Pabatid Tanaw

Monday, February 28, 2011

Mga Pagsusulit: Sino ka nga ba?



Tanging sa iyo,

   Marami na akong naisulat tungkol sa mga kaganapan sa ating paligid, kamulatan at mga inspirasyong kapupulutan ng aral, minsan may kalungkutan at may kasayahan. Ngunit sa araw na ito, ay iuukol ko sa natatanging pinakamahalaga sa ating buhay. Mga katanungang bihira natin nabibigyan ng pansin. Kung ating susuriin, naaangkop lamang na ito ay lagi nating isaisip at ipamuhay. Mga katanungan itong magpapakita kung saan nakapaling at nakatuon ang ating pang-unawa:


 

Pagsusulit Tungkol sa Pinakamahalaga sa Buhay

HINDI mo na kailangan pang sagutin ang mga katanungang ito. Basahin lamang, makukuha mo na ang paksa o punto— na napakahalaga sa araw-araw ng ating buhay.

1. Magbigay ng limang pangalan ng pinaka-mayayamang tao sa mundo?

2. Magbigay ng limang pangalan ng mga huling nagwagi ng "Nobel Peace Prize"?

3. Magbigay ng limang pangalan ng mga huling naging "world heavyweight boxing champions"?

4. Sabihin ang limang pangalan ng mga huling nanalo sa "Manila Film Festival's best actors or actresses"?

5. Sabihin ang limang pangalan ng mga huling naging Binibining Pilipinas?

6. Sabihin ang limang pangalan ng mga huling naging kampeon ng "Philippine Basketball Association"?

7. Ilan ang naging Pangulo ng Pilipinas magmula kay Emilio Aguinaldo hanggang sa kasalukuyan?
 

   Hindi mo kaya, ano? Kasi, wala sa ating nakaka-alaala sa "headline-makers" ng kahapon. Hindi sila mga ordinaryo o mga pipitsugin, sila'y mga numero uno sa kani-kanilang piniling larangan. Subalit wala tayong panahon at mga panandalian lamang ito. Dahil napapawi ang pagbubunyi at mga palakpakan. Kumukupas ang medalya at plake. At nakakalimutan ang mga gantimpala at papuri. Inililibing ang mga tropeo at sertipiko kasama ng mga yumaong may-ari nito. 
   Sa loob lamang ng 50 taon, sinuman sa atin ay wala ng makaka-alaala sa mga ito. Gawin pa itong 100 taon, lahat ng ating nasasaksihan sa ngayon ay lilipas na at tuluyang maglalaho. 

Papaano natin ito haharapin? 

Ano ba ang tamang gawin?
 
Paminsang-minsan kailangan nating pigain ang ating isip, sapagkat kapag nakaramdam tayo ng kasakitan, mapipilitan tayong gumising at harapin ang katotohanan.


   Narito pa ang ilang katanungan: Madali itong masasagot ng nakakaraming Pilipino. Dahil ito ang pinili nilang pangunahing libangan.

1. Ano ang ibig sabihin ng mga ito; 
FPJ, FVR, at GMA; PBA at Azkal, sino naman ang mga ito;  Erap, Pambansang Kamao, at si Kabayan?

2. Sino ang tatlong kalog sa "Eat Bulaga"na may initial na T,V, & J?

3. Ano ang pangalan ng anak ni Sharon Cuneta kay Gabby Concepcion?

4. Sino ang kinakasama ni Dolphy bilang kabit sa ngayon?

5. Ano ang pangalan ng nanay ni Manny Pacquiao?

6. Sino ang lalaki na pangunahing "host" ng "Willing-Willie"?

7. Sino ang bunsong anak ni Cory Aquino na pasimuno sa malaganap na tsismisan sa telebisyon at pelikula?
  
   Kayang-kaya ba ito? Dahil ito ang laging nilalaman ng mga magasin, pahayagan, radyo at telebisyon sa ating bansa. Malaking porsiyento ng inpormasyon sa atin ay pawang artista, basketbol, at pulitika. Isama na rin natin dito, pati na ang uso ngayong boksing.

Narito pa ang isang pagsusulit:
   Bilang Pilipino, tiyak kong lagi mo itong nahahawakan; ang ating mga salaping papel at mga barya: Malalaman natin dito kung talagang nararapat kang tawaging Pilipino. Sapagkat araw-araw ay hawak mo ang mga ito, laging nasa iyong bulsa mula pa noong bata ka, at magpahanggang ngayon.

Tungkol ito sa ating pera:

