di po ba? Malas ko lang po siguro na ‘yung isa o dalawang kaso ng carnapping ang nai-heheadline, at hindi ang pagbawas sa mga insidente nito o ang mas mataas na porsyento ng mga nanakaw na kotse na naibalik na sa kanilang mga may-ari.

   Isa pa pong halimbawa ng pagbabagong tinatamasa natin: Mayo ng taong 2003 nang lagdaan ang Anti-Trafficking in Persons Act, pero dahil hindi sineryoso ng estado ang pagpapatupad nito, dalawampu’t siyam na indibiduwal lamang ang nahatulan sa loob ng pitong taon. Nalagpasan na po natin iyan, dahil umabot na sa tatlumpu’t isang human traffickers ang nahatulan sa ating administrasyon. Ito nga po siguro ang sinasabing “sea change” ni Secretary of State Hillary Clinton ng Amerika. Dahil dito, natanggal na tayo sa Tier 2 Watchlist ng Trafficking in Persons Report nila. Kung hindi tayo natanggal sa watchlist na ito, siguradong napurnada pa ang mga grant na maaari nating makuha mula sa Millenium Challenge Corporation at iba pa.

   Dumako po tayo sa trabaho. Dagdag-trabaho ang unang panata natin sa Pilipino. Ang 8 percent na unemployment rate noong Abril ng nakaraang taon, naibaba na sa 7.2 percent nitong Abril ng 2011. Tandaan po natin: moving target ang nasa hanay ng ating unemployed, dahil taun-taon ay may mga bagong graduate na naghahanap ng trabaho. Nito nga pong huling taon, nadagdag pa sa bilang nila ang libu-libong hawi boys, tagasabit ng banderitas, at iba pang mga Pilipinong kumuha ng pansamantalang kabuhayan mula sa eleksyon. Ang resulta po natin: Isang milyon at apatnaraang libong trabahong nalikha nitong nakaraang taon, nagtatapos po ng Abril. 

   Dati, nakapako sa pangingibang-bansa ang ambisyon ng mga Pilipino. Ngayon, may pagpipilian na siyang trabaho, at hangga’t tinatapatan niya ng sipag at determinasyon ang kanyang pangangarap, tiyak na maaabot niya ito. 

   Malaki pa po ang puwedeng madagdag sa trabahong nalilikha sa ating bansa. Ayon pa lang po sa website nating Philjobnet, may limampung libong trabahong hindi napupunan, napupunuan, kada buwan dahil hindi tugma ang kailangan ng mga kumpanya sa kakayahan at kaalaman ng mga naghahanap ng trabaho. Hindi po natin hahayaang masayang ang pagkakataong ito; ngayon pa lang, nagtatagpo na ang kaisipan ng DOLE, CHED, TESDA, at DEPED upang tugunan ang isyu ng job mismatch. Susuriin ang mga curriculum para maituon sa mga industriyang naghahanap ng empleyado, at gagabayan ang mga estudyante sa pagpili ng mga kursong hitik sa bakanteng trabaho.

   Ngunit aanhin naman po natin ang mga numerong naghuhudyat ng pag-asenso ng iilan, kung marami pa rin ang napag-iiwanan? Ang unang hakbang: tinukoy natin ang totoong nangangailangan; namuhunan tayo sa pinakamahalaga nating yaman: ang taumbayan. Sa dalawang milyong pamilyang rehistrado sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program, isang milyon at animnaraang libo na ang nakakatanggap ng benepisyo nito. Sa pagpapakitang-gilas ni Secretary Dinky Soliman, tinatayang may mahigit isandaang libong pamilya—uulitin ko po: mahigit isandaang libong pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada buwan. Kaya naman mataas ang aking kumpiyansang makukumpleto ang 1.3 million na dagdag na pamilya, mula sa kabuuang 2.3 milyong target na benepisyaryo ng CCT bago matapos ang taong ito. At sa compliance rate nito na hindi bababa sa 92 percent, milyun-milyon na rin po ang inang regular na nagpapacheck-up sa mga health center, ang mga sanggol na napabakunahan, at ang mga batang hindi hinahayaan sa labas ng paaralan.

   Simula pa lang po ito, at sa ganitong kalinaw na mga resulta, umaasa ako sa suporta ng bawat Pilipino, lalo na po ng lehislatura, sa mungkahi nating salinan pa ng pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Inaasam po natin na bago matapos ang 2012, tatlong milyong pamilya na ang mabibigyan ng puhunan para sa kanilang kinabukasan.