1. Sinu-sino ang mga Pangulo sa ating salaping papel?

2. Saang salaping papel makikita ang gusali ng Bangko Sentral?

3. At saan naman ang gusali ng Malacanang?

4. Sino ang tatlong bayani na nasa isang libong salaping papel?

5. Saan makikita ang larawan ng bayaning si Lapu-lapu?

5. Kung si Rizal ang nasa pisong 'coin,' o barya, saang panig siya nakaharap, sa kaliwa o sa kanan?

6. Mayroon pa tayong 25 sentimos na barya sa sirkulasyon, ano ang nakalarawan dito?

7. Saan makikita ang sikat na "Banawe Rice Terraces"? 

8. Saan nakalarawan ang pambansang kalabaw?
 
9. Ano ang halaga ng salapi na may larawan ni Juan Luna?

10. Sa 500 pisong papel, naroon ba ang makinilya na ginamit ni Benigno 'Ninoy' Aquino?

   Ang mga perang ito ang nagpapatakbo sa ating buhay. Lahat ay ito ang pinakahahangad, ang magkaroon ng yaman. Karampatan lamang na nalalaman natin kung ano ang ating hinahawakan. Sapagkat ganito din ang ating gagawing pakikitungo sa marami nating pakikipag-relasyon at mga tungkulin sa buhay. Kapag pawang "bahala na" at pagsulyap lamang ay ganoon din ang kapalaran na darating sa atin. 
   Kapag ang salapi ay hindi natin tinitigan o iningatan at minahal, hindi madaragdagan at uunlad ang ating kabuhayan. Kung papaano ang ating pagturing, ganoon di ang ating makakamtan. Makikita sa ating mga gawi at pamumuhay kung saan tayo nakasulyap at kung anong mga bagay ang higit na nagpapasaya sa atin. Dahil ito ang ating ginagawa sa araw-araw. At ang mga ito ang lumilikha ng ating kalagayan sa buhay.

Ito ang katotohanang bumabalot sa ating pagkatao. Mapait man, kailangan nating harapin at itama upang magkaroon ng pagbabago at magtagumpay.
 
Narito ang isa pang pagsusulit. Magbalik-tanaw lamang kung maipapasa mo ito. Sapagkat dito nakasalalay kung ano ang kinalabasan, o narating mo sa iyong buhay. 

Tandaan lamang, "Banggitin mo sa akin, kung sino ang mga kaibigan mo at malalaman ko --- kung sino ka."

1. Maglista ng limang guro na tumulong sa iyo sa paglalakbay mo sa edukasyon, noong ikaw ay nag-aaral pa.

2. Maglista ng limang kaibigang tumulong sa iyo sa panahon ng kagipitan.

3. Maglista ng limang tao na may naituro sa iyong kapaki-pakinabang at siya mong ipinamumuhay.

4. Isipin ang limang tao na pinaramdam kang espesyal at may mabuting pakikitungo sa iyo.

5. Isipin ang limang tao na masayang kasama sa tuwi-tuwina, kapag kayo ay nagkakatipun-tipon.

6. Isipin ang limang bayani na nakapagbigay ng inspirasyon sa iyo.

7. Kapag dumating ang takdang sandali at ito na ang iyong huling araw sa daigdig, sino ang mga nais mong makapiling?
 
Matapos ito, ano ang iyong nadama, inisip, at nauunawaan?

May bagay bang gumising sa iyo? 


   O, di ba madali? Isa lamang itong Aral na Panggising: (Upang hindi tayo makalimot)

    Ang mga tao ang pinakamahalaga sa atin at hindi yaong mga maraming titulo, panalo, karangyaan o salapi. Manapa'y ang mga taong nagmamalasakit at gumagabay para marating natin ang tagumpay. 
    Sila ang naging tuntungan mo sa iyong kinalalagyan sa ngayon. Kasama na rito ang mga taong laging nakasubaybay, gumagalang, nagmamahal, at nagbubunyi para sa iyo. 
    Sila ang laging nasa iyong tabi sa panahon ng iyong karamdaman at mga kapighatian sa buhay. Anuman ang mangyari sa iyo, sila ang kauna-unahang tumutulong at kumakandili para sa iyong kapakanan. Nararapat lamang na tumbasan natin sila ng ibayong pansin hanggat hindi pa huli ang lahat.
   Ito ang katotohanan. Maliban dito, ay pawang komentaryo na lamang.


 Lungsod ng Balanga, Bataan
wagasmalaya.blogspot.com

Kawikaan 401: Patnubay sa Buhay


Tinipon at Isinaayos ni Jesse N. Guevara              wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

   Naritong muli ang isa pang lupon ng mga Pambihirang Kawikaan at patutsaba upang bigyan kayo ng panibagong lakas at pananaw sa magiting na pagkikibaka sa buhay. Pinatutunayan nito ang pagkakaroon ng malayang paglilimi at kaisipang kailangan natin sa tagumpay.

401- Ang una at pinakamahalaga sa lahat ng kayamanan, ay ang kalusugan.

402- Huwag hayaan na ang mga bagay na hindi mo magagawa ay makagambala sa mga bagay na kaya mong magawa.

403- Lahat ng paninisi ay pag-aaksaya ng panahon. Anumang kasalanan ang hinahanap mo sa iba, at gaano man katinding kamalian ang isisi mo dito, hindi pa rin mababago nito ang iyong pagkatao.

404- Huwag humanap ng kamalian, ang hanapin ay ang kalutasan.
 
405- Ang pinakamalaking mga bagay na nagawa sa daigdig ay sinimulan mula sa maliit, unti-unti, palaki nang palaki hanggang sa ito ay ganap na matapos.

Para sa iyo ---
406- Saliksikin ang bawat araw. Inihandog ito sa iyo upang pagyamanin.

407- Kapag inihalintulad ang sarili mo sa iba, pawang panggipuspos at kapighatian ang sasaiyo. Sapagkat laging may nakakahigit at nakakababa kaysa sa iyo.

408- Tamasahin ang nasa iyo habang patuloy ang hangarin mong makamtan pa ang iba.

409- Bawat bata ay makasining, dangan nga lamang kung papaano ito pananatilihin hanggang sa kanyang paglaki.

--sa mga kabutihan mo sa akin.

410- Ang makata ay isang tao na naglagay ng hagdanan patungo sa bituin. At habang umaakyat siya ay tumutugtog sa biyolin.