   Binibigyan natin ang mga maralitang pamilyang ito ng pagkakataong makaahon sa buhay, dahil ang pag-asenso nila ay pag-angat rin ng buong bansa. Sino ang tatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng mga negosyante, kung isang kahig, isang tuka naman ang mamimili? Kapag may amang kumakapit sa patalim para may kainin ang kanyang pamilya, at siya ay magnakaw o nangholdap, sino ba ang puwedeng mabiktima ng krimen kundi tayo rin? Kung ang mga kababayan natin ay walang maayos na pagkain o tahanan, mahina ang kalusugan at may malubhang karamdaman, hindi ba’t tayo rin ang nasa peligrong mahawa sa kanilang sakit?
Naglalatag po tayo ng pagbabago upang mapatibay ang pundasyon ng maaliwalas na bukas para sa lahat. Halimbawa po, sa kalusugan: di ba’t kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga benepisyaryo ng PhilHealth tuwing maghahalalan? Ngayon, sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), tiniyak natin na ang limang milyon at dalawandaang libong pamilyang Pilipino na nakikinabang sa PhilHealth ay ang talagang mga nangangailangan nito. Malawakang pag-unlad at pag-asenso ng lahat: Iyan po ang panata natin. Walang maiiwan sa tuwid na landas.


   Tumungo naman po tayo sa ARMM. Ang dating sistema: Nagbabatuhan lang ng huwad na utang ng loob ang mga baluktot na kandidato. Kapag pambansang halalan, malaya ang nakaupo sa ARMM na imane-obra ang makinarya sa kaniyang rehiyon para matiyak na bokya, o sero, ang boto ng hindi kaalyado. Kapag naman eleksyon sa ARMM at maniningil na ng utang si Mayor o Governor, ang administrasyon naman ang magpapatakbo ng makinarya para manalo ang kanilang kandidato.

   Ayon nga po sa naungkat ng COA, sa opisina ng regional governor ng ARMM, mula Enero 2008 hanggang Setyembre 2009, walumpung—uulitin ko po: walumpung porsyento ng mga disbursement ang napunta sa mga cash advance na wala namang maayos na paliwanag. Kung hindi nawala ang pondong ito, nakatapos na sana ang isang batang sa ngayon tumawid sa ghost bridge, para pumasok sa ghost school, kung saan tuturuan siya ng ghost teacher. Kaawa-awang bata: walang humpay na paghihirap, at walang pag-asa ng pag-asenso.

   Gusto nating maranasan ng ARMM ang benepisyo ng tamang pamamahala. Kaya ang atin pong minungkahing solusyon: synchronization. Dahil dito, kailangan nilang tumutok sa kani-kanilang mga kampanya; magiging mas patas ang labanan, at lalabnaw ang command votes. Salamat po sa Kongreso at naipasa na ang batas na magsasabay sa halalan ng ARMM sa halalang pambansa.

   May nagtatanong po, bakit postponement ang kailangan? Sa kagustuhang, siyampre, makabalik sa puwesto, nakahanda ang ilan na ulitin ang nakagawian para manalo. Isipin na lang po ninyo kung pumayag tayo sa kagustuhan ng mga kontra, at itinuloy natin ang eleksyon. Wala po silang ibang gagawin sa loob ng dalawang taon kundi paghandaan ang susunod na halalan at isiksik ang kalokohan nila sa mas maigsing panahon. Habang nananatili sa puwesto ang mga utak wang-wang na opisyal, naiiwan namang nakalubog sa kumunoy ng kawalang-pagasa ang taumbayan.

   Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga repormang inilatag na natin. Hindi po tayo nagbubukambibig lang; may kongkretong resulta ang ating mga paninindigan. Kapag sinabi nating tuwid na daan, may katapat itong kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta. Maria, Laguna. ‘Pag sinabi nating malinis na pamamahala, may dadaloy na malinis na tubig sa mga liblib na lugar gaya ng nasa Barangay Poblacion, sa Ferrol, Romblon. Kapag sinabi nating liwanag ng pagbabago, titiyakin nating may liwanag na tatanglaw sa mga pamayanang dati ay nangangapa sa aandap-andap na gasera, gaya ng ginawa natin sa Barangay San Marcos, sa Bunawan, Agusan del Sur. Ganito na ang nangyayari sa marami pang ibang lugar; pinipilit nating ito rin ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.

   Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno; nag-uugnayan at nagtutulungan sila upang maabot at mapabilis ang mga solusyon sa mga problemang kaytagal nang pinapasan ng bayan.

   Di po ba’t may problema tayo sa baha, na alam naman nating dulot ng walang humpay at ilegal na pagputol ng mga puno? Ang dating solusyon: photo-op ng pagtatanim na ang tanging benepisyaryo ay nagpapoging pulitiko. Nagtanim nga ng puno kontra-baha, pero hindi naman siniguro na mananatiling nakatayo ang mga ito pag-alis nila.

   Isa sa mga solusyong hinahanda na po at pinag-aaralan ay ang gawing kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang pagbabantay ng puno. Bibigyan sila ng binhi ng kape at cacao para itanim at mamunga ng kabuhayan. Habang hinihintay ang ani, makakakuha sila ng stipend upang bantayan naman ang mga punong itinanim laban sa baha. Puwedeng maging benepisyaryo ng programang ito ang mga informal settlers, na ngayon ay nagkukumpulan sa siyudad. Mamumuhunan tayo sa taumbayan, habang namumuhunan din sa kalikasan.

   Noon bang isang taon, inisip kaya natin na kaya nating gawin ito? Sa ngayon, tinutupad na natin ang ating mga pangako. Bukas makalawa, katotohanan na ang lahat ng ating mga pinangarap.

   Marami pa pong malikhaing konsepto na inilalapit sa atin, at ang atin pong ipinatupad na. May mosquito trap na pinapatay ang mga kiti-kiti ng lamok, na siguro naman po ay may kinalaman sa halos labing-apat na porsiyentong pagbaba ng insidente ng dengue; may hibla ng niyog na itatapon na sana, pero puwede palang murang solusyon sa mga daanang madaling mabitak; may landslide sensor na magbababala kung tumaas na ang panganib na gumuho ang lupa; may mga kagamitang magbibigay ng senyales kung malapit nang umapaw ang tubig sa mga ilog. Lahat po nito, gawa ng Pilipino.

   Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang pagkakaroon natin ng monorail system, para tugunan ang problema sa pangmalawakang transportasyon. Sa malikhaing pag-iisip ng kapwa Pilipino, may pag-asa pala tayong magtayo ng light rail system nang hindi hihigit sa 100 million pesos ang gagastusin kada kilometro. Sa matitipid na pondo, mas mahabang kilometro ng riles ang mailalatag at makaka-abot sa mga lugar na malayo sa sentro ng komersyo. Ang mga dating sumisiksik sa siyudad para maghanap ng trabaho, maaari nang tumira sa madyo mas malayo, nang hindi pahirapan ang biyahe.

   Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay galing sa kapwa natin Pilipino, para sa Pilipinas. Naaalala po ba ninyo ang panahon kung kailan ni hindi man lang maabot ng mga pangarap natin ang ganitong mga proyekto? Ngayon, sinasabi ko po sa inyo: pinapangarap natin ito, kaya natin ito, gagawin natin ito. Hindi ba tayo nagagalak, Pilipino tayong nabubuhay sa mga panahong ito?

   Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana nating lilimutin: masasayang lang ang lahat ng ating narating kung hindi tuluyang maiwawaksi ang kultura ng korupsyon na dinatnan natin.

   Sa mga kapwa ko empleyado ng sambayanan, mula sa tuktok hanggang sa bawat sulok ng burukrasya: Di po ba’t napakarangal na ngayon ang magtrabaho sa gobyerno? Di po ba’t ngayon, sa halip na ikahiya, gusto mo pang isuot kung minsan ang iyong ID kung sumasakay ka ng bus o jeep papasok sa iyong ahensya? Sasayangin po ba natin ang karangalang kaloob sa atin ng sambayanan?

    Iyan din po ang aking panawagan sa ating Local Government Units. Kabilang po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang pinaka-nakakaalam sa pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod at munisipyo. Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na kalayaan at kakayahan, kung makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na paraan, at isasaalang-alang ang kapakanan ng buong sambayanan.