411- Dalawang aso ang nag-away sa kapirasong buto, nang malingat ay itinakbo ito ng pangatlong aso.

412- Ibahagi anuman ang iyong nakamtan. Maliit o malaki man ito, ay mahalaga sa nangangailangan.

413- Maging masaya sa bawat sandali, ito ang magpapaligaya sa iyo sa habang buhay.

414- Kung wala kang panahon na magawa itong tama, kailan ka magkakaroon ng panahon na muling itama ito? Ngayon? Bukas? Balang araw? Mamili ka, alinman dito ay masusunod.


Humalakhak ---

415- Kung maaari sana, huwag turuang kumanta ang mga baboy, pag-aaksaya ito ng panahon at ikinaiinis ng mga baboy.

416- Ang pumipigil lamang na maisakatuparan ang kinabukasan ay ang ating mga pag-aalinlangan sa araw na ito.

 417- Maging ikaw nang lahat na nasa iyo, at ipagbunyi ito.
 
418- Pakiusap: Huwag pagbawalan ang mga kaaway habang sila'y abala sa paggawa ng kamalian.

--at sila'y hahalakhak din. . .


419- Ang pagkakaiba sa pagitan ng hindi mangyayari at mangyayari ay nasusukat sa matinding hangarin.

420- Natutuhan ko; na ang pinakamalaking bahagi ng ating kapighatian o kalungkutan ay hindi nasasaklaw ng mga pangyayari, bagkus ito'y bunga ng ating mga naging kapasiyahan.

421- Maraming taon na hindi ko kinakausap ang aking asawa, ayaw ko kasing sumagot habang siya ay nagsasalita.
 
422-Walang buhay na naaaksaya, kahit na masamang damo ay nagagawang pataba.


423- Sa alaga kong aso, ako ay hari. Kaya nga pinili ko ang aso kaysa maraming kaibigan.

424- Ang kuwago, bagama't panggabing ibon, ay nangangailangan pa rin ng liwanag sa kanyang paningin.

425- Upang maging maingat, tinatanggap ko lamang ang isang uri ng kapangyarihan; ang kapangyarihan ng sining kaysa basurang panoorin, at tagumpay ng imahinasyon kaysa paggamit ng dahas.

426- Siya na napapangiti sa panahon ng krisis ay may nakahandang iba na sisisihin.

427- Ang mga aso ay maraming kaibigan, sapagkat ang buntot nila ang malikot hindi ang dila.

428- Alam kong nakamit ko na ang kawagasan ng disenyo, hindi sa wala na akong maidadagdag pa, at ito'y kapag wala na akong babawasin, aalisin, o tatakpan pa dito.

429- Sa buhay na ito ay walang mga gantimpala o kaparusahan man, bagkus mga kinalabasan lamang ng ating mga naging kapasiyahan.

430- Huwag laging binabanggit ang "Hindi ko inaasahan ito!" Ang buhay ay laging ibinibigay sa iyo katulad ng anumang inaasahan mo sa kanya . . . Palagi ito.

431- Anuman ang nakuha mo sa iyong pinaroonan ay hindi higit na mahalaga; kaysa kung anong magaganap sa iyong pagkatao, kapag narating mo ito.

432- Sa pagragasa ng tubig at paghaplit sa bato; ang tubig ang siyang laging nananalo --- hindi ang matibay at malakas, bagkus ang walang humpay na pagdaloy.


Alay ko sa iyo ---
433- Gawin ang iyong bahay na maging tahanan. At punuin ito ng pag-ibig na walang pagmamaliw.

434- Inaasam-asam kong makatapos ng isang dakila at marangal na tungkulin, subalit pangunahin kong katungkulan ang unahing matapos ang maliliit na mga bagay na itinuturing kong dakila at marangal.

435-Tuklasin ang kapangyarihan ng imahinasyon, at iwasan ang maging bihasa sa maraming bagay. 

--sapagkat ikaw ang buhay ko. 

436- Ang kasiglahan ang nagpapahiwatig ng pagkakaiba sa pagitan ng katamtaman at kaganapan.
                                           
437- Pakantandaan, walang alinmang bagay maging ito ma’y katiting na kagandahan ng loob. Bawat pagkilos ay lumilikha; tulad ng paglabusaw ng tubig, lahat ng maalunan nito ay nababago.

438- Ang unang hakbang na ito ---sa pagpili ng lunggati at hangaring magtagumpay ---ay siyang nagpapabago sa lahat ng bagay.

439- Kung may katotohanan na ang paglangoy ay maganda sa katawan, papaano ang nangyari sa balyena?

440- Ang lihim kung papaano magsisimula ay ang basagin ang kabubuan, malalaking tungkulin sa maliliit at makakayang gawin, at simulan kaagad ang pinakauna.

441- Tamasahin ang iyong mga tagumpay, lalo na ang iyong mga balakin.

442- Sana ay maging tunay ako, gaya ng iniisip ng aking alagang aso sa akin.

443- Humayo na mahinahon sa gitna ng kaingayan at pagmamadali, at pakatandaan; ang maging mayapa ay nasa katahimikan.

444- Nais mong maging maligaya? Magsagawa ng lunggati na mangingibabaw sa iyong kaisipan, magpapasigla sa iyong lakas, at magbibigay ng inspirasyon sa iyong pag-asa.

445- Lahat ng tao ay nagiging masaya kapag isinaisip nila itong mangyayari.

446- Upang mapagtagumpayan ang mga dakilang gawain, hindi lamang tayo dapat kumilos, manapa'y ang mangarap, at hindi lamang ang magbalak, bagkus ang maniwala.

447- Magagawa mong mapunit ang tambol, at paluwagin ang kuwerdas ng gitara, subalit hindi mo mapipigilan ang pag-awit ng malayang ibon.

448- Talaga namang pangit ako. Noong ako'y ipanganak; sa halip na ako ang paluin, ang nanay ko ang pinalo ng doktor.

449- Kapag nagawa mo nang pagkatiwalaan ang iyong sarili, matututuhan mo na kung papaano mabuhay.


 Gagawin ko ito ---
 450- Mahalin at kahiligan ang iyong gawain; ito ma’y karaniwan, ay tanging sa iyo sa pabago-bagong kasaganaan at kasalatan ng panahon.

451- Ang tao na gumagawa na gamit ang kamay, ay manggagawa; ang gumagawa na gamit ang kamay at kalakip ang isip, ay manlilikha ng maraming bagay; at yaong gamit ang kamay, kalakip ang isip, at may kasiglahang ng puso, ay alagad ng sining.

452- Kapag nakarinig ka ng tinig mula sa iyong sarili na nagsasabing "hindi ka makapagpipinta," anumang mangyari ay magpinta ka, at ang tinig na ito ay patatahimikin.

--dahil nais kong magtagumpay at lumigaya.


453- Ang inaalaala ko lamang sa kuting, kapag ito'y lumaki na at maging pusa.

454- Talos natin na ang sining ay hindi katotohanan. Ito ay isang kasinungalingan na nagagawang matanggap natin ang katotohanan.

454- Isaalang-alang na huwag magkunwari sa pagtatangi. Lalo na ang maging mapaghinala tungkol sa pag-ibig. Sapagkat sa kabila ng tigang nito at di-pagkagiliw, ito ay nagpapatuloy tulad ng damo.

455- Ang pagsasama ni Adan at Eba ay huwaran. Hindi nagselos si Eba sa ibang babae at nakisama sa biyenan. Samantalang si Adan ay hindi naranasan ang ipantay sa ibang lalake, at laging magtungo sa mga tindahan upang mamili ng iba't-ibang regalo sa ibat-ibang pagdiriwang.

456- Ang tumatahol na aso ay hindi nangangagat.

457- Maging maingat sa pag-aasikaso ng iyong pangangalakal, sa dahilang ang daigdig
         ay nababalot ng pandaraya. Subalit huwag pahintulutan na ang iyong paninindigan
         ay bulagin nito.

458- Sakali man na kakaway ka, lahat ng daliri mo'y isama.

459- Ihinto ang pagharap sa buhay na laging batbat ng pagkaawa at paninisi sa sarili, maging ang pagtanggap sa lahat ng kamalian. Hindi tayo likas na masama tulad ng ating iniisip.

460- Kailanman ang hiwalayan, pag-aaway, at pagtatalo ay hindi malulutas ang iyong mga suliranin;
          Mabuti pang subukan ang umunawa, nakabukas ang puso, at maalab ang hangarin na 
          magkasundo.

461- May mga panahong nais mong matapos na ang isang relasyon, datapwat huwag tapusin kailanman ang makipagrelasyon.

462- Iwaksi ang kapalaluan; kalimita’y kamalian ito, bagkus lumikha ng hangganan at pigilan ang maging malapit.

463- Kung sa akala mo'y walang magagawa ang maliliit, subukan mong matulog sa isang silid na maraming lamok.

464- Panatilihin ang bata na nasa iyo ay laging buhay, tumatawa, masigla at naglalaro.


 Hindi ako tumitingin ---
465- Pahalagahan ang sarili. Ang mga taong nagpapahalaga lamang sa pamahiran ng paa sa may pintuan ay yaong may maruruming sapatos.

466- Lumikha ng hardin, tamnan at payabungin. Palalawigin nito ang mga taon sa iyong buhay.

467- Sa paningin ng pusa, lahat nang makita nito ay kanya.

 468- Gaano man ang katapangan ng usa, natatakot ito sa gutom na leon.

--tumititig ako . . .

469- Libu-libong matatalino ang nabubuhay at namamatay nang hindi natutuklasan --- dahil sa kapabayaan nila o pag-iwas sa kanila.

470- Ang lahat ng likhang sining ay pamana; sa talaba, ang perlas ang kanyang pamana.

471- Ang magaling na tao ay banayad sa kanyang pananalita, subalit maliksi sa kanyang mga pagkilos.

472- Biskasin ang katotohanan ng tahimik at malinaw; at makinig sa iba, maging sa mapurol
          at mangmang; sila man ay may sariling salaysay.

473- Gumawa ng kabutihan nang walang hinihintay na gantimpala; ligtas sa inaalaala, at isang araw may isang makakagawa din nito para sa iyo.

474- Masuyong tanggapin ang pangaral ng mga taon, at mapitagang ipagkaloob ang mga bagay ng kabataan.

475- Hanggat maaari, walang pag-aalinlangan o pagsuko man, makipagmabutihan sa lahat ng tao.

476- Ang panahon lamang na nawawalan ako ng pag-asa ay kapag naiisip ko ang lahat ng bagay na nais kong magawa at sa kakarampot na nakalaang panahon upang magawa ko ang mga ito.

477- Siya na huling tumawa, ay maaaring hindi naunawaan ang patawa.

478- Kinalulugdan kong higit ang taong may isang ideya na nagawa niya,  kaysa sa taong may maraming ideya na walang isa man na nagawa. 