   Halimbawa po, may ilang munisipyo na naisipang magbuwis sa mga transmission lines ng kuryente na dadaan sa kanilang mga pook. Magpapasok nga po ng kita sa kanilang lokal na kaban, pero kapalit nito, tataas din ang gastusin ng mas nakararaming Pilipino sa kuryente. Tiwala po akong kaya nating balansehin ang interes ng inyong mga nasasakupan sa interes ng sambayanan.

   Kailangan pong manatiling magkatugma ang ating mga programa, dahil ang ikauunlad ng buong bansa ay manganganak din ng resulta sa inyong mga pook. Wakasan na po sana natin ang agendang nakatuon sa susunod na eleksyon lamang, at ang kaisipang isla-isla tayong maihihiwalay ang sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.

   Tayo-tayo rin po ang dapat magtulungan tungo sa kaunlaran. Malaki ang pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas ukol sa GOCC Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates Extension, Joint Congressional Power Commission Extension, Children and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night Workers, at marami pa sigurong pasunod.

   Noong isang taon nga po, nagpakitang-gilas ang Kongreso sa pagpasa ng budget bago matapos ang taon. Dahil dito, nasimulan agad ang mga proyekto at hindi na inabot ng tag-ulan. Bukas na bukas po, ihahain na namin sa lehislatura ang budget para sa susunod na taon. Umaasa po ako na muli kayong magpapakitang-gilas, upang tuluyan na nating mapitas ang bunga ng mga naitanim nating pagbabago.

   Maganda na po ang ating nasimulan. Pero mahalaga pong maalala natin: simula pa lang ito. Marami pa tayong gagawin. Hayaan po ninyong ilatag ko sa Kongreso ang ilan sa mga batas na magpapaigting sa pagtupad ng ating mga panata sa bayan.
 
   Layon nating bigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga biktima ng Martial Law; ang pagkakaloob ng makatarungang pasahod at benepisyo para sa mga kasambahay; at ang pagpapatupad ng isang mas maayos na sistema ng pensyon para sa atin pong mga kawal. Sinusuportahan din natin ang pagpapalawak ng sakop ng scholarship na ipinagkakaloob ng DOST sa mahuhusay ngunit kapuspalad na mag-aaral; ang pagtataguyod ng pinaigting na pangkalahatang kalusugan; at ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa mga pasilidad na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng sakuna.

   Kabilang din po sa ating agenda ang pagpapalakas ng BuCor, ng NBI, ng NEA, at pati na rin po ng PTV 4, upang sa halip na mapag-iwanan ng kaalaman at panahon, mas maayos nilang magagampanan ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa publiko.

   Hindi ko po nailagay ang lahat ng gustong magpasali ng kanilang adbokasiya dito po sa SONA. Pero kumpleto po ang detalye sa budget at budget message. Sa mga interesado po, pakibasa na lang detalye doon.
May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama, at ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang dapat ako ang namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.

   Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks lang”; hindi puwedeng “wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na kung puwede, uulitin ninyo ang ginawa ninyo.

   Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin—pero hindi na po magpapakahaba doon, bigyan ko na lang kayo ng isang halimbawa. Sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa ng kape. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po kayo?
Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan. Inaasahan ko nga po na sa taon na ito, masasampahan na ng kaso ang maraming nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng situwasyong ating inabutan. Tapos na rin po ang panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin.

   Tutok po tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos sa pagsasakdal kung hindi sa pagkukulong ng maysala. Buo ang kumpiyansa ko na tinutupad ng Department of Justice ang malaki nilang bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling, graft and corruption, at extrajudicial killings.

   Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuti ring resulta. Isipin po ninyo: naipatupad natin ang mga ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at nakapaglaan pa ng sapat na pondo para sa mga proyekto nang hindi kinailangang magtaas ng buwis.

   Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin na patas ang laban; itigil ang panlalamang ng mga makapangyarihan; at tiyakin na ang dating sistema kung saan nakikinabang ang iilan ay magiging bukal ng oportunidad para sa lahat.

   Tinutuldukan na po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng kumpiyansa na magdadala ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan: Imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho, at serbisyong panlipunan na sisigurong walang mapag-iiwanan. Bubukas ang marami pang pintuang pangkabuhayan sa pamamagitan ng turismo; sisiguruhing hindi magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng agrikultura. Ang mga dating kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang kinabukasan.
Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak na may pupuno sa mga nalilikhang trabaho, at may mga konsumer na lalong magpapalago sa mga negosyo.