479- Ang tunay na alagad ng sining ay yaong ginagawang libangan o pagdiriwang ang kanilang gawain. 


Humarap sa salamin ---
481- Kailanma’y huwag humingi ng paumanhin kung nagpapahayag ka ng iyong damdamin. Dahil kapag ginawa mo ito, ipinagpapaumanhin mo ang katotohanan.

482- Ang mga tao ay makakagawa ng pamayanan, subalit ang mga institusyon lamang ang makakagawa ng isang bansa.

483- Ang pangunahing tatlong bagay upang magtagumpay ay mabuting pang-unawa, ibayong paggawa, at matinding pagtitiyaga.


484- Hangga’t talos ng tao ang kanyang nagawa, nag-iibayo ang kanyang kabatiran  kung anong dapat na gawin para dito.

  --at alamin kung may nagbago sa iyo.


485- Ang pinakadakilang kabutihan na magagawa mo sa isang tao ay hindi ang ibahagi mo ang iyong kayamanan, bagkus ang ipabatid mo sa kanya ang kanyang pagkatao.

486- Maraming tao ang nagpapakasakit sa matayog na mga pangarap; at alinman, saanman, at kailanman, --- ang buhay ay kinapapalooban ng mga kabayanihan.

487- Lagi kong napapansin na ang mga bagay na hindi ko binanggit, kailanma’y hindi nakapinsala sa akin.

488- Buksan ang mga durungawan, at langhapin ang sariwang hangin. Pinahuhupa nito ang simbuyo ng damdamin.

489- Maglaro tulad ng bata at masayang tumawa. Ito ang susi ng kabataan.

490- Ang nauna ang siyang nakakuha ng talaba, at ang nahuli ang nakakuha ng talukap nito.

491- Huwag tumingin sa mga papuri maliban sa pagnanais na gampanan ang lahat mong makakaya.

492- Banayad na inumin ang tsaa, may angking ligaya ito kapag nalalasahan.

493- Makipagtalastasan nang may paggalang at malumanay na mga salita.


Hindi na muling magbabalik pa ---

494- Iwasan ang maiingay at mararahas na mga tao; sila’y pangsilab at pampagulo sa iyong pagkatao.

495- Ang saging ay panglunas sa tagiyahawat. Kasi, wala pa akong nakitang matsing na may tagiyahawat.

496- Mabuhay na parang mamamatay ka bukas. Mag-aral na parang mabubuhay ka sa habang panahon.

497- Walang tao ng binigyan ng pagpupugay sa kanyang natanggap. Ang pagdakila ay nakakamit bilang gantimpala sa kanyang naibigay.

--pagyamanin natin ito. . .



 498- Ang mga taong matatagumpay at mga nabibigo ay walang gaanong pinagkaiba sa kanilang mga kakayahan. Nagkaiba lamang sila sa kanilang matayog na hangarin na tuklasin ang kanilang kagalingan.

499- Magkaroon ng pusong kailanma’y hindi tumitigas, at paghaplos na kailanma’y hindi nakakasakit, at kalakip ang pagmamahal na kailanma’y hindi napapagod.

500-  Ang hapdi ng paghihiwalay ay walang anuman sa kaligayahang makakamtan kapag nagkitang muli.


 Marami pang kasunod, laging subaybayan.

Ang inyong kabayang Tilaok,
 Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, February 27, 2011

Aling Pag-ibig Pa?


   Ito ang dalisay at kawagasan ng tunay na Pag-ibig;
Kapag nananalig tayo na kahit nag-iisa’y magagawa nating umibig,
Na kahit sino kailanma’y walang nakapanaig ng higit pa sa pag-ibig na ito,
At walang sinuman magpakailanman na makaiibig katulad ng pag-ibig na ito,
. . . Buong puso, kaisipan, at kaluluwa ay nahahandang magpakasakit,
       magparaya, at mag-alay ng sariling buhay, wala na nga na hihigit pa,
  Ang umibig nang walang pag-aalinlangan at hangganan,
Aling pag-ibig pa kaya? Wala na nga. Wala.

 

Panitikang Pilipino


   Ang Panitikan ay bahagi ng ating kultura na nagpasalin-salin mula sa ating mga ninuno hanggang sa kasalukuyang henerasyon. Kinagigiliwan itong paksa sa ating mga pag-uugnay at talakayan. Hitik ito sa mga makabuluhang pananaw sa buhay, lipunan, pananampalataya, panunungkulan, pagkakaisa, at higit pa rito ang tungkol sa pag-ibig at kabutihang asal na katutubong Pilipino. Maituturing na mapagbiro, talusaling, salawahan, panibughuin, tampuhin, ngunit wagas at dalisay.
   Lahat ng ito'y napapaloob sa ating Balangkas. Ang kabatiran nito'y nagpapakilala sa tunay nating katauhan; mga katangian, pilosopiya, pamumuhay, at mga pakikipagkapwa bilang mga tunay na Pilipino.

Magbugtungan Tayo



  Balikan natin ang ating mga larong palaisipan, sadyang nakakawili at magandang libangan. Nabibigyan pa ng makabayang pagtanaw ang ating mga katutubong kaugalian. Bilang mga tunay na Pilipino, makibahagi tayo sa natatanging tradisyon ng ating Diwang Kayumanggi, na may busilak at wagas na puso; sadyang mapagmahal, nagmamalasakit, at ipinagmamalaki ang sariling lahi --- sa isip, sa salita, at mga gawa.

Friday, February 25, 2011

Mapaklang Patama

Tungkol sa mga Bahagi ng Katawan

Naritong muli ang ilang parunggit na pinatatamaan ang sangkot na bahagi ng katawan. Ang hindi naaayon at pangkaraniwang paggamit nito ay pinatawan ng mapaklang kahulugan.
1- Bulaklak ng dila -mapagdagdag at mapalabok ang
                                  salita, paligoy-ligoy at hindi totoo

2- Daga sa dibdib – laging kinakabahan, matatakutin,
                                 duwag sa labanan at katotohanan

3- Dalawa ang mukha –hindi tapat, kabilanin,
                             balimbing, mapagkunwari

4- Makati ang dila –madaldal, mahilig sa tsismis,
                                  mapanira ng kapwa

5- Malikot ang kamay –nangungumit, magnanakaw,
                                 hindi mapagkakatiwalaan

6- Matigas ang leeg –palalo, mapagmataas, mayabang, hindi namamansin

7- Manipis ang mukha – mahiyain, maramdamin, ayaw na pinupuna at pinipintasan

8- Makapal ang palad – manggagawa, gamit ay sariling lakas at kamay sa gawain

9- Madilim ng mukha – may alalahanin, binabagabag, nag-aalaala sa masamang mangyayari

10- Taingang kawali – mistulang bingi, walang naririnig, kunwari’y nakatulala

11- Matigas ang ulo – mapilit kahit mali, hindi mapapakiusapan, ayaw makinig

12- Mahaba ang paa –mahilig sa galaan o lakwatsa, panay ang lakad na walang katuturan

13- Matulis ang nguso –palasumbong, mapagkanulo, mapagparatang, mapagturo ng kasama

14- Salubong ang kilay –mahirap kausapin, bugnutin, mainisin, magagalitin anumang sandali

15- Matigas ang katawan –tamad, hindi matulungin, palaasa, pasanin


Maraming pang kasunod na patama sa mga pag-uugali.
Subaybayan . . .

Tuesday, February 22, 2011

Mga Bugtong


Isang larong palaisipan na isinusulat o binibigkas at nangangailangan ng mataman na pag-iisip.

Tungkol sa mga Gulay

1- Gabinlid nang aking ihulog, higit sangdangkal nang aking mabunot.

2- Maparas sa lasa at sahog sa salabat, ito'y gamot kapag namamalat.

3- Sanga-sanga, buko-buko, nagbulaklak di naman nagkabuko, nagkalaman wala namang buto.

4- Walang buto o binhi, sa nabubulok na halaman ay kuyog kung magsulputan.

5- Hindi naman tao o hayop ito, subalit may mahabang buhok sa dulo nito.

6- Magsasaing si Hudas; nang maglamas ay kinuha ang hugas, itinapon ang bigas.

7- Kahit na masikip at maraming siit, doon siya laging gumigitgit.

8- Kulay ubi at may makintab na mukha, kawangis ay batuta.

9- Balat ay kulubot at mapait ang lasa, matamis na pakwan ang kalahi niya.

10- Mailap na manok sa gubat, pagsayad sa dila ay magliliyab.

11- Panali na lulubog-lilitaw, laging sinisita ni Islaw.

12- Pula man o puti; kapag aking hihiwain, tiyak ako'y paluluhain.

13- Isda ko sa Mariveles, nasa loob ang kaliskis.

14- Luntian kung hilaw at pulahan kung hinog, sa ginisa'y laging isinasahog.

15- Ang ina ay gumagapang pa, ngunit ang anak ay nakaupo na.

Mga Sagot: 1. Labanos,  2. Luya, 3. Kamote,  4. Kabuti o kuwat,  5. Sariwang mais,
                     6. Gata ng niyog,  7. Labong,  8. Talong,  9. Ampalaya,  10. Siling-labuyo,  11. Sitaw,
                     12. Sibuyas,  13. Sili,  14. Kamatis,  15. Kalabasa

May karugtong na Mga Bugtong;  
Tungkol sa bulaklak, kagamitan, hanapbuhay o gawain,
mga bahagi ng katawan, tirahan, mga iba’t-ibang bagay, atbp.