   Batid ko po na hanggang ngayon ay may kakaunti pang nagrereklamo sa ating estilo ng pamamahala. Nakita po ninyo ang aming estilo, at ang kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo ang estilo nila, at kung saan tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang mata, maliwanag kung saan ang tama.

   Ngayong tayo na ang nagtitimon sa gobyerno, malinaw ang direksyong tinatahak ng ating bayan. Isang bansa kung saan ang pagkakataon ay abot-kamay; kung saan ang mga nangangailangan ay sinasaklolohan; kung saan may saysay ang bawat patak ng pawis, bawat sandali ng pagtitiis, at bawat butil ng hinagpis na dinaanan natin. Kung may gawin kang mabuti, may babalik sa iyong mabuti. At kung may gawin kang masama, tiyak na mananagot ka.

   Naaalala ko nga po ang isang ginang na lumapit sa akin noong kampanya; ang babala niya, “Noy, mag-iingat ka, marami kang kinakabangga.”

   Tama po ang sabi niya: Tao pong may agam-agam din ako kung minsan. Pero wala po akong alinlangang tumahak sa tuwid na daan: Buo ang loob ko dahil alam kong nasa likod ko po kayo. Salamat po.

Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakikipagdiyalogo sa atin, katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. Di naman po kami ganoong kalapit ni Cardinal Rosales, pero naniniwala akong ibinuhos niya ang lahat para mabawasan ang hindi pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan. Sa pagkahalal kay Archbishop Palma, tagapagtanggol ng karapatang pantao at kalikasan, lalo pong tumibay ang aking kumpiyansang ugnayan, at hindi bangayan, ang mabubuo sa pagitan ng estado at simbahan.  

   Salamat din po sa ating Gabinete, na walang kinikilalang panahon ng tulog o pahinga, maipatupad lang ang pambansang agenda. Special mention po ang PAGASA, na tunay na ngayong nagbibigay ng maaasahang babala.

   At sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad sa pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: Pinili ninyo ang landas kung saan naaapi ang sambayanan. Pinili naman namin ang landas na ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po kami; nasa mali kayo. Sa inyong magbabalik ng pang-aapi sa sambayan, hindi kayo magtatagumpay.

   Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: kayo ang lumikha ng pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino. Kayo pong mga tsuper na pumapasada pa rin; kayong mga guro at estudyanteng pauwi pa lang mula sa klase; kayong patuloy ang paglikha ng mga obrang nagpapaalab sa apoy ng ating pagka-Pilipino; kayong mga pulis, sundalo, kaminero, at bumbero; kayong mga marangal na magtrabaho, sa Pilipinas man, sa gitnang dagat, o sa ibang bansa; kayong mga tapat na kasama natin sa gobyerno, anumang probinsya o partido; kayong mga Pilipinong nakikinig sa akin ngayon—kayo po ang lumikha ng pagkakataong ito.

   Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na nagtatrabaho para sa inyo. May limang taon pa tayo para siguruhing hindi na tayo babalik sa dating kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong napakaganda na ng resulta ng ating sinimulan.

   Kapag may nakita tayong butas sa sistema, huwag na po tayo magtangkang lumusot. Huwag na nating daanin sa pakiusap ang madadaan sa pagsisikap. Tama na ang unahan, tama na ang tulakan, tama na ang lamangan, dahil lahat naman po tayo ay makakarating sa minimithi nating kinabukasan.

   Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit po ang iba, ang hilig maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan? At napakahirap—parang kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po ba natin noong huling beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?

   Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na po natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang magaganda nating nagawa?

   Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito. Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang walang kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo siya at sabihing, “Salamat po.”
Kung magkasakit ka at makita mo ang nars na nag-aruga sa iyo, sa halip na magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas malaking suweldo, pakisabi rin po, “Salamat po.”

   Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo ang guro mong piniling mamuhunan sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang sariling ginhawa; sabihin mo, “Salamat po”: Tulad ng aking gurong nasa screen ngayon, Salamat po Ginang Escasa.

   Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan sa kalsadang dati ay lubak-lubak (o wala), at ngayon ay puwede nang daanan nang maaliwalas, lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”
Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss na nagtimon sa atin tungo sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon.

   Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.