Monday, February 21, 2011

Liham ng Paalam


Tanging sa iyo aking anak,
    Hindi na magtatagal pa ang aking buhay. Bilang na ang mga araw na ilalagi ko sa mundong ito. Ayon sa mga doktor na sumuri sa akin, mapalad na ang umabot pa ako ng isang buwan.
   Kahit sa kalagayang kong ito, lubos akong nagpapasalamat sa Dakilang Lumikha at pinagkalooban pa Niyang lumawig kahit panandalian man lamang, na maging makabuluhan ang natitira ko pang panahon. Bagamat nalilito pa rin ako kung ano ang aking uunahin sa mga mahahalagang sandali, hindi ko ganap na mailalarawan ang pinakamahalaga sa lahat. Bawat sandali ay sadyang katangitangi. Lahat ay nangangailangan ng masusing atensiyon. Hindi na tulad pa nang dati, ang maaksaya sa walang katuturang mga bagay. Higit sa lahat ngayon, ang tangi kong relasyon sa aking mga mahal sa buhay. Napaglimi ko na kailangan kong makapiling kayo sa bawat sandali sa nalalabi ko pang mga araw.
  Wala nang halaga sa akin ang anumang yaman, bahay, alahas, materyal na bagay, mga papuri o anumang kalayawan. Lahat ng ito’y palamuti na lamang at ganap nang walang katuturan. Wala akong madadala, kahit pa isang hibla ng aking buhok. Maging ang aking hiram na katawan ay aking iiwanan, hanggang sa ito ay maging ganap na abo lamang. Ito ang mapait na katotohanan na kalilangan kong tanggapin.
   Kung bibigyan ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon at madurugtungan ang aking buhay, pipilitin kong mabago ang lahat; ang mga kaparaanan tungo sa makatao at huwarang pamumuhay ay aking isasagawa. Sisikapin kong maging mapagmahal, palakaibigan, matulungin at tagapagtaguyod ng katotohanan. Hindi ako magmamalabis at gagawa ng kalapastanganan o pananakit sa aking kapwa. Hindi ako gagamit ng ibat-ibang maskara o panlabas na anyo sa pakikisalamuha upang ikubli ang tunay kong saloobin. Bukas sa lahat ang aking puso at walang nakatago. Taas-noo kong haharapin anumang paghamon sa ikauunlad ng lahat, mangahulugan man ito ng aking pag-iisa.  Kahit na matagumpay ako sa aking mga gawain, karaniwan lamang ang aking gagawing pamumuhay. Kailanman, hindi ko ilalagay sa kapahamakan o maging sa kahihiyan man ang aking pagkatao. Itutuon ko ang aking buong buhay sa paglilingkod sa kapwa at sa kaluwalhatian ng Dakilang Maykapal.
   Marami akong natutuhan sa kalagayang kong ito. Nagising ako sa katotohanan na lahat ay panandalian lamang. Ang hangarin na maakyat ang bundok o tagumpay upang makamtan ang kaligayahan ay pawang hahantong lamang sa kabiguan. Dahil, may panibago na namang pagsubok na naghihintay, muli't-muli, wala itong katapusan. Magagawa mo habang umaakyat ng bundok ay maging maligaya ka na, kung ito'y iyong pahihintulutan. Kahit nasaan ka man, nasa iyong pagsusuri sa sarili, hindi mula sa iba o sa kapaligiran ang minimithi mong kaligayahan.
   Habang malinaw pa ang aking mga mata, itutuon ko ito sa magagandang tanawin at mga mahahalagang panoorin. Hanggat nalalasap ko ang sarap ng pagkain, titikman ko ang ibat-ibang putahe na angkop sa aking kalusugan. Kung ang tuhod ko nama'y kaya pang ilakad, pupuntahan ko ang mga pambihirang pook upang aliwin ang aking sarili. Sakaling may pang-amoy pa ako, lahat ng mga bulaklak sa aking daraanan ay aking taimtim na sasamyuin. Kapag buo pa ang aking pandinig, bibigyan ko ng pansin ang mga kundiman at tumatagos sa pusong mga musika at awitin. Sa mga pagtigil o paghihintay na mga sandali, babasahin ko ang mga dakilang aklat na nakaligtaan ko noong ako ay abala sa maraming bagay. Paliligayahin ko ang aking sarili sa tuwi-tuwina, sapagkat kapag ako'y maligaya,  magagawa kong magpaligaya ng iba, at higit sa lahat, ang kaligayahan ng aking pamilya.
   Sasamantalahin ko ang lahat ng pagkakataon na ipagkakaloob sa akin upang ibayong mahalin ang aking mga mahal sa buhay. Lantaran kong bibigkasin ang aking mga nadarama, hindi ang iniisip. Tulad ng pag-aaruga sa hardin ng halamanan, araw-araw ko itong didiligin, payayabungin, at babantayan sa anumang kapahamakan. Yayapusin ko kayo ng mahigpit at ipaparinig ang aking pagmamahal nang walang anumang bahid ng pag-aalinlangan. Tatanggapin ko ng maluwalhati anuman ang inyong pag-uugali. Wala akong karapatang paghimasukan kayo kundi ang aking sarili lamang. Ipapakita ko sa gawa at hindi sa salita ang lahat. Ipapabatid ko na ang pag-ibig ay mahalaga at kinakailangang ipinadarama sa lahat ng sandali. At tanging kaligayahan ninyo ang aking pinakahahangad.  .. . . Bago pa mahuli ang lahat.
 
   Sana, madugtungan pa ang aking buhay. Kahit kaunti man lamang, . . .    kung maaari sana . . .
Ang iyong ama,
Joshua Guevara
 
***
   Isinulat ko ito matapos ang aking paglalakbay galing sa Montreal, Ottawa, at Toronto sa bansang Canada nang nakalipas na taon. Sa nakita at naranasan kong pamumuhay ng ibang pamilya doon, nabatid kong ang tangi at sapat na kaligayahan lamang ay matatamo mula sa sarili tungo sa pamilya, at sa kalauna'y ang pamayanan, hindi kanino pa man. Ito ang pinakamahalaga. 
   
 

Friday, February 18, 2011

Tunay na Kaligayahan


   Papaano ba natin ginugugol ang mga mahahalagang sandali sa ating buhay? Ito ba'y pawang sa paghihinagpis, paghihimutok, at pangungulila nang walang katapusan? Maikli lamang ang nakalaang buhay para sa atin. Hindi makatarungan na ito'y maaksaya sa walang kabuluhang mga bagay, lalo na't magdudulot lamang ng pagka-siphayo at ibayong kapighatian. Nasa ating kapasiyahan kung ano ang makakabuti: Panalo o Talunan? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian? Buhay o Kamatayan? Alinman dito, tanging ikaw ang masusunod.
   Alalahanin lamang; anuman ang isaisip mo, ito ang magaganap sa iyo. Pagindapatin:"Maging masaya sa tuwina, at sa buong buhay mo'y ikaw ay maligaya."

Thursday, February 17, 2011

Si Lagablab

     “Balewala sa akin ‘yan!,” ang pagyayabang na wika ni Palakol. Paulit-ulit niyang binagsakan ng matitinding paghataw ang matigas, at matibay na si Bakal. Subalit hindi man lang natinag o natigatig ito. Hanggang sa mapulpol ang talim ni Palakol at nanlulupaypay ito nang tumigil, humahagok sa pagod na tumalungko na lamang sa isang tabi.

“Pabayaan mo ako, ako na ang bahala diyan,” ang bigkas naman ni Lagari. Sa
dami ng matatalim niyang ngipin, pasulong at pabalik niyang nilagari si Bakal ng walang puknat. Humahapo itong huminto ng mapansin niyan nalagas at napudpod ang lahat ng kanyang mga ngipin. Lulugo-lugo itong tumabi kay Palakol.
   “Sa akin, hindi mangyayari ang ganyan!,” ang sigaw ni Martilyo.  
   “Alam kong wala kayong magagawa anuman ang naisin ninyo kay Bakal. Ako lamang ang makakagupo sa kanya. Ipapakita ko sa inyo,” ang pagmamalaking susog pa ni Martilyo.
   Sa unang paghataw, ibinuhos ni Martilyo ang lahat niyang lakas sa pagpukpok. Nang tumama ito kay Bakal, sa tindi ng pagkayanig ay natanggal ang ulo ni Martilyo.  At si Bakal ay nanatiling walang ipinagbago, pangiti- ngiti pa rin ito tulad nang dati.
   “Maaari bang ako naman?,” ang tanong ni Lagablab. Hindi pa sumasagot sina Palakol, Lagari, at Martilyo ay kaagad na nilukob ni Lagablab ng nag-aalab niyang apoy ang matigas, at matibay na si Bakal. Banayad niyang sinilaban ito ng pautay-utay. Pinalibutan niya ito ng nag-aalimpuyong pagsilab. Patuloy ang walang patumanggang paglalagablab. Unti-unti ang matigas na si Bakal ay nagsimulang maagnas at natunaw.

Paglalarawan: Anumang pagkilos na idinaan sa padalos-dalos na pamamaraan at sinamahan ng kapalaluan ay pawang nauuwi lamang sa kabiguan. Subalit doon sa mapagmasid at may wastong kapasiyahan ay matagumpay. Sa lahat ng larangan; nakakatiyak ka ng tagumpay kung talos mo ang iyong kakayahan at ang mga gagawing hakbang, bago simulan ang gawain. Kapag may plano ka, kalahating bahagi ng iyong gagawin ay natapos na.
Paliwanag: Sa mga tagasubaybay; bagamat sa maikling paglalahad ay mailalarawan ang paksang ito, minabuti na idagdag at padaluyin ang ilang angkop na kataga. Bilang paalaala at manumbalik ang paggamit ng mga ito. Sa ngayon, bihira na itong nagagamit sa araw-araw na panulat at mga pag-uusap.

Tuesday, February 15, 2011

Maanghang na Patama

Ang Patalinghagang Kataga
   Bahagi ito ng ating mga pangungusap na kung saan ang mga kataga ay pinaikli at pinagsama upang magkaroon ng mabilis na pangangahulugan. Matalim, malalim at patalinghaga kung ito'y binabanggit. Sa paggamit nito, madali mong mauunawaan kung ano ang nais tukuyin ng nagsasalita. 
   Kaysa magpaliwanag at magpaligoy-ligoy pa at humaba ang usapan, mag-parunggit lamang, simbilis ng kidlat, sapul at tumbok ang anumang ipinapahiwatig sa talakayan. 
   
Mga Katangiang Hindi Kanaisnais  

  1-Kakaning-itik –walang kakayahan, talunan, patuka, patapong pakain

  2-Kutong-lupa –paslit, walang kamuwangan, kailangang turuan

  3-Buhay-alamang –patapon, pasabit-sabit, palukso-lukso, walang direksiyong pamumuhay

  4-Damong-ligaw –kalabisan, walang paanyaya o pahintulot na sumasali, sumisingit, nakikialam

  5-Asong-siga –pakalat-kalat, laging nasa galaan, sabit, walang tirahan, patapon

  6-Bulang-gugo –palabigay, waldas, magastos, hindi kuripot

  7-Mala-igat –madulas, mabilis tumakas at magtago, hindi mahuli

  8-Isip-lamok –mahina ang pag-iisip, mapurol, tanga, pukpukin

  9-Laki sa duyan –uguyin, madaling utuin, sulsulin, mababaw ang kaligayahan

10- Kapit-tuko –walang bitawan, mahigpit na kapit sa anumang bagay o pangangailangan

11- Ngiting-aso –panunuyang ngiti, paismid na ngisi, hindi sumasang-ayon, napipilitan

12- Lakad-pagong –pautay-utay, mabagal at matagal na paglakad, tila namamasyal

13- Balat-sibuyas –manipis at marupok na pakiramdam, maramdamin, mahiyain

14- Maysa-palos –madulas, mahirap mahuli, laging nawawala

15- Masamang-damo –makasalanan, tampalasan, tulisan, sakit ng ulo

Marami pang kasunod . . . laging sumubaybay.